‘Señorito Sev,
Ngayong araw, nadulas ako sa pilapil, pero nagulat ako nang tinulungan mo ako. Inilahad mo ang kamay mo sa akin, at sobrang lambot ng palad mo. Nang tumama ang sinag ng araw sa mukha mo, ay nakita ko kung paano ka ngumiti sa akin. Napakabait mo po. Salamat, Señorito.’
Bumagsak ang isang patak ng luha sa lumang papel. Iyon ang unang liham ni Grasya sa kanyang kababata. Malinaw pa rin sa utak niya ang tamis at lawak ng ngiting ipinagkaloob nito sa kanya nang araw na iyon sa taniman ng palay.
Mariin niyang hinawakan ang liham at dinala sa tapat ng dibdib niya. Ang dami niyang nakolektang magagandang alaala nila ng binata, kaya paano niya ibabaon sa limot ang lahat ng iyon? Buong buhay niya, bago ito tumungong Maynila, ay naging mabait ito sa kanya. At buong buhay niya ay nakatanim na sa utak niya ang pangarap ng masayang pamilya—na ito ang kasama at ito ang katuwang.
“Sev...” sambit niya sa pangalan ng kababata. Bago ito umalis ng Santa Catalina ay ang igting pa ng pangako nitong babalikan siya at pakakasalan. Ngunit sa pagbabalik nito, kalamigan ang isinalubong nito sa kanya. Nanlalambot ang mga tuhod niya sa mga titig nito ngayon sa kanya. Dahil ibang-iba na iyon sa dati.
Suminghot siya at pinahid ang luhang naglandas sa kanyang mga pisngi. “Bakit ba bigla ka na lang nagbago sa akin? Ano ba ang nagawa ko?” mapait niyang tanong sa kawalan.
Nahiga na siya sa kama at tumitig sa kisame. Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata at binalikan sa isipan ang mga lumipas nilang alaala ng kababata. Ang masasaya nilang nakaraan. Naalala pa niya nang pumitas ng dahon si Sev, tapos ay inipit nito iyon sa pagitan ng magkabila nitong hinlalaki.
“Pakinggan mo ’to, Grasya,” nakangiti nitong sabi sa kanya.
“Ano ang pakikinggan ko?” naaaliw niyang tanong dito.
“Ito.” Hinipan nito ang dahong nakaipit sa gitna ng dalawa nitong daliri. Lumikha iyon ng tunog na tila pito.
Namilog ang mga mata niya, napantastikuhan. “Ang galing mo naman! Paano mo ginawa iyon?”
“Secret! Hindi ko sasabihin sa iyo,” nakatawa nitong wika.
Umismid siya at sumalampak ng upo sa damuhan. Tatawa-tawang lumapit sa kanya ang kababata. Naupo ito sa tabi niya matapos nitong guluhin ang kanyang buhok. “Kahit turuan kita, duda ako kung magagawa mong pumito gamit ang dahon.”
Inirapan niya lang ito.
Muli itong tumawa. “Ganito na lang, kapag narinig mo itong tunog ng pito ng dahon, ibig sabihin ay nami-miss kita.”
Tumingin siya kay Sev. “Talaga?”
Tumango ito. “Oo, totoo!”
Naudlot ang pag-agos ng mga alaala nang imulat ni Grasya ang kanyang mga mata. Muling sumalubong sa mga mata niyang pinamumukalan ng luha ang puting kisame ng silid niya. Hinila niya ang sarili paupo at isinandal ang likod sa headboard ng kama. Niyakap niya ang mga tuhod at muling lumuha—tahimik lang, pigil na pigil ang tunog. Ayaw niyang marinig ng kanyang ama ang paghagulhol niya. Ayaw niyang mag-alala ito sa kanya.
“Sev, kung matutuhan kong pumito gamit ang dahon, aabot kaya sa ’yo ang huni ng pangungulila ko?” Nakagat niya ang ibabang labi. Nanginig iyon. Panginginig na unang sumibol sa puso niya at gumapang sa lahat ng parte ng kanyang matamlay na katawan.
“Mahal na mahal kita, Sev, alam mo ba iyon? Huwag mo naman sana akong saktan nang ganito. Dahil ang paraan ng pagtrato mo sa akin ngayon ay sobrang sakit sa puso ko,” mahina niyang pagtangis.
Hindi na siya nakatulog ulit. Pagsapit ng alas seis ng umaga ay lumabas na siya ng kuwarto. Kumuha siya ng yelo at inilapat sa tapat ng mga matang mugtung-mugto sa walang tigil niyang pag-iyak.
Masakit sa kanya ang mga nangyayari. Hindi niya matanggap. Dahil si Severen ay hindi niya lang kasintahan, kundi isang taong kakampi niya at kasama mula pagkabata. He was her best friend and her first love. Bukod sa ama niya, ang binata lang ang taong malapit sa puso niya. Sandalan niya ito, at ito ang pinaghuhugutan niya ng katatagan. Dito siya madalas kumapit noon kapag pinanghihinaan siya ng loob. Ito ang nagpapalakas at nagpapangiti sa kanya.
“Ano’ng nangyari riyan sa mga mata mo?”
Napaigtad si Grasya nang marinig ang tinig ng kanyang ama—si Gabriel Manafa. Marahas siyang napalingap sa dako nito. Payat ang ama niya, pero matangkad ito. Halos puti na lahat ang hibla ng manipis nitong buhok. Hindi sila magkahawig ng tatay niya. Ang sabi nito at ng mga tao sa lugar nila ay kamukhang-kamukha niya ang kanyang ina. Napakaganda raw nito.
Ang mukha ni Grasya ay maliit at maayos ang proporsyon. Bumagay ang mahinhing hubog ng kanyang pisngi sa mapungay niyang mga matang napapalibutan ng mahahabang pilik. Ang tulay ng kanyang ilong ay tuwid at pino. Ang mga labi naman niya’y makinis at natural ang matingkad na pagkapula. Ang klase ng labing mayroon siya ay yaong uring madaling nakakaagaw ng atensyon. At tuwing nagsasalita siya, hindi maiwasang mapatingin doon ang sinumang kausap niya. Ang kanyang buhok naman ay mariing itim ang kulay at umabot hanggang baywang niya ang haba.
Subalit ayaw niyang maging kamukha ng ina niya. Iniwan sila nito. Sumama ito sa iba. At kaya siya iniwasan ng mga kaedaran niya noon ay dahil din sa naging hindi magandang reputasyon ng nanay niya.
“Grasya?” untag sa kanya ni Gabriel.
“Tay!” Hindi niya agad napansing nasa kusina pala ito at nag-aalmusal na. Sa ibabaw ng maliit nilang lamesa ay may nakalapag na tasa ng nag-uusok na kape at supot ng pandesal. “B-bakit ho?”
“Tinatanong ko kung ano ang nangyari sa mga mata mo?” ulit ng matanda sa tanong nito sa kanya kanina.
“Wala po ito. N-nauntog ho kasi ako sa pinto kagabi, kaya namaga itong mga mata ko,” pagsisinungaling niya.
Humugot ng malalim na paghinga ang ama niya. “Sa akin ka pa ba talaga magsisinungaling, Grasya? Tatay mo ako, anak kita. Kilalang-kilala kita.”
Umawang ang mga labi niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
Muli, bumuntong-hininga ito. Malalim.
Napakunot-noo ang dalaga. “Tay, may problema ka po ba?” nag-aalala niyang tanong. Bukod sa namumugto niyang mga mata ay may iba pang bumabagabag sa tatay niya.
Nagyuko ito ng ulo at matamlay na umiling. “Sinisante na ako ng mga Morenzo, Grasya. Wala nang trabaho ang tatay mo.”
Ang hawak niyang yelo ay kaagad na nahulog nang marinig ang sinabi ng kanyang ama. “Ano po iyon, Tay? Sinisante ka nila?” Nanginig ang mga kalamnan niya.
Nag-angat ng mukha ang matanda at pilit na pinasilay ang tipid na ngiti sa manipis na mga labi. “Okay lang. Hayaan mo na. Makakahanap din agad ako ng ibang trabaho. Sus, ang dami riyan.”
Pinagaan nito ang tono ng boses, pero batid niyang masama ang loob nito. Matagal na nanilbihan ang ama niya sa Pamilya Morenzo. Masipag ito. Mabait. Walang reklamo. Maayos itong nagserbisyo.
“Bakit ka raw ho nila tinanggal sa trabaho, Tay?” tanong niya, nakakuyom ang mga kamay.
“Matanda na raw ako. Kailangan na raw palitan. Hindi na nila ako kailangan.” Pumaskil ang mapait na ngiti sa mukha nito.
“Hindi nila puwedeng gawin sa iyo iyan, Tay!” Nag-init ang mga mata niya. Ang namumugto niyang mga mata ay muling pinangiliran ng mainit na luha. “D-dahil ba sa akin? Ako ba ang dahilan kaya pinatalsik ka nila sa trabaho?”
Hindi agad nakaimik ang matanda. “Grasya, kalimutan mo na si Señorito Severen,” tanging sabi lang nito sa kanya makaraan ang ilang sandali.
Ang bitak sa puso ng dalaga ay lalong lumalim. Gusto niyang sumigaw. Ang sama-sama ng mga Morenzo. Pati ang ama niya ay dinamay ng mga ito. “Tay...”
“Masyadong malayo ang agwat ng buhay nila sa atin, anak. Mayaman sila. Sobrang taas. Hindi natin sila kayang abutin. Bitiwan mo na lang.”
Naramdaman na naman niya ang mahapding pintig sa kailaliman ng puso niya.
Hindi nila ito kayang abutin... kaya dapat ay bitiwan na lang niya.
Ang hapdi sa dibdib.
Sobrang hapdi.
Para siyang nalapnos ng kumukulong tubig, at ang bahaging waring nasunog ay walang habas pang kinukuskos—ganoon kahapdi ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon.
Ang masakit pa, ni hindi niya alam kung ano ang nagawa niya para akusahan siyang oportunista ng kababata. Kung nagkapalit sila ng buhay at siya ang ipinanganak na mayaman at ito ang mahirap, ay ito pa rin ang pipiliing mahalin ng puso niya. Wala siyang pakialam sa estado nito. Hindi mahalaga sa kanya ang pera nito.
“Grasya, naririnig mo ba ako? Bumitiw ka na,” ulit ng ama niya.
Dahan-dahan siyang tumango, para hindi na mag-alala ang ama niya.
Tumayo na si Gabriel. “Mag-almusal ka na rito. Ako naman ay babalik muna sa kuwarto ko.” Paghakbang ng matanda ay muntik pa itong matumba, na tila nawalan ng lakas ang mga paa nito.
“Tay!” Mabilis niyang nilapitan ang ama at inalalayan. “Masama ba ang pakiramdam mo? Dadalhin ho kita sa ospital ngayon.”
“Kuh, huwag na. Nanlambot lang nang kaunti ang mga binti ko. Pahiran ko lang ito ng efficascent oil mamaya, okay na 'to.”
Inihatid niya ang ama sa kuwarto nito. Siya na rin ang naglagay ng langis sa magkabilang binti nito at minasahe ang mga iyon. Hindi siya umalis sa tabi ng tatay niya hanggang sa nakatulog na ito.
Pagsapit ng gabi ay nagdesisyon siyang kausapin si Sev. Hindi para sa kanya, kundi para sa ama niya. Hindi makatarungan ang biglang pagtanggal dito sa trabaho. Nagsuot lang siya ng simpleng T-shirt at kupasing pantalon, tapos ay tumungo na siya sa malaking bahay ng mga Morenzo.
Sa gate palang ay natigilan na siya. Maraming nakaparadang sasakyan. Nakabukas ang lahat ng ilaw sa palibot ng bahay. Marami ring tao. Mga bisita. Lahat ng mga ito ay pormal ang kasuotan. Tuluy-tuloy lang siya sa paghakbang. Hindi siya hinarang ng mga guwardiya kahit nakita siya ng mga ito.
Lumapit siya sa pinakapinto ng bahay. Humawak siya sa hamba at sumilip sa loob. Ang mga taong nandodoon ay may mga hawak na kopitang may lamang wine. Humahalo sa hangin ang tawa ng mga ito. Dinig na dinig niya ang paglapat ng matataas na takong ng mga sapatos sa makintab na sahig.
