TCG: Chapter 2 (Lihim ni Mike)

2559 Words
Nang matapos kumain sina Jeff at Nathan sa restaurant ay kaagad silang nagtungo sa sementeryo upang dalawin ang ina at ama niya na nakalibing doon. Nakatayo silang dalawa sa paanan ng puntod ng mga magulang ni Jeff. Nakatingin sa mga pangalan habang sumasayaw ang mga apoy mula sa mga kandila sa kanilang mga mata. “Nay. Tay. Kamusta na po kayo? Siguro ay masaya na kayong magkasamang dalawa diyan sa langit” sambit ni Jeff sa puntod habang nanlulumo ang kanyang mga mata at nakatingin sa kanya si Nathan “Pasensiya pala kung natagalan kami sa pagbisita ha? Marami kasing ginagawa eh. Happy Birthday Nanay. Miss na miss na po kita” Tatlong taon ang nakakaraan… “Well. Kung wala na kayong tanong, the meeting is adjourned” kaagad tumayo ang mga miyembro ng board at lumabas ng silid. Habang naglilikpit si Jeff ng kanyang laptop ay may biglang pumasok na parang nahihingal “Sir” sambit ng assistant ni Jeff sa kanya. “Yes? Bakit Gwen?” “Tumawag si Ma’am Sky” sagot niya sa kanyang boss “Bakit? Anong sabi niya?” “Ang nanay niyo po Sir. Si Madam Joyce, isinugod sa ospital” “What?!!” sigaw ni Jeff sa kanyang assistant “Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?!” “E kasi may meeting kayo kanina, Sir. Diba ang sabi mo na huwag kayong istorbohin?” Nagpabuntong-hininga na lamang si Jeff sa sagot sa kanya ng assistant “I know. Kahit na. Emergency yun eh. Ano ba oras tumawag?” “One hour ago po, Sir” “Kanina pa nga” dugtong niya at iniwan na lang ang mga gamit sa mesa at nagmamadaling lumabas ng conference room. “Gwen. Paki-ligpit na lang ng mga gamit ko sa loob at paki-cancel na lang ang mga meeting ko after this. Pupunta muna ako ngayon sa ospital” “Yes Sir” … sa ospital Kakarating lang ni Jeff sa Intensive Care Unit o ICU ng ospital. Nakita niya na nandoon ang kanyang anak na si Sky na nakatayo sa labas kasama si Stephen. “Papa..” iyak ni Sky habang papalapit ang ama sa kanya “Ano ba ang nangyari sa kanya, Sky?” “Hindi ko rin alam, Papa. Nung pagdating namin ni Stephen sa mansyon ay nadatnan ko na sinasakay na si Nanay-La sa ambulansiya” paliwanag niya sa ama “Kaya sumama na lang ako at tinawagan ko ang opisina mo pagkatapos pero ang sabi ni Gwen ay nasa meeting ka” “Pasensiya na, anak. Busy kasi kanina eh” sagot niya kay Sky “E kamusta na siya? Anong sabi ng doktor?” “Sabi ng dokor ay unting-unti nang humihina ang mga organs niya, Papa” sagot niya sa ama “Hinihintay na lang daw nila na isa-isa susuko ito. Papa. Parang susuko na nga si Nanay-La” “Hindi” pigil niya ng kanyang luha “Matapang ang Nanay-La mo. Makakaya niya ito” “Pero…” “Hindi Sky. Hindi pa ngayon” sambit niya habang namumula ang ilong niya “Hindi kita maiintindihan kung bakit iyan ang sinasabi mo sa Nanay-La mo” “Hindi naman po. Pero tanggapin na lang natin na matanda na si Nanay-La. At kailangan niya nang magpapahinga” Hindi pinansin ni Jeff ang sinabi ng anak at dumerecho na lang sa pintuan ng ICU. Pipigilan na sana siya ni Sky pero nakapasok na siya sa loob ng silid. “Hayaan mo na lang siya, Mahal” sagot naman si Stephen sa kanya “Hayaan mo na makausap niya ang kanyang ina sa huling pagkakataon” Pumasok si Jeff sa loob ng ICU at may sinuot siyang damit na tinatawag na scrub suit bago pumasok at lumapit sa pasyente. Habang papalapit siya sa kama ng ina ay mas lalong kumukurot ang puso nito dahil maraming tubo na ang nakakabit sa katawan ni Joyce. Umupo si Jeff sa tabi nito at hinawakan ang kamay ng ina. “Nanay..” tawag niya sa ina na mahinahon ang tono ng boses. Bumukas ang mga mata ng matanda at parang narinig niya ang boses ng pinakamamahal niyang anak “Kamusta ka na, nay? Ano ba ang ginawa nila sa’yo? Marami kang tubo oh” sambit niya sa matandang Joyce na tila kinukurot ang kanyang dibdib sa paghihirap ng kanyang ina “Pagaling ka nanay ha. Marami pa akong ikukuwento sa’yo kapag makalabas ka dito. Hindi ako naniniwala sa mga sinasabi ng mga doktor sa labas dahil alam ko na matapang ka. Alam ko na malalampasan mo ito. Ikaw kaya ang nagturo sa akin na maging matapang at lumaban sa hamon ng buhay” at doon na nagsimulang tumulo at unting-unti humagolhol si Jeff sa iyak “Sa totoo lang, nay. Hindi pa ako handa na mawala ka. Kailangan pa kita, nanay” yumuko si Jeff at piniga niya ng kanyang kamay ang mga mata niya “Pero kung hindi mo na kaya, tatanggapin op o. Dahil ayaw ko naman na nakikita kitang nahihirapan” biglang umagos ang luha ni Joyce mula sa kanyang mga mata. Umuungol ito na parang bata na umiiyak. Nakita naman ito ng anak niya na si Jeff at hinalikan niya ito sa ulo “Kung tadhana na ang nagsasabi na kailangan mo nang umalis. Pumapayag na ako. Magpahinga ka na, ‘nay” sambit niya sa kanyang ina “Pwede mo nang samahan si Tatay sa kabilang buhay” Nang marinig ni Joyce ang sinabi ng kanyang anak ay huminga siya ng malalim at piniga ang kamay ng anak para ipahiwatig na mahal niya ito. Napaiyak naman muli si Jeff sa ginawa ng ina at hinalikan niya muli ito sa noo at nagsabing “Mahal na mahal din kita, nanay. Pahinga ka na” *** Sa kasalukuyan… Sa bahay ng mga Francisco. Alas-otso na ng gabi nang makauwi si Calvin mula sa mansyon ng kanyang girlfriend na si Sky. Kitang-kita ang saya sa kanyang mukha habang papasok siya ng bahay dahil sa wakas ay nakilala na siya ng ama ni Sky at parang tanggap naman siya nito. “Parang masaya ka ‘ata, anak” sambit ng boses mula sa sala. Nagulat si Calvin dahil hindi niya inaasahan na nasa bahay ang ama niya. Minsan lang kasi nakakauwi si Alvin dahil sa kanyang trabaho. “Oh ‘tay. You’re here” sabay lapit niya sa ama at nagmano “Sana pinaalam mo sa akin na uuwi ka. Nagluto sana ako ng hapunan natin” “Okay lang anak. Nakakain naman ako sa labas” sagot ni Alvin sa anak “Ikaw? Saan ka galing? Kasama mo naman ba si Sky kanina?” “Oo tay” ngiti agad ni Calvin “Doon kami galing sa mansyon nila. Sobrang laki pala ng bahay nila noh” “Siyempre naman. Isang Dy si Sky. Hindi lang isang ordinaryong babae, dahil siya ang may-ari ng DGC” “Oo nga tay eh. Pero hindi naman yaman ang gusto ko sa kanya kundi siya mismo, ang pagkatao niya dahil iba siya sa mga babae na nakilala ko” “Naku Calvin ha. Huwag na huwag mong gawin sa mga naging girlfriends mo noon kay Sky. Iba si Sky” “Oo nga po. Iba talaga siya” “Oo nga pala, nagkita kayo ng ama niya? Si Jeff?” “Opo. Nagkita kami ni Tito Jeff. Sa wakas” “E anong sabi niya sa’yo? Alam niya ba na ako ang ama mo?” “Oo tay. Alam niya” sagot ni Calvin sa ama “Sa katunayan nga ay gusto ka niya makita eh” “Talaga..?” at bumalik ang masayang ngiti kay Alvin na matagal nang nawala sa kanya “Gusto ko rin sana eh. Pero busy pa ako sa trabaho” “Okay lang yan tay. Sa tamang panahon, magkikita rin kayo ulit” “Miss ko na rin si Jeff eh. Na-miss ko ang mga ngiti niyo nung nagkukuwentuhan kami sa University ng Tita Jacqui mo” Tinitignan ni Calvin ang ama habang nagsasalita ito tungkol kay Jeff na kanyang ex. Alam niya na mahal niya pa rin ito sa kabila na may asawa na ang kanyang mahal. “Tay..? Mahal mo talaga siya noh?” “Si Tito Jeff mo? Oo. Sobrang mahal. Pero hanggang doon lang ako. Kasi may mahal siyang iba at si Riley iyon” sagot ni Alvin sa anak “Hindi na ako makikialam pa sa kanilang pagmamahalan. Masaya na ako na masaya silang dalawa” Hindi na lang sumagot si Calvin at ngumiti na lang ito sa ama. Nagpaalam na lang siya na umakyat sa kanyang silid at magpapahinga na. *** Samantala Habang nagmamaneho si Nathan pauwi sa kanilang mansyon ay napansin niya si Jeff na parang malalim ang iniisip. “Babe? Okay ka lang?” “Okay lang ako Babe. Naisip ko lang si Nanay” Kaagad naman inabot ni Nathan ang kamay ni Jeff at hinawakan ito ng mahigpit. Napatingin naman si Jeff sa ginawa sa kanyang kamay. “Sigurado ako na masaya at proud si Nanay Joyce sa’yo ngayon, Babe” “Salamat Babe” buntong-hininga naman niya “Alam ko na swerte talaga ako sa Nanay ko. Mahal niya ako at tanggap niya ako kung sino man ako. Si Nanay lang talaga ang nagmahal sa akin ng wagas. Hindi katulad ng mga kapatid ko. Hindi nila tanggap na nagpakasal ako sa kapwa ko lalaki” “Babe.. hayaan mo na sila” sabay himas ni Nathan sa batok ng asawa “Okay..? Ang importante ngayon ay kung ano na ang narating mo at napatunayan mo sa kanila. At kung hindi pa sila masaya dun, hindi na natin sila mapipilit. Basta ang mahalaga ay masaya ka. Tayo” “Okay Babe” sabay ngiti ni Jeff na may halong lungkot pa din “Pero hindi pa rin maalis sa isip ko na ako ang sinisisi nila na pagkawala ni nanay” “Smile ka na, okay? Hayaan mo na sila dahil hindi na maganda ang pag-aalala mong yan” sambit niya sa asawa “Andito naman kami ng anak mo na nagmamahal sa’yo eh” Hindi na lang sumagot si Jeff sa sinabi sa kanya ni Nathan. Pinagpatuloy naman nito ang pagmamaneho at magkalipas ang ilang minuto ay nakarating na nga sila sa kanilang mansyon. *** Kinagabihan. Kakarating lang nina Mike at ng kanyang partner na si Anthony sa isang resort. Masaya silang dalawa ay sa wakas ay nakarating na rin sila sa pina-booked ni Anthony na resort. “Babe.. ang presko ng hangin” sabay langhap ni Mike “Yung may halong alat galing sa dagat. Sarap” “I know, right. Gusto ko kasi na makapag-relaks ka eh” sagot naman ni Anthony “Ngayon alam mo na kung bakit ito ang napili kong lugar?” “Oo babe. Sarap talaga ng feeling.” sabay lagay ng mga bagahe sa buhangin at niyakap ng mahigpit ang karelasyon niya “Swerte ko talaga dahil nakilala kita” “Babe.. huwag dito. Baka may makikita sa atin. Alam mo naman na hindi pa alam ng mga tao ang tungkol sa’yo diba?” “So..? Wala naman tao ha. Sobrang dilim na kaya” at hinalikan niya ito sa labi “Pasok na tayo sa kwarto natin babe. Doon natin ituloy” “Mamaya na. Dito muna tayo sa labas. Sarap ng hangin dito eh” hindi naman kumontra si Mike dahil totoo naman ang sinabi sa kanya ng Anthony na masarap at malamig ang simoy ng hangin. Humanap sila ng mauupuan at nakaupo nga sila sa isang mahabang bench at doon nila tinititigan ang madilim na dagat at naririnig nila ang bawat mga hampas ng mga alon sa dalampasigan. “Sarap Babe. Ang gaan na ng pakiramdam ko kahit kararating lang natin. Salamat talaga” “You’re welcome, Babe. Anything for you” sagot ni Anthony sa kanya “Oo nga pala, matanong ko lang” “Ano yon, Babe?” “Bakit ayaw mong sabihin sa pamilya mo ang tungkol sa’yo? Natatakot ka?” “Parang ganon na nga” sagot ni Mike “Bakit ka naman natatakot? E diba may asawa ngang lalaki ang uncle mo diba?” “I know. Pero mahirap eh” sagot nito “Ayaw ko lang na malaman nila, lalung-lalo na si Tito” “Bakit naman?” “Kasi naaalala ko noon si Mommny. Naririnig ko sila parati ng Daddy na sinasabihin si Tito na bakla siya” “So…? Ano naman ang problema dun?” “E baka pagtatawanan lang ako ni Tito dahil naging katulad din niya ang anak ng kapatid niyang nambully sa kanya noon” “Grabe ka naman. Hindi naman siguro ganyan ang Tito mo” sabat naman niya “Why don’t you try it. Subukan mo na kausapin ang Tito mo. Siguro naman ay maiintindihan ka niya” “I don’t know. O baka naman ma-disapoint ko lang siya. At isa pa, wala din kasing bakla sa side ni Daddy eh” sagot ni Mike sa kanya “Kaya hindi naman ako makapag-out dahil doon. Basta Babe. Mahirap” Napatingin na lang si Anthony sa kanya at inakbayan niya na lang ito “Sa totoo lang, hindi ko maiintindihan ang pinagdadaanan mo ngayon dahil iba ang kinagisnan ko babe eh” paliwanag niya kay Mike “Alam ng mga magulang ko ang tungkol sa akin” “Kailan lang nila nalaman babe?” “Hindi ko pa ba naikuwento sa’yo..?” “Naikuwento na pero nakalimutan ko na eh. Sige na babe. Ikuwento mo na ulit sa akin” sabay ngiti ni Mike sa kanya Nagpabuntong-hininga na lang si Anthony sa pakiusap ni Mike “Nalaman nila nung inamin ko mismo sa kanila na may karelasyon akong lalaki.Yung ex ko” “Hindi sila nagalit?” “Hindi” sagot niya “Sabi lang nila ay matagal na daw nila alam na ganito ako at ako na lang ang hinihintay nila na umamin sa kanila. Kaya ikaw babe, aminin mo na sa kanila, sigurado ako na ikaw lang ang hinhintay nila na umamin” “Naku babe. Baka malabo yan” sabay hinga ng malalim ni Mik “Oo nga pala, ano nga ba ulit pangalan ng ex mo? George ba yun?” at tumango na lang siya bilang sagot sa tanong ni Mike “Bakit nga kayo nag-break yon, babe?” “Hayaan mo na yon, babe. Matagal na panahon na yon” tanggi ni Anthony sa tanong “Alam mo, ang ginagawa sa walang-kwentang tao ay dapat kinakalimutan. Kaya huwag mong ipaalala ulit sa akin ang tungkol sa kanya, babe” “Okay babe. I’m sorry” “It’s okay, babe” sagot niya dito “Hindi naman ako galit sa’yo eh. Pero ito lang ang dapat mong isipin, pipilitin ko parati na intindihan ka sa mga pinagdadaanan mo sa abot ng aking makakaya dahil obligasyon ko iyon” “Salamat Babe. Alam ko naman na maiintindihan mo ako. Salamat ulit” “Of course. Mahal kita eh” “Mahal din kita” Itutuloy…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD