MULI na namang nilunod ni Geri ang sarili sa alak ng gabing iyon. Gusto niyang mamanhid ang katawan niya sa kalasingan para pansamantalang mabawasan ang sakit sa kaniyang dibdib. Gusto niyang libangin ang sarili para hindi na sumagi pa sa isip niya si Zion.
Subalit tulad ng mga nagdaang gabi ay bigo na naman ang dalaga. Kada lagok niya ng mapait na alak ay naaalala niya ang mga matatamis na sandaling pinagsamahan nila ng dating kasintahan. Paano ba naman niya kasi makakalimutan si Zion kung halos lahat ng magaganda nilang alaala ay naganap mismo sa lugar na ito? Kung saan sila unang nagkakilala. Kung saan nabuo at kung saan din natapos ang kanilang pagmamahalan.
Nang sumapit ang alas 8:00 ng gabi ay nagsimula nang tumugtog ang bandmates ni Geri. Si Miguel at Cholo lang ang nasa stage dahil naka-leave pa rin siya ngayong gabi. Pinihit niya ang kinauupuang bar stool paharap sa stage.
Nilibang na lang niya ang sarili sa pakikinig sa banda at sinasabayan din niya ang pagkanta ni Cholo. Ito ang pumapalit na vocalist kapag wala siyang pasok.
Paminsan-minsan ay nilalagok niya ang bote ng tequila na hawak. Sa totoo lang ay ayaw na niyang gumamit pa ng baso dahil nangangalay na siya sa kakasalin.
Ang hindi alam ni Geri ay may isang pares ng mata ang kanina pa nakamasid sa kaniya, si Lucas. Naka-upo ito sa bandang sulok ng bar at mag-isang umiinom ng beer.
“Are you having fun?” patanong na sigaw ni Cholo sa mga customers matapos ang tatlong sunod-sunod na kanta.
“Yes!” sigaw ni Geri sabay taas ng bote ng tequila na hawak.
Sa sobrang lakas ng boses niya ay napatingin sa kaniya ang mga ka-banda. Natawa ang mga ito nang makita siya. Halata na kasi sa mukha niya ang kalasingan. Namumula na kasi ang mukha niya at namumungay na rin ang kaniyang mga mata.
“Naku! Lasing ka na naman. Kumanta ka nga rito.” tawag sa kaniya ni Cholo.
“Naka-leave ako ngayon! Sorry”
“Wala akong pakialam. Kumanta ka na lang dito kaysa maglasing ka d'yan.”
Dahil na rin sa kalasingan ay pumayag na rin si Geri. Tumayo siya at lumapit sa stage, bitbit pa rin ang bote ng tequila na para bang hindi siya mabubuhay ng sandaling iyon kung wala ang paborito niyang alak.
“Alright! Let’s give it up for our main vocalist, Geri Acosta!” pumapalakpak na sabi ni Cholo nang tuluyan siyang maka-akyat sa stage. Nagpalakpakan din ang mga customers.
“Hi, fans!” biro niya sa mga customers habang kumakaway.
Maya-maya pa ay dumapo ang kaniyang paningin sa bandang dulo ng bar. Nakita niya ang isang lalaking naka-upo roon at nakatitig sa kaniya. Iyong masungit na lalaking sinundo niya kanina, si Lucas.
Nginitian siya nito at inangat ang basong may lamang beer na iniinom nito.
Umarko pataas ang isang kilay ng dalaga. Mukhang maganda ang epekto ng beer sa mood ng lalaki dahil maaliwalas na ang mukha nito at nakuha pa siyang ngitian. Kung alam niya lang sana ay dinalan niya ito ng beer noong sinundo niya ito kanina sa port.
Mayamaya ay tila wala sa sariling napangiti si Geri. Ngayon niya lang napagmasdan nang maigi ang mukha nito. Gwapo pala talaga. At infairness, marunong pala itong ngumiti.
Ang cute pala ang mokong na ito ‘pag nakangiti.
Hindi niya maintindihan kung bakit biglang bumilis ang t***k ng puso niya habang nakikipagtitigan dito. Well, sobrang gwapo naman kasi talaga nito.
Biglang sumagi sa isip niya ang sinabi ni Yani kanina. At sa hindi malamang dahilan ay naisip niya na sana nga ay ito na ang maging bago niyang prince charming. Who knows, this time ay magkaron na siya ng happy ending.
Baliw! Agad niyang sita sa sarili. Hindi niya naman kasi kilala ang lalaki. Sa sobrang gwapo nito ay imposibleng wala itong girlfriend or asawa.
Natigil lang siya sa pag-iisip nang magsimula nang tumugtog ang banda. Inalis na niya ang tingin sa lalaki. Nilapag niya muna ang bote ng alak sa gilid at nagsimula na ring kumanta.
Masaya si Geri nang mga sandaling iyon. Kahit papaano kasi ay gumaan ang pakiramdam niya. Passion niya kasi talaga ang pagkanta at ito rin ang outlet niya sa tuwing nakakaramdam siya ng matinding lungkot, sakit or galit.
Subalit sadyang mapagbiro ang tadhana. Pagkatapos kasi ng tatlong kanta ay may lumapit na waiter sa kaniya at inabot ang isang tissue.
Napangiti siya nang makitang may naka-ipit na isang libong piso sa tissue bilang tip, subalit nawala rin agad ang ngiting iyon matapos mabasa kung ano ang nakasulat doon. Ilang sandali rin siyang natigilan kaya nilapitan siya ni Cholo.
Inagaw nito sa kaniya ang tissue. Natatawa itong tumingin sa kaibigan. “Tsong, kantahin mo ito para sa isang libo."
“Bwisit!” inirapan niya rito.
Napabuntong hininga na lang si Geri. Bigla siyang nagsisi kung bakit siya umakyat ng stage at kumanta kasama ng kaniyang banda. Dapat pala ay nanatili na lang siya sa pwesto ni Yani.
Tumikhim muna siya bago nagsalita sa tapat ng mic. “Our next song is ‘Broken Vow’ by Lara Fabian.” Napahawak siya sa mic stand na tila doon kumuha ng lakas para makanta ang nire-request ng customer.
“Sino ang nag-request nito?” kunwari ay naiinis niyang tanong.
“Me!” sigaw ng isang babae sa hindi kalayuan. Tulad niya ay halatang lasing na rin ito. Namumugto rin ang mga mata ng babae. Marahil tulad niya ay iniwan din ito ng boyfriend nito.
“Broken hearted ka rin, ‘no?” natatawa niyang tanong.
“Yes, dear!” tumangu-tango nitong wika.
“Parehas tayo!” aniya sabay tawa ng malakas.
“Wala talagang forever!” muling sigaw nito.
“Troot!” agad niyang sang-ayon.
Nagsimula na ulit tumugtog ng kanya-kanyang instrumento sina Miguel at Cholo.
“Woooh! Para sa mga sawi.” natatawang sigaw ni Geri ngunit halata sa kaniyang tinig at mga mata ang matinding sakit na nararamdaman. Nakita niyang tumawa din ang babaeng nag-request ng kanta. Magkaka-unawaan talaga silang dalawa dahil pareho silang sinaktan, niloko at iniwan ng lalaking minahal nila.
Biglang sumeryoso ang mukha ni Geri nang magsimula na siyang kumanta.
Ramdam na ramdam ni Geri ang matinding sakit sa bawat salita ng kanta. Tungkol kasi iyon sa babaeng iniwan ng lalaking kaniyang minahal ngunit pinagpalit lamang siya sa iba. Bawat lyrics ng kanta ay tila kutsilyong sumusugat sa puso niya.
Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata at hindi niya alam kung paano pipigilan ang pagtulo ng mga iyon.
Ang mga customers naman sa loob ng bar ay hangang-hanga sa napaka-gandang boses ng dalaga. Isa na roon si Lucas na tila na-estatwa at napatulala na lang habang nakatitig sa kaniya. Bakas na bakas sa mga mata ng binata ang matinding paghanga. Halatang hindi lang ito nabighani sa mukha ni Geri kundi pati na rin sa mala-anghel niyang tinig.
Dala na rin sigro ng kalasingan kung kaya hindi na napigilan pa ni Geri ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata, na agad niya rin namang pinunasan gamit ang likod ng kaniyang mga palad.
Biglang natahimik ang mga customers ng resto bar nang makita siyang umiiyak. Seryoso ang mga ito habang nakikinig sa banda, habang pinakikinggan ang napakalungkot na pag-awit ni Geri. Bakas sa mukha ng mga ito ang awa habang nanonood sa dalagang buong pusong kumakanta habang walang tigil na tumutulo ang luha sa mga mata.
Ang ibang kasamahan ni Geri ay naiyak din habang pinapanood siya sa stage. Ramdam na ramdam kasi ng mga ito ang matinding sakit na pinagdadaanan niya ng mga sandaling iyon, matinding sakit na inilibas niya sa pamamagitan ng pag-awit.
Habang kumakanta ay hindi pa rin maalis sa kaniyang isip si Zion. Tila iniinis siya ng sariling utak dahil sa walang tigil na pag-flashback sa kaniyang isipan ng mga masasayang sandali na pinagsamahan nilang dalawa ng dating kasintahan, noong mga panahong buong akala niya ay napatino niya ang isang playboy, noong mga panahong akala niya ay siya lang ang babaeng iniibig nito, noong mga panahong pinaniwalaan niya ang mga pangako nito na kailanman ay hindi siya nito sasaktan at iiwan.
Napa-iling na lamang si Geri habang patuloy ang pagtulo ng masaganang luha sa kaniyang mga mata. Isang buwan na ang lumipas simula nang maghiwalay silla ni Zion pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapag-move on? Bakit hanggang ngayon ay labis pa rin siyang nasasaktan?
Kasal na si Zion sa ibang babae ngayon at kailanman ay hindi na ito babalik pa sa piling niya. Kaya naman wala na siyang ibang choice kundi tanggapin na lang ang mapait na katotohanang iyon. Gusto na niya itong kalimutan at tuluyang burahin sa puso’t isipan niya.
Alam niyang mahirap, pero kailangan niyang gawin iyon para na rin sa sarili niyang kapakanan. Hindi naman pwedeng nagpapakasaya ito sa piling ng ibang babae samantalang siya ay patuloy lang sa paglalasing at pag-iyak.
Palakpakan ang mga tao nang matapos ni Geri ang kanta. Pasimpleng nagpunas ng mga luha ang ilang customers na napa-iyak dahil sa kinanta niya.
Nagpaalam na siya sa mga ito at muling kinuha ang bote ng tequila. Bumaba na siya sa stage at patakbong lumabas ng bar.