“Thank you, everyone, for coming here! I’m excited to share an important announcement with you all!” masiglang wika ni Señora Renata. May tinawag ito.
Ang lumapit ay si Severen. He was wearing a formal suit. Hindi nag-iisa ang binata. Sa braso nito ay nakaabrisyete ang kamay ng sopistikadang babae. Parehong nakangiti ang dalawa.
Naikuyom ni Grasya ang isang kamay sa tapat ng dibdib nang makita niyang masaya ang kababata. Totoong ngiti ang nakapaskil sa mga labi nito. Tuwing tinitingnan nito ang katabing dalaga ay tila napupunit ang puso niya, dahil ganoong-ganoon siyang titigan ni Sev noon.
Her chest hurt.
And her hand ached from clutching it so hard.
“My son is getting married soon!” anunsiyo ni Renata. “His fiancée, my daughter-in-law Riva, is the daughter of the Cabinet Secretary of Finance.” Pinagmamalaki ng ginang ang nakatakdang mapangasawa ng nag-iisa nitong anak.
Kumawala ang mahinang tawa mula sa lalamunan ni Grasya. Tawang puno ng pait. Ano nga naman ang laban niya sa estado ng babaeng gusto nang pakasalan ngayon ng lalaking dating nangako sa kanya ng kasal?
‘Hindi ka puwedeng umibig sa iba. Akin ka lang habambuhay. Akin lang ang puso mo. Hindi mo maaaring ibigay sa iba iyan...’
‘Pagbalik ko, magpapakasal na tayo.’
Hindi siya puwedeng umibig sa iba? Hindi niya puwedeng ibigay ang puso niya sa iba? Magpapakasal sila pagbalik nito? Hah! Napahugot siya ng malalim na paghinga. Mga pangakong huwad lang pala iyon. Walang kahulugan. Walang katuparan.
“Itong anak n’yo, Tita, sobrang sabik na sa akin. Gustung-gusto na niya akong mapangasawa. Despite his busy schedule at the company, he always finds time to write me letters. Could you believe that?” Humagikhik ang pinakilalang Riva. “He’s so corny, right? I mean, letters? Seriously? Who even does that anymore? He could just call or text me. Letters are just... not necessary. But I love him. Kaya napilitan pa rin akong tanggapin ang mga liham niya para sa akin.”
Severen wrote Riva letters. Napasinghap si Grasya. Silang dalawa ng kababata ang dating nagpapalitan ng liham.
“In his very first letter, he already expressed his intention to make me his wife,” dagdag pa ng sopistikadang dalaga. “Tapos tuluy-tuloy na iyon. Hindi na niya ako tinantanan. Palagi siyang may oras sa akin. Palagi niya akong sinasamahan. Para siyang anino ko na, Tita.”
Kaya pala hindi na siya tinatawagan ni Sev noong nasa Maynila ito.
Kaya pala ayaw siya nitong papuntahin doon.
Abala raw ito. Marami raw itong inaasikaso. Na kesyo ayaw ng ama nitong mahati ang atensyon nito.
Napailing si Grasya. Mula sa kinatatayuan ay malungkot niyang pinagmasdan ang mukha ng kababata.
Sev wasn’t busy... he just stopped loving her.
Natuto pala itong umibig sa iba. Hindi na pala pangalan niya ang ibinubulong ng bawat pintig ng puso nito.
Nakagat niya ang ibabang labi at nagyuko ng ulo. Nanginginig ang buong katawan niya sa loob-loob. Pumatak ang mga luha niya. Nang muli niyang i-angat ang mukha ay hustong dumako sa kanya ang mga mata ni Sev.
Natigilan ito. Nabura ang ngiting nakapagkit sa mga labi nito. Sa loob ng ilang segundo ay naghugpong lang ang mga mata nila. Nakita niya ang pag-igting ng mga panga nito. Nabalot ng kung anong emosyon ang mukha nito.
Bumuka ang mga labi ng lalaki, at natitiyak niyang pangalan niya ang sinambit nito.
“Grasya...”