"UH, ako?" Itinuro ko ang sarili ko. "Ano naman ang sasabihin ko?" bulong ko kay Evan. Nakamot niya ang ulo niya. Saka siya nagkibit-balikat. "Come on, Moon. Don't tell me you couldn't even tell anything about yourself?" nakatawang usisa ni Jasper. Sumulyap siya sa dalawang babaeng kuntodo ang ngiti sa kanya. Nakadama ako ng inis. Lintik! Hilahin ko kaya ang mga nguso nila? Kulang na lang kasi ay dumikit ang mga labi nila sa kanya. Hindi na ako tumayo. Nakapalibot ang upuan namin sa bilog na mesa. Hindi ko na namalayan ang pagpapakilala nina Ella at Jane. "Moon Morales. Nagtatrabaho ako kay Jasper. Iyon lang," matuling sabi ko. Nakamot ulit ni Evan ang ulo niya. "Kayo naman!" dugtong ko pa. Tinapik ako sa likod ni Evan. "Ako na lang ang magpapakilala sa kanya." Na ang tinutukoy ay ako.

