Mysterious Laboratory

2053 Words
MABIGAT ang aking pakiramdam nang imulat ko ang aking mata. Kaagad na sinalubong ng nakasisilaw na liwanag ang aking paningin nang tuluyan luminaw ang aking paningin. Tahimik ang buong paligid, tanging ang ingay na nagmumula lamang sa makinang nakakabit sa akin ang siyang maririnig. Nagtataka kong inikot ng tingin ang kuwartong kinaroroonan ko. Hindi ako pamilyar kung nasaan ako, ngunit nasisiguro kong wala ako sa ospital o bahay namin. Tanging ang kamang hinihigaan, aparatong nakakabit sa likod ko, at puting dingding lamang ang matatanaw sa silid na ito. Wala man lamang bintana rito para makita kung nasa siyudad ba ako o nasa isang pribadong lugar. Naramdaman ko ang panghihina ng aking katawan nang subukan kong iangat ang kamay para bunutin ang kableng nakakonekta sa akin. Masakit pa rin ang ulo ko, at nakakaramdam pa rin ako ng pagkahilo, ngunit mas namayani sa akin ang sandamakmak na katanungan. Mas gusto kong malaman kung nasaan ako kaysa indahin ang nararamdamang bigat sa pakiramdam. "S-Sandra?" mahinang tawag ko. Gustuhin ko mang ilakas ang boses ay tila walang salita ang gustong lumabas sa aking bibig. Maging ang simpleng pagbuo ng pangungusap ay nakakapagpahingal sa akin. Ano itong nararamdaman ko? Bakit biglang ganito na lamang ang nangyari sa akin? Wala akong sakit at nasisiguro kong malusog ang aking pangangatawan dahil sa madalas kong pag-eehersisyo. Imposibleng bigla na lang akong tubuan ng malubhang karamdaman. Am I drugged? Did someone abduct me?! "V-Vaughn!" tawag ko sa pangalang dumaan na lamang bigla sa aking isipan. Bago ako tuluyang nawalan ng malay ay natatandaan kong nasa bisig niya ako. Mahigpit ang hawak niya sa akin at tandang-tanda ko pa ang hitsura niya nang makitang nanghina ako. Mabilis ang ginawa niyang paglapit sa akin para lamang masapo ako't hindi tuluyang bumagsak sa lupa. Nasaan si Vaughn? Si Sandra? Hindi ba dapat ay narito silang dalawa sa aking tabi lalo na ngayong nasa ganito akong kalagayan? Dahan-dahan kong ibinaba ang binti ko sa kama, naramdaman ko ang lamig ng tiles sa aking talampakan. Itinukod ko ang aking kamay sa kama para sa pagtayo ko. Wala pang limang segundo akong nakatayo ay kaagad na akong kumalabog sa sahig. Hindi ko naramdaman ang lakas sa aking binti. Kumalabog ang dibdib ko dahil sa naramdamang panghihina. Paano ako makakalabas sa silid na ito kung hindi ko man lang magawang tumayo?! Muli kong sinubukan ang pagtayo. Hirap na hirap ako dahil talagang wala akong maramdamang kahit na ano sa aking binti. "s**t!" galit na bulong ko sa aking sarili nang muli akong napasalampak. Dahil sa ilang beses kong pagkabuwal ay nakita kong nangingitim na ang aking tuhod sa pasa. Maging ang binti ko ay namumula na rin dahil sa pag bagsak. "What the hell is wrong with me? Nasaan ba kasi ako?!" Dahil sa hindi ko magawang tumayo para makalapit sa dingding ay gumapang na lamang ako. Hirap na hirap kong hinila ang lupaypay kong katawan patungo sa dingding ng puting silid na ito. Halos sampung minuto kong hinihila ang sarili ko makarating lamang sa dingding na limang metro ang layo sa pinagbagsakan ko kanina. Kahit na ang silid na ito ay malamig naman dahil sa aircon, tagaktak pa rin ang aking pawis. Nang naabot ang dingding ay saka lamang ako nakahinga ng maluwag. Ramdam ko ang pagod dahil sa ginawa ko, sobrang bigat pa rin ng aking talukap at tila gusto nitong pumikit na lamang para matulog. "No, you need to stay awake, Lhex!" Sinampal ko nang ilang ulit ang magkabila kong pisngi para nawala ang antok. Umiling ako at saka huminga nang malalim. Hinayaan kong makabawi muna ang katawan ko mula sa pagod bago subukan ang pagtayong muli. Lumipas ang ilang minuto ay kahit papaano ay nawala ang hingal ko. Buong lakas kong itinulak ang aking sarili para makatayo. Isang subok pa lamang ay nakatayo na ako, kaagad akong dumantay sa dingding bilang suporta nang sa gayon ay hindi ako mabuwal. "Good job," bati ko sa aking sarili. Maliliit ang hakbang ko palapit sa pinto ng silid. Dahan-dahan lamang ang kilos ko dahil sa takot na muling mabuwal. Ramdam ko ang panginginig ng aking tuhod, umiikot pa rin ang aking paningin at alam ko na kung mas pipilitin ko ang sarili ko'y hihimatayin ulit ako. Maraming mga naglalarong katanungan sa isip ko ngayon, ngunit kahit isa ay hindi ko na pinagtuunan ng pansin. Nang tuluyang nakalapit sa pinto ay saka lamang ako muling nakahinga nang maluwag. Hindi ako nabuwal at mas lalong 'di nawalan ng malay. Pinihit ko ang doorknob ng pinto, nang gumalaw ito ay halos mapatili ako sa tuwa. Sinilip ko muna kung may tao sa labas, baka kasi may makakita sa akin at bigla na lang ako nitong ibalik sa loob ng puting silid na iyon. "What the hell is this place?" 'Yon ang unang lumabas sa bibig ko nang makita ang kabuuan ng paligid. Ang disenyo ng paligid ay makabago, maliwanag ang paligid at ang tanging harang sa pasilyo ay glass wall. Maluwang ang labas at maraming silid, maraming nakadikit na biometric lock sa bawat pinto. Mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko ang mga aparatong nasa paligid, iba't ibang makinarya ang narito, karamihan ay bago lang sa aking paningin. Habang iniikot ko ang aking paningin ay sinimulan kong lumakad. Nakakapit pa rin ako sa dingding bilang suporta. Unti-unti kong naisip na maaaring nasa isa akong laboratoryo, dahil sa mga kagamitang tanging sa laboratoryo ni Lolo Felix ko lang noon nakikita. "Why am I here?" nagtatakang usal ko nang naisip na rito marahil ako dinala ni Vaughn. Nang nakarating sa dulo ay sinubukan kong ipatong ang kamay ko sa lock, umaasang bubukas ang automatic glass door, ngunit kaagad na rumehistro ang access denied sa screen nito. Siguradong ang mga taong naririto lamang ang may access sa security lock ng mga pinto. Limang pinto mula sa kuwartong pinanggalingan ko ay may isang maliit na pasilyo. Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila hinahatak ako ng aking paa patungo sa pasilyong iyon. Mahaba at madilim ang pasilyo nang silipin ko 'yon, walang kasiguraduhan kung saan patungo ito ngunit buong tapang ko pa ring pinasok. Puno man ako ng pagtataka sa lugar na ito, kataka-takang hindi ako nakakaramdam ng pangamba. Wala akong nararamdamang takot sa sistema ko, bagkus ay napupuno lamang ako ng maraming katanungan sa isip. Sino ang may-ari ng laboratoryong ito? "Woah," manghang bulalas ko matapos kong itulak ang pinto na nasa dulo ng pasilyo. Kaagad na nagliwanag ang kulay neon blue-green na ilaw, iba sa pasilyong dinaanan ko ay maluwang ang paligid. Ang magkabilang gilid ng silid na ito sa glass wall, kita ang nasa paligid. Unti-unti kong hinakbang ang aking paa papasok sa nakamamanghang lugar na ito. Pakiramdam ko ay nasa isa akong science fiction na movie. Ang lugar na ito ay nakikita ko lamang sa mga palabas na napanuod ko noon, ngunit ngayon ay narito na ako. Sa aktuwal na makabagong lugar na ito, isang laboratoryo na bago sa aking paningin. Nang tuluyan akong nakapasok ay nakita ko ang mga nakatayong figurines ng robot. Nanlaki ang mata ko nang gumalaw ang ulo nito at nagsimulang lumapit sa akin habang ang red light na tila laser scanner ay in-scan ang kabuuan ko. Awtomatikong lumitaw ang holographic screen sa espasyong nasa gitna naming dalawa, at ipinakita ang data na naglalaman ng impormasyon tungkol sa akin. Manghang-mangha ako sa disenyo ng robot na ito. Kaya nitong mabilis na malaman ang profile ng isang tao. Sa oras na matapos ang pag-scan ng robot ay lalabas ang mga impormasyon na isang tao, mula sa basic information hanggang sa pinakapribadong impormasyon. Wala maitatago ang kung sino, dahil miski ang social media accounts at articles na may kinalaman sa akin ay ipinakita niya. "Designated area is E90RA of E239. Initializing the accessed data. Transferring the acquired data to the mother computer board in 5 seconds...transferring completed." Matapos ang tinuran ng robot ay bumalik na siya sa dating posisyon, namatay ang kulay pulang ilaw sa itaas na bahagi ng ulo niya tanda na deactivated na ang kaniyang system. I studied mechanical and electrical engineering like my father, I knew how this android works. I once