CHAPTER 1

1674 Words
[ALTHEYA] SUNOD-SUNOD na mga yabag ni tatay ang narinig ko mula sa labas ng banyo. Mula sa mabibigat niyang yabag ay ramdam ko ang galit niya habang hinahanap ako. Napaigtad ako nang marinig ko ang malakas na pagbukas ng pinto sa kusina na katabi lamang nitong banyo. Mahigpit kong niyakap ang aking mga tuhod habang nakaupo ako sa lapag at nakasiksik sa gilid ng banyo. "Altheya! Nasaan ka!" punong-puno ng galit na sigaw ni tatay at saka naglakad ulit. Nanginginig ang aking buong katawan dahil sa takot. Galit na naman sa akin si tatay, lasing siya at may balak na naman akong saktan. 'Nakakatakot siya...' Mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang maramdaman ko ang paghinto ng mga yabag ni tatay sa may pintuan. Narinig ko ang sunod-sunod na pagpihit ni tatay ng busol para sana buksan ang pinto ng banyo pero dahil naka-lock iyon ay hindi niya nabuksan. "P*ste ka talagang bata ka! Nandito ka lang pala, pinaghanap mo pa ako! Lumabas ka riyan!" malakas niyang sigaw habang kumakatok sa pinto, kulang na lamang ay masira ang ito dahil sa lakas ng kaniyang pagkalampag. Nanginginig na isiniksik ko ang sarili sa sulok habang mariing tinatakpan ang tainga upang hindi ko mapakinggan ang mga sigaw at kalampag ni tatay sa labas. "Ginagalit mo talaga akong bata ka! Buksan mo 'to!" Umiiyak na umiiling-iling ako, sa sobrang takot ng nararamdaman ko ay tanging pag-iyak sa sulok ang aking nagagawa. Galit na galit na si tatay. Hindi ko man nakikita ang kaniyang reaksyon ay ramdam ko ang galit niya dahil sa mariing pagsabi niya ng mga katagang iyon. Nanlaki ang aking mga mata nang makarinig ako ng malakas na pagbukas ng pinto sa sala. Narinig ko ang mahinang pagmura ni tatay nang marinig niya ang kalabog. "P*tang*na! N-Nasaan na ba kasi 'yong dokumentong hinahanap nila!" wika niya. Naramdaman ko mula sa kaniyang boses ang panginginig habang binabanggit iyon. 'Si tatay na nakakatakot, ngayon ay natatakot? Sino kaya ang tinutukoy ni tatay na 'nila'?' "Mamaya ka sa akin, p*ste ka!" bulong niya sa may pintuan na tanging ako lamang ang makakarinig. Dahil sa sinabing iyon ni tatay ay mas lalo pa akong natakot. Sana naman ay mayroong tumulong sa akin dahil hindi ko na kaya ang pagmamaltratong ginagawa sa akin ni tatay kapag lasing siya. Nakahinga ako ng maluwag nang marinig ko ang papalayong mga yabag ni tatay na papunta sa sala. Tinanggal ko na ang aking mga kamay na nakatakip sa aking tainga at saka sinandal ang aking likod sa dingding. Malakas na buntong hininga ang pinakawalan ko para ikalma ang sarili. "Tresspassing ang ginagawa niyo!" sigaw ni tatay sa mga pumasok sa bahay ang narinig ko hanggang dito sa banyo. Hindi ko narinig ang sagot ng mga kausap ni tatay kaya naman naiwan akong naguguluhan dito sa loob ng banyo. "'Di ba, sinabi ko na sa inyo na hahanapin ko ang dokumento na tinutukoy niyo? Kinakausap ko na ang anak ko dahil baka alam niya kung nasaan iyon." Narinig kong sabi ni tatay sa kaniyang kausap. "Binigyan ka na namin ng tatlong araw para hanapin iyon pero hanggang ngayon ay wala pa rin? Hindi na makapaghintay si Boss!" "Pagbigyan niyo ulit ako! M-Maawa kayo sa akin, may anak pa akong pinapalaki!" "Wala ng magagawa 'yang pagmamakaawa mo dahil alam naming hindi mo inaalagaan ng maayos ang anak mo! Sinayang mo ang pagkakataong ibinigay sa 'yo ni Boss!" Malakas na sigaw ng kausap ni tatay hanggang sa makarinig ako ng malakas na kalabog, parang may nahulog na bagay sa lapag. Hindi nagtagal ay tumahimik na sa labas hanggang sa hindi ko na marinig pa ang boses ni tatay at ng kausap niya. "Begin searching for the documents all over the house." Narinig ko ulit ang boses ng isang babae habang sinasabi iyon sa ibang lengguwahe. Napaigtad ako nang makarinig ako ng sunod-sunod na mga yabag. Nanginginig na itinago ko ang sarili sa gilid habang hinihintay na bumukas ng pinto ng banyo. Malakas na pagsipa ang kanilang ginawa na naging sanhi ng pagtalsik ng pinto sa loob, buti na lamang ay hindi ako natamaan dahil nasa pinakagilid ako. Naramdaman ko ang pagka-alis ng sirang pinto sa loob ng banyo pero nanatili akong nakapikit dahil natatakot ako sa kung anong makikita ko kapag idinilat ko ang aking mga mata. "Boss, may bata rito sa loob! Ano ang gagawin natin sa kaniya?" Narinig kong tanong ng lalaking sumipa sa pinto. "That kid is his daughter, take her with us. She'll be useful in the future," sagot ng isang babae sa lalaki. "Yes, Ma'am." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay narinig ko ang mga yabag ng lalaki papasok sa loob ng banyo. "Hello! Ligtas ka na kaya puwede ka ng lumabas diyan," wika ng lalaki. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata para tignan kung sino ang lalaking kumausap sa akin. Bumungad sa akin ang lalaki na malawak ang ngiti at nakalahad ang kaniyang palad sa harapan ko. 'Sino sila? Anong ginagawa nila sa bahay? Nasaan si tatay at anong gagawin nila sa akin?' naguguluhang tanong ko sa aking sarili. 'Sila na ba ang tutulong sa akin?' muli kong tanong sa aking isipan. Nag-aalinlangan man ako ay pinagsawalang bahala ko muna iyon. Dahan-dahan akong tumayo at saka hinawakan ang nakalahad na kamay ng lalaking nasa harapan ko. "Ako nga pala si Jeffrey— Kuya Jef na lang ang itawag mo sa akin. Ikaw anong pangalan mo?" tanong niya sa akin habang inaalalayan ako sa paglalakad papunta sa sala. "A-Altheya..." nauutal kong sagot sa kaniya habang naglalakad na nakahawak sa kaniyang kamay. "Ikaw pala si Altheya! Ikinagagalak kong makilala ka," nakangiting wika niya at saka marahang tinapik-tapik ang aking ulo. Nang makarating na kami sa sala ay inilibot ko ang aking tingin para hanapin si tatay pero hindi ko siya makita kaya naman nilingon ko si K-Kuya Jef at saka tinanong. "N-Nasaan po si tatay at kaano-ano niyo po siya?" Ngayon ko lang kasi sila nakitang bumisita rito sa bahay, siguro mga taga-bayan sila at kamag-anak ni tatay. Napakamot muna siya sa kaniyang batok bago sumagot. "Kausap ngayon ng tita mo ang iyong tatay." "T-Tita?" nanlalaki ang matang tanong ko sa kaniya pero agad kong iniwas ang tingin. Dahil sa pang-aabusong ginagawa sa akin ni tatay simula ng mamatay si nanay. Isa sa hiniling ko noon ay ang magkaroon ng tita. Noong mamatay kasi si nanay wala akong nakilala ni isang kamag-anak niya kaya ganoon na lang ang gulat ko nang marinig ko iyon. 'Siguro, ito na ang araw na makakaalis ako sa bahay na ito.' "Oo, si Tita Millian mo. Mabait siya kaso nga lang istrikto," bulong niya sa akin. Kumurba sa aking labi ang ngiti nang sabihin niya iyon pero bigla ring napawi nang marinig ko ang pagtawag ng isang lalaki kay Kuya Jef. "Jef, Boss have said that she'll adopt her and will be taken to the island, so take that kid with you," wika ng lalaki. Itinuon ko ang aking atensyon sa buong paligid ng sala, ngayon ko lang napansin na magulo sa loob. Siguro ay dahil iyon sa naging alitan nila tatay habang nagtatago ako sa banyo. "Altheya," narinig kong tawag niya sa akin kaya naman nilingon ko siya. "A-Ano po iyon?" "Gusto mo bang sumama sa amin— kay Tita Millian mo? Maganda roon na pupuntahan natin, maraming mga bata na p'wede mong makalaro at maraming palaruan doon," Namamanghang tinignan ko si kuya pagkatapos niya 'yong sabihin pero biglang sumagi sa isip ko ang galit na mukha ni tatay pati na rin ang pananakit niya sa akin. "G-Gusto ko po sana, kaso baka pagalitan po ako ni tatay," mahinang sagot ko. Binitawan ko ang kamay niya at saka yumuko. Napalingon ako sa kaniya nang ipatong niya ang kaniyang kanay kamay sa aking balikat at marahang tinapik-tapik. "Hindi ka na mapapagalitan at aabusuhin pa ng iyong tatay. Nakausap na ni Tita Millian mo ang tatay mo at pumayag naman siya kaya wala ka nang dapat pang alalahanin," malumanay niyang wika. 'Tama bang pagkatiwalaan at sumama ako sa kanila? Kung totoo ngang pumayag na si tatay, wala na akong magagawa kung hindi ang sumama.' "G-Ganon po ba? Sige po, sasama na po ako sa inyo, Kuya Jef," nakangiting wika ko. Kung tutuusin mas gugustuhin ko pang sumama sa kanila kaysa maiwan ako kasama si tatay na walang ibang gagawin kundi ang uminom at saktan ako. "Mabuti naman kung ganon! O siya, umalis na tayo rito dahil nandiyan na ang ating sasakyan," malawak na ngiting wika niya sa akin. Nagsimula na siyang maglakad palabas habang hawak ang kamay ko pero bigla siyang napahinto dahil hindi ako nagpahila. "T-Teka lang po, Kuya Jef. Mayroon lang po akong kukunin sa kuwarto ko," wika ko at saka tumakbo patungo sa kuwarto ko para kunin ang music box at kuwintas na ibinigay sa akin ni nanay at inilagay iyon sa bag ko na naglalaman ang ilang mga damit. Lumabas ako na bitbit ang bag at saka naglakad na papunta sa sala kung saan nakatayo si kuya at hinihintay ako. "Tara na," aya ni kuya at saka naglakad na palabas. Tahimik na sumunod ako sa kaniya hanggang sa huminto kami sa tapat ng nakaparadang helikoptero. Nakaawang ang bibig na tinitigan ko ang sasakyan namin, hindi ko inaakalang sasakyang panghipapawid ang naghihintay sa amin. Magtatanong na sana ako kay kuya kung okay lang ba na sasakay ako sa helikoptero nang bigla na lamang akong kargahin ng isang lalaki paakyat sa sasakyan. Umupo ako sa tabi ni Kuya Jef habang ang nagkarga sa akin paakyat ay umupo naman sa tabi ko, kaya ang resulta, napapagitnaan nila akong dalawa. Buti na lamang at katabi ko si kuya. Naguguluhang inilibot ko ang tingin sa paligid. 'Nasaan si T-Tita?' "Kung hinahanap mo si Boss Millian, nauna na siyang umalis," nagulat ako nang bigla na lamang magsalita ang lalaking bumuhat sa akin. Tumango na lamang ako at saka yumuko. Narinig ko na ang pag andar ng helikoptero hanggang sa naramdaman ko ang dahan-dahang pagangat nito. Mahigpit kong ipinikit ang aking mga mata at saka niyakap ang dala-dala kong bag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD