CHAPTER 31 THIRD PERSON POV Tahimik ang lumang pasilidad sa labas ng lungsod. Sobrang tahimik na parang may multong nagbabantay sa bawat sulok o baka nga zombie, pero tulog lang. Ang dating research facility na ito ay nakabaon sa gitna ng talahiban, halos kainin na ng kalikasan. Ang mga bintana ay basag, ang mga pinto ay kalawangin, at ang mga ilaw ay kumikislap na parang may sariling drama. Ngunit sa loob, may isang silid na buhay na buhay punô ng wires, beakers, microscopes, at tunog ng paghalo ng kemikal. Doon nagtago si Dr. Alyanna Cristina “Tinay” Reyes. Nakasuot siya ng lumang lab coat na may bahid ng dugo, putik, at kape (mas maraming kape kaysa dugo, kung tutuusin). Ang buhok niya ay nakapusod nang sabog, ang mata may eyebags na parang zombie rin, pero ang kamay niya matatag.

