CHAPTER 4

1667 Words
Huminto ang traysikel di-kalayuan mula sa pinaka-gate ng Villa Serpentis. Sinadya nitong hindi pumarada sa pinakatapat. Napalingap si Grasya sa driver, nagtatanong ang mga mata. “Manong, ayon pa po ang gate. Bakit dito ka na po huminto?” Napakamot ito sa batok. “Ay, Neng, hanggang dito na lang ako.” “Bakit ho?” “Hindi mo ba narinig ang usap-usapan ng mga tagarito sa atin tungkol sa mga taong nakatira riyan sa loob? Hindi raw nangingiming pumatay ang mga tao riyan.” Napakislot siya. Nanindig ang mga balahibo niya. “Manong naman, huwag mo naman ho akong takutin nang ganiyan.” “Totoo iyan, Neng. Ano ba kasi ang ginagawa mo rito? Kung ako sa iyo ay huwag ka nang tumuloy diyan.” Tinanaw ni Grasya ang Villa Serpentis. Hindi niya rin naman gustong magtungo sa lugar na iyon. Pero ano ba ang magagawa niya? Ang sabi ni Manang Rosa ay nandodoon daw ang ama niya. Dinampot at dinukot. Doon dinala. Napapikit siya nang dumaan sa gunita niya ang imahe ng kanyang ama nang minsang imulat niya ang mga mata mula sa pagkakahimbing noong may sakit siya—mukha itong pagod na pagod. Kung sasabihin ng ama na may sakit ito, maniniwala siya. Una na niyang pinuntahan ang istasyon ng pulisya. Wala nga roon ang ama niya. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa mga ito, subalit nang sinabi niyang posibleng nasa Villa Serpentis ang tatay niya ay pinatahimik agad siya ng mga ito, at sinabing hindi siya matutulungan. Kung sinu-sino na ang nilapitan niya, ngunit tuwing mababanggit ang Villa Serpentis ay umuurong ang mga ito. Umaayaw. Kaya sa huli ay nagdesisyon siyang magpakatatag at mag-isang puntahan ang lugar. Bahala na kung ano ang kahinatnan niya; ang mahalaga ay mailabas niya ang tatay niya mula sa pinagkulungan dito. “Ano ba kasi ang pakay mo sa loob ng villa na iyan?” pang-uusisa sa kanya ng driver ng traysikel. Hindi siya nakakibo. “D-dito na lang ho ako, Manong.” Wala siyang balak na sabihin dito ang rason ng pagparoon niya. “Sigurado ka na ba talaga, Neng? Papasok ka talaga riyan?” Tipid siyang tumango. “O-opo.” May pagpipilian ba siya? Napabuga ito ng hangin. “Di sige, mag-iingat ka na lang, ah?” Nang maibaba siya ay minaniobra na nito paliko ang traysikel at pinasibad na iyon palayo. Sa kabila ng panginginig ng mga tuhod ni Grasya ay sinikap niya pa ring ihakbang ang mga paa patungo sa propiedad na pag-aari ng isang de Crassus. Narating niya ang pinakatapat, at tumanghod sa kanya ang matayog na itim na bakal na gate. Makapal iyon, solido, at mahigpit na nakasarado. Hindi masisilip ang loob. Napahugot ng malalim na paghinga ang dalaga, kabado siya. Ang unang ginawa niya ay ang kumatok sa bakal na gate. Walang tugon. Napahugot siya ng hangin at pinagala ang mga mata. Nahagilap ng paningin niya ang parihabang kahong nakakabit sa matatag na haliging nasa gilid ng gate. Kulay itim iyon at may umiilaw na pulang bilog sa gitna—ang lens ng camera. Iyon marahil ang aparatong ginagamit ng mayayaman para sinuhin ang taong nasa labas. Pinindot niya iyon. “Ano’ng kailangan mo?” Mula sa aparato ay narinig ni Grasya ang magaspang na tinig. Saglit siyang napaigtad at muntik pang mapaatras, pero tinatagan niya ang sarili. “Ahm, ano... k-kailangan ko sanang makausap ang... ang may-ari ng Villa Serpentis,” nauutal niyang wika. “Bakit?” Bakit? Dahil nasa kamay nito ang tatay niya! Pero paano ba niya sasabihin iyon? Wala siyang hawak na matatag na pruweba na nasa poder nga nito ang kanyang ama. Patlang. Napatuwid ang likod niya. “M-mahalaga ang dahilan kaya ako naparito!” giit niya. Hindi na nagsalita ang kausap niya. Pero gumalaw ang solidong bakal. Umawang iyon. Nagtaka siya, at sa loob ng ilang segundo ay nakamata lang siya sa nakabukas na gate. Hindi siya kumikibo. Hindi naglipat-minuto ay may lumabas na unipormadong lalaki. Seryoso ang mukha nito. “Hindi ka ba papasok sa loob?” tanong nito sa kanya, pormal ang tono ng tinig. Kahit halos kumikibot sa takot ang lahat ng sulok ng katawan niya ay nagawa niya pa ring sunud-sunod na tumango. “Papasok po!” bulalas niya, maigting. Tumalikod ang lalaki, pero iniwan nitong nakabukas ang gate, na ibig sabihin ay pinapayagan siyang humakbang sa loob ng villa. Nang masilayan niya ang bistang nagtatago sa likod ng matataas na pader, ay napasinghap siya. Dahil napakaganda ng Villa Serpentis. Napakalawak niyon. May mahabang driveway na sa magkabilang gilid ay nakahilera ang mayayabong na puno. Mula sa kinaroroonan niya, ay kaya na niyang tanawin ang mansiyon. Dalawang palapag iyon at napakalaki ng kabuuang sukat. Palagay niya’y mas malaki pa ang isang kuwarto roon kung ikukumpara sa bahay nila ng tatay niya. “Sumakay ka,” utos sa kanya ng lalaking naka-uniporme. Iminosyon nito ang nakahintong puting club car sa gilid. Tumalima siya. Ang lalaki ang nagmaneho ng club car, at siya ay tahimik lang na nakaupo. Habang binabagtas nila ang mahabang driveway, napapatingala siya sa mga sanga ng matatandang puno na tila nagsasalubong sa gitna, naglilingkisan sa itaas na para bang bumubuo ng isang natural na arko. Pagdating nila sa tapat ng pinakapinto ng mansiyon ay bumaba na siya ng club car. Paglapat palang ng mga paa niya sa semento ay mabilis siyang pinalibutan ng anim na kalalakihan. Nakaitim ang mga ito. May mga nakasuksok na armas sa tagiliran. Marahas siyang napatingin sa lalaking nakaupo sa club car. “Kuya, tulungan mo ako!” ang hinging saklolo niya. Kulang ang sabihing halos atakehin siya sa puso sa sobrang takot at pagkagilalas. Pumalatak lang ang lalaking tinawag niyang 'kuya,' pero hindi ito nag-abalang tulungan siya. Hinuli ng dalawang lalaki ang magkabila niyang braso, at kinaladkad siya papasok ng mansiyon. Mas lalong bumalot ang takot sa kabuuan niya nang mapusyaw na ilaw ang sumalubong sa kanya—sa pinakagitna ng malapad na sala. Ang ibang sulok ng kabahayan ay lipos ng dilim. Nangatog ang mga tuhod niya—at namilog ang mga mata niya—nang itulak siya paluhod sa sahig ng isa sa anim na kalalakihan. “H-huwag mo akong hawakan!” sigaw niya, gumagaralgal ang boses. “Tumahimik ka riyan kung ayaw mong busalan ko iyang bibig mo!” banta sa kanya ng isa pang lalaki. Awtomatikong tumikom ang mga labi niya. Naluha siya sa matinding pagkahindik, ang dibdib niya’y kumakabog na parang rumaragasang alon. Paano ba nahulog sa kamay ng isang de Crassus ang tatay niya? Ni sa panaginip ay hindi niya hinangad na may makasalamuhang miyembro ng mafia. “Ganiyan nga, isara mo lang iyang bibig mo.” Takot na takot si Grasya. Ang lalaking