Third Person's POV
Hindi maiwasang yumuko ni Keith habang naglalakad sila papunta sa isang mahabang lamesa nang mapansin niyang pinagmamasdan siya ng mga naglalakihang preso dito. Pilit niyang itinatago ang sarili sa likod ni Shane.
Nang makarating sila sa bakanteng lamesa, agad silang naupo sa mahabang bakal na upuan. Nag-init ang mga pisngi nito nang kumulo ang kanyang sikmura, lalo na nang makita niyang nakatingin sa kanya ang mga Iritadong mata ni Kane.
Nakita niyang umiling ito, saka ito bumalikwas ng tingin. Kahit nahihiya man ito, sinubukan ni Keith na magsalita pagkatapos nitong huminga nang malalim.
“K-kane?” Maingat na pagbanggit niya sa pangalan ng lalaki. Halos maputol ang hininga niya nang makitang panlisikan ito ng mata.
“Ano yon?” Mabigat at malalim ang boses na lumabas sa mga labi ni Kane, dahilan upang mapayuko si Keith sa kaba.
“S-salamat nga p-pala sa kanina.” Nauutal na ani nito, sabay lukot sa kanyang kahel na pantalon.
Nakita niya itong tumango, at hindi ito na nagsalita pa. Nababuntong hininga si Keith sa di malamang dahilan. Hindi pa rin niya makalimutan ang mga nangyari bago sila pumunta dito. Hindi ang mga malalaswang pinagkukwentuhan ng mga lalaki, kundi ang pagtayo sa kanya ni Kane.
Pilit nitong tinatakpan ang mga tainga gamit ang dalawa niyang kamay, ngunit parang wala itong nagawa dahil mas lalo pang lumakas ang pagsisigawan sa labas ng cubicle kung saan siya naglilinis. Rinig-rinig niya ang mga malulutong na pagmumura ng di-pamilyar na boses.
Mas lalo pang lumakas ang pagkabog ng dibdib nito hanggang sa may dalawang maskuladong brasong pumulupot sa kanya. Pilit itong napatayo hanggang sa makita nito ang mga iritadong mata ni Kane, tila parang binubutas ang kaluluwa nito.
Halos mapa-ungot ito nang maramdamang binuhat siya nito palabas ng cubicle. Parang hindi man lang nabigatan ang lalaki dito, at mabilisan niya itong naipatong sa lababo. Hindi naman ito nagsalita, at pinanlisikan lamang ng mga mata si Keith bago ito bumalik sa naiwang cubicle.
“Keith!” Nabigla na lamang ito nang marinig si Shane, habang pinipitik ang mga daliri. “Akala ko nagugutom ka na?” Napatingin siya dito sabay tango. Nakangiti na naman ito na para bang wala siyang binugbog kanina.
Tumango na lamang si Keith. Napansin niyang may mga matang nakatingin pa rin sa kanyang direksyon, ngunit pinilit na lamang niya itong baliwalain.
“Kane, diyan ka na lang muna, at kami nang bahala ni Jake sa pagkain.” Pagpapaliwanag ni Shane, na ikina-tango naman ni Kane. Napansin nitong tatayo na si Keith kaya mabilis niya itong pinigilan. “Ako na bahala, Keith. Hintayin niyo na lang kami jan.”
Ganon na lamang kalaki ang gulat sa mukha ni Keith sa narinig. Sa dinami-dami pa ng makakasama nito, ay ito pang iritado sa kanya. Gusto man niyang mag protesta, ngunit huli na nang lumakad na papalayo ang mag-nobyo.
Nagulat na lamang siya nang magsalita ang lalaki. “Kumakain ka ba ng lugaw?” Lalo na nang nilingon niya ito't nakitang nakatingin sa kanya.
Tumango naman ito kaagad, at pilit sinalubong ang mga mata. Napansin niyang napaka dilim ng mga iyon, nakaka takot nga kung pagmamasdan.
“Mabuti naman, dahil kung hindi, wala kang kakainin dito kundi gulay, lugaw at tubig lamang.” Rinig-rinig niya ang kababaan at kabuuan ng boses ng lalaki sa kanyang tabi, at sa hindi malamang dahilan, nakaramdam siya ng panghihina.
Yumuko na lamang si Keith at nilaro ang dulo ng kahel niyang baro. Hindi naman na nagsalita si Kane dahil mas lalo lamang siyang naiirita kapag nakikita niya ang maamo nitong mukha at ang napaka liit nitong pangangatawan. Tila parang mahanginan lamang ito, ay matutumba na.
Hindi naman nanatili ang mga matang nanlilisik ni Kane, at ibinato niya ito papunta sa mga lalaking nakatingin sa binata. Malagkit at masama ang pamamaraan ng pagtingin ng mga ito, tila parang mga gutom at hayok. Agad namang umiwas ang mga ito nang mapansin nakatingin si Kane sa kanilang direksyon.
Hindi nito mapigilang isukbit ang kanang braso sa maliit na balikat ni Keith. Halata ang pagkagulat nito, ngunit hindi ito lumayo. Napayuko na lamang siya, at hindi na umangal pa. Kayang-kaya siya nitong sakalin sa pamamagitan lamang ng braso na 'yon nang walang nilalabas na pawis.
Hindi naman niya maiwasang malanghap ang malakas na amoy ng lalaki. Pamilyar ang amoy na 'yon dahil ganon rin ang amoy ng yumao niyang Kuya nung mga panahong naglalambing pa ito. Iyon na lang rin siguro ang dahilan kung bakit hindi ito napabalikwas.
Hindi na niya napansin pang sumasandal na siya sa katigasan at kalakihan ng katawan ng lalaki. Para bang nawala ang mga nakakatakot na mga matang nagmamasid sa direksyon niya. Mas lalo niya pang nalanghap ang bruskong amoy ng lalaki. Para bang otomatikong pinapasok ng aroma na 'yon ang ilong niya.
Para siyang nabuhusan ng malamig na tubig nang marinig na tumikhim ang lalaki. “Wala nang nakatingin sa'yo.” Iritadong usal nito.
Kaagad namang umusog si Keith. Naramdaman niyang uminit ang mga pisngi niya, kaya naman yumuko na lamang siya dahil sa kahihiyan. Tila nadala siya sa kaligtasang dala maskuladong katawan ng lalaki.
Hindi niya maiwasang mapadaing sa isip nang maalalang ngayon niya lamang nakita ang lalaki, at siguradong ni wala pa siyang alam tungkol rito. Isa lamang ang alam niya. Masungit at suplado ang lalaki na ito. Napaka layo sa ugali ng yumao niyang kuya na malambing at maalaga.
Kaagad siyang umiling para mawala agad ang namumuong alaala ng krimeng nagawa niya. Alam niyang hindi niya ito makakalimutan, ngunit hinihiling na lamang niya na sana, hindi siya nito kamuhian kung nasaan man ito napunta.
Maya-maya pa ay narinig na niya ang magnobyong tumatawag sa kanila. Hindi niya maiwasang mamangha sa laki ng ngiting parang nakatato na sa muka ni Shane. Ganon kay Jake, kahit pa parang pilyo ang ngiti nito. Hindi rin siya makapaniwala dahil napaka layo nang inaasahan niyang makakasama sa loob ng kulungan.
Kaagad naupo ang magnobyo, dala dala ang apat na tray na naglalaman ng kanilang tanghalian. “Ito sa'yo, Kane.” Napakunot noo naman si Keith sa nakitang pagkaing dala nila.
Hindi naman ito lugaw, kundi apat na binti ng inihaw na manok, at may sawsawan pa. Tila bila na lang kumulo ang sikmura ni Keith sa nakita, kasabay ng paglunok nito ng laway. “Ito naman sa'yo Keith.” Masiglang ani ni Shane. Napangiti na lamang ito sa reaksyon ni Keith.
Maingat na inabot niya ito mula kay Shane. Para siyang kinakain ng hiya dahil sa lakas ng pagkulo ng sikmura niya. “S-salamat.” Mahinang pagpapasalamat niya. Hindi niya maiwasang mapalingon kay Kane. Nakita niyang nagsisimula na ito kumain, kaya naman binalik na lamang niya ang atensyon sa pagkain niya.
“Kumain ka ng marami, Keith. Eto, oh, soft drinks.” Dagdag pa ni Shane, na ikinalaki naman ng mga mata ni Keith.
“S-salamat.” Anito. Nagsimula na silang mananghalian. Doon niya pa mas nakilala si Shane, at napagtantong napaka daldal nito para sa isang preso. Hanggang sa natapos silang kumain nang may mga busog na sikmura.
Sa hindi malamang dahilan, nilingon niya ang lalaki na nagsabing lugaw lamang ang kinakain nila dito. Hindi niya maiwasang mapatitig nang makita niyang may matipid na ngiti sa labi nito, habang nakapikit ang mga mata at hinihimas ang tiyan. Ngunit agad niya itong iniwasan nang dumilat ito.
Sa mga sandaling iyon, napansin ni Keith na masyado rin itong bata pa para makulong, kaya naman hindi niya maiwasang maitanong sa isip. Ano kayang nagawa nito, at naging preso? Ganon pa man, nararamdaman niyang hindi naman ito ganon kasamang tao.
Hindi katulad niya...
Maya-maya pa ay tinawag na muli sila ng mga pulis. Oras na upang bumalik muli sila sa kanilang mga selda. Muli silang lumakad sa ganoong pila pabalik sa kanilang selda. Hindi nakalimutan ni Keith na magpasalamat sa pagkaing natanggap niya, at tinignan lamang siya ng mga pulis ng may kyuryosidad.
Nang marating nila ang silid, agad namang nagtungo si Keith sa kanyang kama. Napabuntong hininga na lamang siya. Naisip niyang isang araw pa lamang siya sa loob nito ngunit parang hindi niya kakayanin pa. Hindi niya pa rin inaakalang dito na siya maninirahan, panghabang buhay.
Muli siyang sinimulang kainin ng pagsisisi sa nagawa, kasabay ng pangingilid ng mga luha niya sa mata. Hindi na niya pa napigilan ang pagsakit ng dibdib. Para bang may bomba sa loob nito na naghihintay lamang ng tamang panahon para sumabog. Ibinuro na lamang niya ang muka sa unang sinasandalan ng sugat niyang ulo.
Hindi niya maiwasang maalala ang yumaong kuya. Naisip niya na kung naging maingat na lamang siya, ay hindi na siya ngayon nagdurusa pa, buhay at nakangiti pa rin ang kuya niya. Ngunit alam niyang magiging parausan lamang siya nito kung sakaling nagawang lamunin ng droga ang katawan niya.
Nakakatawang isipin dahil sa isang buwang biglaang pagbabago ng kanyang kuya, ay agad siyang naniwala. Hindi niya mawari kung bakit niya hinayaang magmani obra ang kuya niya sa loob ng kusina. At heto na siya ngayon, isang presong may droga sa dugo. Siguro ay wala naman itong magiging epekto.
Kaagad niyang niyang pinunasan ang ang luhang pumatak sa kanyang pinsgi, at sinubukan na lamang niyang matulog kahit na wala itong kasiguraduhan kung dadalawin pa sya ng antok. Pilit na lamang niyang pinuno ng mga masasayang alala ang pag rereminisa niya.
Hindi man ganoon kayaman ang mga yumao niyang magulang, sinigurado ng mga ito na puno silang dalawang magkapatid ng pagmamahal. Ang yumao niyang papa ay isang tricycle driver, habang ang yumao niyang mama ay isang magbubukid.
Kailan man ay hindi umuwi ang mga magulang ni Keith nang walang pasalubong sa kanilang magkapatid. Kung hindi pagkain, ay mga laruang mumurahin naman. Hindi rin sila kumain nang hindi sabay-sabay. Ayon sa salita ng kanyang yumaong papa, 'ang isang pamilyang kumakain magkasama, ay pinagtitibay ng may kapal.'
Hindi niya itatangging naging isang mabuting ama ang papa niya. Ito rin ang naging modelo niya sa buhay. Lagi niyang pinapanood ang papa sa lahat ng gagawin nito. Minsan ay ginusto niya rin na maging katulad ng kanyang papa. Malakas, matangkad, masigla at maalaga.
Iyon ay ang mga bagay na kailan man ay hindi siya nagkaroon. Isa lamang siyang lampahing bata, iyakin, at hindi makatulog nang walang liwanag na nakikita. Ang kuya naman niya sa kabilang banda ay namana lahat ng katangian ng kanilang papa. Mas matangkad at makisig nga lang ang papa nila.
Habang siya naman ay namana ang katangian ng kanyang mama, kasama na rin ang maamo nitong itsura. Ang mga natural na tsokolateng mata nito, makinis at maputlang balat, pati na rin ang malalambot nitong buhok na kusang kumikinang kapag natatamaan ng araw. Onti lamang ang itinangkad niya sa kanyang mama. Minsan nga ay napagkamalan na silang magkapatid dahil para silang pinagbiak na piraso ng buto.
Minsan na rin siyang napagdiskitahan dahil rito. Sa lahat ng mga pinasukan niya, isa siya sa mga pinaka tahimik at maliit. Sa lahat ng mga panlalait na natanggap niya, lagi namang naroon ang kanyang kuya para ipagtanggol at saluhin siya. Tila ba napaka perpekto ng buhay nila, ngunit ang hindi niya inasahan, ay may katapusan rin pala ito.
Ang huling masayang alaala nilang pamilya, ay tila kasing perpekto ng isang magandang panaginip. Wala ni isa sa kanila ang inakalang matatapos ito dahil sa isang kagimbal-gimbal na pangyayari. Napaka linaw sa kanyang isipan ang mga sandaling iyon. Gustuhin niya mang kalimutan, kada galaw niya ay syang paalala ng mga naiwang memorya ng mga yumaong magulang.
Para iyong isang matamis at mapait na pangyayari. Marahang tinutugtog ng kanyang Kuya ang lumang gitara nito, habang siya naman ay sumasabay sa pagkanta. Tanging ang mga himig lamang nila ang nagbibigay buhay sa luma nilang bahay. Walang hirap na kinakanta niya ang paboritong kanta ng kanyang papa.
Hanggang sa napatigil na lamang sila nang may marinig na malakas na pagkulog. Halos hindi siya makagalaw dahil sa takot na nadarama. Sumunod ang mabigat na pagbuhos ng ulan. Ngunit hindi iyon ang tumapos sa mga bata niyang mata, kundi ang pagpasok ng kanyang papa habang bitbit ang kanyang mama sa mga maskuladong braso nito.
Kaagad niyang tinakbo upang yakapin at humanap ng kaligtasan sa bisig ng mga magulang, ngunit napa tigil siya nang makitang mahinang lumuluha ang kanyang papa. Hanggang sa mapansin niyang hindi gumagalaw ang kanyang mama. Basang-basa ang mga ito dahil sa lakas ng biglaang buhos ng bagyo.
Bakas ang dugong kumakalat mula sa bibig ng kanyang mama. Tila nawalan siya ng kakayahang bumalanse, at tuluyan siyang napaupo sa nakita. Ang kanyang papa ay hindi makapagsalita, kaya kaagad siyang tinulungan ng kanyang Kuya. Mabilis nilang inihiga ang kanilang mama sa malambot na kutson.
Ngunit nanatili lamang na parang estatwa si Keith dahil sa pagkabigla. Yakap-yakap ang mga tuhod niya habang kinakagat ang pang ibabang labi. Sunod niyang narinig ang pagsigaw ng kanyang Kuya, umiiyak na tinatawag ang kanilang mama.
Habang inililigtas niya ang sarili sa takot, ang Kanyang kuya at papa naman ay iniiyakan at nagsusumamo sa kanilang mama.
Kaya naman ganoon na lamang ang pagkahiya niya sa sarili dahil hindi niya kinakaya ang mga ganong pangyayari. Halos hindi siya nakapagsalita dahil ultimo paghinga niya ay parang may dala itong mga karayom na tumutusok sa lalamunan niya. Natatakot siya dahil kada subok niyang magsalita, ay syang pagtulo ng mga luha.
Hindi na rin kinayanan ng kanilang papa, at sumama na ito sa kanyang asawa. Nagpabunggo ito sa isang malaking traktorang sampu ang gulong. Doon na nagsimulang magbago ang perkpekto at simpleng buhay nila.
Tila parang naiwan sila sa mundong matagal nang tumalikod sa kanila.
A/N NOTE
HIHI, DON'T FORGET TO VOTE POOO! MARAMING SALAMAT SA PAGBABASA, LALO NA SA MGA COMMENTS!