Chapter 2 : Misunderstanding

1985 Words
Nakapagtataka. Alam niyang mabait si Aya. Hindi ito suplada. Madaling lapitan at hindi nito itinataboy ang mga taong gustong makipagkaibigan. Magalang at mahinahon ito kung makipag-usap. Ngunit sa kabila ng maayos nilang relasyon bilang seatmate o classmate, masasabi ni Kenjie na hindi pa rin sila magkaibigan. Sapagkat hindi sila malapit sa isa't isa at wala siyang balak na magbukas ng kalooban dito. Wala siyang balak na magkwento tungkol sa sarili, lalo na sa pamilya. Ang madalas lamang nilang pag-usapan ay ang mga aralin sa klase. Ngunit sadyang nakapagtataka, simula nang makabangon ang dalagita mula sa pagkawala ng kamalayan ay tila mas naging mapilit ito— agresibo kung makipagkaibigan sa kaniya. Hindi na ito nagbibigay ng pribadong espasyo o nagdadalawang-isip sa sinasabi. Naisip niya para itong nanliligaw... Napailing si Kenjie upang iwaksi ang nakakalokong ideya. Nagpatuloy siya sa paglilinis ng bintana. Impossible naman na ang tinuturing niyang 'crush ng bayan' ay magkagusto sa kaniya. Ngunit hindi siya makakilos nang tama. Nako-conscious siya sa sarili, lalo pa't kanina pa siya tinitingnan ng babae. "Bakit ba tingin ka nang tingin sa akin?" Hindi na nakapagtimpi na tanong niya rito. "Oh!" Kinagulat nito ang kaniyang pagsasalita at natigilan sa pagpupunas ng lamesa. Napahinto rin si Oscar sa pag-aayos ng linya ng mga upuan. Sampu silang lahat na nakatalaga sa paglilinis ngayon ng classroom. Ang iba ay nagsitakas at umuwi na. Samantalang kasama niya sina Oscar at Aya. Si Mayumi ay nakaupo lamang habang nagpupulbo at naghihintay na matapos ang paglilinis ng mga kaibigan. "Huwag kang mag-feeling gwapo, uy! Hindi ka naman tinitignan ni Aya, noh!" Si Oscar ulit ang sumagot sa paratang niya. Hindi niya ito pinansin. "Nagtataka lang ako," pinutol ni Aya ang pagpuputok ng butsi ni Oscar. "Kasama ka ba talaga sa cleaners ngayon?" "Oo, bakit may problema ba?" Nagsinungaling siya. Sumama lamang siya ngayon sa paglilinis dahil ayaw niyang umuwi sa bahay. Nagpaalam siya sa leader at pinayagan naman siya niyon. "Natatandaan ko kasi na kami lang ni Oscar ang naka-assign ngayon," wika nito. "Kung ayaw mong nandito ako, pwede ka naman umuwi nang maaga." "Hindi ako makakauwi hangga't hindi dumadating ang Mama ko. Tinawagan ni Ma'am Dalisay ang ina ko para sunduin ako rito." Pinagpatuloy nito ang pagpupunas ng mesa. "Kailangan mong magpahinga at baka mahimatay ka pa ulit diyan. Huwag ka nang maglinis. Umuwi ka na." Hindi naging maganda sa pandinig ang kaniyang pananalita dahil parang lumalabas na pinagtatabuyan niya ang babae. Sa totoo lamang ay concern siya sa kalusugan nito ngunit hindi niya alam kung paano sasabihin nang maayos. May kirot siyang naramdaman sa puso nang makita ang lungkot sa mukha ni Aya. "Oh, you really don't want me here," anito. "A-Ano..." Nagkamali na naman siya ng mga sinabi. Hindi niya sinasadyang masaktan ang puso ng tanging tao na naging mabuti sa kaniya. "Bakit ba ganiyan ang trato mo kay Aya?" nairita muli si Oscar. "Bingi ka ba? Sabi nga na hindi siya makakauwi hangga't wala pa ang mama niya! Hindi ka man lang nagpasalamat sa kabutihan niya sa 'yo kanina, tapos sinusungitan mo pa siya!" "Oscar, relax lang." Nahintakutan si Aya na baka magkasakitan na ang dalawang lalaki. Kanina pa kasi nabubuysit si Oscar kay Kenjie. "Kanina ka pa, Banoy! Isa pang pambabastos kay Aya, susuntukin na kita!" "Nagseselos ka ba, Oscar?" Mabuti na lamang at nandoon si Mayumi na handang makipagdebate. Sa totoo lamang, ang babae lamang ang kayang mambara at magpatigil sa bunganga ng kaibigan. "B-Bakit ako magseselos?" natarantang wika nito na nagbabanta ang tingin kay Mayumi. "Halata naman, eh." Nagkibit ng balikat ang babae. "Dahil may gusto si Aya kay Kenjie." "Ha? Anong may gusto?! Hindi iyon totoo, 'di ba, Aya?" Inilipat nito ang mga mata sa tinanong. "Ako ang boy bestfriend mo! Mas close tayo kaya mas gusto mo ko kaysa sa seatmate mo, 'di ba?!" Confident na tinuro pa nito ang sarili na tila nagyayabang. Umikot ang mata ni Mayumi sa itaas at napailing dahil sa kabaliwan ni Oscar. "Sino ang mas gusto mo, ako o si Banoy?" tanong pa nito. "Oscar, pareho ko naman kayong gusto dahil pareho ko kayong kaibigan pero..." Kinakapa pa ni Aya ang tamang mga salita na gagamitin upang hindi masyadong masaktan si Oscar. "Pero?" Nainip na ito sa paghihintay sa susunod na mga salita. "Pero hanggang kaibigan ka lang daw dahil mas gusto niya si Kenjie," dugtong ni Mayumi na mapanuksong ngumisi. "Shut up, Taba! Hindi ka naman kasama sa usapan!" banas nang sabi ni Oscar. "Sino ang tinatawag mong taba?!" Tumaas ang boses na tugon nito. Napabuntong-hininga si Aya nang makita ang dalawang kaibigan na nag-aaway na naman. Laging magkasama ang mga ito pero lagi rin namang nagpapang-abot ng init ng ulo. Namumula na ang magkabilang pisngi ni Kenjie dahil sa hiya at inis. Hindi na niya kaya pang manatili sa loob ng classroom dahil pakiramdam niya ay lahat ng mga mata ay nakatitig sa kaniya. Ito pa naman ang pinakaayaw niya, ang makakuha ng atensyon. Ibinaba niya ang basahan sa sahig at nagtungo sa sariling silya upang kunin ang bag. Napansin siya ni Aya. "Uuwi ka na, Kenjie?" Hindi niya ito pinansin o tinapunan ng tingin. Basta dire-diretso lang siyang lumabas sa silid. Napahinto sa pag-aaway sina Mayumi at Oscar nang makitang lumabas si Kenjie at natatarantang humabol dito si Aya. "Kita mo? Sabi ko sa 'yo, eh," wika ni Mayumi kay Oscar dahil tama siya. "Hindi pa rin ako naniniwala!" Akmang hahabol ang binatilyo kay Aya ngunit pinigil siya ni Mayumi sa braso. "Pabayaan mo silang dalawa! Kapag pinakialaman mo sila, magagalit talaga ako sa 'yo, Oscar. Hindi kita papansinin ng isang buong taon." pababanta pa ni Mayumi. Huminto naman si Oscar at nakinig dito. Pinag-akbay ng babae ang mga braso. Sa puntong ito, alam ni Oscar na seryoso na talaga ang kaibigan. Hindi na ito nagbibiro. "S-Susundan ko lang sila baka kung anong gawin ni Banoy kay Aya." "Bobo, anong tingin mo kay Kenjie? Matagal na rin silang magkakilalang dalawa. Since Grade 4 pa silang magkaklase at seatmates sila 'di ba?!" panenermon ni Mayumi at umismid pa. "Tsk, hindi ka talaga nakakaintindi ng damdamin ng mga babae! Anong balak mo, pilitin si Aya na gustuhin ka? Sinasabi ko sa 'yo, hindi mo mapipilit ang babae kapag ayaw sa 'yo!" May punto naman si Mayumi kaya ano pa bang magagawa ni Oscar? *** Tumakbo siya patungong hagdan, iyon ay dahil ayaw niyang makahabol si Aya na sinusundan pa rin siya. Sinigaw nito ang pangalan niya sa hallway ngunit nagsawalang-kibo lamang siya. Ang kulit talaga! Napasulyap siya rito sa likod, nakita niyang nakasapo ito sa dibdib at hinihingal na humahabol. Nakaramdam siya ng pag-aalala at napatigil sa pagtakbo. Naalala niyang nahimatay si Aya kanina at maaaring hindi pa bumabalik ang resistensya nito. Nang tumigil siya ay huminto rin si Aya at kumapit sa pader. Nakahawak pa rin ito sa dibdib habang hinahabol ang hininga. Nagpadausdos ito paupo sa sahig. Nilapitan niya ito upang kausapin. "Ugh... h-hindi pa rin bumabalik ang lakas ko..." usal nito sa pagitan ng sunod-sunod na paghinga. Naguguluhan ang mga mata ni Aya na para bang kahit sariling katawan ay hindi nito maintindihan. Lumuhod ang isang tuhod niya sa tapat nito. "Ano bang kailangan mo? Bakit mo pa ako hinabol?" Tinitigan lamang nito ang mga mata niya. Laging nangungusap ang mga mata ni Aya. Laging may gustong sabihin ngunit mukhang nagdadalawang-isip pa na magtapat. Hindi talaga niya maunawaan ang tumatakbo sa isipan nito. "Gusto lang kitang m-makausap," nagbaba ito ng tingin. "Tungkol saan?" Nais niyang malaman ang totoo. Nararamdaman niya na may iba pang dahilan. Binuka nito ang bibig na parang may ipapaliwanag ngunit bigla yatang nagbago ang isip kaya muling isinara ang labi. Hinintay niya kung ano pang sasabihin nito. "S-Sorry..." mahinang sabi ng babae. "Sorry, saan?" Kumunot ang kaniyang noo. Ako dapat ang mag-sorry. Nais niyang dugtungan ang sinabi pero bago pa man siya makahingi ng tawad ay nagsalita muli si Aya. "Sorry kung mapilit ako." Napamaang siya nang makitang tumulo ang mga butil ng luha sa mga mata nito. Hindi niya ito inaasahan ngunit bakit ito umiiyak? Masyado ba siyang marahas kanina? "P-Patawad kung masyado akong nangingialam. S-Siguro ay ayaw mo na sa akin dahil sa pangungulit ko!" sumisinghot-singhot nitong sabi habang pumapatak ang mga luha. "P-Pero ginagawa ko lang naman ito dahil g-gusto kitang maging kaibigan." "Teka, ba't ka umiiyak?" Hindi niya alam kung anong gagawin. Napatingin siya sa paligid. Paano kung makita sila ng classmates nila, maabutan sila ni Oscar o madatnan ng kanilang guro? Baka akalain pa ng mga ito na sinaktan o tinukso niya si Aya. "T-Tahan na, please..." "Hindi ko alam kung anong gagawin! Hindi ko alam kung anong nangyayari. Pakiramdam ko ay mali na naman ako ng naging hakbang!" Napasabunot pa ito sa sariling buhok. Ngayon lamang niya nakita na tila pagod na pagod na sa buhay si Aya. Ngayon lamang niya nasaksihan ang pag-iyak nito dahil madalas lamang itong nakangiti. Hindi kaya sa likod ng mga ngiti nito ay may dinaramdam din itong mga suliranin? Sadyang magaling lamang magtago ang dalagita kaya walang nakakapansin. At sa kaniya lamang ito naglabas ng sama ng loob? "N-Natatakot ako na baka bukas ay hindi na kita makita!" Isinubsob nito ang mukha sa palad at lalong umiyak. "Ano bang sinasabi mo? Magkikita pa tayo bukas. Tumahan ka na." Hindi siya nakakilos nang bigla siya nitong sinugod ng yakap. Naamoy niya agad ang bango ng gamit nitong shampoo at cologne. "Ipangako mo sa akin na magkikita pa tayo. Ipangako mo na gagawin mo ang lahat para magkita tayo!" Hindi siya makahinga. Hindi niya sigurado kung dahil sa higpit ng yakap ng dalagita o dahil sa mabilis na kabog ng kaniyang dibdib. Damang-dama niya ang pag-init ng magkabilang pisngi. Hindi niya alam kung anong sasabihin o gagawin. Tutugon din ba siya ng yakap? Biglaan itong nangyari! Subalit inaamin niya, mas mainit at komportable ang yakap na ito kumpara sa yakap ng kaniyang ina. "Ayaw kitang malayo sa akin, Kenjie! Gusto kitang laging nakikita!" Ano raw? Nagtapat ba ng pag-ibig si Aya sa akin? Totoo ba ito? Pero bakit ako? Hindi ko maintindihan! "Kung pwede sanang isama kita pauwi. Kung pwede sanang itakas na lamang kita. Huwag ka nang umuwi sa nanay mo. Sumama ka na lang sa akin. Nangangako akong aalagaan kita!" Itakas, isama pauwi at alagaan?! Gusto niya bang magpakasal na kami? "Ipangako mo!" ulit nito na hinigpitan ang pagkakakapit sa kaniya. Hindi kasi siya nagsasalita. "Oo na! Oo na, promise! Basta huwag ka nang u-umiyak..." Ngunit sa garagal na boses niya ay parang siya naman ang iiyak. Kumalas ito ng pagkakayakap at nahihiyang ngumiti habang pinupunasan ang mga luha. "Salamat at sorry ulit." "Huwag kang mag-sorry. A-Ako dapat ang humingi ng tawad." Hindi siya makatingin nang diretso lalo pa't namumula ang kaniyang buong mukha. Nararamdaman pa rin niya ang mabilis na t***k ng puso. Hindi siya sanay sa ganito pero hindi siya nagrereklamo. "Sorry. Masyadong mabilis. Hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko. Lalo pa't may dinadala akong problema..." Napanganga si Aya. Tila ito naman ang naguluhan at nabigla. "I think you misunderstand." Tumayo siya at pinutol ang sinasabi ng babae. "Mabait ka, maganda at malakas ang dating. Kahit sino ay siguradong mahuhulog sa 'yo. Walang halong pambobola." "Ha?" Napanganga si Aya saka napatayo. "Oh no! I'm not—" "Naunawaan ko na kung bakit lagi mo kong sinusundan at tinitignan. Patawad sa pagiging manhid ko. Maraming salamat sa pagmamalasakit mo sa 'kin. Pero hindi kita gusto, Aya. Pwede lang tayo maging magkaibigan." "Ha?" Lalong lumaki ang buka ng bibig nito dahil sa pagkagulat. "Pangako na haharap ako sa 'yo bukas at walang magbabago sa akin. Hindi kita iiwasan. See you tomorrow, Aya!" Nag-iwan siya ng pilit na ngiti bago tumalikod at nagmadaling naglakad patungo sa hagdan. Sobra na siyang nahihiya dahil sa mga binanggit. Kailangan na niyang makaiwas sa nakakailang na sitwasyon. Samantala, natameme lamang doon ang babae na para bang pinagsisisihan ang mga sinabi at ginawa. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD