Chapter 7
Luna’s Pov
Tahimik ang buong silid. Tanging tik-tak ng lumang orasan at mahinang hampas ng alon sa ibaba ng bangin ang maririnig. Nakaayos na ako sa kama, ngunit hindi agad dumadalaw ang antok.
Pinagmasdan ko ang paligid. Ang kwartong ito ay may kakaibang aura may lungkot na hindi maipaliwanag, may bigat na hindi alam kung saan nagmula. Ang mga dingding ay kulay abo, may mga lumang larawan na nakasabit. Sa gitna ng mga iyon, napatingin ako sa isang picture frame sa ibabaw ng kabinet.
Isang babae marahil nasa edad trenta naka-ngiti habang karga ang isang batang lalaki. Ang mga mata nila ay pareho. Mapupungay, puno ng damdamin.
Marahan kong dinampot ang frame. Siguro ito ang mama niya... at siya ang batang lalaki.
May kakaibang pakiramdam akong naramdaman. Hindi ko kilala ang lalaking nagligtas sa akin kagabi, ngunit parang may malalim na lungkot sa lugar na ito sa kwartong ito, sa mga larawan, at sa mismong hangin ng lumang mansion.
Bumalik ako sa kama. Pinikit ko ang mga mata at pinilit matulog, ngunit ang isip ko ay lumilipad pa rin sa alon, sa bagyo, at sa lalaking nagdala sa akin dito. Sino ba talaga siya?
Maagang nagmulat ang aking mga mata. Mula sa bintana ng silid, sumisilip na ang araw kulay ginto at kahel na sumasalamin sa lawak ng dagat. Sa unang pagkakataon, naramdaman kong payapa ako. Walang takot, walang humahabol.
Tinabig ko nang marahan ang kurtina. Sa taas ng mansyon, tanaw ko ang dalampasigan at ang maliit kong kubo sa di kalayuan. Parang maliit na tuldok lamang iyon sa lawak ng baybayin.
Habang nakatingin ako sa malayo, narinig ko ang mahina at pamilyar na boses mula sa pinto.
“Good morning.”
Paglingon ko, nandoon si Raven nakasandal sa pintuan, hawak ang isang tasa ng kape. Magulo pa ang kanyang buhok, at suot pa rin ang itim na t-shirt na bahagyang basa sa laylayan.
“Good morning din,” mahina kong sagot.
Lumapit siya ng bahagya, inilapag ang kape sa maliit na mesa. “Mahina na ang ulan. Mukhang tumigil na ang bagyo.”
Tumango ako. “Salamat... sa pagtulong mo kagabi. Kung hindi ka dumating, baka natangay na ako ng alon.”
Ngumiti lang siya. “Hindi ko kayang balewalain ang isang taong nasa panganib. Lalo na kung babae.”
Hindi ko alam kung bakit, pero may kakaibang paraan siya ng pagbigkas ng mga salita. May lalim, may bigat parang may pinanggagalingan.
Bumaba kami sa kusina matapos niyang alukin ako ng almusal. Ang loob ng mansion ay mas maliwanag ngayon ang mga kurtina ay nakabukas, at ang sinag ng araw ay tumatama sa lumang sahig na kahoy.
Habang inaayos ni Raven ang mesa, napansin ko ang paligid. Mga lumang larawan ng pamilya, mga painting ng dagat, at isang lumang piano sa sulok. Parang isang bahay na may nakaraan, ngunit pilit binubuhay muli ng araw.
“Hindi ako sanay na may bisita,” sabi ni Raven habang nagbubuhos ng kape.
“Hindi rin ako sanay na may nag-aalok ng pagkain sa akin,” biro kong sagot, na may halong ngiti.
Nagkatinginan kami sandali.
Tahimik. Ngunit hindi nakakailang.
Pagkatapos naming kumain, nag-alok siyang ihatid ako pabalik sa kubo. “Sigurado ka bang gusto mo nang bumalik doon? Hindi pa ganap na tuyo ang paligid.”
“Oo, ayos lang. Kailangan kong makita kung may sira ang bahay.”
Nang makarating kami sa dalampasigan, humampas sa mukha ko ang sariwang simoy ng hangin. Ang langit ay malinaw, ngunit may bakas pa ng bagyong dumaan mga sanga sa buhangin, mga bato na inanod sa pampang.
Tahimik kaming naglakad hanggang sa marating namin ang kubo. Medyo nabaluktot ang bubong, at may ilang basag na bahagi sa dingding. Napansin ko ang pag-aalala sa mukha ni Raven.
“Masisira na ‘to kapag may sumunod na bagyo,” aniya.
“Tama ka. Pero wala pa naman siguro sa ngayon,” sagot ko habang hinahaplos ang poste ng kubo. “Kaya ko nang ayusin.”
“Nais mo bang tulungan kita bukas?” tanong niya, marahang tono.
Nagulat ako. “Ha? Hindi na, nakakahiya naman.”
“Hindi ako sanay na may utang na loob. Gusto ko lang makatulong.”
Napangiti ako nang bahagya. “Kung ganon... salamat.”
Bago siya umalis, pareho kaming tumingin sa dagat. Walang salita, ngunit pareho naming naramdaman ang bigat ng katahimikan. Ang alon ay banayad, at ang langit ay tila malinis mula sa lahat ng bagyo.
Sa loob-loob ko, gusto kong itanong kung bakit siya mag-isa sa malaking mansion. Pero pinigilan ko ang sarili ko. Masyado pang maaga. Masyado pang marupok ang katahimikan naming dalawa.
Bago siya tuluyang lumakad paalis, nag-iwan siya ng mga salitang tumatak sa akin:
“Luna, minsan... ang dagat ay parang buhay. Akala mo kalmado, pero sa ilalim, may mga alon na pilit lumalaban.”
Hindi ko alam kung bakit, pero parang may lalim ang bawat salitang binitiwan niya. Parang hindi iyon tungkol sa dagat kundi tungkol sa kanya.
Pagkaalis ni Raven, umupo ako sa harap ng kubo. Pinagmasdan ko ang dagat na parang walang katapusan. Inilabas ko ang aking sketchbook at nagsimulang gumuhit. Hindi ko namalayang ang unang linya na iginuhit ko ay ang mukha ni Raven ang kanyang mga mata, ang tahimik na titig na puno ng lungkot.
Bakit siya naiiba? Bakit sa unang pagkakataon, parang gusto kong malaman ang kuwento ng ibang tao, hindi lang kalimutan ang sarili kong nakaraan?
Habang iginuguhit ko siya, napansin kong gumagaan ang pakiramdam ko. Parang unti-unting tinatangay ng hangin ang lahat ng bigat at takot na dala ko mula sa Maynila.
Sa dapithapon, bumalik ang simoy ng hangin. Ang araw ay unti-unting lumulubog sa dagat, at ang langit ay nagiging kulay kahel at lila.
Narinig ko ang tunog ng alon, banayad at paulit-ulit. Sa bawat hampas nito, tila ba sinasabi sa akin ng dagat:
“Ito ang simula. Hindi mo man alam kung saan patungo, pero dito, makakahinga ka.”
Ngumiti ako at ipinikit ang aking mga mata.
Sa unang pagkakataon, naramdaman kong ligtas ako.
At sa di kalayuan, mula sa terrace ng lumang mansion, may isang lalaking nakamasid tahimik, ngunit may ngiting hindi maipaliwanag.
“Gusto ko pa siyang makilala. Ramdam ko din ang kalungkutan niya mag isa. Baka may dinadala siyang mabigat na problema kaya nandito siya ngayon at gustong tahimik na lugar.” Sabi ko sa sarili
Mabilis lumipas ang mga araw matapos kong makabalik sa maliit kong kubo.
Tila naging parte na ng umaga ko ang tanawin ng dagat ang liwanag ng araw na bumabati sa alon, ang simoy ng hangin na may halong alat, at ang tahimik na mundong bumabalot sa akin.
Tahimik… pero hindi na kasing lungkot ng dati.
Siguro dahil may mga mata na minsan, sa di kalayuan, ay nararamdaman kong nakamasid.
Si Raven.
Hindi ko alam kung bakit, pero simula nang iligtas niya ako noong gabing bumabagyo, parang nagbago ang ritmo ng bawat araw ko.
Tuwing magigising ako, napapatingin ako sa direksyon ng lumang mansion.
At sa bawat dapit-hapon, kapag bumababa siya sa dalampasigan, biglang nagiging buhay ang paligid.
Hindi naman kami palaging nagkikita.
Madalas nga, tanaw ko lang siya mula sa malayo nakasuot ng puting kamiseta, may hawak na lumang libro o minsan ay kahoy na tila sinusuri.
Pero sa bawat pagkakataong iyon, may kakaibang katahimikan na bumabalot sa akin.
Parang sapat na na nandiyan lang siya.
Isang umaga, habang nagpipinta ako ng tanawin ng dagat, napansin kong napatigil ang kamay ko.
Hindi dahil sa pagod, kundi dahil naramdaman kong may nakatingin.
Paglingon ko, nandoon siya nakatayo sa tapat ng mga puno, nakasandal sa isang malaking bato, tahimik lang na nakamasid.
Hindi ko alam kung matatakot ako o matutuwa.
Ngumiti ako, at sa gulat ko, ngumiti rin siya tipid lang, pero may init na di ko maipaliwanag.
“Ang aga mo ah,” sabi ko, kahit medyo malayo siya.
Sumagot siya nang mahina, “Sanay akong maagang gumising. Ikaw?”
“Hindi naman,” sagot ko, saka tumingin sa langit. “Pero masarap pala sa pakiramdam kapag nakikita mong sumisikat ang araw.”
Tumango lang siya, saka tumalikod.
Umalis siyang walang paalam, pero naiwan sa hangin ang presensya niya parang halimuyak ng hangin na ayaw umalis.
Mula noon, hindi ko maiwasang mapansin si Raven sa mga simpleng bagay.
Kapag naririnig ko ang yapak ng lalaki sa buhangin, alam kong siya ‘yun.
Kapag may anino sa gilid ng dalampasigan, alam kong dumaan siya roon.
At kapag gabi na at tahimik na ang lahat, minsan ay napapatingin ako sa mansyon.
May ilaw na laging bukas sa itaas siguro’y kwarto niya.
At sa bawat pagtingin ko roon, may kung anong kapayapaan akong nararamdaman.
Hindi ko alam kung bakit.
Hindi ko rin alam kung dapat ba.
Dahil ang totoo, ayaw ko na sanang madamay pa sa kung anong koneksyon o emosyon.
Pagod na akong masaktan.
Pagod na akong may mawala.
Pero bakit kapag si Raven, parang hindi ko kayang umiwas?
Minsan, habang nag-aayos ako ng sirang bahagi ng kubo, bigla siyang dumating.
Tahimik lang siyang lumapit, hawak ang ilang kahoy at pako.
“Walang laman ang kisame mo,” sabi niya. “Baka bumigay pag may ulan ulit.”
Napatingin ako sa kanya. “Hindi ko na kaya ayusin mag-isa, pero ayos lang. Sanay na ako.”
“Sanay sa hirap?” tanong niya, may bahid ng lambing sa tono.
“Sanay sa kawalan,” sagot ko.
Napayuko siya, tapos nagsimula nang magpako ng kahoy sa kisame.
Tahimik lang kami habang nagtatrabaho.
Pero sa bawat hampas niya ng martilyo, parang mas lumalakas ang t***k ng puso ko.
Pagkatapos niyang ayusin, humarap siya sa akin at ngumiti.
“Hindi ko gusto ang kisame mong may tagas,” aniya. “Mas gusto kong may bubong ka na hindi ka matatakot sumilong.”
Hindi ko alam kung paano ko siya tititigan.
Ang mga salitang iyon simple lang, pero may bigat.
Parang hindi lang bubong ang tinutukoy niya.