Kabanata 7

1207 Words
TUMIGIL sa harap nila ang kotse ng kuya ni Setti. "Si Hannah na lang ang ihatid ninyo sa condo niya. Sasabay na lang ako kay Veronica pauwi," wika ni Monica. "Kaya mo pa ba magmaneho, Veronica?" tanong ni Settie sa kaibigan. Nakatulala ito na para bang nakakita ng multo habang nakatitig sa mukha ni Santino. "Hoy!" "Ha? Ah, ano ulit?" balik-tanong ni Veronica kay Setti. "Kung kaya mo pa ba magmaneho pauwi?" ulit ni Setti sa sinabi. "Oo, naman!" mabilis na sagot ni Veronica. "Sa akin na lang sumabay si Monica." "O, sige. 'Wag na kayong bumalik sa loob ng club. Umuwi na rin kayo." Tumango naman ang dalawa bilang tugon. Beso-beso muna silang magkakaibigan bago pumasok ng kotse sina Setti at Hannah. "Bye!" panabay na paalam nila ni Settie. Agad na tinungo rin nina Veronica at Monica ang kotse ng una. Magkasunod na umalis sa lugar na 'yon ang dalawang sasakyan. HINDI mabilang ni Hannah kung ilang beses siyang napabuntong-hininga. Nagkalat ang tissue papers sa marmol na sahig na ginamit niyang pamunas ng kanyang luha at sipon. Kanina pa siya nakatitig sa screen ng kanyang laptop. Lahat ng social media account ni Froilan ay pinalitan na nito ng status na single with capital letters. Wala na rin ang mga larawan nila kung saan ay masaya silang magkasama. O baka siya lang talaga ang masaya no'n? Siya ang nakipaghiwalay sa nobyo pero siya naman ang talo. Walang araw na hindi niya ito naaalala o iniisip. Araw-gabi na pumapatak ang kanyang mga luha dahil nadarama pa rin niya ang sakit na idinulot ng panloloko sa kanya ni Froilan. Napakagat-labi si Hannah, nang ilang minuto lang ang dumaan ay nagpalit ng profile picture si Froilan sa isa nitong social media account. Mayroong kasamang babae sa profile picture nito ang lalaki. Nakatalikod ang babae dahil nakayakap ito sa ex- boyfriend niya. "Maricar!" sambit niya. Kahit hindi makita ang mukha ng babae, sigurado siyang si Maricar iyon. Tuluyan na nga siyang kinalimutan ni Froilan. Pinagpalit siya nito sa isang babaeng bago lang naman nito nakasama. Mabilis na nagpunas ng kanyang luha si Hannah nang makarinig ng katok sa pinto ng kanyang silid. "Anak!" Ang kanyang ina. "Bumaba ka na't nakahanda na ang ating hapunan." "Hindi pa ako nagugutom, Mom!" sagot niya. Pero ang totoo, kanina pa nag-aalburuto ang sikmura niya. Puro tubig lang siya mula umaga hanggang hapon. "Bumaba ka, hihintayin kita sa komedor." "Hindi pa ako nagugutom, Mom." Hindi na sumagot ang kanyang ina. Napabuga siya ng hangin. "Okay, fine." Bumaba siya ng kama at tinungo ang pinto. Wala na roon ang kanyang ina nang buksan niya ang pinto. Mabigat ang mga hakbang niya na tinunton ang hagdan at bumaba. Naabutan niya ang kanyang inang nakaupo sa silya at hinihintay siya. "Pinaluto ko ang paborito mong ulam, anak. Ginataang manok na may pinya," nakangiting wika ni Amor. Humugot ng isang silya si Hannah at naupo. "Ilang linggo ka nang matamlay, anak." Sinalinan nito ng kanin ang plato ng anak. "Si Froilan po kasi–" "Ex-boyfriend mo na naman? Aba, maraming lalaki sa mundo. Kung hindi man kayo ang itinadhana ng Diyos, ibig sabihin ay may inilaan siyang lalaki para sa 'yo," paliwanag ni Amor. "Pero si Froilan lang ang lalaking mahal ko," pabatid niya sa ina. Nagsimula na siyang sumubo ng pagkain pero halatang tinatamad. "Paano naman ako, anak?" Natigilan si Hannah. Sinulyapan niya ang ina. "Hindi lang sa lalaking iyon umiikot ang mundo mo, anak. Narito pa naman ako. Mahal kita. Akala mo ba'y hindi ako nasasaktan sa nakikita ko sa 'yo, huh? Mas doble ang sakit na nadarama ko sa panloloko sa 'yo ng lalaking 'yon dahil ako ang nanay mo," mahabang litaniya nito. Hindi agad nakaimik si Hannah. Bigla siyang nakaramdam ng hiya sa ina. Single mom ang kanyang ina. Nang ipinagbuntis siya nito ay iniwan ito ng kanyang ama. Na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita o nakilala man lang. Saksi siya sa naging hirap ng kanyang ina mapakain lang siya ng tatlong beses sa isang araw. Ultimo isusubo na lang nito ay ibibigay pa sa kanya. Dinoble ng kanyang ina ang pagsisikap para lang makapag-aral siya at makapagtapos ng kolehiyo. Isang mananahi noon sa isang garments factory ang kanyang ina. Ang walong oras ay ginawa nitong twelve hours. Sa sobrang awa sa kanyang ina ay palihim siyang naghanap ng trabaho, awa ng diyos ay nakaka-ekstra siya bilang isang modelo ng mga beauty products. Subalit walang lihim na hindi nabubunyag. Nalaman iyon ng ina kaya labis ang galit nito sa kanya. Ang gusto nito ay pag-aaral ang atupagin niya at hindi pagmomodelo. Pero kalauna'y natanggap rin ng kanyang ina dahil hindi naman niya pinabayaan ang pag-aaral. Nakapagtapos siya ng kolehiyo bago pa man siya sumabak sa pag-artista. "Ano, tititigan mo na lang ba ang plato mo?" puna ni Amor sa anak. Inabot nito ang baso na may lamang malamig na orange juice. Sumimsim muna ito ng orange juice bago muling nagsalita. "Kung nasasaktan ka pa rin sa break-up niyo ni Froilan, iwasan mo siyang isipin. Kung puwede mong iwasan makita ang mga bagay na nag-uugnay sa inyong dalawa, gawin mo. Iwasan mo makinig ng balita sa radyo o manood sa telebisyon. Iwasan mo rin ang social media dahil hindi makakatulong sa 'yo na makalimutan siya." Napatitig si Hannah sa mukha ng ina, ganadong ipinagpatuloy ang pagkain. "Mom, hayaan niyo't gagawin ko po ang sinabi n'yo. Kumain na lang po tayo." Nakita niya ang pagsilay ng isang ngiti sa labi nito. Sana lang ay gano'n kadaling kalimutan ang lalaking minahal niya sa lumipas na tatlong taon. Kung puwede nga lang dukutin ang puso niya at burahin ang pangalan ni Froilan na nakaukit doon ay gagawin niya. Pero syempre, hindi nga pwede, baka ikamatay niya pa. Itinuon na lamang niya sa masarap na pagkain ang sakit na nararamdaman pa rin niya magpahanggang ngayon. MUNTIK nang mabitiwan ni Setti ang hawak na tasang may laman na green tea. "Grrr…! Ang kapal ng mukha!" Inis na dinampot ni Setti ang remote control at inamba ito sa tapat ng screen ng TV. "Oops! That's expensive!" pigil na turan sa kapatid ng bagong dating na si Santino. Natigilan naman si Setti nang marinig ang boses ng kapatid. Humarap ang dalaga sabay lapit sa bagong dating. "Good evening, kuya!" bati ni Settie. As usual, gabi nang nakauwi ito galing trabaho. Isa kasing professional architect si Santino. Tumingkayad si Setti upang gawaran ng halik sa pisngi ang kapatid. "Mukhang hindi naman maganda ang gabi mo, Setti?" natatawang biro ni Santino sa nakasimangot na kapatid. Gumanti ito ng halik sa pisngi ng kapatid bago ipinatong sa ibabaw ng center table ang dalang attache case. Umupo ito sa sofa at idinaiti ang nananakit na likod sa maghapong pagguguhit ng disenyo sa bagong project na housing loan sa bagong subdivision sa Cavite. "May problema ka ba?" Padabog na umupo si Settie sa sofa. Sasagutin sana ang tanong ng kapatid nang marinig ang sinagot ni Froilan Dantes sa tanong ng isang sikat na talk show host. "I broke up with my girlfriend and felt heartbroken. I have moved on from what happened in our relationship. And now there is a mysterious woman who makes my heart beat," nakangiting pahayag ng male actor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD