“How was your first day in school, Lorelei?”
Mula sa kaniyang pinggan ay mabilis na nag-angat ng tingin si Lorelei sa kaniyang lola Conchitta nang magtanong ito sa kaniya. Nasa hapag silang tatlo at kumakain ng hapunan.
Agad na sumikdo ang puso niya sa kaba nang makasalubong niya ang malamig na mga mata ng matanda. Katabi nito si Mommy Margareth na malamig din at walang emosyon ang mga matang nakatingin sa kaniya. Alam niyang hinihintay rin nito ang magiging sagot niya.
Hindi na yata siguro mawawala iyong kaba at takot niya sa tuwing kaharap niya ang mga ito dahil gano’n na talaga ang matanda kung tumingin sa kaniya, unang tapak niya pa lang dito sa mansion na ito. Sanay na siya. Pero kahit na sanay na siya ay hindi pa rin mawala ang kaba niya.
Maliban na lang kung nandito ang kuya Brixton niya, kasama niya. Pero wala ito. Wala na nga siyang balita rito simula nang umalis ito.
Hindi madali ang mga pinagdaanan ni kuya Brixton sa kamay ni lola Conchitta. At hindi niya kailanman maintindihan kung bakit lagi nitong sinasaktan si kuya Brix. Para bang hindi apo si kuya Brix kung ituring ito ni lola Conchitta.
Si Mommy Margareth naman, bagama't hindi naman nito sinasaktan ang kuya niya pero napaka-cold naman ni Mommy rito. Kung anong trato ng mga ito sa kaniya ay gano'n din kay kuya Brixton. Naiintindihan naman niya kung walang pagmamahal ang mga ito sa kaniya dahil ampon lang naman siya sa pamilyang Navarre. Pero si kuya Brixton, pamangkin ito ni Mommy Margareth at apong tunay talaga ito ni lola Conchitta.
Kaya madalas ay sila lang ng kaniyang kuya Brix ang magkakaintindihan at lagi rin siya nitong pinagtatanggol kapag pinapagalitan siya o sinasaktan ni Mommy Margareth o ni lola Conchitta.
“Lorelei, tinatanong ka ng lola mo. Bingi ka ba?”
Agad siyang napaigtad mula sa kaniyang kinauupuan nang marinig niya ang kaniyang ina. She blinked.
Napalunok siya. “Uh… okay lang po, Lola.” Kinakabahang sagot niya.
Nasa bansang Europe sila pero tagalog ang salitang ipinamulat ng mga ito sa kaniya. Madalang lang din na nagsasalita sina Mommy at lola ng English kaya sobrang tatas niyang magsalita ng Tagalog.
“Okay?” ani ng lola niya at pinagtaasan din siya nito ng kilay. Sa tono ng boses nito ay alam niyang hindi ito nasisiyahan sa naging sagot niya. “Hindi iyan ang inaasahan kong isasagot mo, Lorelei.”
Muli siyang napalunok at nagyuko na lang ng ulo. Hindi na rin siya gumagalaw dahil hinihintay niya na paaalisin siya nito.
“Ano pa ang iniupo mo d’yan? Alis!” taboy nito sa kaniya, kaya mabilis siyang tumayo at lumabas ng dining area.
Dumeretso siya sa bodega, kung saan siya palaging nakakulong kapag may kasalanan siyang nagawa sa mga ito.
Napabuntonghiningang pumasok siya sa madilim na bodega. Siya na ang nagkukusa para less ang pagpapahirap ng mga ito sa kaniya.
Sa loob ng labintatlong taon na ginagawa niya ito kapag nagkakasala siya o may hindi nagustuhan ang lola Conchitta at Mommy Margareth na ginagawa niya. O di kaya ay may pinapagawa ang mga ito sa kaniya at hindi niya natupad, kaya nasanay na siya na sa ganito siya hahantong. Ang makulong sa loob nitong madilim na bodega sa loob ng tatlong araw.
Naging bato na nga rin ang pakiramdam niya. Ang inaalala na lang niya ay ang pag-aaral niya. Siguradong absent siya sa loob ng tatlong araw.
Isa pang napakalalim na buntonghininga ang pinakawalan niya bago siya naupo sa may papag. May kutson naman iyon kaya hindi siya diretsong maupo sa sementado at malamig na sahig. Hindi rin alam nina Mommy at Lola na may mga gamit rito dahil ipinuslit lang ito noon ni kuya Brix nang ikulong siya rito ni Mommy dahil sa hindi niya malamang dahilan.
Walang ilaw rito sa loob pero dahil sanay na rin siya kaya hindi na siya natatakot pa, hindi gaya noong unang ikinulong siya ng mga ito rito. Nagsisigaw siya at pinupukpok pa ng kamao niya ang pinto.
Ngunit kahit na mawalan pa siya ng boses sa kasisigaw, lumuluha ng dugo sa kaiiyak at magkakalyo ang mga kamay niya sa salit-salitang pagkatok sa dahon ng pintuan ay hindi pa rin naman ang mga ito makikinig at wala ring maaawa sa kaniya.
Sampung taon siya nang pinatay ang Nanay Lucy niya. Pinatay ito sa harap niya nang lalaking hindi niya kilala. Wala silang kamag-anak sa Pilipinas at hindi niya rin alam kung sino ang ama niya dahil wala namang sinabi ang Nanay niya bago ito pinatay. Kaya napunta siya sa bahay ampunan.
Pero hindi naman siya nagtagal sa ampunan dahil may abogadong nagpunta roon at sinabing gusto raw siyang ampunin ng mag-asawang Navarre. Akala niya magiging masaya siya dahil may pamilyang kukupkop na sa kaniya, ngunit hindi niya inakalang magiging ganito lang din pala ang kahihinatnan ng buhay niya.
Ilang beses din siyang nagtangkang tumakas at bumalik na lang sa Pilipinas pero sa tuwing gagawin niya iyon ay hindi naman siya nagtatagumpay at mapaparusahan pa ng tatlong araw na pagkakulong sa madilim na bodegang ito at tubig lang ang laman ng tiyan niya sa tatlong araw na iyon.
Suwerte niya na lang kung nandito ang kaniyang kuya Brixton dahil makakain siya at kung nandito si Daddy Franco ay sobrang alaga naman siya ni Mommy na akala mo masayang-masaya talaga ito na dumating siya sa buhay ng mga ito. Pero madalang lang iyong nangyari kaya lagi siyang nasasaktan at kalaunan ay nakasanayan niya na.
Katulad ngayon, wala ang Daddy niya dahil may dinaluhan itong business meeting sa France at tatlong araw na ito roon.
“Where is she, Tita?”
Napasinghap siya at mabilis na napatayo nang marinig niya ang baritono at pamilyar na boses ng lalaki.
“Kuya Brix…” mahinang sambit niya.
Tumayo siya at mabilis na tinungo ang tapat ng pintuan.
“Nasa bodega siya dahil nagkasala siya sa lola Conchita mo.”
Narinig niyang sagot ni Mommy kay kuya.
“What? Mom, did you even care to Lorelei? Bakit niyo pa ba siya inampon kung sasaktan lang din naman niyo siya?” galit ng sabi ni Kuya Brix.
Napayuko siya at naramdaman niya kaagad ang sunud-sunod na pagtulo ng luha niya. Iyon din ang matagal na niyang tanong sa kaniyang sarili.
Hindi kasi niya maintindihan kung bakit inampon pa siya ng mga ito kung ganito lang din naman pala at sasaktan lang din naman pala siya ng mga ito. Naging mabait naman siya. Sinusunod naman niya lagi ang mga kagustuhan ng mga ito. Kung ano ang mga inuutos ng mga ito kahit labag iyon sa loob niya ay sinusunod pa rin niya. Pero bakit kahit minsan hindi man lang ng mga ito nakita iyon?
“At pumayag ka pa na sumali siya sa organisasyon.”
Agad na nanlaki ang mga mata niya sa narinig mula kay kuya Brix. Alam na nito ang pagsali niya? Kaya ba ito narito? Agad siyang kinabahan.
“You can’t open that door, Brixton. Ikaw ang malalagot sa lola Conchitta mo kapag gagawin mo iyan.”
Narinig na naman niyang galit na saway ni Mommy Margareth kay kuya Brix.
“I don’t care. I want to see my sister.” Matigas na sabi ng kuya Brix.
Ilang sandali pa ay bumukas ang pinto ng bodega. Mabilis pa niyang naiharang ang mga kamay sa kaniyang mga mata nang masilaw siya sa ilaw na nagmula sa labas.
“Lu…”
“Kuya…” humihikbing sambit niya.
Mabilis niyang tinawid ang pagitan nilang dalawa at dinamba niya ito ng mahigpit na yakap. She violently sobbed as she hugged him tightly.
“Shh…it’s okay. Kuya’s here already,” pagpapatahan nito sa kaniya, habang hinahagod ng kamay nito ang likod niya.
She felt like she was safe, ngayong narito na ito. Matagal din siyang umiiyak sa dibdib nito habang nakayakap lang ito sa kaniya at pinapatahan siya. Nang mahimasmasan ay saka lang siya bumitaw sa pagkakayakap kay kuya Brix.
“Lumabas ka na, baka malaman ni lola Conchitta na narito ka,” aniya, habang pinapahiran ang pisngi niyang puno ng mga luha niya. “Dalawa na tayong mapaparusahan.”
Tumalikod siya at bumalik sa pag-upo sa papag. Nakita naman niyang umiling lang ito, pagkuwan ay tumalikod at tinungo nito ang nakabukas pa ring pinto. Hindi na rin niya nakita si Mommy Margareth sa labas.
Akala niya lalabas na ito pero isinara lang nito ang pinto kaya dumilim na naman. Pero dahil nasanay na ang mga mata niya kaya nakikita niya pa rin ito. Nakita niyang inilabas nito ang mamahalin nitong cell phone at nagpailaw kaya lumiwanag ang buong paligid.
Inilagay nito ang cell phone sa lamesa at naglakad palapit sa kaniya at naupo sa tabi niya.
“Sobrang masaya ang matanda sa ibinalita ko sa kaniya kaya hindi na iyon papalag pa,” anito at ginulo ang kaniyang buhok.
Napasimangot siya. Lagi nito iyong ginagawa pero hindi pa rin siya masanay-sanay.
“Ang tagal mong bumalik,” nakasimangot pa rin niyang sabi rito.
“Kaya ka ba sumali sa organisasyon?” Sa halip ay tanong nito sa kaniya kaya agad siyang kinabahan. “Lu, I told you not to enter that f*****g organization, right?”
Napayuko siya at agad na nag-init ang mga mata niya dahil sa nagbabantang mga luha.
“K-Kuya, ginagawa ko iyon dahil gusto kong makatapos ng pag-aaral at mabigyan ko na ng hustisya ang Nanay Lucy ko,” aniya at hindi na napigil ang sarili at napahikbi na siya.
Hindi na niya sinabi na dahil sa pagsuway nito kaya siya ang pinuntirya ni lola Conchitta.
Marahas naman itong napatayo at nakapamaywang na hinarap siya.
“I told you, I’ll do it for you, right? But you’re too hardheaded that you even put your life in danger!” marahas na sabi nito. “What if, that De Lucca—f**k!” Hindi nito itinuloy at napamura na lang ito nang malakas.
She gasped. He knows that incident?
Agad na nanlaki ang mga mata niya nang may mapagtanto.
Napalunok siya. “Kuya, are you… are you—” hindi niya matapos-tapos ang pagtatanong niya dahil natatakot siya sa posibleng isasagot nito sa kaniya.
“I am what?” masungit na tanong nito.
Matapang na tiningnan niya ito sa mga mata.
“Ikaw ba ang bumaril sa lalaking iyon?” tanong niya.
Hindi rin siya kumurap kahit isang beses man lang.
“No,” sagot nito na ikinahinga niya ng maluwag. Alam niyang nagsasabi ito ng totoo. “But Logan did,” dugtong nito na nagpasinghap sa kaniya ng malakas.