Zeph Pov
Nanlalaki ang aking mga mata at hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Biglang naglaho ang sakit at sugat sa aking katawan. Kailan pa ako nagkaroon ng ganitong kakayahan na mapaghilom ng mabilis ang aking mga sugat?
Ang mga taong-lobo maliban sa akin ay may kakayahan na mapagaling ng mabilis ang kanilang mga sugat ngunit hindi ganito kabilis katulad ng nangyari sa akin ngayon. Hindi ko alam kung anong himala ang nangyari sa akin ngunit ikinatuwa ko ang aking bagong tuklas na kakayahan. Nagulat ako at nagtaka ngunit hindi ko maikakaila na talagang natuwa ako sa nangyari. Sa wakas ay may kapangyarihan na rin ako. Hindi na ako isang ordinaryong taong-lobo lamang na parang normal na tao dahil may kapangyarihan na ako ngayon. Ngunit kailangan kong makasiguro na kaya ko nga ang magpagaling. Ngunit sino naman ang pagagalingin ko?
Tila sinasadya naman na biglang may nasagasaang rabbit sa aking harapan. Mukhang nakatakas lamang ang rabbit mula sa kanyang kulungan dahil malinis ito. Hindi hinintuan ng kotse ang pobreng rabbit na naghihingalo habang nakahiga sa kalsada. Mabuti at hindi ito napuruhan kaya humihinga pa. Nagmamadaling nilapitan ko ang rabbit at hinaplos ang mga mata na tila humihingi sa akin ng tulong. At isang malaking himala na biglang gumaling ang rabbit matapos kong hawakan ng halos isang minuto lamang. Tumayo ito at tumalon-talon palayo sa akin na para bang walang nangyari.
"May kapangyarihan na ako! May kapangyarihan na ako! May kapangyarihan akong magpagaling ng sugat!" natutuwang bulalas ko. Sobrang saya ng aking pakiramdam at para ba akong maiiyak sa ibinigay sa akin na kapangyarihan ng aming moon goddess na si Zephalus. Ngunit kailangan kong itago kay Sir Keiver at Hillary ang aking kapangyarihan dahil natitiyak ko na hindi nila gugustuhing malaman at makita na mayroon din akong kapangyarihan. Na hindi na ako walang silbing taong-lobo.
Masayang umuwi ako sa bahay nina Hillary. At dahil nagkapunit-punit na ang harapan ng aking damit ay itinakip ko na lamang sa aking dibdib ang aking bag.
"Ano ang nangyari sa'yo, Zeph? Bakit ganyan ang hitsura mo?" nakakunot ang noo na puna sa akin ni Darla nang makita niya akong ganito ang hitsura.
"Inatake kasi ako ng apat na mga asong ulol habang naglalakad ako pauwi rito kanina kaya ganito ang hitsura ko," sagot ko kay Darla. Eksakto namang pababa sa may hagdan si Hillary at narinig niya ang mga sinabi ko kay Darla. Hindi nagsalita si Hillary ngunit tinapunan niya ako ng matatalim at nagbabantang tingin. "Sige, Darla. Pasok muna ako sa aking silid. Magpapalit muna ako ng damit bago kita tulungang magluto," pagboboluntaryo ko.
Pasalamat ako dahil hindi siya kumibo kaya nilampasan ko siya at dumiretso na ako sa aking silid para makapagpalit na ako ng damit na hindi pang-uniform. Maganda ang mood ko dahil sa aking natuklasan at hindi ko hahayaan na masira ni Hillary iyon. At kahit umabot na ang kinabukasan ay hindi pa rin nawawala ang ganda ng aking mood. Anuman ang iutos sa akin ni Hillary ay mabilis kong sinusunod. Dahil hindi niya nakikita na naiinis ako kaya lalo lamang siyang nainis sa akin. Siya tuloy ang nakaramdam ng inis sa akin dahil hindi niya ako magawang inisin.
Nang sumunod na mga araw ay naging abala na kami sa paglilinis ng buong bahay at paglalagay ng mga dekorasyon sa bahay nila para sa nalalapit na kaarawan ni Hillary.