nasa harapan niya ay mukha pa namang hindi gagawa ng mabuti. Baka kung ano'ng gawin nito sa kanya. Kaya hindi na siya nangahas na gumawa ng kahit kaunting ingay, kahit sunud-sunod nang pumatak ang mga luha niya. Nakaluhod lang siya, nangangatal. Akala niya ay wala nang may i-iigting pa ang takot niya, pero meron pa pala. Dahil bigla na lang siyang may narinig na magaras na angil. Nang hanapin niya kung saan galing iyon ay tumambad sa kanya ang isang napakalaking aso, na kawangis na ng lobo. Itim ang balahibo, at matalas ang kislap na nagtutumingkad sa kulay pilak nitong mga mata—palapit ito sa kanya, balak siyang daluhungin. She knew exactly what it was—a huge wolfdog! Mula sa pagkakaluhod ay napalupagi na nang tuluyan si Grasya. Ito na yata ang katapusan niya. Ipapalapa lang ba siya sa asong-lobo? Mariin niyang naipikit ang mga mata at iniharang ang mga kamay sa tapat ng kanyang mukha. “Varik,” biglang bigkas ng kung sino. Ang boses na iyon ay malalim, lalaking-lalaki, nakakaintimidang pakinggan. Iminulat ni Grasya ang kanyang mga mata at nakita ang pag-angil sa kanya ng malaking asong-lobo. Bahagya itong umatras at lumayo, bago tumalikod at tinungo ang pinagmulan ng maawtoridad na tinig. Ang nilapitan nito ay ang lalaking nakatayo sa gitna ng engrandeng hagdan. Napasinghap siya. Pamilyar sa kanya ang mukha ng lalaki—ang taong nasa loob ng itim na sasakyan! Ang lalaking nagbaba ng bintana nito para matitigan ang luhaan niyang mukha. ‘Iba na ang may-ari. Hindi na iyong dati. Pero kadugo pa rin noong una. Isa pa ring… de Crassus.’ Umukilkil sa utak niya ang mga sinabi sa kanya ni Manang Rosa. Kung ang lalaki sa hagdan ay ang may-ari ng villa, ibig sabihin, ito ay isang de Crassus. Disimulado niyang hinayon ng tingin ang kabuuan nito. Ngayong nakatayo ito ay mas nakakatakot itong pagmasdan. He was far taller than she had pictured in her mind. Maybe six feet seven inches tall. Ganoon ito katangkad. Matatag ang pangangatawan. Pormal ang kasuotan nito—na kasingdilim ng kulay ng buhok nito. But he was not alone. Beside him sat another black wolfdog, like a dark sentinel. Unlike the first, this one had striking amber eyes. Even seated, it loomed large—broad-shouldered, powerful, and utterly still, as if waiting for a single command. Ang tinawag na Varik ay pumuwesto na rin sa kabilang gilid ng lalaki. Kumilos ito, itinuloy ang pagbaba. Bawat hakbang ay lumalapat ang mga paa nito sa solidong baitang ng hagdan. At sa kanya nakapako ang mga mata nito. Nilulusaw siya. The two wolfdogs on each of his sides walked down the stairs with him, their movements fluid. Sa kanya rin nakatutok ang mata ng mga ito. Naupo ang lalaki sa sofa. Nang itaas nito ang isang kamay ay inabutan agad ito ng mamahaling sigarilyo ng tauhan nito. She had never seen a cigarette like the one he casually clipped between his fingers. Manipis lang iyon, kulay itim, at may gintong guhit. Hinithit nito iyon, at ibinuga ang usok sa hangin, habang nakatitig pa rin sa kanya. Sa ginagawa nitong pagtitig sa kanya ay malapit nang bumaligtad ang sikmura niya sa labis na kaba. “Who are you?” mayamaya’y tanong nito sa kanya, blangko ang mukha, ngunit nagbabadya ng panganib ang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD