"Ang swerte talaga ng apo ko at ikaw ang naging girlfriend niya. Napakabait mo't masayahin," wika ni Señora Candida.
Hindi nakasagot si Hannah pero nginitian naman niya ito. Sinulyapan niya si Duwayne, tahimik lang ang lalaki habang tinitikman ang sopas na niluto niya. Naupo rin siya sa isang silya at nagsalin ng sinangag sa kanyang plato.
"Masarap ka palang magluto ng sopas," puri sa kanya ng binata.
"Salamat," ngiting tugon niya at nagsimulang kumain.
"Hija, hahanap-hanapin ko itong sopas na niluto mo 'pag nakabalik na kayo sa siyudad," anang matanda na panay ang higop ng sabaw.
Hindi sinasadyang nagtama ang mga mata nila ni Duwayne. Ibinaling niya ang tingin sa matanda.
"La, hayaan n'yo, ituturo ko kina Aling Teresa at Aling Lilia ang sikreto sa pagluluto ng sopas."
"Anong sekreto naman iyon, Hija?"
"Kapag nagluluto, masaya dapat ang awra ng mukha. Sinasamahan ng pagkanta at pagmamahal. Dahil ang mga mahal mo sa buhay ang kakain ng niluto mo. O, 'di ba, La? 'Yan lang ang sikreto."
Nagtatawanan pa sila ni Lola Candida.
"Kaya nga ang swerte sa 'yo ng aking apo. Sapagkat mahal na mahal mo siya at ramdam kong mahal mo rin ako," bakas ang tuwa sa mukha na wika ni Señora Candida. Tumingin naman ito sa lalaking natigilan sa pagsubo. "Kaya ikaw, Duwayne, ingatan mo si Hannah. Dapat mong tularan ang iyong Lolo David, sobrang iningatan niya ako at buong pusong minahal. Kung hindi nga lang sana siya agad kinuha ng maykapal, tiyak na masaya rin siya para sa 'yo."
"Huwag ka nang malungkot, La," singit ni Hannah nang makita ang biglang pagtamlay ng mukha nito. "Kahit nasa langit na siya, mahal na mahal ka pa rin niya. Binabantayan ka niya."
"Ayos lang ako, Hija. Alam ko namang mahal ako ng aking esposo. Kahit hindi niya ako bantayan ay ayos lang sa 'kin. Takot ako sa multo."
Pigil ng dalaga ang sariling matawa sa huling tinuran ng matanda. Iba rin itong lola ni Duwayne, good-vibes lang!
Lihim namang natutuwa si Duwayne sa nakikitang closeness ng dalawa. Hindi niya tuloy maiwasang itanong sa sarili-kung si Maricar na dating nobya ang kasama niya ngayon, ganito rin kaya kasaya ang kanyang Lola? Magkasundo kaya ang dalawa?
Ganito rin kaya kasaya ang pakiramdam niya?
Umiiling na ipinagpatuloy ni Duwayne ang pagkain. Sigurado naman siyang hindi siya masaya na si Hannah ang kasama at ipinakilalang nobya. Nadadala lamang siya sa nakikitang tuwa na nararamdaman ng abuela.
Hindi pa rin niya nakalilimutang ex-boyfriend ng dalaga ang dahilan kung bakit wala na sa buhay niya ang babaeng pinakamamahal.
KUNG nakamamatay lang ang titig, kanina pa siguro siya bumulagta sa lupa. Kanina pa siya nakatayo sa harapan ni Duwayne pero isang masamang tingin ang ipinukol nito sa kanya.
Bumaba ng kabayo si Duwayne at pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. "Bakit ganyan ang suot mo?!" pasinghal pang sita sa kanya.
Umasim ang mukha niya. Nakasuot siya ng maong shorts, hindi naman sobrang iksi. Naka-plain t-shirt siya na hindi naman hapit sa katawan. Nakasuot din siya ng sumbrerong kung tawagin ay salakot–gawa sa dahon ng nipa.
"Ano naman ang problema sa suot ko?"
"Alalahanin mong wala ka sa Maynila. Nandito ka sa probinsya tapos ang suot mo, maikling shorts?"
"Eh, bakit ito ang binili mo sa 'kin kung ayaw mo naman palang isuot ko?" Nakita niyang natigilan ang binata. "Gusto mong magsuot ako ng duster sa bukid, gano'n ba?"
"Oo!" inis na sagot ni Duwayne. Ayaw lang naman niyang may makakita sa dalagang ganoon ka-sexy ang suot. Ayaw rin niyang magalusan ito lalo na't may ibang halamang-ligaw na matatalim ang gilid ng dahon.
Napanganga si Hannah. "Seriously?"
"Mukha ba akong nagbibiro?"
"Fine!" Nagngingitngit ang kaloobang umalis siya sa harapan nito. "Hintayin mo 'ko. Magpapalit lang ako!"
Nakapamewang na nagkunwaring seryoso si Duwayne. At nang mawala sa paningin ang dalaga at saka bumunghalit ng tawa. Tignan niya lang kung totohanin ng dalagang magsuot ng duster.
Mabilis nagpalit ng kasuotan si Hannah. Printed na kulay dilaw na duster ang isinuot. Iyon ang napili niya para kunwari ay summer. Muli niyang ipinatong sa ulo ang hinubad na salakot at lumabas ng kwarto. Nasa sala na siya nang makasalubong si Lola Candida.
"Hija, bakit ganyan ang suot mo? Maganda na'ng suot mo kanina," puna nito sa kanya.
"La, ang mabait mong apo, hindi agad sinabi sa 'kin na bawal palang magsuot ng shorts kapag pupunta sa bukid," sumbong niya rito.
"Hindi naman bawal magsuot ng shorts dito. Marami nga akong nakikitang kabataang sobrang iksi ng mga suot at pakalat-kalat pa sa kalsada."
Lalong umusok ang butas ng ilong ni Hannah sa inis.
"Sasakay ka sa kabayo na ganyan ang suot?"
"Opo, La." Mabilis siyang humalik sa pisngi nito. "Lalabas na ho ako, baka magbago ang isip ni Duwayne at iwanan po ako."
"O, sige. Mag-ingat kayong dalawa!" bilin pa nito sa kanya.
Malayo pa si Hannah sa kinaroroonan ni Duwayne nang matanaw ito ng binata.
Nagpalit nga ng kasuotan ang dalaga na lalo namang nagpa-sexy rito. Kapag umiihip ang hangin ay lumilipad ang dulo ng suot nitong duster, dahilan upang bumakat ang magandang hubog ng katawan.
Hindi naman ikinubli ni Hannah ang nadaramang inis sa binata.
"Nagpalit ka nga, bakat naman sa katawan mo!" reklamo na naman ni Duwayne na lalong ikinayamot ng dalaga.
"Ano ba'ng problema mo't tinotoyo ka na naman yata?" nakasimangot na puna ni Hannah sa binata. "Sana pala nagdala na ako ng suka para inadobo na kita sa inis!"
"Wala!" tipid nitong sagot. 'Pagkuwa'y humakbang ito palapit sa kanya.
"Alam ko namang galit ka sa akin-Ay! Ano ba?!" Nagulat siya. Wala man lang pasabing bubuhatin siya nito.
"Ang ingay, tumahimik ka na nga!" saway nito sa kanya. "Kumapit ka sa lubid at baka mahulog ka."
Sinunod naman niya ito. Patagilid siya nitong pinaupo sa likod ng kabayo. Ang binata naman ang sumampa at sa harapan niya ito pumuwesto. Kinuha nito sa kamay niya ang lubid.
"Ikaw nang bahala kung saan mo gustong kumapit, siguraduhin mo lang na hindi ka mahuhulog," bilin pa nito sa kanya.
Nang magsimulang humakbang ang kabayo, awtomatikong naiyakap niya ang isang braso sa beywang ng binata. Samantalang ang isang kamay naman ay mahigpit na hawak ang pamingwit.
BAKAS sa mukha ni Hannah ang pagkamangha sa ganda ng paligid sa tinatahak nilang daan. Napakalawak ng lupain at maraming malalaking puno. May mga nadaanan din silang mga irigasyon na hitik sa pananim.
May nakita rin siyang mga tao na abala sa paggapas ng palay, ang iba nama'y namimitas ng mais. Umagaw sa kanyang pansin ang tila isang pamilya, may isang batang babaeng kasama ang mga ito na panay ang takbo para habulin ang ibong nangangain ng palay.
"Ang saya nilang pagmasdan, 'no?"
"Sino?"
"Ayon!" Itinuro niya sa lalaki ang nakitang tila isang pamilya. Nasundan naman ng tingin ni Duwayne ang tinuturo niya. "Sila'y masaya kahit payak lang ang pamumuhay. Kahit mahirap, ang mahalaga'y buo ang pamilya at sama-sama."
"Naiinggit ka ba sa kanila?" tanong ni Duwayne sa dalaga. "Gusto mo rin bang mamuhay tulad nila?"
"Depende. Kung walang ibang choice," sagot niya. "Malayo pa ba tayo?"
"Malapit na."
Patungo sila sa pangpang. Malawak daw ang ilog do'n. May falls at naglalakihang mga bato. Ligtas naman daw sa lugar na iyon kaya hindi siya nakaramdam ng pangamba. Hindi naman siguro siya pababayaan ng binata kahit napipilitan lang itong makasama siya.
Narating nila ang pangpang na tinutukoy ni Duwayne. Sobrang namangha siya sa nakikita.
"Wow, ang ganda rito!"
Maraming naglalakihang mga bato. Maraming naglalakihang mga puno na ang iilan ay may mga baging na pilit yumayakap sa katawan ng mga ito. Kulay asul ang tubig ng ilog na para bang inaanyayahan siyang tumalon at magtampisaw. Mula sa kinatatayuan ay nakita niya ang waterfalls.
"Nagustuhan mo ba ang nakikita mo?"
"Yes!" tugon niya na hindi tinapunan ng tingin ang binata. "I feel like I'm in paradise."
"This is not a paradise."
Hinarap niya ito at inirapan. Panira ng moment. May itinuturo si Duwayne sa kanya kung saan sila mamimingwit. Nasa ibabang bahagi 'yon ng kinatatayuan nila.
Pagkatapos itali ng lalaki ang kabayo ay inalalayan siya nito sa paglalakad.
"Dito tayo mamimingwit. Mula rito ay abot-tanaw natin ang waterfalls." Inalalayan ni Duwayne ang dalaga na makaupo sa isang malapad na bato.
Masayang pinanood ni Hannah si Duwayne na abala sa paglalagay ng pamain sa hook fishing ring, pagkatapos ay itinapon 'yon sa tubig.