“Bakit buhay pa ang Abner na iyon? P*tang ina!” Marahas na napatayo ang lider ng Oxiris, si Isidro, na ikinatumba ng swivel chair niya. Kasabay ng bigla niyang pagtayo ay ang paghampas ng kamay niya sa mesa. “Inutil ang Mira na iyon! Ang dali lang ng pinagagawa ko sa kanya, tapusin niya lang ang buhay ni Abner kapag pumalpak ang walang kuwentang lalaking iyon, pero hindi pa niya nagawa!” Dumagundong ang malakas niyang boses. Nasa loob siya ng malaking opisina sa headquarters ng Oxiris sa lalawigang iyon. Nasa katabing munisipalidad ng Santa Catalina ang HQ na iyon, at may apat na iba pang sangay ang nakakalat sa lalawigan. One HQ, and four branch offices. Nang sa ganoon ay maging madali at mabilis para sa kanila ang kumalap ng mga impormasyon. “Hindi puwedeng mabuhay ang Abner na iyon!”

