“Where on earth are those two?” nagpalinga-linga si Donalene upang hanapin sina Oliver at Faith, ang dalawa niyang matalik na kaibigan magmula pa noong kolehiyo. Ngayon ay magkakatrabaho na sila bilang elementary teachers sa isang pampublikong paaralan.
Kasalukuyan kasi silang nasa isang pribadong beach sa Batangas. Katatapos lamang ng tatlong araw nilang seminar sa Cavite. At naisipan nilang magliwaliw muna sa Batangas upang sulitin ang ilang araw pa nilang leave.
Napabuntong-hininga na lamang si Dona. Hindi niya malaman kung saan nagsususuot ang dalawa. Kaninang tanghali lamang ay magkakasama pa silang kumain ng tanghalian. Ngayon ay maliwanag na ang buwan at bigla na lamang nawala ang dalawa. Siguro ay nagtungo sa floating restaurant. Kanina pa lamang kasing tanghali ay napag-usapan na ng mga ito na ita-try daw ang mga pagkain doon. Hmp, hindi man lang ako ginising. Nakatulog kasi siya noong bandang hapon.
Malamig ang hangin na nagmumula sa dagat. Sumusuot iyon sa suot niyang cardigan. Nayakap niya ang sarili. Hinubad niya ang sapin sa paa at unti-unting naglakad patungo sa tubig. Banayad ang hampas ng alon. Napapikit siya nang dumampi sa mukha niya ang hangin at napangiti. This is super relaxing. Malayo sa mga problemang kinakaharap niya sa lungsod.
Malayo kay Lawrence…
Unti-unting nabura ang ngiti niya nang pumasok sa isip niya ang binata. “I’m sorry, Dona. I can’t love you like how you want me to. I’m already in love with someone else…” Gumuhit ang kakaibang kirot sa dibdib niya nang maalala ang huling sinabi sa kaniya ng binata. Mapaiit siyang napangiti.
“You are such an asshole,” bulong niya sa hangin. Nag-unahan ang pagtulo ng luha mula sa kaniyang mga mata.
“I know… and I’m sorry.” Halos mapatalon siya sa gulat nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Her vision is clouded with tears. Agad niyang pinunasan ang luha at hindi nga siya nagkamali ng dinig. Boses nga iyon ng binata. Napaatras siya.
“What the hell are you doing here, Gallego?”