Iris POV
Tahimik lang ako habang kumakain kami ng tanghalian. Ayos naman sa akin ang nangyari kanina. Hindi ko sila masisisi ngunit kailangan nilang maging patas. Hindi ako papayag na husgahan nila si Samuel dahil sa lahi niya.
"Anak..." tawag ni Ina. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at tinignan na rin si Ama at Eris.
"Ayos lang ako, ina." Sabi ko. "Wala lang akong ganang makipag-usap sa inyo."
"Tungkol pa rin ba ito sa nangyari kanina, anak?" Tanong ni Ama. Umiling naman ako.
"Ayos na sa akin na nanghingi kayo ng tawad, ama."
"Eh, kung ganoon, anong problema, anak?" Tanong ni mama.
"Pasensiya na talaga, ate." Singit ni Eris. "'Di ko naman sinasadya iyon."
"Wala iyon, bunso." Ngumiti ako sa kaniya.
"'Di bale, ate. Babawi po ako." Ngumisi siya.
"'Di na. Ayos na ang ate. Basta, ipangako mo na hindi na mauulit iyon, ha?"
"Opo, ate. Pangako." Nagtaas siya ng palad na parang nanunumpa.
"O ayan. Nakangiti na rin sa wakas si Iris." Tukso ni ama. Ngumisi naman ako.
Naging masigla muli ang tanghaliang iyon. Marami kaming napag-usapan hanggang sa napadpad sa tungkol sa pagtatrabaho ni ina sa Hacienda de Legazpi. Payag naman siya, maging si ama at Eris kaya wala na akong problema doon. Kailangan ko lang makausap si Samuel.
Nasaan na kaya siya? Gusto ko siyang makita ngayon. Gusto kong ipabalita sa kaniya ang tungkol sa pagtatrabaho ni ina sa hacienda nila.
Pagkatapos naming kumain ay lumabas muna ako ng bahay. Naglakad lakad ako kahit saan habang ninanamnam ang haplos ng katamtamang init ng hangin. Hindi ganoon kasakit sa balat ang sinag ng araw dahil natatakpan ito ng ulap. Kulay asul naman ang kalangitan kaya nakakagaan ng loob ang paligid. Samahan pa ng maberdeng palayan na hindi magtatagal ay aanihin na ang mga ito.
Napahinto ako sa paglalakad nang may nahagip akong isang malaking bahay. Iyon na yata ang palasyo ng mga de Legazpi. Naroroon kaya si Samuel?
Naglakad pa ako papunta sa haciendang iyon. Pero bago pa ako makaabot, napahinto ako sa paglalakad nang sumakit ang ulo ko. Bumagsak ang tuhod ko sa lupa kaya naman pumikit ako. At sa sandali pa, isang babaeng nakaputing bestida ang nakita ko sa aking isip.
Umiiyak ang babae. Nagmamakaawa na tulungan ng sinuman. Hindi siya makagalaw dahil maraming kamay ang nakahawak sa kaniya. At may nakita rin ako. Isang babae na nasa edad trenta pataas. Mukha siyang katulong.
"Tama na po!" Sigaw ko. Tinakpan ko ang aking tainga dahil naririnig ko ang halakhak ng mga kalalakihan. Natatakot rin ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
Hindi ko na namamalayang basa na ang mukha ko ng luha. Sinubsob ko ito sa aking kanlungan. Abot langit ang kaba ko. Pakiramdam ko'y ako ang babaeng iyon. Nagmamakaawa. Kawawa at kalunos lunos ang sinapit.
"Ate!" Rinig kong sigaw ni Eris pero 'di ko ito pinansin. Mas nananaig ang boses ng kalalakihan sa aking isip.
"Tama na po! Tama na!" Sigaw ko sa pagmamakaawa. Ramdam na ramdam ko ang malalagkit na laway mula sa aking paa hanggang sa sensitibong parte ng aking pagkatao.
"Ate!" Sigaw ni Eris at hinawakan ang braso ko. Sa sobrang pagkabalisa ko'y tinulak ko siya ng malakas, dahilan para sumalampak siya sa lupa. "Ate..." daing niya.
"Eris?" Mas lalo akong kinabahan. "Patawad, bunso." Sabi ko't tinulungan siyang tumayo. Dumaing muli siya dahil masakit ang kaniyang likod. "Patawad."
"Ano bang nangyayari sa iyo, ate? Bakit ka umiiyak?"
"H-Hindi ko alam, Eris. Natatakot ako. May gumahasa sa akin."
"Ano?" Nag-aabot ang kaniyang hininga na parang kagagaling niya lang tumakbo. "Paano nangyari iyon, ate? Bakit 'di mo sinabi sa amin na nagahasa ka?"
"Hindi." Umiling ako ng maraming beses. "Wala, Eris."
"Anong wala, ate? Hindi kita maintindihan."
"Mas mabuti pang umuwi na tayo, Eris. Nasaan sina nanay at tatay?"
"Nasa bahay pa po. Hindi raw muna sila magtatrabaho."
"Sige. Tara na." Aya ko't pinunasan ang aking mukha.
"Pero paano ka, ate? Ayos ka lang ba? Nagahasa ka ba talaga?"
"Shsh." Nilagay ko ang aking hintuturo sa aking labi saka binaba ang kamay. "Hindi ako sigurado, Eris."
Napakamot siya sa ulo. "Ang gulo mo, ate. Paano nangyari iyon?"
"Basta. Kailangan na nating umuwi. Kailangan nating makausap sina ina at ama."
"Tama 'yan, ate. Dapat lang. Naguguluhan ako sa'yo eh."
"Sige. Tara na." Aya ko't naunang maglakad palayo ng hacienda.
Bakit ganoon? Sino ang babaeng iyon? Bakit pakiramdam ko na ako at ang babae sa aking isip ay iisa?
SAMUEL POV
"Tara na, Samuel! Hindi na ako makakapaghintay pa na makipaglaro sa iyo." Pahayag ni Wesley at sumenyas sa akin na bilisan ko ang aking kilos.
"Sandali, Wesley." Awat ni ina. Nilingon siya ng aking kaibigan at kasabay noon ang paglaho ng kaniyang ngiti sa labi.
"Bakit po, Madame?" Tanong nito at saglit akong tinignan saka bumaling muli kay ina.
Tumayo si Ina at naglakad papunta sa amin.
"Saan kayo pupunta ng aking anak?"
"Hindi niya pa po ba nasabi sa inyo, ina?" Tanong pabalik ni Valeria na kabababa lang mula sa taas.
Pareho namin siyang nilingon. Sa gilid ng aking mata ay nakita ko si ama na napatayo dahil sa kuryosidad.
"Ang alin?" Tanong ni ama. Saglit ko siyang tinignan saka bumaling muli kay Valeria na ngayo'y malawak ang ngiti sa mukha.
"Mamamasyal kami ngayon, ama. Nais naming malibot ang buong kalupaan natin."
"Ngunit," si ina.
"Kahit ngayon lamang, Señora." Singit ni Wesley. "Nangungulila akong makasama ang iyong panganay. Matagal tagal ko na ring hindi siya nakakasalamuha." Ngumiti siya saka bumaling sa akin sabay kindat. Nag-iwas naman ako ng tingin. Hindi ko alam kung magandang ideya ba itong pinapasok ko o hindi. Basta, kailangan ko lang makalabas ng mansyon. Kailangan kong malaman kung sino ang nagmamay-ari ng kwintas na ito. May nililihim sa amin ang kasambahay namin. Hindi siya basta basta mawiwindang kung wala siyang kinalaman dito.
"Pagbigyan mo na, mahal ko." Wika ni Ama kaya nilingon siya ni Ina. "Kahit ngayon lang. Isa pa, mapagkakatiwalaan natin si Wesley. Alam nating hindi niya tayo bibiguin."
"Siyang tunay, Señor." Agap ni Wesley sa gitna ng ngiti. Bumuntong hininga naman si ina na tila suko na sa bangayang ito.
"Sige. Papayag na ako." Deklara ni ina.
"Ayon! Salamat, ina!" Bulalas ni Valeria na mukhang nagagalak.
"Ngunit," awat ni ina. "Sa isang kondisyon."
"Sige lang, ina. Kahit isang milyong kondisyon pa." Biro ni bunso. Tumawa naman kami dahil doon.
"Bago sumapit ang alas singko ng hapon ay kailangang nakabalik na kayo rito."
"Masusunod, Señora de Legazpi." Magalang na sagot ni Wesley.
"Sige, ina. Payag kami diyan." Wika naman ni Valeria.
Bumaling si ina sa akin at binigyan ako ng makahulugang tingin. Tila naghihintay ng kasagutan sa akin sa patuyang paraan.
"M-Masusunod, ina." Tumango ako. May magagawa pa ba ako?
"Mabuti." Tumango rin si ina. "Mabuti nang nagkakaintindihan tayo."
"Opo, Señora." Sagot ni Wesley.
"Mauna na kami, ina. Anong oras na rin. Malawak ang lupain natin kaya hindi kaya ang isang araw upang malibot nga ito." Paliwanag ni bunso.
"Adelante. Mag-ingat kayo."
"Sí, madre. Maraming salamat." Sabi ko. [Opo, mama.]
Matapos naming magpaalam ay sa wakas, nakalabas kami ng hacienda. Tuwang tuwa si Valeria at lubos ang pasasalamat dahil kung hindi dahil kay Wesley, malamang nagmumukmok kami ni Valeria ngayon sa loob ng bahay.
"Ngunit, bakit nga ba gustong gusto ninyong makalabas ng hacienda, Samuel? May problema ba kayo?" Napatanong bigla si Wesley sa gitna ng paglalakbay namin sa gilid ng palayan.
"Wala naman, Hermana Wesley." Si Valeria ang sumagot.
"Kilala kita, Samuel." May halong pagbabanta sa boses ni Wesley. Huminto siya sa paglalakad saka hinarap ako gamit ang dismayado niyang tingin. "Alam ko ang takbo ng utak mo. Hindi mo na kailangang malihim pa dahil mapagkakatiwalaan mo ako. Kaibigan mo ako, Samuel. Hindi maaaring naglilihim ka sa akin."
Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso. Binabagabag bigla ako ng konsensya.
Matagal ko ng kaibigan si Wesley. Mapagkakatiwalaan siya, alam ko iyon. Ngunit, hanggat hindi ako sigurado sa isang bagay, mananatiling lihim ito.
"Wala akong nililihim sa iyo, Wesley. At ikaw na rin ang nagsabi, kaibigan kita. Pinagkakatiwalaan kita ng husto at alam kong hindi mo ako bibiguin, buhay mo man ang magiging kapalit."
"Alam ko iyon, Samuel. Kaya kung may bumabagabag man sa iyong isip, maaari mong sabihin iyon sa akin. Baka makakatulong ako. Hindi iyong sinasarili mo ang problema."
"Saglit lang, ha?" Singit ni Valeria at pumagitna sa amin. Pareho kaming umatras ni Wesley dahil sa ginawa ni bunso.
"Valeria." Saway ko pero 'di niya ako pinakinggan.
"Kasama ako ni hermano, Wes. HINDING hindi ako aalis sa tabi niya." May diin sa kaniyang salita.
"Valeria!" Saway ko pero natatawa. Si Wesley naman ay bumusangot sa amin. "Huwag mo ng intindihin si bunso, Wesley." Sabi ko't pinatabi si Valeria. Muntikan pa siyang matumba dahil sa ginawa ko. "Nagbibiro lang siya."
"Samuel." Naiiyak niyang sambit. Ngumiti naman ako't hinawakan ang magkabilaan niyang braso.
"Kaibigan kita, Wesley. At nagpapasalamat ako dahil lagi kang naririyan para salbahin ako."
Lumandas ang luha sa kaniyang pisngi. Namumula na rin ang kaniyang mata. Pinunasan ko ang kaniyang pisngi gamit ang aking hinlalaki saka siya hinagkan sa noo.
"Tahan na. Huwag mo nalang pansinin si Valeria dahil nagseselos lang siya."
Tumango si Wesley habang nakasimangot. Niyakap ko naman siya para 'di na siya umiyak pa. Ito kasing si Valeria, pakialamera. Ayaw ko namang masira ang pagkakaibigan namin dahil sa kaniya. Mahal ko si Wesley bilang kaibigan at ayaw kong mawala siya sa akin.