Papauwi na sana si Dalisay nang hapon na iyon. Naayos na niya ang mga gamit at nakapag-retouch na rin ng kolorete sa mukha, ngunit naudlot ang kaniyang pag-alis nang may kumatok sa faculty room. Binuksan niya ang pinto at tila ikinagulat pa ang pagdating ng misteryosong babae. Hindi siya pamilyar sa mukha nito, ngayon lamang niya ito nakita. Medyo mataba ang babae, mahaba ang buhok, at maputi ang kutis ng balat.
"Ano pong kailangan ninyo?" usisa niya rito.
"Kayo po ba si Ma'am Dalisay?" balik-tanong nito.
Tumango siya. "Opo. Bakit po?"
"Ako po si Jovena, ina po ako ni Kenjie Venancio, may itatanong lang po ako sa inyo."
"S-Sige po. Pumasok po kayo," yaya niya rito. Ito ang unang pagkakataon na nakilala niya ang babae. Hindi kasi ito nagpupunta sa parent-teachers meeting at kahit sa pagkuha ng report card. Nakapagtataka na nagpunta ito ngayon dito.
Umupo silang dalawa sa kaniyang istasyon. Magkatapat sila at sa pagitan nila ay naroon ang lamesa ng guro.
"Ano pong itatanong ninyo?" Magkakapit ang mga daliri sa ilalim ng baba na tumingin siya rito.
"Pumasok po ba si Kenjie ngayong araw?"
"Opo, bakit po?" pagtataka niya, "Kanina pa po ang uwian nila."
"Hindi ako nakapunta rito kanina dahil may trabaho ako pero..."
Sa pagtataka ni Dalisay ay bigla na lamang umiyak ang ginang.
"D-Dalawang araw na pong hindi umuuwi ang anak ko!" tigmak ng luha sa mata na wika nito.
"Ano po? Bakit po?"
"Inaamin ko na nagkaalitan kami dahil sa maliit na bagay. Lumayas siya sa bahay dahil doon."
"Oh, nagbibinata na po kasi siya," naiilang na sabi ni Dalisay at napaiwas ng tingin. Sa totoo lamang ay hindi niya alam kung anong sasabihin. "Alam n'yo naman pong sa edad niya ay normal lamang ang magrebelde."
Alam niyang may problema si Kenjie sa bahay ngunit hindi niya sigurado kung ano. Minsan naiisip niyang— batay sa ayos ni Kenjie sa paaralan ay tila walang pakialam ang magulang ng bata, ngunit baka mali rin ang kaniyang panghihinala. Hindi naman ito pupunta rito kung wala itong paki.
"Ganoon na nga po." Hinawakan nito ang mga kamay niya at nagmakaawa. "Ma'am, kailangan ko ng tulong ninyo. Kung sakaling pumasok si Kenjie bukas, pwede n'yo po ba akong tawagan? Gusto ko s'yang makausap. Hindi ko rin kasi alam kung saan siya nananatili ngayon."
"Sige po," pagpayag niya sapagkat ano pa ba ang magagawa niya kundi ang pumayag.
"Pasensya na po kayo, ma'am," wika muli ni Dalisay na nagpunas ng luha sa mga mata.
"Nauunawaan ko po, ma'am Jovena. Kakausapin ko rin po ang bata tungkol dito."
"Marami pong salamat at pasensya na po sa abala," anito bago tumayo at magpaalam. "Aalis na po ako."
"Hintayin mo na lamang ang tawag ko bukas. Pakisulat na lang ang numero mo rito." Ibinigay niya ang log in notebook at panulat sa babae. Nang makapagsulat doon ay tuluyan nang umalis ang ginang.
Naiwan si Dalisay na naguguluhan sapagkat pakiramdam niya ay may mali. Gayunman, nakapagdesisyon siya na kausapin muna si Kenjie.
Kinabukasan, katulad ng inaasahan niya ay pumasok nga si Kenjie sa klase. Napansin niya ang malaking ngiti sa mukha nito habang kausap ang grupo nina Mayumi, Oscar at Aya. Mas malinis na rin ang suot nitong uniporme, mas maayos ang buhok at mas malusog tingnan. Hindi halatang naglayas ang binatilyo sa sarili nitong tahanan.
Tinanggal muna niya ang bara sa lalamunan bago magsalita sa bungad ng pinto. "Magandang umaga, mga bata."
Naudlot ang kwentuhan ng mga estudyante at kaniya-kaniya silang balik sa mga sariling silya. Dumiretso si Dalisay sa teacher's table at inilapag doon ang hawak na manila paper at libro.
"Kenjie." Tinawag niya kaagad ang taong laman ng kaniyang isipan. "Huwag ka munang umuwi pagkatapos ng klase. Mag-uusap tayo sa guidance office."
Halatang ikinagulat nina Kenjie at Aya ang mga narinig. Nagkatinginan ang dalawa at nagtanungan ang mga mata. Pero hindi na ipinaliwanag ni Dalisay ang dahilan, saka na lamang kapag nagkaharap-harap na ang lahat ng sangkot.
***
Hindi komportable si Kenjie nang umupo sa loob ng guidance office. Iniisip niya kung may kasalanan ba siyang nagawa kaya siya pinapunta rito ngunit wala naman siyang matandaan. Panay ang pagtingin niya sa paligid at sa mga matatandang nasa loob ng kwarto. Walang-imik sa tapat ng desk ang matandang Guidance Counselor na mukhang nasa 60 na ang edad habang may binabasa itong papel.
Tumutok ang mga mata niya kay Dalisay na katapat niya sa upuan at mukhang nadama nito ang kaniyang pagtataka.
"Pinapunta kita rito upang masinsinan na kausapin. Gusto kong malaman ang totoo, hangga't wala pa ang hinihintay natin," pagsisimula nito.
"Sino po ang hinihintay natin?" Kumunot ang kaniyang noo. Nagduda siya sa sinasabi ng guro.
"Totoo bang naglayas ka sa bahay?" balik-tanong nito na hindi pinansin ang pag-uusisa niya.
Napagtanto ni Kenjie kung anong nagaganap. "Nakausap n'yo po ba si Mama? H-Hinahanap niya po ba ako?"
"Oo, hinahanap ka niya sa akin. Bakit ka naglayas?Bakit mo 'yon ginawa? Saan ka nananatili ngayon?" sunod-sunod na tanong nito sa kaniya.
Wala siyang balak na sagutin iyon sapagkat hindi siya handa na magsalita. Ano naman ang kaniyang sasabihin? Isa pa, wala siyang tiwala sa mga nakatatanda. Baka idamay pa ng mga ito si Aya kapag nalaman ng mga ito ang totoo.
"Kenjie, sabihin mo sa akin kung ano ba talagang nangyari? Anong ginawa ng mama mo bago ka naglayas?"
Muli ay katahimikan ang itinugon niya sa guro. Paano niya sasagutin iyon? Kahit siya ay halos hindi matandaan kung ano ang nangyari, basta ang malinaw lamang sa kaniya ay nakahubo siyang tinapon ng ina sa labas ng bahay. Ngunit kahit iyon ay hindi niya maaaring isawalat sa guro.
Nadismaya naman ito dahil sa hindi niya pag-imik— napabuntong-hininga ito at napasimangot nang malaki.
Sa gitna ng nakakailang na katahimikan, may kumatok sa pinto. Lahat sila ay napalingon doon, si Dalisay na ang tumayo upang pagbuksan ang nasa labas.
Bumungad kay Kenjie ang mukha ng taong hinihintay, nagtama ang linya ng kanilang mga mata — ang isa ay agad nabahiran ng takot at pangamba, samantalang ang pangalawa ay walang emosyon ang balitataw.
Pakiramdam ni Kenjie ay may bumara sa kaniyang lalamunan, hindi siya nakapagsalita at napanganga lamang. Pumasok ang ginang sa loob ng silid at sa kaniyang pagtataka ay biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha.
Sinugod siya nito ng yakap, napakislot siya ngunit hindi nakaiwas. Pagkatapos ay bigla itong umiyak, "Kenjie, anak ko!" hagulgol pa nito na lalong hiningpitan ang pagkakayapos sa kaniya.
"Totoo ba ito?" tanong niya sa isipan sapagkat ngayon lamang niya nakita na magkaganito ang ina. Tama ba siya ng mga hinala at desisyon? Sa paglayo kaya niya ay nabatid nito ang mga pagkakamali?
Kumalas ito sa pakikipagyakap at tinitigan siya habang tigmak ng luha ang mga mata. "Saan ka nagpunta? Bakit mo ko pinag-alala nang ganito? Patawad! Kung ano man ang kasalanan ko ay patawad."
Hindi niya maunawaan, parang hindi ito ang kaniyang ina. Subalit, ito ang unang beses na narinig niya mula sa bibig nito ang salitang patawad. Pakiramdam niya ay tila nalulusaw siya sa galit at lungkot. Unti-unting namasa ng luha ng kaniyang mga mata.
Lumuhod ang ginang sa sahig at lumuluhang nagmakaawa sa kaniya. "Patawad! Patawad, napagtanto ko na ang lahat ng pagkakamali ko! Pakiusap, bumalik ka na sa akin, Kenjie."
"Ma'am, h-huminahon po kayo...." Lalapit sana si Dalisay upang itayo ang babae pero nasingitan siya ni Kenjie.
"M-Ma, tama na po... T-Tumayo n-na po kayo," pautal-utal na sabi ng binatilyo na hinawakan ang braso ng ina at pinatayo. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi siya makapagsalita nang maayos. Ngunit nakaramdam siya ng awa dahil sa paghihinagpis nito.
Hindi ba't ito naman ang gusto niya kaya siya pumayag sa alok ni Aya na tumakas? Sa ganitong paraan ay mapagtatanto ng ina ang mga pagkakamali.
"Pangako magbabago na ako!"
Hindi niya namalayan ang pagtulo ng butil ng luha nang marinig ang mga salitang pinakahihintay niya— ang pangangako nito na magiging mabuti na ang pakikitungo sa kaniya. Niyakap niya ang ina at humingi rin ng tawad, "I-Im sorry din, M-mama..."
Nanatili lamang na nakatayo roon si Dalisay, kahit ang guidance councilor ay nagtataka na nakatingin lamang sa senaryo. Tumayo ang mag-ina, hawak-hawak na ni Jovena ang kamay ni Kenjie. Humarap ito sa guro at pilit na ngumiti. "Maraming salamat po, Ma'am Dalisay."
Walang nagtangkang pumigil sa dalawa nang dumiretso sila palabas ng pinto, ni hindi man lang nakapagsalita si Dalisay dahil sa pagmamadaling pag-alis ng babae.
***
Hindi mapakali si Hiraya sa loob ng silid-aralan. Panay ang kaniyang pabalik-balik na paglalakad sa dalawang sulok ng kwarto at nahihilo na ang mga kaibigan na kanina pa siya sinusundan ng tingin.
"Huminahon ka nga at umupo! Nahihilo na ako sa 'yo," reklamo ni Mayumi. Samantalang napabuntong-hininga lamang si Oscar habang nakapalumbaba.
"I'm sorry pero hindi ako matatahimik hangga't hindi pa bumabalik dito si Kenjie." Napahinto siya sa paglalakad at napakagat sa hinlalaki. Anong nangyari? Bakit siya pinatawag ni Dalisay? Kung hinahanap siya ni Jovena kahapon, hindi kaya...
"I'm gonna go!" desisyon niya at lumabas sa pinto. Dire-diretso ang kaniyang pag-alis at hindi na pinansin ang pagtutol ni Oscar.
"Teka lang, Aya!"
Halos takbuhin niya ang hallway patungo sa guidance office, hinihingal siyang bumaba sa ground floor at swerte na pagdating doon, naabutan pa niya si Dalisay sa tapat ng opisina. Paalis na ang guro nang tawagin niya ito.
"Ma'am Dalisay!" Napahinto naman agad ang babae sa paglalakad saka napalingon sa kaniya. Nagtataka ang mga mata nito at nagtanong, "Oh, Aya, bakit?"
"Si Kenjie po nasaan na?" walang pakundangan niyang tanong na lumapit sa babae.
Naguguluhan pa rin ang diwa ni Dalisay. "May alam ka ba sa mga nangyayari, Aya? Alam mo bang lumayas si Kenjie sa bahay?" panghihinala nito.
Saglit siyang napatahimik dahil kinagulat niya ang pang-uusisa ng guro. Umiwas siya ng tingin at umiling. "Hindi ko po alam."
Nahuli agad siya nito. "Nagsisinungaling ka, Aya."
Hindi siya tumugon. Sasabihin na ba niya ang totoo kay Dalisay? Ito na ba ang tamang pagkakataon? Paano kung katulad ni Mela ay sabihin din nito na kailangan niyang lumayo? Nalilito ang kaniyang isipan sa tamang desisyon.
Ngunit, hindi dapat ito ang kaniyang iniisip ngayon. Umiling siya at iniwaksi ang kaguluhan sa utak. Kailangan niyang magpokus, hangga't nasa panig niya si Kenjie at alam niyang ligtas ito, wala dapat siyang ipangamba. Ngunit kung bumalik ito sa poder ng ina, siguradong balik na naman siya sa square one.
"Nasaan po si Kenjie?" ulit niya ng tanong, mas madiin at determinado. Hindi na niya pinansin pa ang pagdududa ng kaharap.
Napabuntong-hininga muli si Dalisay. "Wala na siya, Aya. Inuwi na siya ng kaniyang ina."
Nang marinig iyon ay parang pinagsakluban siya ng langit at lupa. Gumuho ang pundasyon na pinaghirapan niya sa mga nakaraang araw.
Sabi na nga ba!
Umaasa pa rin talaga si Kenjie na magbabago ang demonyita. O baka pinilit nilang bumalik ang binatilyo sa ina nito?
Sh*t, hindi ko alam kung anong nangyari!
Napasapo si Hiraya sa noo dahil sa panghihinayang. Gayunman, kailangan niyang magpakatatag at mag-isip muli ng paraan.
Wala na siyang sinabi sa guro. Tumalikod na siya at tuloy-tuloy na naglakad palayo, hindi na niya inintindi pa ang mga mata ni Dalisay na nakasunod sa kaniya.
Ano nang gagawin ko ngayon?
***