ANG araw na iyon ang muling pagkikita nila ni Baste mula nang makabalik ito galing Cebu, ang araw kung kailan nila pag-uusapan ang tungkol sa plano nilang bakasyon kaya naman hindi niya maiwasang ma-excite. Bukod doon, napagpasyahan niyang sabihin na kay Baste ang tungkol kay Max. Mula sa kabilang kalsada ay tanaw na ni Sahara si Baste doon sa paborito nilang fast food restaurant. Pero hindi ito nag-iisa. Alas onse noon ng umaga, mainit ang sikat ng araw kaya kinailangan pa niyang takpan ang sinag ng araw sa pamamagitan ng kanyang kamay para lamang makita nang husto kung sino ang kausap ng kasintahan. Mabilis siyang tumawid nang humudyat ang traffic officer na maaari na siyang tumawid. Nagpasalamat pa siya sa opisyal nang alalayan siya nito hanggang sa makarating siya sa kabilang kalsada

