Chapter 5

1553 Words
Chapter 5 Pangatlong araw na namin ngayon dito sa resort at gaya ng inaasahan ko ay tumawag na naman si Fern. Pilit niyang pinauuwi si Clint gayong napagkasunduan nilang mag-ama na next week na lang sila magkikita dahil may out of town engagement siya. Limang araw iyon at walang makakasama ang anak ko sa condo niya kung ipapahatid ko siya bukas. "I don't understand your father, Clint," mahinahon kong saad habang nanananghalian kami. "Siya mismo ang nagsabi na next week ka na lang ipahatid sa condo niya pero ngayon bigla na naman nagbago ang isip. My god! Wala naman siyang katulong kaya wala kang makakasama sa condo niya. Kung alam ko lang na magbabago ang isip niya, hindi na sana tayo nagbakasyon." "I'll stick with the plan, Mom. Hayaan mo na lang siya. Panira lang siya sa bakasyon natin." Waring hindi man lang siya apektado, nagpatuloy lang siya sa pagkain at nang matapos ay nagpaalam na pupunta siya sa tabing-dagat. Pansin ko na naroon na ang mga diver na inupahan ni Chuck, naroon din sa tabing-dagat si yaya at pinapaarawan ang baby. Umupo ako sa veranda habang nakatanaw sa dagat. "Hija, gising na ba si Chuck?" tanong ni Nanay Delia na kararating pa lang. May sarili kasi silang bahay ni Tata Celso at pumupunta lang sa villa kapag maglilinis o kaya ay magluluto tuwing may magbabakasyon sa resort. "Ipinagdala kita ng pinya at dragon fruit, hija. Anihan na kasi ngayon kaya hinihintay ng mga trabahador si Chuck." "Salamat po, 'Nay Delia. Tulog pa ho si Chuck." Umupo siya sa tabi ko at hinawakan ang kanang kamay ko. Bumuntong-hininga siya saka mahinahong nagsalita, "Hija, hindi n'yo man sabihin sa akin ni Chuck, pero alam kong mayroon kayong hindi pagkakaunawaan sa ngayon. Kita ko sa mga mata ng alaga ko ang lungkot sa tuwing titingin siya sa 'yo. Sampung taon ko rin siyang inalagaan kaya alam ko kung kailan siya malungkot at kung kailan siya masaya." Natigilan ako sa mga sinabi niya. Wala akong maapuhap na sasabihin. Dati siyang yaya ni Chuck at ayokong masira ang pagkakakilala niya sa alaga niya kaya nanatili na lang na tikom ang bibig ko dahil ayoko rin namang magmukhang naghahanap ng kakampi. "Tumawag sa akin kanina si Mrs. Sayes." Malungkot na ngumiti si Nanay Delia. "Sinabi niya sa akin ang mga panloloko sa 'yo ni Chuck at ako mismo ay hindi sang-ayon sa ginawa ng lalaking iyon sa 'yo." Napatingala na lang ako para maiwasan ang pagbagsak ng mga luha ko. Kaya gusto ko ng hiwalayan siya at magpakalayo-layo na lang kasama ang mga anak ko. Kung ako ang masusunod ay ayokong makasalamuha ang mga taong malalapit sa kaniya dahil ayokong kaawaan nila ako. Aaminin ko, mahal ko pa rin siya sa kabila ng mga panloloko niya sa akin. At kahit paulit-ulit siyang humingi ng tawad ay hindi ko siya magawang patawarin dahil palaging nagsusumiksik sa utak ko ang pag-amin niya sa akin na nakikipagkita siya sa babaing iyon maging ang pakikipaghalikan niya sa labas ng bar. Namalayan ko na lang na niyakap ako ni Nanay Delia at tumulo na ang mga luha ko sa pisngi. "Sana kahit gano'n ang nangyari ay mapatawad mo ang alaga ko at bumalik ang dati n'yong samahan. Dama ko namang mahal na mahal ka ni Chuck, hija. Sa tagal kong paninilbihan sa pamilya nila, ngayon lang siya nagseryoso sa isang babae." Hinawakan niya ang kamay ko saka pinisil. "Sa totoo lang po, Nana Delia, mahal na mahal ko ang alaga n'yo," pag-amin ko sa pagitan ng paghikbi dahilan para ngumiti siya. "Pero hindi ko alam kung mapapatawad ko siya sa ginawa niya sa akin." Isang buwan na bukas si baby at isang buwan na rin nang mahuli ko ang panloloko ni Chuck. Sa loob ng isang buwan ay palagi kong tinatanong ang aking sarili kung saan ako nagkulang. Kung bakit kailangan niya pa akong lokohin gayong pwede naman niya akong hiwalayan kung ayaw na niya sa akin. Sadya bang gano'n ang mga lalaki? Bakit ayaw nilang tapusin muna ang kasalukuyang relasyon bago makipagrelsyon sa iba? Bakit gusto nila laging may reserba? Nitong mga nakaraang araw ay palaging sumasagi sa isipan ko ang naulinigan kong pag-uusap ng mga magulang ko noon. Walang duda na si Chuck nga ang tinutukoy ni dad. Ang lalaking walang ibang alam kundi magbilang ng babaing nadadala sa kama. Tumigil na ako sa paghikbi at pinunasan ang mga luha sa aking pisngi. Ngumiti ako nang mapait. Kung buhay ang mga magulang ko ay doble ang sakit na mararamdaman nila dahil sa pangalawang pagkakataon ay niloko na naman ako. Isang lalaki na naman ang nanloko sa nag-iisa nilang anak. Matapos niya akong yakapin ay nagpaalam siya na magluluto na ng tanghalian at dahil iniiwasan ko si Chuck ay nanatili lang ako sa veranda. Tanaw ko si Clint na naroon sa dagat kasabay ang ilang diver na nakikipag-unahan sa mga alon. Si yaya naman ay nanatili sa kubo kasama ang baby at si Kuya Ernie. "Hija," saad ni Nana Delia nang muli siyang lumabas. "Pwede pakigising si Chuck. Aba, mag-aalas diyes na tulog pa rin?" Tango lang ang isinagot ko pero wala akong plano gisingin ang lalaking iyon. Ayokong maulit ang nangyari kahapon sa dagat nang iwanan kami ni Clint at ng mga diver. Mapagsamantala si Chuck at baka sa kakukulit niya ay baka mamalayan ko na lang na napatawad ko na siya. Hindi iyon pwedeng mangyari dahil lalong lalaki ang ulo ng lalaking iyon. Oo, mahal ko pa rin siya, pero may pride pa rin naman akong natitira para sa sarili ko. Tumayo ako para maglakad-lakad sana sa tabing-dagat nang makasalubong ko si Tata Celso. May pasan siyang isang buwig ng hinog na saging. Ibinaba muna niya ang pasan at binati ako. "Magandang umaga, hija." Ngumiti lang ako at tumango bilang tugon. "Gising na ba si Chuck? Hinihintay kasi siya ng mga trabahador sa asyenda. Nangako siya na dadalaw ngayong araw." Naawa ako kay Tata Celso. Parang pagod na pagod siya sa mga gawain sa asyenda pero nakukuha pa ring ngumiti. "Saglit lang po, Tata Celso, gigisingin ko po si Chuck," tanging nasabi ko. Nakakahiya kung hindi ko gigisingin si Chuck gayong dalawa na sila ni Nana Delia na nagsabi na kailangan siya ngayon sa asyenda. Nakangiti pa rin ang matanda nang iwan ko. Nakasalubong ko si Nana Delia kaya mabilis akong pumasok. Bantulot man ay umakyat na rin ako sa hagdan patungo sa kuwartong inuukopa namin ni baby kung saan nakikipagsiksikan na rin si Chuck. Ayaw niyang matulog sa ibang kuwarto dahil ang rason niya ay ayaw niyang mahiwalay sa amin ng bata. Pipihitin ko na sana ang doorknob nang marinig ko ang pagsigaw niya. "Damn! I don't care, attorney!" Malakas iyon kaya dinig na dinig ko. Sumandal na lang ako sa pader dahil nagdadalawang-isip na ako kung papasok o hindi. Ayokong makialam sa mga problema niya. "Bayaran mo ang mga dapat bayaran." 'Yon ang huling narinig ko at tumahimik na sa loob. Pinalipas ko ang ilang minuto saka pinihit ang doorknob pero nadismaya ako nang mapansing naka-lock iyon. Nitong mga nakaraang araw ay palagi ng nagla-lock ng pinto si Chuck. Hindi ko na siya inistorbo pa kaya tumalikod na ako para bumaba nang marinig ko ulit ang boses niya. "Why are you calling?" Mahina lang ang pagkakasabi niya n'on pero narinig ko pa rin. Idinikit ko ang aking tainga sa pader dahil may bumundol na kaba sa dibdib ko. "Tell Lana not to call me, okay? I'll be the one to contact her. I'm on a vacation with my family. I'll see her the moment I come back." Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa nang marinig ang binanggit niyang pangalan. Ibig sabihin niyon ay nakikipagkita pa siya sa babaing iyon. Tumulo na naman ang mga luha ko kaya minabuti kong bumaba na. Laking pasasalamat ko nang mapansing nasa kusina sina Nana Delia at Tata Celso. Mabilis akong lumabas ng bahay at nagpunta sa tabing-dagat. Hindi niya pwedeng malaman na narinig ko ang pakikipag-usap niya sa cellphone. Ngayon alam ko na kung bakit palagi siyang nagla-lock ng pinto. Palagi siguro siyang nakikipag-usap sa babaing iyon kapag wala ako. Habang naglalakad sa tabing-dagat ay panay ang tulo ng mga luha ko. Kahit nanlalabo na ang aking paningin ay hindi ako tumigil hanggang sa mapagod ako at napaupo na lang sa buhangin. Doon ibinuhos ko ang luha na hanggang ngayon ay hindi pa rin nauubos. "Hey! It's a private property. You're not allowed here!" dinig kong sigaw sa di kalayuan. Pinabayaan ko lang iyon, patuloy lang ako sa pag-iyak dahil gusto kong maubos na ang mga luha ko at hindi na ako iiyak kapag kaharap ko na si Chuck. Ayokong malaman niya kung gaano kamiserable ang buhay ko dahil sa mga panloloko niya. "I said it's a private property!" Kasabay ng sigaw na iyon ay ang paghatak ng kung sino man sa kanang braso ko dahilan para mapangiwi ako sa sakit. Hindi ko makita ang mukha ng taong iyon dahil umiiyak pa rin ako. Namalayan ko na lang na marahan niya akong itinayo saka niyakap. Waring nakahanap ako ng kakampi sa mga oras na iyon. Panay ang hagulgol ko sa dibdib ng kung sino mang taong nakayakap sa akin. "I shouldn't have done that. I'm sorry," dinig ko ang baritonong boses na iyon kasabay ng paghaplos sa aking likod. "I'm sorry."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD