“KANINA pa ako naghihintay sa iyo. Ang tagal-tagal mo. Kapag nalaman ni Sir Marco kung saan-saan ka nanaman nagpupunta ay masesermonan ka nanaman noon. Pasalamat ka at wala si Ma’am Melissa ngayon. Saan ka ba nagpunta? Tsaka diba sabi ko sa iyo, hintayin mo nalang ako sa sasakyan. Dapat hindi ka na nagpupunta kung saan-saan. Tingnan mo, anong oras na? Baka mahuli pa ako sa pagluluto ng tanghalian ng amo natin. Alam mo namang mainit ang ulo niyon kapag wala siyang naabutang pagkain dito.”
Iyon ang narinig ni Ava na mga salita mula sa isang babae. Kung sinasadya niya ang pagiging matinis ng boses ay siguradong natural na natural ang katinisan ng boses nito. Masyadong iyong mahaba na tila wala ng katapusan ang mga salitang lalabas sa bibig ng babaeng nagsasalita.
Pagtapat niya sa pinto papasok sa kusina ay nakita niya ang isang maliit na babae na marahil ay nasa limang talampakan at isang pulgada lamang ang taas. Dire-diretso ito sa pagsasalita habang walang humpay ang pagkumpas nito sa ere kahit pa may hawak itong mga kung ano-ano sa kamay nito. Marahil ay iyon ang ipinamili ng dalawa. Paikot-ikot ito sa loob ng kusina papunta sa lababo tapos sa mga cabinet tapos ay babalik nanaman ito sa mesang pinagpatungan nito ng mga pinamili. Isa-isa nitong inilalagay doon ang mga pinamili.
Iginala niya ang tingin sa paligid para makita ang taong kausap nito. Nakita niya ang isang may katangkarang lalaki na nakasandal sa malaking ref. Sa tingin niya ay mas mataas lang ito sa kanya ng dalawang pulgada. Umiinom ito ng tubig sa baso. Prente pang nakapameywang ang isang kamay nito.
Alam na kaagad niyang ito si Gracia kahit dalawang beses palang niya itong nakita noon. Habang ang kausap nito ay ang asawa nitong si Adonis. Sa isang mabilis na pagsusuri ay napansin kaagad niya ang itsura ng lalaki. Matipuno ang katawan nito na mababakas sa suot nitong puting t-shirt at maong na shorts. May itsura ito. Hindi. Guwapo pala ito. Medyo mahaba ang buhok nito at medyo rugged ang dating. Alam na niya ang pangalan nito pero hindi niya masyadong napagtutuunan ng pansin ang dalawa sa tuwing magmamatyag siya sa bahay ng mga Del Rio. Paano ay wala sa mga ito ang pakialam niya.
Pagharap ng babae mula sa lababo na salita pa rin ng salita ay saka lang niya nabistahan ng mabuti ang itsura nito. Malayuan kasi kapag nakikita niya ito dati. Muntik siyang masamid kahit wala namang laman ang bibig niya dahil mas malala pa yata ang itsura nito sa kanya. Wala itong salamin at wala rin itong malaking nunal sa ilong. Pero may malalaki itong tigyawat. At ang mga tigyawat nito ay maaari nang humilera sa laki ng nunal niya. Puwede na iyong pisain sa totoo lang. Aray ko! Napangiwi siya ng maisip na pinipisa ang tigyawat nito. Parang sakit talaga niyon. At napansin kaagad niyang pango ang ilong nito. Hindi ito maganda sa totoo lang. Walang maganda sa mukha nito maliban sa mga mata nitong mapupungay.
In fairness. Bumawi naman sa mata. Expressive eyes! Banat ng isang bahagi ng isip niya.
Pero jusmiyo marimar! Mag-asawa ba talaga ang dalawang ito? Papaano nangyari iyon? Ang guwapo ng lalaki. Samantalang ang babae... ay naku! No comment nalang talaga siya. Ayaw niyang magkasala dahil sa dalawang ito.
Patuloy pa rin sa pagsasalita ang babae nang biglang magsalubong ang kanilang paningin sa isang beses na paglingon nito sa bahagi niya.
“Ay petrang malaki ang itlog!” malakas nitong bulalas pagkakita sa kanya. “Diyos ko po!” Natutop nito ang dibdib at naihagis sa likod ang hawak nitong supot na naglalaman ng mga cup noodles.
Sapul ang guwapong lalaki sa mukha ng humagis ang supot.
Nalukot ang mukha ng lalaki at napatuwid ito ng tayo. “Ano ka ba naman Gracia! Bakit ba ang lakas ng boses mo? Kanina ka pa salita ng salita diyan! Hinahayaan na nga lang kita kahit naririndi na ako sa boses mo. Tinawag mo pa akong petrang malaki ang itlog. Bakit malaki ba talaga ang itlog ko? Parang hindi ka naman nasisiyahan sa itlog ko ah! At nambabato ka pa! Tinamaan tuloy ako sa mukha!” naiinis na palatak ng lalaki.
Inalis nito ang tingin sa kanya at bumaling sa asawa nito. “Hindi ikaw ang sinasabihan kong petrang malaki ang itlog, tangek!” singhal dito ni Gracia. “At huwag mong ipangalandakan iyang itlog mo dito ano.”
“E sino ba? Tayong dalawa lang naman ang magkausap dito diba?” nakamulagat na sabi ni Adonis.
Ibinalik ni Gracia ang tingin sa kanya. “E kasi naman. May tao pala sa pinto. Nagulat ako eh. Teka... tao ba talaga iyan?” may pagdududang wika nito. Naglakad ito at lumapit sa kanya.
Lihim siyang napangiti sa tinatakbo ng usapan. Ewan niya pero parang nagugustuhan na niya ang mga ito. Sinaktan niya ang trip ng dalawang makakasama niya. Hindi siya kumilos at nnagkunwaring estatwa at tanging ang mga mata lamang niya ang gumagalaw para sundan ng tingin ng dalawa. Sa pagkakataong iyon ay nakatingin na rin sa kanya ang guwapong lalaki. Pigil-pigil niya ang mapangiti. Paano ay parang ewan ang itsura ng mga ito. Kung sa mga comedy movies ay ito ang mga aanga-anga pero nakakatawa. Si Adonis ay mukhang na-curious na rin sa kanya kaya lumapit na rin ito. Dahan-dahan itong naglakad na parang hindi maaring makalikha ng ingay.
“Rosing! Huwag kang masyadong lumapit diyan. Baka maligno yan.” Mahinang sita nito sa asawa. Akmang hihilahin pa nito ang isang braso ni Gracia pero pumiksi ang huli.
“Sira ulo ka. Kailan pa nagkaroon ng maligno dito? May puno ba rito sa loob ng bahay? Ang labo mo talagang mag-isip.” Ani Gracia habang patuloy ang paglapit sa kanya. Kasunod nito si Adonis at parehong dahan-dahan kung maglakad ang dalawa.
“E baka biglang meron na dito. Wala naman iyan kanina pagdating natin ah. Bigla nalang sumulpot. Baka naman may naiihan si Sir Marco doon sa labas sa likod ng bahay. Tapos sinundan siya rito.”
“Heh! Tumigil ka nga diyan. Hindi iyon umiihi sa likod sa labas ano. Ano siya dugyot ka kagaya mo? Tsaka, ang laki-laki mong tao pero napakamatatakutin mo.”
“Ikaw nga eh. Nagulat pagkakita diyan kanina.”
“Natural magugulat ako dahil bigla siya sumulpot. Sino ang hindi magugulat ‘nun? Mag-isip ka nga.”
Paglapit ni Gracia sa kanya ay tumingala ito. Tinundo-tundo nito ang pisngi niya ng daliri nito. “Malambot naman ang pisngi.” Hindi pa ito nakutento at hinaplos ang balat niya. “Mainit ang balat niya. Mukhang tao ito eh.” Lumingon ito kay Adonis.
“Huwag mong masyadong hawakan at baka ma-nuno ka.” Paalala ni Adonis sa asawa.
“Nuno? Kita mong ang laki-laki nito, nuno? E halos magkasing-taas nalang kayo, nuno?” sarkastikong turan dito ni Gracia. “Puwede pang kapre.” Bumaling ulit ito sa kanya. “Pero hindi kapre kasi mukhang babae naman. Wala naman sigurong kapreng bading ano?”
Doon na siya malakas na tumikhim. Hindi na kasi niya napigilan ang matawa. Napatalon paatras sina Gracia at Adonis.
“Ay kabayo!”
“Ay itlog kong malaki!”
Nagkatunog ang tawa niya. “Mukha ba talaga akong petrang kabayong malaki ang itlog? Ang alam ko lang ay malaki ang nunal ko pero wala akong itlog.”
“Nagsasalita!” malakas na sambit ng guwapong lalaki. “At tumatawa pa siya. Malala na ito.” Dagdag pa nito.
Binatukan ito ni Gracia. “Natural magsasalita iyan. Tao na nga siya eh. Mas malala ka rin e noh!”
Tuluyang nagkatunog ang tawa ni Ava. Mukhang magiging interesting ang pagtira niya sa bahay na iyon. Ngayon ay nahihinuha na niya kung papaanong nagkatuluyan ang dalawang ito. Oo at guwapo at macho ang lalaki pero mukha itong aanga-anga. Habang si Gracia naman ay hindi talaga niya masasabing may itsura pero sa dalawa ay mukhang ito ang mas nag-iisip. Kengkoy lang ang mga ito sa tingin niya.
“E sino ka ba? Kung tao ka bakit nandito ka sa loob ng bahay na ito?” salubong ang mga kilay na tanong sa kanya ni Gracia. “Paano kang nakapasok? Sino ang nagpatuloy sa iyo?”
“Putang’na! Magnanakaw ka?! Hayop kang magnanakaw ka! Tirik na tirik ang araw pero ang lakas ng loob mong pasukin ang bahay ng Ma’am at Sir namin ha. Halika dito nang mabugbog ---.” Akmang susugurin na siya ni Adonis pero pinigilan ito ng asawa nito.
“Ano ka ba Adonis! Tigilan mo nga iyang kalokohan mo.” Sita rito ni Gracia.
“Huwag mo akong pigilan Gracia! Sasamain sa akin itong akyat bahay gang na ito. Hindi porke babae siya ay hindi ko na siya papatulan. Ipapakita ko sa kanya kung papaano magalit ang kapreng malaki ang itlog ---.”
Natigil lang ito sa pagsasalita nang muli itong batukan ni Gracia. Muntik na itong sumubsob sa sahig. Pero hinila ni Gracia ang damit ni Adonis kaya nabanat ang sando nito dahilan para mapigilan itong sumubsob. Malakas din pala ang babae kahit maliit ito.
“Bakit mo ba ako pinipigilan? Hayaan mong sipain ko palabas ng bahay ang akyat bahay na ito.” Sinipa siya ni Adonis pero hindi iyon umaabot dahil hawak-hawak pa rin ito ni Gracia.
“Inaatake ka nanaman ng katangahan mo eh! Sa tingin mo akyat-bahay gang yan? Sa itsura niyang ‘yan? Na mukhang hindi na makaakayat sa bakod at makakatakbo sa haba ng palda niya. E mukhang hindi ito makakagawa ng kalokohan sa pagkamanang ng itsura niya eh.” Anito saka siya pinagmasdan mula ulo hanggang paa.
Naglaro ang katuwaan sa mga mata niyang nakatago sa salamin. Hindi pa man ay natutuwa na siya sa dalawang ito. Mukhang kahit papaano ay makakasundo niya ang Gracia at Adonis na ito. Bagay din naman ang pangalan ng lalaki rito. Huwag lang itong kikilos at magsasalita dahil mukhang wala ngang binatbat ang utak nito.
“E sino iyan kung hindi iyan akyat bahay?” turo nito sa kanya. Nasa itsura pa rin nito ang susunggaban siya.
“Iyan ang tatanungin natin sa kanya.” Si Graci. Bumaling ang dalawa sa kanya. “Sino ka ba talaga? Nagsasalita ka nga pero hindi ka naman gumagalaw. Para kang tuod diyan eh”
Muli siyang tumikhim. “Ako si Savana. Savana Butete.” Malumanay niyang pakilala sa mga ito.
Ang lakas ng naging tawa ni Adonis pagkarinig sa buong pangalan niya. Nagkatinginan sila ni Gracia pagkatapos ay nakasimangot na tumingin ito sa lalaki.
“Anong nakakatawa?” tikwas ang kilay na tanong nito.
“Anong nakakatawa? Iyong pangalan niya.” Itinuro nanaman siya nito. “Savana Butete. Kung ako malaki ang itlog, siya naman ay butete. Diba nakakatawa?” at muli itong humagalpak ng tawa. “Ang bantot ng apelyido mo.”
Binatukan itong muli ni Gracia na ikatigil ng lalaki sa pagtawa. “Alam mo, guwapo ka lang talaga eh. Pero ang hina-hina ng head mo. Napaka-lower ng IQ mo!” sikmat pa nito.
Napakamot sa ulo si Adonis. “Anong mahina ang head ko? Baka mahina ang mind ko.”
“Head kasi ulo. Mahina ang ulo mo. Hindi ko sinabing mahina ang utak mo. Tanga!”
Umirap si Adonis sa asawa. “Nakakailang dagok ka na sa akin ha. Kaya humihina ang ulo ko kakabatok mo sa akin eh.”
“Tse! Huwag kang magdrama diyan. Hindi mo bagay. Tsaka umalis ka sa tabi ko. Kanina pa mainit ang ulo ko sa iyo. Lumayas ka sa harap ko. Ayokong lalong mabadtrip dahil sa katangahan mo!” At muling bumaling sa kanya si Gracia sabay tanong. “Butete ba talaga ang apelyido mo?”
Marahan siyang tumango. “Sa kasamaang palad. Oo.”
Sa pagkakataong iyon ay si Gracia naman ang tumawa.
“O bakit ikaw naman ang tumatawa ngayon?” nakangangang tanong ni Adonis.
“E bakit ba? Sa ngayon ko gustong tumawa eh.” Anitong hinawakan pa ang tiyan.
Napakamot sa ulo si Adonis habang si Gracia ay biglang huminto. Sumeryoso ito sa kanya. “Kung ganoon ay ikaw iyong tinutukoy ni Ma’am Melissa na bagong katulong dito sa bahay?”
Sunod-sunod siyang tumango. “Ako nga. Ang sabi niya sa akin kanina ay nabanggit na raw niya ako sa iyo.”
Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Huwag kang magagalit ha. Pero bakit ganyan ang itsura mo?”
Wow! Ang lakas ng loob nitong tanungin siya ng ganoon. Tumikwas ang isang kilay niya. Bigla ay gusto niyang isinghal dito ang itsura nito.
“Bakit ganyan din ang mukha mo?” pabulong lang niyang tanong.
“Anong sinabi mo?” inilapit nito ang mukha sa kanya dahil hindi narinig ang sinabi niya.
“Wala. Sabi ko ganito talaga ako manamit. Ito na ang kilakhan ko.”
“Ah... Sige. Ako nga pala si Gracia. Ito naman ang asawa ko si Adonis.” Itinuro nito si Adonis na lumayo na rito. “Siguro ay nasabi na rin ni Ma’am sa iyo ang tungkol sa amin.”
“Nasabi na nga niya.” Ngumisi siya sa mga ito. Lumitaw nanaman ang gilagid niya at ang brace.
Napangiwi ang dalawa. Gusto niyang isinghal sa mga ito na huwag OA ang mga ito sa itsura niya. Pero ang totoo ay natatawa siya. Naalala niya sina Kasper at Tisoy. Marahil ay rambol ang mangyayari kapag nagsama ang apat na ito sa iisang bahay. Bigla tuloy niyang na-missed ang dalawang iyon.
“Siya. Siguro naman ay handa ka ng magsilbi sa bahay na ito.” Ani Gracia maya-maya. Patuloy pa rin ito sa pagbista sa itsura niya.
“Handa na ako. Ang sabi sa akin ni Ma’am Melissa, hintayin ko raw kayo para ituro mo sa akin ang mga gagawin dito sa bahay.”
Tumango ito. “Totoo iyon. Hala. Sige. Halika na dito. Tulungan mo akong ayusin itong mga pinamili natin. At kailangan na nating magluto ng pananghalian. Maya-maya lang ay magigising na ang amo nating lalaki. Maghahanap kaagad iyon ng pagkain.”
Tumalima naman siya. Noon lang siya naglakad at sinundan si Gracia patungo sa mesa. Nalagpasan niya si Adonis na pinagmamasdan siya mula ulo hanggang pa. Sa huli ay kumindat ito sa kanya.
Asa kang papatulan kita. Aniya sa loob-loob. Patay-malisyang inalis niya ang tingin dito.