"I don't like what you're thinking." Hindi pa man ay may pagtutol na sa pahayag ni Maris.
Tatlong araw nang kasama ni Annalor ang kapatid sa pagma-manage ng "Annalor's" at kahit hindi pa niya nasasabi, nararamdaman na nito ang gusto niyang mangyari.
Isang buwan na mula nang magtapos si Maris sa college. Honor graduate ito sa La Salle at bilang pakonsuwelo at pasasalamat na rin dahil masipag naman sa pag-aaral, pinagbigyan niya ang kapritso ni Maris na maglibot sa Asian countries.
Tatlong linggong nawala sa Pilipinas ang kapatid ni Annalor. Hindi man niya pinabaunan ng maraming cash, hawak naman nito ang extension ng kanyang Mastercard.
Nang sunduin ni Annalor ang kapatid sa airport at makita ang maraming pinamili, alam niyang umabot sa limit ang credit card. Bulsa lang naman niya ang aaray doon, hindi ang kanyang damdamin. Kaisa-isang kapatid niya si Maris. Mahal na mahal niya ito, lalo at mula nang masira ang pagsasama ng kanilang mga magulang ay sila na lang ang naging magkakampi sa mundo.
Nag-asawa ng iba ang kanyang ina. Hindi naman nila ito masisi dahil sobra ang pagiging womanizer ng kanilang ama. Naubos nito ang kanilang kabuhayan sa kung sino-sinong babae.
Annalor was a self-made woman. College na siya nang maging independent. Pinagsikapan niya iyon nang husto dahil wala nang ibang tutulong sa kanilang magkapatid maliban sa kanilang mga sarili.
Dependent ang kanilang ina sa napangasawang mayamang matandang binata. Ang tanging konsolasyon nila ay ang thirty thousand pesos na ibinigay sa kanilang magkapatid. Pagkatapos niyon, parang pinutol na nito ang ugnayan nilang mag-iina.
Katiting lang ang halagang iyon, lalo at nag-aaral pa sila. Kung puwede lang, huwag iyong gastusin ni Annalor, maliban sa wala na siyang ibang magagawang paraan.
That was their last straw. Nag-working student siya at si Maris—bagaman tutol ang loob niya, napilitang mag-transfer si Maris sa isang public high school. Huminto ito nang isang taon bago tumuntong ng college. Nang nakalagpas na sila sa financial crisis, saka lang naipasok ni Annalor ang kapatid sa isang school na mataas ang quality.
Sa maraming hirap na kanyang dinanas, naroroon sina Kristel at Maurin, ang dalawa niyang matalik na kaibigan na nagpagaan sa bigat ng buhay na kanyang dinadala. Hindi matatawaran ang moral support na ibinibigay ng dalawa. At mas madalas, lalo na sa panig ni Kristel, hindi nagdadalawang-salita si Annalor kapag sagad na ang kanyang pera.
Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng Annalor's. Mahigit sa twenty tables ang naroroon na hugis-square. Mula sa oras na magbukas sila, hanggang alas-diyes ng gabi na closing time, bihira ang pagkakataong mawalan iyon ng customers. Madalas naaarkila pa iyon sa reception parties at kapag ganoon, nakikiusap na lang siya sa mga regular na kumakain na walang mapuwestuhan.
Mula sa pagiging simpleng kainan, de-klaseng restaurant na ang Annalor's. Malaking bagay ang perang isinosyo ni Maurin nang maisip nitong huwag nang ilagay ang pera sa bangko. Daig pa sa doble ang naging puhunan ni Annalor kaya naman nabili niya ang katabing bakanteng lupa.
Plano niyang mag-extend at magkaroon ng function rooms para ma-accommodate pa rin ang regular customers kapag may mga okasyong natanguan ang restaurant.
Ang restaurant ang nagsisilbing trophy ni Annalor sa mga hirap na kanyang pinagdaanan. Hindi na niya mabilang kung ilang fast-food chains at restaurants ang pinasukan niya noon bilang part-time job. Iyon ang nagbigay sa kanya ng ideya ng negosyo at na-establish na nga niya nang husto.
Natigilan si Annalor sa pagmumuni-muni nang may pumaradang Toyota Prado sa harap ng restaurant. Puno iyon ng sakay at mukhang mga sosyal. Kapag hindi rin lang siya masyadong okupado sa kaha, siya ang humaharap sa mga customer.
Naghanda siya ng isang matamis na ngiti.
"Ate," tawag ni Maris.
"Mamaya na tayo mag-usap," sabi niya.
Sinalubong ng head waiter ng Annalor's ang grupo. Anim ang matatanda at may kasamang tatlong bata. Nang okupahin ng mga bagong-dating ang mahabang mesa, si Annalor na ang maagap na lumapit. Kinuha niya sa isang waiter ang ball pen at papel.
Nakangiting iniabot ni Annalor sa grupo ang menu card.
"Ano ba ang specialty ninyo rito, Miss?" tanong ng pinakamatanda sa grupo. Ito siguro ang pinakaama sa tatlong henerasyong nakikita niya.
"Baked tahong, Sir. At saka nilasing na hipon." Hindi nawawala sa mga labi niya ang winning smile.
"Tell me, Miss. Sa brandy ba nalasing 'yong hipon o sa beer?" sabad ng isa.
"Dave!" saway kaagad ng babaeng obviously ay siyang matriarch. Aristokratang-aristokrata ang dating nito. Nagkikislapan ang leeg at mga tainga sa kinang ng mga brilyanteng nakaadorno.
"Nagbibiro lang, Miss," sabi ng tinawag na "Dave."
Akmang tatango si Annalor nang kumindat ang lalaki sa kanya. Mariing naglapat ang nakangiti niyang mga labi. Presko, sa loob-loob niya.
Pormal na kinuha niya ang orders ng mga customer. Nakalimutan na niyang maging friendly at accommodating. Nang ibigay sa kitchen personnel ang order, tumabi na siya kay Maris na nasa kaha.
"Ano nga 'yong inirereklamo mo?" tanong niya sa kapatid.
"Ate, alam ko kung bakit mo ako pinuwesto rito. I have nothing against with this business. In fact, proud pa ako na ikaw ang may-ari ng restaurant na ito, but please, I don't want to work here. Hindi mo naman siguro ako pinag-aral sa magandang eskuwelahan para dito mo rin lang itali."
"Hindi ba't kayo ang mga classic example ng mga successful entrepreneur? Ang alam ko, ang mga tulad ninyo ang hindi gustong namamasukan. Kayo ang mga nagmamadaling maging amo kaagad kaya nagtatayo kayo ng sariling negosyo."
"Well, marami sa amin ang ganoon nga pero hindi ako kasali roon. Ate, please, I'm dying to prove my worth in a corporate world. Huwag mo akong itali rito."
May pagtatampong tinapunan ni Annalor ng tingin ang kapatid. "Wala kang pagmamahal sa negosyong nagpaaral sa iyo," masama ang loob na sabi niya.
"Oh, my God!" bulalas ni Maris. "Hindi sa ganoon. Ate, gusto kong maranasan 'yong mga trabaho ng nag-oopisina. Iyong nagmamadali sa pagpasok sa umaga. I want to join the rat race!"
"Hindi kita maintindihan." Disappointed pa rin si Annalor. "Gugustuhin mo pang mamasukan sa iba gayong dito, ikaw na ang amo."
"That's it!" Pumitik pa ito sa ere. "Iyon nga ang ayaw ko. Nawalan na ako ng challenge dahil dito, siguradong magiging amo ako nang walang kahirap-hirap."
Naputol ang pagtatalo nila nang lumapit ang waiter at hingin ang bill ng mga customer nila na naka-Toyota Prado.
Si Maris ang nagkuwenta habang si Annalor naman ay nakamasid sa grupong kararating lang. Walang dudang isang pamilya iyon. Maraming common features ang mga mukha. Aristocratic at kung pagbabatayan ang mga bihis at kilos, mukhang napilitan lang na huminto sa tapat ng Annalor's dahil inabot na ng gutom.
Pinigil niya ang pag-angat ng mga kilay. Marami na siyang suking mayayaman. Iyong karaniwan nang nagtatanghalian sa mga restaurant ng de-klaseng hotel—at narinig pa nga niya minsan na libangan na ng mga itong maglayag gamit ang sariling yate—pero kapag may oras din lang at nasa Cavite ay dinarayo ang kanyang specialty.
Therefore, konklusyon niya sa isip. Ang mga ito ay tipong snob. Mataas na mataas ang pagtingin sa sarili na ang paniwala siguro ay sila lang ang pinagpala.
Pati ang kilos ng tatlong bata ay kagaya ng kilos ng matandang babae—pino man at aral ay may ere ng pagiging aristocratic.
Nakapagitan ang babaeng siguro ay ina ng tatlong bata sa dalawang lalaki. Ang isa ay iyong kumindat kay Annalor—iyong tinawag na Dave. Hindi niya alam kung sino sa dalawa ang asawa ng babae. Magkakamukhang lahat ang mga ito.
Hindi naman ganap na nakaharap sa kanya ang lalaking tinawag na Dave. Puro likod at balikat nito ang kanyang nakikita. Pero sa tingin niya, sulit ding pagmasdan ang likod nito.
He had an interesting back. Parang isang hindi matitibag na pader ang malalapad nitong balikat. Seeing him from side view, he showed an unmistakably strong neck. Nang balingan ang isang matandang lalaki na nasa kabilang panig ay puro likod na naman ni Dave ang kanyang nakita.
Bagaman hindi hapit ang puting T-shirt na suot ni Dave, mukhang naging masikip iyon sa mga kalamnang pinatigas ng regular na workout.
Workout.
Iyon ang pumasok sa isip ni Annalor dahil imposibleng bunga ng hard labor ang makisig na katawan ni Dave. Makinis ang kutis ng lalaki kahit medyo maitim. Mukhang sanay sa aircon. At ang kaitiman ay iyong halatang nagpa-tan at hindi dahil natural na nabibilad nang madalas sa init ng araw.
Natigil si Annalor sa pagmamasid nang iabot sa kanya ni Maris ang isang gold card. Siya ang nag-punch niyon sa card terminal. Nang makompirma, awtomatiko nang lumabas ang official receipt.
Hindi na napigil ni Annalor ang pagtaas ng kilay. Ang kaha niya ay patunay lang na may sinasabi na ang kanyang restaurant. Kaya nga niyang mag-honor ng mga major credit cards.
"Sino ba ang kaaway mo?" tanong ni Maris. "Kahit pinakamahusay na pintor, hindi maipipinta ang mukha mo."
Parang walang narinig si Annalor. Nakasunod ang tingin niya sa waiter na nagdala ng card at resibo. Si Dave ang pumirma. Lalong umarko ang kanyang kilay. At hindi naman niya malaman kung bakit.
Nagtayuan na ang mga customer. Usually, siya pa ang naghahatid sa pinto sa mga customer pero sa pagkakataong iyon, hindi siya kumilos sa kinauupuan.
Nasa pinto na si Dave. Mataas ang lalaki kaysa karaniwan at halos maabot ang itaas na frame ng pinto. Matikas ang tindig.
Nasa aktong ibinabalik ni Dave ang credit card sa wallet nang masulyapan ang isang crystal bowl sa isang panig. Lalagyan iyon ng mga calling card ng mga customer kung gusto ng mga ito. Lumapit doon si Dave at inilagay ang isang calling card na kulay-matingkad na asul. Hindi niya iyon maipagkakamali sa iba pang nauna nang inilagay roon.
Nang makaatras ang Toyota Prado, hindi pa rin kumilos si Annalor. Tumayo lang siya nang tuluyang mawala ang sasakyan sa kanyang paningin.
Kinuha niya sa crystal bowl ang asul na calling card. Refreshing ang design ng card. Nakalimbag ang pangalan ng isang prestigious resort sa Palawan. At sa bandang gitna, malinaw na naka-gold embossed ang pangalang: David Gabriel Almonte—General Manager.
Tinitigan uli ni Annalor ang calling card. David Gabriel. Dave dahil pinaikli.
Nang may dumating na panibagong customers, ibinalik na ni Annalor sa crystal bowl ang calling card. Isang pareha lang naman ang customers. Hinayaan na niyang ang mga staff ang umestima sa mga ito.
"Ano ang pangalan?" tanong ni Maris. Hindi na siya hiniwalayan ng tingin ng kapatid kahit kaninang hindi pa nakaaalis ang mga customer nilang naka-Toyota Prado.
"David Gabriel Almonte. General manager ng isang resort sa Palawan."
"Almonte," parang gulat na sabi ni Maris. "You mean Paraiso Almonte?"
"Yeah." Tumango siya. "How did you know?"
"Galing na ako roon minsan. Remember, nag-sem break ako sa Puerto Princesa? Sumaglit kami roon. At gusto sana naming magtagal, kaso hindi na kaya ng budget. Superclass ang resort. At sabi mo, siya ang general manager doon?"
Nagkibit-balikat siya. "Iyon ang nakasulat sa calling card."
Tinitigan siya ni Maris. "You sound cynical. Ano ba ang problema?"
"Ewan. Mainit siguro ang dugo ko sa kanya."
"That's unfair. Kumita nga tayo nang husto sa grupong 'yon sa dami ng in-order, tapos iinit pa ang dugo mo? And guess what, nag-iwan ng cash para sa tip. At mahirap snub-in ang halaga." Sinabi pa ni Maris ang halaga ng tip.
Impressed din naman si Annalor pero hindi nagbago ang nararamdaman niya para kay Dave.
"Pag-usapan natin uli 'yong sinasabi mo kanina," pormal na sabi niya. Naiirita siya tuwing naiisip na hindi interesado si Maris sa pagma-manage ng Annalor's.
Pero parang wala pa roon ang isip ng kapatid. "Almonte. Kapangalan niya 'yong resort. So, it's possible na pag-aari nila 'yon."
"Shut up! Huwag mo nang intindihin 'yon dahil naligaw lang dito 'yon. They are snob. Kung may pagpipilian lang siguro, hindi sila hihinto rito."
"Okay, balikan natin ang tungkol sa akin," masunurin namang sabi ni Maris. "Please naman, Ate. Give me some time to prove something to myself. Hindi ko naman itinatakwil 'tong restaurant. Gusto ko lang munang sumubok sa ibang kompanya."
"Kompanya," ulit ni Annalor. "Multinational company ang ibig mong sabihin, hindi ba?"
Kilala ni Annalor ang kapatid. Sa kanilang dalawa, mas ambisyosa ito. Hindi pa nga sila noon nagkakaroon ng kotse, nag-aral na itong magmaneho. Mabuti na raw iyon. Hindi iyong kung kailan lang magkakaroon ng sariling sasakyan ay saka pa mag-aaral.
At pinatunayan pa ni Maris sa maraming bagay na mataas ang pangarap nito. Masikap naman. At talagang pinaghihirapan ang isang bagay para maabot.
"Please naman, Ate," pakiusap nito.
Napabuntong-hininga si Annalor. Kapag ganoon na ang tono ng kapatid, samahan pa ng nagpapaawang hitsura, hindi na siya nakakatanggi.
"Bahala ka na nga," masama pa rin ang loob na sabi niya.
--- itutuloy ---