133 YEARS AGO
Bumungad sa akin ang magagandang rosas at ilang dosenang regalo nang makarating ako sa silid.
"Maligayang kaarawan! Princess Helena!" Salubong sa akin ng mga tagabantay ng palasyo.
Agad akong napangiti sa naabutan kong surpresa. Ngayon ang ika-siyam na kaarawan ko. Lahat ng gusto kong regalo at pagkain ay nakahain lahat sa lamesa.
"Maligayang kaarawan, Princess Helena." Nakangiting sambit sa akin ng aking ama. Ang hari ng bansang ginagalawan namin.
"Maligayang kaarawan ate!" Dagdag ng nakababata kong kapatid na si Noah.
Sinalubong nila ko ng mahigpit na yakap at halik sa noo.
"Princess, ano pang gusto mo ngayong kaarawan mo?" Marahang tanong ng aking inang reyna.
Hinintay nilang lahat ang magiging sagot ko. Kahit pa lahat ng gusto kong hilingin ay nandito na, mayroon pa rin akong isang bagay na gustong gawin.
"Gusto kong pumunta sa bayan! Kung nasaan pinakapaborito kong panaderya!" Masiglang sambit ko.
Tila inaasahan na ng mga magulang ko ang sagot ko at mabilis nilang sinenyasan ang mga tagasilbi at ilang gwardiya na samahan akong pumunta sa bayan.
"Masusunod ang kahit anong kahilingan mo." Nakangiting sambit sa akin ni ama.
Lalong lumawak ang ngiti ko sa sinabi nito at mabilis akong sumunod sa mga tagasilbi at gwardiya na sasama sa akin. Lumabas kami ng kastilyo at sumakay sa isang kalesa papunta sa bayan.
Hindi ko maitago ang saya ko nang lumagpas kami sa mataas na gate ng kastilyo. Bumugad sa akin ang masiglang bayan.
May mga dilaw na lobo na nakalagay sa bawat daan bilang pag diriwang sa kaarawan ko. Lalo akong natuwa nang huminto ang kalesa at tumapat ito sa pinakapaborito kong panaderya sa bayan.
Agad akong inalalayan pababa ng mga tagasilbi at pinagbuksan ako ng pinto papasok sa loob.
Sumalubong sa amin ang dalawang matandang mag-asawa na nagmamayari ng panaderya. Sila ang gumagawa ng mga pinakamasarap na tinapay at minatamis sa buong bayan. Kaya ito ang pinakapaborito kong lugar dito.
"Princess Helena! Maligayang kaarawan!" Masiglang bati sa akin ng mag-asawa.
"Ano ang maipaglilingkod namin sa'yo?" Dagdag nila.
Kumurba ang isang ngiti sa labi ko at tumayo ako sa harapan nila.
"Isang cake! Gusto ko ng isang cake!" Nakangiting sambit ko.
"Masusunod po."
Labis akong natuwa nang pumayag silang dalawa sa hiling ko. Lumapit sa kanila ang mga tagasilbing kasama ko para makipag-usap pa tungkol sa cake na hiniling ko.
Habang nag-uusap usap sila ay napunta ang tingin ko sa transparent na pintuan na papunta sa likod ng panaderya. Napako ang tingin ko sa mga batang nagtatawanan sa labas at isang batang lalaking umiiyak.
Nakuha ng ginagawa nila ang atensyon ko at natagpuan ko na lamang ang sarili kong naglalakad papalapit sa pinto. Ni hindi man lang ako nagpaalam sa mga tagasilbing kasama ko.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan at lumabas sa pinto. Mas lalo kong nakita ang ginagawa ng mga bata.
"Iyakin! Iyakin!" Sambit ng isang batang lalaki.
"Oo nga! Iyakin!" Dagdag ng isa.
May dalawang batang lalaki na pinagsisipa ang isa pang batang lalaki. Nanatili lang akong nanood sa kanila hanggang sa napansin nila ako.
"Oh? Sino ka?" Iritadong sambit ng isang bata.
Pinagtaasan ko ito ng kanang kilay. Pero imbis na sagutin siya ay napunta ang tingin ko sa batang lalaking inaaway nila.
"Imbis na umiyak ka, bakit hindi mo na lang sila pigilan na awayin ka?" Casual na sambit ko.
Kumunot ang noo ng dalawang batang lalaki sa sinabi ko. Habang huminto naman sa pag-iyak ang lalaking inaaway nila.
"Eh sino ka ba? Pakielamera." Giit ng isa pang bata.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanila at deretso ko silang tinignan sa mga mata.
Hindi ko pa nagagawang magsalita nang mabilis na natauhan ang dalawang batang lalaking kaharap ko.
Unti-unting napaawang ang mga bibig nila nang makilala nila ako.
"P-Princess Helena-" Nauutal na sambit ng isang lalaki.
Bago pa nila magawang humingi ng tawad ay inunahan na sila ng takot at mabilis na kumapiras ng takbo. Sinundan ko lamang sila ng tingin habang tumatakbo sila papalayo.
Mga duwag.
Nang tuluyan na silang mawala sa paningin ko ay nalipat ang tingin ko sa batang lalaking inaaway nila kanina.
Hindi ito makapaniwala habang nakatingin pa rin sa direksyon kung saan tumakbo ang mga nangaway sa kanya.
"Bakit mo hinahayaang apihin ka nila?" Kunot noong sambit ko.
Napunta sa akin ang tingin ng batang lalaking kaharap ko. Mabilis nitong pinunasan ang mga luha niya ag pinagpagan ang sarili niya.
"S-Sabi ni mama ay masamang makipag-away." Inosenteng sagot nito sa akin.
Napaismid ako sa sinagot niya at mataray itong tinignan. "Kung gano'n ay mali ang mama mo. Hindi masama ang lumaban." Giit ko rito.
Hindi ako sinagot nito at bagkus ay mukhang paiyak nanaman siya. Doon ko napansin ang tuhod niya may gasgas dahil sa pananatili niyang nakaluhod kanina.
Napabuntong-hininga na lamang ako at naglabas ng panyo sa bulsa. Masyado siyang iyakin.
Nabigla ito nang lapitan ko siya bigla at takpan ang sugat niya.
"Hindi mo dapat hinahayaan na apihin ka ng iba. Iyan ang turo sa akin ni ama."
Nang matapos kong takpan ang sugat niya ay muli ko siyang tinapunan ng tingin. "
"Anong pangalan mo?" Marahang tanong ko.
Kahit nahihiya pa ay nagpakilala sa akin ang lalaking kaharap ko. "Evan. Ako si Evan Portugal." Pagpapakilala niya.
"Evan, tandaan mo ang sinabi ko sa'yo ha! Wag kang magpapaapi!" Pag-uulit ko sa kaniya.
Akmang tatalikod na sana ako upang iwan siya nang bigla siyang nagsalita.
"Ikaw? Anong pangalan mo?"
Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kaniya. "Ha? Pakiulit?"
"I-Ikaw, anong pangalan mo?" Pag-uulit ni Evan ng tanong.
Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. "H-Ha?! Hindi mo ko kilala?! Ako si Princess Helena!"
Inis na sambit ko sa lalaking kaharap ko. Hindi ko akalain na mayroong taong hindi nakakakilala sa akin sa kaharian na 'to.
Tila natigilan sa sinabi ko si Evan na kinangisi ng labi ko. Siguro ay natauhan na siya kung sino ako-
"Princess Helena ang pangalan mo?" Pagkumpirme sa akin ni Evan.
Naestatwa ako sa kinatatayuan ko dahil sa sobrang kawalang utak ng lalaking kaharap ko.
"Tsk! Helena! Ako si Helena!" Iritadong sambit ko.
Napasimangot ako nang magpakilala ako kay Evan. Hindi ako makapaniwala na hindi niya ko kilala. Isa akong prinsesa!
"Helena? Iyon lang?" Walang ganang tanong ni Evan.
Natigilan ako sa sinabi nito at nawala ang pagkasimangot ng mukha ko.
"Gano'n kaming lahat na babae sa Royal Family. Mga wala kaming apelyedo. Sa oras na magpakasal lang kami sa isang prinsipe ay doon mabubuo ang pangalan namin." Walang kaemo-emosyong sambit ko.
Hindi kaagad naka-react si Evan sa sinabi ko. "Kasal? Ano yun?" Marahang tanong nito.
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya at napaisip din ako. Kasal? Ano nga ba ang kasal?
Naghihintay ng sagot ko si Evan. Hindi ko pwedeng sabihin na hindi ko alam ang ibig sabihin nun dahil ayokong magmukhang walang alam.
"A-Ah, kasal. Ano 'yon, uhm-"
"Ah tama! Ang ibig sabihin ng kasal ay nangangako kang magiging magkaibigan at magkasama kayo habang buhay!" Nakangiting sambit ko.
Tila lumiwanag ang ekspresyon ni Evan sa sinabi ko. Akala ko kung ano ang gagawin niya at nabigla ako nang ilapat niya sa akin ang hinliliit na daliri niya.
"Kung gano'n ay papakasalan kita! Para mabuo ang pangalan mo Helena! Magiging isang Portugal ka!" Nakangiting sambit ni Evan.
Hindi kaagad naproseso ng isip ko ang sinabi niya. Tila may naramdaman akong kakaiba. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko pero ang alam ko lang ay masaya ako sa sinabi niya.
"S-Sira! Hindi ka ba nakikinig? Prinsepe ka ba ha?!" Giit ko.
Mabilis kong iniwas ang tingin ko kay Evan. Bigla na lamang bumilis ang t***k ng puso ko.
"Edi magiging prinsepe ako para sa'yo. Ako naman ang poprotekta sa'yo kagaya ng ginawa mo sa akin. Papakasalan kita at magiging isang Portugal ka. Pangako."
•••