Chapter 9

1809 Words
"Magpapakabait ka sa Lola Belen mo nang hindi ka pag-initan ng ulo ha?" bilin sa kanya ng Inay niya. Naka-empake na ang mga damit niya na isang bag lang naman. Hindi niya na dinala ang mga damit na may punit na at manipis na sa kalumaan. Siguro naman kapag sumahod siya ay makakabili siya ng bago niyang damit. "Pero hindi naman kay Lola Belen ako magtatrabaho, di ba?" tanong niya sa Inay niya. "Sa Lola Belen mo muna. Wala pa daw kasi si Karla ngayon, nasa ibang bansa pa. Okay lang naman kahit kanino ka magtrabaho sa kanila. Mas maganda nga kung sa Lola Belen mo nang mapalapit ka sa kanya." "Kayo ho ang maysabi na masungit si Lola Belen eh." "Noon 'yun. Baka naman nagbago na kasi matanda na." Ilang taon na rin niyang hindi nakita ang Lola Belen niya dahil sa Maynila na nga tumira ang mga ito. At ang tumatatak pa rin sa isip niya ay mga irap ng matanda kapag nakakasalamuha niya noon. At nito ngang huli na lalo itong yumaman ay hindi na nakikisalamuha sa kanilang mga mahihirap na kamag-anak. "Basta ho kapag nakapag-ipon ako aalis din ako sa kanila, Inay. Ang sabi ni Annalyn marami namang pabrika doon na puwedeng pasukan na tumatanggap ng high school graduate. Mas malaki daw ho ang sahod kapag factory worker." "Basta huwag ka munang aalis sa bahay ng Lola Belen mo hangga't hindi ko sinasabi, anak. Mas gusto ko ngajng sa bahay niya ikaw mamasukan kaysa sa bahay ng anak niyang si Karla." "Bakit naman ho? Mas masungit ho ba 'yung anak niya?" Tapos na siyang nag-ayos ng sarili sa maliit na salamin kaya humarap na siya sa ina. Doon pa lang niya nakita na namumula ang mata nito at pinipigilan ang pag-iyak. "Inay..." "Patawarin mo ako sa mga pagkukulang ko, anak. Kung maibabalik ko lang sana ang panahon..." "Ano ho ang sinasabi niyo?" Hawak nito ang dibdib habang pinipigil ang iyak. Niyakap niya na lang ang ina dahil baka mapa'no naman ito dahil sa matinding emosyon. Nalulungkot din naman siya dahil aalis siya sa lugar na ito pagkatapos ng dalawampu't dalawang taon. Pero tama si Annalyn, matanda na sila para manatiling nangangahoy lang at nagtitinda ng kung ano-anong prutas na hindi nila pag-aari. "Mahal na mahal kita. Hindi kita pinilit magtrabaho sa bukid, alam mo 'yan. At kahit pasukan ko lahat ng bahay dito sa bayan natin makapaglabada lang nang hindi mo kailangang mamasukan bilang katulong. Ngayon lang talaga kita pinapayagan at sa Lola Belen mo lang, anak. Huwag kang mamamasukan sa iba." "Bakit nga ho ba?" tanong niya. "Noong nagpapaalam ako na papasok bilang tindera sa palengke ayaw mo rin. Pagkakatulong din pala ang papasukan ko." Hindi talaga siya pinapaluwas noon ng Inay niya sa bayan para maghanap ng papasukang trabaho. One hundred pesos lang naman daw kasi ang sweldo sya pa ang mamamasahe papunta sa bayan. Ito na lang daw ang magtatrabaho at siya ang mag-alaga sa mga kapatid niya. Pero pumayag na ito ngayon dahil sa pitong libong piso ang sahod at libre pa siya sa pagkain at tirahan. "Basta mangako ka sa 'kin na hindi ka aalis sa Lola Belen mo o sa Auntie Karla mo. Sila ang magiging daan para magbago ang buhay mo na dapat ay noon pa nangyari." "Opo, Inay, babaguhin ko ho ang buhay ko. Ang buhay natin," pagsang-ayon naman niya saka hinaplos ang likod nito. Kanina ay hindi pa siya naiiyak. Ngayon pa yata babagsak ang luha niya. "Mag-iingat ka doon. Hindi ako sanay na wala kayong mga anak ko pero kailangan kong palayain ka. Matanda na ako. Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ako sa mundong ito." "Nay naman... Kung kailan naman ako magtatrabaho sa Maynila ganyan naman ang sinasabi niyo. Kapag sumweldo ho ako huwag na kayong maglabada. Ako na ang magpapaaral kay Aljon at Ciara." "Huwag mong alalahanin ang mga kapatid mo, nariyan ang Itay nila. Ang intindihin mo ay ang sarili mo." "Itay nila?" Muling hinawakan ng Inay niya ang dibdib nito kaya't nagsimula siyang mag-alala. Nabitin ulit tuloy ang mga tanong sa isip niya tungkol sa tunay niyang ama dahil para itong hinihika ngayon. "Okay lang ho ba kayo? Bakit namumutla ho kayo. 'Nay?" "Sa pagod lang ito, anak. Madalas na akong hingalin ngayon kaya binawasan ko na ang pagtanggap ng labada. Sige na, baka mahuli ka sa biyahe ng bus." "Kung masama ho ang pakiramdam niyo dalhin muna namin kayo ni Aljon sa center para mabigyan ho kayo ng gamot." "Kami na lang ng Itay mo. Napuyat din kasi ako kagabi. Huwag mo na kaming alalahanin dito dahil naghihintay ang Lola Belen mo sa 'yo." Hindi niya alam kung bakit nagmamadali ang Inay niya na paalidin siya. Pero dahil nakita niyang naging normal na ang paghinga nito ay napilitan na siyang isukbit sa balikat ang bag. "Huwag niyo hong pababayaan ang sarili niyo, 'Nay." "Ikaw ang mag-iingat doon, anak. Huwag mong pababayaan ang sarili mo." Bago siya lumabas sa pinto ng bahay nila ay muli siyang niyakap ng Inay niya. At naramdaman niya ang pagyugyog ng balikat nito. Doon niya na pinakawalan ang luha. "Paano ako aalis nyan, Nay? Pinapabigat niyo naman ang pakiramdam ko." "Hindi kasi ako sanay na may anak akong mapapalayo. Pero para sa ikabubuti mo ito, anak." "E di huwag ho kayong iiyak. Malayo ho ang Maynila pero hindi naman imposible na makauwi. Papayagan naman ho siguro ako ni Lola Belen na umuwi paminsan-minsan." "Oo, anak. Hihintayin namin ang pagbabalik mo. Huwag mo kaming kalilinutan dito pero huwag mo din kaming isipin nang isipin nang hindi ka malungkot." Lumabas na siya ng bahay dahil kanina pa naghihintay ang trisekel n maghahatid sa kanya sa terminal ng bus. Nasa labas ang dalawa niyang kapatid na umiiyak din nang magpaalam. Sandali lang siyang yumakap sa dalawa at nagbilin na alagaan ang Inay at Itay nila. "Magkakatrabaho na si ate, hindi na kayo mahihinto sa pag-aaral." "Mami-miss ka namin, ate..." Sabay pang yumakap ang dalawang kapatid sa kanya. "Uuwi ako dito kapag Pasko. At Mahal na Araw. Magdadala ako ng maraming pasalubong, okay? Aljon, sumama ka kay Itay at Inay kapag nagpa-checkup sa center mamaya. Nahihirapan siyang huminga kanina." "Opo, ate. Aalagaan ko po sila Inay at Itay at si Ciara." Sumakay na siya sa trisekel pagkatapos. Si Annalyn pa ang naghatid sa kanya dahil ito ang umarkila ng trisekel. Mas may kaya naman kasi ang pamilya ng kaibigan kaysa sa kanila. Pagdating sa istasyon ng bus ay saka pa lang niya naramdaman ang takot. Wala siyang kilala sa Maynila. Kahit ang kamag-anak nila na pupuntahan niya ay hindi rin naman niya talaga kilala. Bago siya umakyat sa bus ay may inabot pa si Annalyn sa kanya. Nagulat siya nang pagbukas niya sa sobre ay may dalawang libong piso doon. "Utang mo 'yan ha, bayaran mo sa December." Maluha-luha pa siyang yumakap sa kaibigan. Alam niyang nagbibiro ito na babayaran pa niya ang perang iyon. Hindi kasi niya tatanggapin kapag sinabi ni Annalyn na bigay 'yun. "Bakit anlaking pera naman nito?" Eight hundred pesos lang ang dala niya kasama na ang pamasahe niya sa jeep hanggang sa bahay ng Lola Belen niya. Huwag lang siyang maliligaw dahil maglalakad siya pabalik kapag wala na siyang pamasahe. "Ipon ko 'yan sa mga binebenta kong mga sinibak mong kahoy. Ikaw naman ang naghirap nyan ako lang ang taga-benta. Ikaw rin ang umaakyat sa mga puno ng duhat at chico na dinadala ko sa bayan." "Babayaran ko pa rin 'yan. Doble pa," pangako naman niya. "Oo naman, sisingilin ko talaga 'yan sa 'yo pagpunta ko sa Maynila. Mag-iingat ka doon at magte-text ka madalas." May maliit naman siyang cellphone na nagagamit niya sa simpleng text at tawag sa mga kaibigan. Pero hindi iyon smart phone. Wala silang budget para sa ganoong luho. Pagsakay niya sa bus ay lalong lumakas ang takot niya. Pero hindi naman siya puwedeng bumaba dahil naghihintay na sa kanya ang trabaho sa Maynila. "Miss, gusto mong chicharon?" alok sa kanya ng katabi niyang lalaki. Mabilis naman siyang umiling. Sa tindi ng kaba niya ay hindi yata siya makakakain. Nagpakilala sa kanya bilang Albert at nagtatrabaho daw sa Maynila nilang office clerk. Umuuwi ito sa Aurora kada ikalawang buwan. "Huwag kang matakot magpunta sa Maynila. Mas marami ngang trabaho doon kaysa dito sa atin sa Aurora." "Matagal ka na ba sa Maynila?" "Oo. Twenty-four pa lang ako doon na 'ko naghanap ng trabaho. Limang taon na akong pabalik-balik sa Maynila at Aurora. Kuhanin mo ang telephone number ko nang may matawagan ka kapag kailangan mo ng kausap o kailangan mo ng tulong." Kinuha rin nito ang number niya para mamasyal daw sila kapag dayoff niya. Nakatulong naman si Albert para maibsan nang kaunti ang takot niya. Mukha naman kasi itong mabait at edukado. Kapag nagkaproblema siya sa Lola Belen niya ay may mahihingan na siya ng tulong dahil magkababayan naman sila. Alas siyete na ng gabi nang dumating siya sa Maynila. Hinatid na siya ni Albert sa mismong subdivision kung saan nakatira ang Lola Belen niya. Itinawag pa nga ng security guard kung pwede ba siyang papasukin sa subdivision. Tumambad sa mga mata niya ang malaking bahay pagpasok niya sa subdivision. Pinapasok siya kaagad ng isang katulong. Naabutan niyang kausap ng Lola Belen niya ang Auntie Karla niya na akala niya ay nasa ibang bansa. "Sa ibang bansa pa kayo kukuha ng surrogate? Milyon pa ang gagastusin niyo? Maraming babae dito na puwedeng bayaran kahit isandaang libong piso." Hindi siya nililingon ng Lola niya dahil abala sa pag-uusap ang dalawa. "Si Dylan kasi ang arte eh. Gusto niya sa bansa pa na legal ang pag-hire ng surrogate mother namin gawin ang proseso." "E kung siya pala ang may gusto e di pumayag ka na. Mayaman naman siya hayaan mong gumastos." "But I don't have that much time to go to Russia. Pinagbigyan ko na nga na magkaanak kami uubusin pa ang oras ko sa kung saan-saang bansa. I need to leave by the end of the month." Doon pa lang lumingon sa kanya ang dalawa. Kumunot ang noo ni Karla. "What is she doing here?" "Kailangan daw kasi niya ng trabaho sabi ni Selma. Kinuha ko na nakakaawa naman." Parang hindi naman iyon ang sabi nv Inay niya. Ang sabi nito ay ang Lola Belen niya ang naghahanap ng katulong at ito mismo ang tumawag sa kanila. "M-magandang gabi ho..." "Good evening, Sarrah. Have a seat." Itinuro nito ang engrandeng sofa bago bumaling sa Auntie Karla niya. "E kung siya kaya ang kuhanin mong surrogate mother? Kahit doblehin mo't gawing dalawang daang libong piso dahil hindi naman iba sa atin." Pinoproseso niya sa isip kung ano ang sinabi nito. Si Karla naman ay nakatitg sa kanya na tila pinoproseso din sa isip kung tama ba ang suhestyon ng ina nito. Two hundred thousand pesos? Ano ba ang surrogate mother?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD