Totoo ba iyon o baka naman ginu-good time lang ako ni Nathalie? Alam ni Nathalie kung gaano ko kagusto si Travis kaya natitiyak ko ring alam niya ang lahat ng tungkol sa kanya na sasabihin niya. Alam kong paniniwalaan niya.
Ano nga bang point para magsinungaling siya sa akin? Magkaibigan kaming dalawa ni Nathalie kaya anong point? Gusto niya bang makaganti sa akin dahil gusto ko rin si Travis at sinaktan siya nito o baka naman hanggang ngayon ay masakit pa rin para sa kanya ang ginawa nito?
May parte sa akin ang naniniwala kay Nathalie. Hindi ko alam pero tila ba sobrang laki ng tiwala ko sa kanya. Mali ba itong ginagawa ko ngayon?
Eh, sa gusto ko siya, eh, anong magagawa ko?
Hindi ko na ginising si Kuya Lucho para magpahatid sa kanya. Alas singko pa lang ng umaga ay nagpa-book na ako ng taxi patungo sa Southville. Hindi ko alam kung ganitong oras pa rin pumapasok si Travis, pero sana... sana tama ako sa inakala ko.
Ilang oras din akong nanatili sa posisyon ko sa likod ng mga d**o habang hinihintay ang pagdating ni Travis. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ganitong oras pa rin ba siya pumasok sa klase. Hindi ko na rin naman siya nakikitang naglalagi sa classroom namin, so wala talaga akong ideya. Pwede namang pumapasok siya nang maaga pero sa ibang lugar siya nagpapalipas ng oras, hindi ba?
Agad na naglaho ang mga what if ko nang bigla ko na lamang nakita si Travis na ngayon ay kasalukuyang naglalakad sa pathway. Katulad ng nakagawian, seryoso na naman ang mukha nito. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing makikita ko siya, palagi na lang nakakunot ang noo niya.
Mukha siyang wala sa mood palagi. Mas lalo lang nadedepina ang galit sa mukha lalo na sa tuwing magkikita kami sa iisang lugar.
Ganito talaga siya kagalit sa akin, ano?
Mabilis akong nagtatakbo patungo sa kanya upang makahabol. Tulad ng inaasahan ko, agad na nangunot ang noo niya nang marahas ko siyang hinila sa braso na ikinatigil niya sa paglalakad.
"Good morning, Travis," ngiti ko sa kanya.
Bumaba nang bahagya ang tingin niya sa kamay kong nakahawak sa kamay niya. May gumuhit na init sa mukha ko nang dahil sa hiya kaya naman mabilis ko rin siyang binitawan.
"A-Actually kanina pa kita hinihintay," dagdag ko pa dahilan upang mag-angat siya ng tingin sa akin. "May mga bagay lang sana akong itatanong sa 'yo."
"Like what?"
Bakas ang inis sa tono ng pananalita niya kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang ngumuso bago nagbaba ng tingin. Pakiramdam ko kasi ay malulusaw ako sa mga tingin niya sa akin.
Siya lang yung nakakapagparamdam sa akin ng ganito. Pakiramdam ko, wala akong kwenta kausap kapag siya ang kausap ko. Nakakapanghina.
"Like... kung kararating mo lang?"
Agad na nangunot ang noo niya nang dahil sa sinabi ko. Hindi ko alam kung sadyang wala lang ba talagang laman ang utak ko para makabuo ng tanong na itatanong sa kanya o sadyang natutuliro lang ako sa tuwing nasa harap ko siya!
"I-I mean... kanina pa ako naghihintay sa 'yo rito," sagot ko while pointing sa area kung saan ako nagtago kanina habang naghihintay sa pagpasok niya.
"Then?"
"W-Wala kasi akong kasamang pumasok, so..."
Sarkastiko siyang ngumisi sa harapan ko na para bang hindi makapaniwala sa sinabi ko kanina.
"Bakit hindi ka magpasama sa best friend mo?"
Bahagya akong ngumiwi nang marinig ko ang sinabi niya. Si Nathalie ba ang tinutukoy niya? Don't tell me nagseselos na siya ngayon sa akin dahil ako na ang palaging kasama ni Nathalie instead of him?
"Tanghali na kung pumasok si Nathalie, Travis," saad ko bago kunot noong lumingon sa kanya. "Kung nagseselos ka sa akin dahil ako na lang palagi ang kasama ni Nathalie, then I think—"
"Si Lucas ang tinutukoy ko dumbhead," aniya na ikinaasiwa ko. "Bakit hindi mo tawagan si Lucas at sa kanya ka na lang magpasama? Tutal siya na lang palagi ang kasama mo. Sa kanya ka magpasa."
"Late na kung gumising si Lucas, at isa pa... he's not available."
"Kaya ba sa akin ka ngayon nangugulo?" singhal niya na ikinatikom ng bibig ko. "Sorry, but I'm not available too."
Mabilis niya akong iniwanan sa kinatatayuan ko. Bago pa man siya tuluyang makaalis sa pathway kung nasaan kami, dali-dali ko na siyang inunahan sa paglalakad bago ako huminto sa harapan niya. Hindi tulad kanina, mas lalo lamang nagdepina ang galit sa mukha niya ngayon. Wala naman akong nagawa kung hindi ang itago ang ngiting unti-unting sumisilay sa labi ko ngayon.
"Medyo maaga pa. Gusto mo bang mag-coffee na lang muna? Paniguradong wala pang estudyante ngayon sa room natin," sagot ko na inismiran niya. "Ililibre kita—"
"Mukha ba akong hindi nag-almusal?" asik niya.
Agad na naglaho ang ngiti sa labi ko nang marinig ko iyon.
My God, Travis, wala naman akong sinabing ganoon!
"N-No," pagtanggi ko agad nang may pekeng ngiti sa labi. "G-Gusto lang naman kitang ilibre. May masama b-ba doon—"
"Pwede ba, Empress, wag mo munang sirain ang araw ko ngayon?" singhal niya na ikinatigil ko. "Sinira na nga ng kapatid ko yung araw ko, pati ba naman ikaw sisirain mo?"
"Hindi ko alam..."
Nagmartsa siya patungo sa room namin bago niya binato ang bag niya sa upuan niya. Hindi na rin naman ako nagulat sa ginawa niya dahil palagi niya namang ginagawa ang bagay na iyon. I mean, hindi lang naman ako ang piangdadabugan niya. Marami kami. Hindi lang ako.
Well, at least alam kong hindi lang ako ang tinatrato niya nang ganito.
Kunot noo niya muli akong hinarap na ikinanguso ko. Halos bumunggo rin ang mukha ko sa dibdib niya nang dahil sa ginawa niya kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang umatras sa kinatatayuan ko habang nakatitig sa kanya.
"Pwede bang tigilan mo ako sa mga kabaliwan mo?" aniya na ikinakunot ng noo ko. "Kung wala kang ibang magawa sa buhay mo, lumayo ka sa akin. Manahimik ka. Wala akong oras na makipaglokohan sa 'yo, Miss Tyler."
Lokohan? Panloloko na ba itong ginagawa ko sa kanya ngayon?
I cleared my throat. Pakiramdam ko kasi ay may kung anong namumukol sa lalamunan ko nang marinig ko ang sinabi niya. Gusto ko lang naman siyang ayaing mag-coffee. May masama ba doon?
"Gusto lang naman kitang ayaing magkape. May masama ba doon?" tanong ko sa kanya bago nag-iwas ng tingin lalo na nang maramdaman ko ang pangingilid ng luha ko.
Nanatili naman ang titig niya sa akin kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang lihim na umiyak at manalangin na sana ay hindi niya nakita ang pangingilid nito.
"Kung ayaw mo, pwede mo naman akong tanggihan," saad ko sa kanya bago taas-noong lumingon sa kanya. This time, siya naman ngayon ang hindi makatingin sa akin. "Okay naman naman kung tanggihan mo ako. Hindi mo naman kailangang magpaka-sarcastic pa sa pagsagot mo. At isa pa, okay. Kung ayaw mo nang ginugulo ka, e 'di wag. Sabihin mo. Hindi naman ako yung klase ng tao na namimilit, mabigyan lang ng atensyon mo."
Ako yung tipo ng tao na walang isang salita. I mean, hindi ko kayang mangako sa isang tao. Ni hindi ko kayang tuparin lahat ng pangako ko o kaya lahat ng sinasabi ko, kaya minsan ay hindi na ako nangangako o hindi naman kaya ay nagbibitaw ng salita sa ibang tao. Paano ba naman palagi na lang napapako at nababaon sa limot lahat ng pangako ko. Hindi ko alam kung bakit.
Nasanay kasi ako sa buhay na nakukuha ko lahat ng luho ko. Lahat ng gusto ko, nakukuha ko kaya naman ngayong malaki na ako at naiintindihan ko na ang mga bagay-bagay sa mundo, mas lalo lamang akong nafu-frustate lalo na kapag hindi ko nakukuha ang lahat ng iyon.
"Empress!"
Mabilis kong isinarado ang pinto ng locker ko nang makita ko si Nathalie na patungo sa gawi ko. Nakuha ng kahon na hawak ko ang atensyon niya kaya naman hindi na ako nagtaka nang makita kong nangunot ang noo niya nang dahil sa kuryoso.
"Ano yan? Para saan iyan?" tanong niya.
Ni hindi niya na nga nagawa pang magpaalam sa akin nang mabilis niyang tinanggal ang takip ng kahon na hawak ko. Ramdam ko ang paglawak ng ngiti ko lalo na nang makita ko ang disgustion sa mukha niya nang makita niya ang laman na ito.
"Seriously, Empress?" singhal niya na tinawanan ko. "Seryoso ka ba sa gagawin mo? Ibang klase din naman ang kahayukan mo kay Travis, ah?"
"Isang simpleng regalo lang iyan para sa Christmas, Nathalie," singhal ko sa kanya na tinawanan niya. "At isa pa, hindi kahayukan ang ginagawa ko."
"Anong tawag mo dyan kung ganoon?"
"Thoughtfulness," sagot ko na ikinatawa naming dalawa.
Lahat halos ng mga kaklase namin ay nasa cafeteria. Sinadya pa naming tumakas ni Nathalie ng lunch para lang mailagay iyon sa upuan ni Travis. Alam kong magugulat siya kapag nakita niya ang laman nito kaya naman hindi ko na tuloy magawang pigilan ang sarili ko na matawa habang marahan itong nilalagay sa ibabaw ng mesa niya.
"Hurry up, Empress! Baka hinihintay na rin tayo ni Lucas!" pagmamadali pa ni Nathalie.
Isang simpleng sulyap pa ang ginawa ko sa kahon bago ako nagdesisyong tumakbo palabas kasama ni Nathalie. Katulad nga ng inaasahan namin, kunot na ang noo ni Lucas nang madatnan namin siya sa mesa namin. May mga pagkain na kami kaya naman hindi na namin kinailangan pang pumila sa harap.
"Kanina ko pa kayo hinihintay dito," aniya bago kunot noong lumingon sa amin. "Siguro may ginawa na naman kayong kabalastugan, 'no?"
"Ano namang gagawin namin?" singhal sa kanya ni Nathalie.
Nawala sa kanila ang atensyon ko dahil abala ako sa paglingon sa kabuuan ng cafeteria. Hindi ko man lang maaninag si Travis dahil sa dami ng mga estudyanteng kumakain roon kaya naman hindi nagtagal ay ako na rin ang kusang sumuko.
Ayaw ko rin namang mahalata ni Lucas ang kilos naming dalawa kaya naman sa halip na magpahalata, nagdesisyon na lang akong itikom ang bibig ko at magmadali na lang sa pagkain ng lunch.
Nang makabalik kami sa classroom, agad na sumilay ang ngiti sa labi ko nang makita ko si Travis na ngayon ay kunot noong nakatitig sa kahon. Papasok pa lang kami sa loob nang bigla niya itong binuksan.
Mabilis na namula ang kabuuan ng mukha niya bang unti-unti niyang kinuha sa loob ng kahon ang boxer shorts na iniregalo ko sa kanya.
Nang makita ng mga kaklase namin ang kulay pulang boxer shorts, agad na nabalot ng tawanan ang buong klase namin. Bakas ang pamumula sa mukha ni Travis nang ibinalik niya iyon sa loob.
"Grabe naman ang stalker ng crush mo, Empress," saad ni Lucas na maging siya ay hindi natuwa sa nakita niya. "Kung ako sa kanya, kokomprontahin ko kung sino man ang gumawa no'n."
Wala akong ibang ginawa kung hindi ang ngumuso habang nakatitig pa rin kay Travis. Nang dahil sa kahihiyan, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang pabato iyong isinilid sa kahon at huminga nang malalim na animong pinipigilan ang sarili na sumabog nang dahil sa labis na galit.
Nang sandaling mag-angat ako ng tingin sa kanya, halos mapatalon pa ako sa gulat nang magkrus ang mata naming dalawa. Galit siyang tumitig sa akin kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang ngumuso bago nagdesisyong mag-iwas ng tingin sa kanya lalo na nang makita ko ang galit na bumabalot sa mga mata niya.
"Travis!" tawag ni Nathalie sa kanya na hindi niya na sinagot.
Mabilis na lumakad patungo sa direksyon ko si Travis. Hindi na rin naman ako nanlaban sa kanya nang mabilis niyang hinila ang braso ko at sapilitan akong hinila palabas sa lugar na iyon.
"S-Saan mo ako dadlahin?" tanong ko na hindi niya sinagot.
Bahagya kaming natigil sa paglalakad nang nagawi kami sa school garden. Dahil nga sa malapit na ang oras ng klase, wala ng gaanong estudyante roon kaya naman natitiyak kong safe kami roon kahit na magsigawan pa kaming dalawa. Yun ay kung sisigawan niya ako.
Kukwestyunin niya ba ako? Wala naman siyang ebidensya na ako ang naglagay no'n sa mesa niya, hindi ba? Anong tingin niya sa akin, cheap?
Of course!
"Sa 'yo galing ang bagay na iyon?" galit niyang tanong habang nakaduro sa gilid.
"Anong sa akin?" gulat kong tanong habang nakaduro sa sarili ko.
Tama yan, Faye. Bago pa siya magalit sa 'yo, dapat unahan mo na siya at nang sa ganon ay magawa mo namang mapagtanggol ang sarili mo, kahit ngayon lang.