"Ang suwerte naman ni Hillary, 'di ba, Zeph? Masuwerte siya dahil nagkaroon siya ng mayaman at makapangyarihang ama," naiinggit na wika ni Darla.
"Huwag kang mainggit sa kanya, Darla. Ano ba ang mas mahalaga sa'yo? Ang kayamanan o magkaroon ng magandang kalooban?" nakangiting sagot ko sa kanya.
"Siyempre, magandang kalooban," mabilis namang sagot ni Darla sa akin.
"Aanhin mo ang kagandahan kung katulad lang din niya ang iyong kalooban?" nakangiting sabi ko kay Darla ngunit sa mahinang boses lamang para hindi makaabot sa pandinig ni Hillary.
"Tama ka diyan, Zeph. Hindi dapat na mainggit ako sa kanya dahil hindi maganda ang ugali niya," nakangiting pag-sang-ayon niya sa akin.
"O siya, itigil na natin ang pakikipagtsisman dahil marami pa tayong gagawin."
"Zeph, dumating na ang panauhing-pandangal ni Hillary. Nandito na si Alpha Hunter kasama ang mga kaibigan niya," pagbabalita sa akin ni Darla habang nakatingin sa mga bisita na bagong lamang. Nilingon ko sila at eksaktong paglingon ko ay napatingin naman sa direction ko si Alpha Hunter kaya nagtama ang aming mga mata. "Nandito na si Hillary," narinig kong sabi ni Darla. Agad kong inalis ang aking paningin kay Alpha Hunter kaya halos limang segundo lamang kaming nagkatitigan. Itinuon ko ang mga mata ko kay Hillary na pababa sa may hagdan habang suot ang napakagandang gown na pinabili oa ni Sir Keiver sa ibang bansa. Walang duda na napakaganda niya ngayong gabi at natitiyak ko na lahat ng mga bisitang binata ngayong gabi ay humahanga sa kanya. Wala sa loob na dumako ang tingin ko kay Alpha Hunter. Nakatingin din siya kay Hillary habang nakatingin din sa kanya ang babae. Bagay na bagay nga silang dalawa para sa isa't isa. Ngunit sayang lamang ang kagandahan ni Hillary dahil masyado namang masama ang ugali niya.
"Happy birthday, Hillary," bati ni Alpha Hunter kay Hillary. Maluwang ang ngiti ni Hillary habang binabati siya ni Alpha Hunter samantalang blangko naman ang expression nang huli. Hindi ko tuloy makita kung nagagandahan rin ba siya kay Hillary katulad ng ibang mga lalaking present sa party na iyon.
"Thank you, Alpha Hunter. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na dumating ka sa party ko," matamis ang ngiti na sagot ni Hillary.
"Bagay na bagay talaga silang dalawa. Nakakainggit."
"Tiyak na si Hillary ang gagawing Luna ng ating alpha."
Narinig ko ang mga sinabing iyon ng dalawang babaeng nakatingin kay Hillary at Alpha Hunter habang naglalakad ang dalawa papunta sa center para magsalita.
"Maraming salamat sa pagdalo ninyo sa aking kaarawan. Sana masarapan kayo sa mga inihanda naming pagkain at mag-enjoy sa party," kausap ni Hillary sa mga bisitang nakapaligid sa kanya.
Nagpasya akong magtungo na lamang sa kusina dahil hindi naman ako puwedeng makihalubilo sa mga bisita niya at saka tiyak na wala rin namang gustong makipag-usap sa akin maski isa sa kanila. Akmang tatalikod na sana ako nang bigla akong napatigil. Lahat kaming narito sa party ay namangha nang walang ano-ano ay bigla na lamang may lumabas na drawing sa noo ni Hillary. Isang hugis-buwan na drawing na umiilaw pa ng pinaghalong kulay puti at blue.
"Ang drawing na nakita ko sa aking panaginip na lumitaw sa aking noo," mahina ang boses na anas ko.