saw my father's demonstration on how this kind of android automatically activates itself once it detects the presence of unknown personnel. Hindi man ito ang mismong modelo niya, alam kong katulad lang nito 'yong kay papa, mas na-improved lang pero ganito rin iyon. Mas lalong dumami ang tanong sa isipan ko. Paano nagkaroon ng ganitong bersyon ng robot sa laboratoryong ito? Bakit hindi lumabas sa kahit ano'ng eksibisyon ang ganitong bagay? Siguradong dudumugin ito ng masa sa oras na maipakilala ito sa publiko. Nagpatuloy ako sa pagpasok sa loob ng silid na 'yon, ngunit bago pa ako tuluyang makapasok ay tila nakaramdam ako ng pagkapaso at kuryente sa aking braso. Kusang umawang ang labi ko sa pagkamangha nang nakita ang mga pulang ilaw na humaharang sa daan papasok sa loob. Ito ay security laser na kapag pinilit na kung sinong suungin ay tiyak na hahati sa katawan ng kung sino. Invisible ito sa una, ngunit kapag nasalat ng kahit na ano ay unti-unting lilitaw ang kulay pulang mga ilaw. Ibinaba ko ang aking tingin sa brasong nasaktan, nakita ko roon ang sugat na mula sa pagkakasalat ko sa laser. Halos kalahating dangkal ang ginawa nitong sugat sa aking braso. Wala pang dalawang segundo ay nagkasugat na ako, paano pa kung pipilitin kong pumasok. Hindi na ako nagpumilit pang humakbang papasok sa loob. Pinilit ko na lang tingnan ang nasa loob niyon dahil sa sobrang kuryosidad. Ano'ng bagay kaya ang nasa loob nito? Siguradong importante 'yon dahil ganito kahigpit ang seguridad bago makapasok. "Ano'ng nasa loob ng capsules na 'yon?" tanong ko sa aking sarili nang nakitang may limang malalaking capsule sa loob. Mga nakapa-horizontal ito at nakakonektado sa mga naglalakihang aparato. Sa itaas na bahagi ng capsule ay mga holographic screen, may mga data na nakasulat, ngunit hindi ko mabasa. Ito ay nakalimbag sa ibang character, tingin ko ay greek ang gamit niyon. Lima ang capsule na naroon, ngunit tatlo lamang ang naka-activate. Ang dalawa ay nakapatay at tila ba walang laman sa loob. Sigurado akong may laman ang tatlong capsule, dahil kita ko ang monitor na tila nagr-record sa temperature at heartbeat. Hindi ko man maunawaan ang ibang nakasulat ay alam kong iyon ang ibig sabihin ng dalawang numero sa screen. Habang sinisipat ko pa ang greek letters at pilit na minememorya, ay narinig ko ang pagbukas ng pintong pinanggalingan ko kanina. Narinig ko rin ang pagkabuhay ng android at pagbati sa tinawag niyang Dr. Ben. Doon pa lamang ako nabuhayan ng kaba sa dibdib. Paniguradong batid na ng mga tao sa lugar na ito ang pagpasok ko sa parteng ito ng kanilang laboratoryo. Imposibleng hanggang ngayon ay wala pa silang ginagawang hakbang para mapaalis ako rito. Narinig ko ang mabagal na hakbang ni Dr. Ben. Alam kong nasa likod ko siya at matamang nakatitig sa akin. Hindi ako nag-abalang tumingin sa kaniya, sinamantala ko ang pagkakataon para itatak sa memorya ang mga greek letters sa screen. Kakailanganin ko ang lahat ng 'yon para masagot isa-isa ang mga katanungang nabuo sa aking isip. Ramdam ko ang paglapit niya sa akin. Hinawakan niya ang aking balikat dahilan kung bakit ako napapitlag. "You shouldn't be here. Hindi pa ito ang oras para malaman mo kung ano ang sekretong nakatago sa loob ng laboratoryong ito." Gamit ang malalim na boses ay sinambit niya iyon. Kumunot ang noo ko nang tila pamilyar sa akin ang boses niya. Alam kong may soot siyang face mask na nagtatago sa kaniyang bibig dahil rinig ko sa boses niya na tila may nakaharang sa kaniyang bibig. "Malapit na, Manuela. Kaunti na lang at magigising ka na sa katotohanan, subalit hindi pa ito ang tamang oras," dugtong pa niya. Dahan-dahan akong lumingon para makita ang lalaking kumakausap sa akin, ngunit bago pa ako tuluyang makaharap siya ay may itinusok na siya sa aking leeg. Agad akong nakaramdam muli ng pagkahilo at tila metal na lasa sa aking lalamunan. "S-sino ka?" hirap na usal ko habang unti-unting nawawalan muli ng lakas at malay. "Makikilala mo rin ako balang araw, Manuela, maghintay ka lang."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD