“Good morning, kuya,” bati sa ‘kin ni Stella, kapatid kong bunso, habang nag-aayos ng mesa para sa agahan. Hinaplos ko ang ulo niya at ngumiti. “Nakatulog ka ba nang maayos? Hindi ka naman ba napuyat?”
“Hindi mo naman kailangang malaman kung napuyat ba ako o ano kasi kaya ko naman kahit wala pa akong tulog, Stella,” sagot ko sa kaniya. Tinawanan niya lang ako nang kaunti at umupo sa upuan na nasa hapag. “Good morning rin sa ‘yo, nasaan ‘yong isa mong ate?”
“Isa lang naman ate ko,” sagot niya nang pasarkastiko. Sabagay, tama naman siya. Isa lang naman ang ate niya, kasi isa akong kuya. “Nasa taas pa rin, kuya, tulog. Dumating ‘yon sa bahay kahapon mga alas-onse na kuya. Rinig na rinig ko nga kahit tulog ako ‘yong bunganga ni nanay sa kaniya. Balita ko nakipagkitaan daw sa boyfriend niya.”
“Ayan talagang bata ‘yan. Ako ngang kahit kailan hindi pa nagkakajowa, tapos heto siyang gustong-gustong makipagkita sa jowa niya? Hayaan mo, Stella, papagalitan natin ang ate mo mamaya dahil sa pagi-stress niya kay nanay.” Naupo na rin ako nang makita siyang nakaupo. Nilingon-lingon ko ang paligid at ang kulang na lang ay si nanay. Tinignan ko si tatay. “Tay, nasaan si nanay?”
“Ewan ko nga, nak, e. Kanina lang, nakita ko siyang nagwawalis sa bakuran pero ngayon, hindi ko alam kasi wala na akong naririnig na walis sa labas, baka tsumi-tsismis sa kanto. Hayaan mo na lang,” sagot niya sa ‘kin. “Siya naman ang nagluto nitong agahan natin kaya hayaan mo na lang muna.”
Tumayo ako. “Babalik ako, tay,” sagot ko sa kaniya at lumabas. “Kailangan kasama natin si nanay kapag kakain ng agahan. Hindi puwedeng wala siya sa hapag palagi.”
Tumango na lang siya at hinayaan akong maglakad palabas. Hindi nga siya nagkamali, nandoon sa kanto, kausap si Aling Celing, ‘yong may-ari ng tindahan na madalas tinatambayan namin ni Evan. Mabait si Aling Celing, kahit nga ang haba na ng utang namin diyan, hindi niya pa nakakaaway ang nanay. “Nandiyan na ‘yong anak mo, mare.”
“Nay,” pagtawag ko sa nanay ko nang lumingon siya. Nilapitan ko si nanay bago binati si Aling Celing ng magandang umaga. “Kakain na tayo. Masama sa ‘yo ang nagpapalipas ng pagkain. Tara na at kumain na muna. Balik ka na lang dito mamaya.”
“Susunod ako, nak,” sagot niya at lumingon kay Aling Celing. Alam ko na kung kanino nagmana ng tigas ng ulo si Sela, ‘yong isa ko pang kapatid. “Alam mo ba, mare, na-offer-an ng trabaho si Simon sa Maynila. Nagsisimula na nga siya ng trabaho niya doon at day-off niya ngayon kaya ngayon lang umuwi. Hindi mo napansin na wala siya dito ng buong linggo? Nasa Maynila kasi siya, busy sa trabaho.”
“Talaga ba, mare?” tanong ni Aling Celing bago tumingin sa ‘kin. Nag-iwas na lang ako ng tingin. “Napakaswerte mo naman talaga sa anak mo, ano? Napakaswerte rin ng mapapangasawa niya. Wala ba talagang pag-asa ‘yong anak ko sa ‘yo, Simon?”
Napailing ako. “Huwag ka nang umasa pa, Aling Celing.”
“Nako, bata pa ‘tong si Simon, mare, magbabago pa ‘yan,” ani nanay. Wala akong nagawa kung ‘di ang hintayin na lang ang nanay ko para matapos sa pakikipag-tsismisan. “Malay mo naman, magkababata naman sila, p’wede pang magbago ang pananaw ng anak ko. At saka, alam mo ba, nakikita ko ngang bagay sila, kahit papaano. Pogi ang anak ko ta’s maganda naman si Chloe. Malamang, maganda ang magiging anak nila sa future.”
Napailing ulit ako. “Nay, walang apo na makukuha kayo sa pagitan namin ni Chloe. Pareho kaming walang pake sa isa’t-isa at lalong-lalo nang walang tiyansa na magiging kami no’n,” sagot ko sa kaniya at tinignan siya. “Uwi na lang tayo, nay, para kumain ng almusal.”
Sumimangot siya sa ‘kin at saka tumingin sa mare niya. “Hayaan mo na mare, ganito lang talaga ‘to pero desisyon niya pa rin naman kung sino ang sasamahan niya, kaya wala akong hawak sa mga desisyon niya. Hayaan na lang talaga natin,” aniya sa anyong pabulong na kala mo naman ay hindi ko narinig. Tinignan niya ako nang talikuran ang kumare niya. “Tara na, nak? Uwi na muna tayo sa bahay.” Nagsimula na kaming maglakad pauwi. Nasa kalagitnaan kami ng paglalakad nang magsalita ulit siya. “Ayaw mo ba talaga doon sa anak ni Mareng Celing, Simon? Wala ba talaga siyang pag-asa?”
“Wala talaga siyang pag-asa sa ‘kin at wala akong pag-asa sa kaniya. Nay, siguradong hindi kami ang para sa isa’t-isa kasi wala talagang pag-asang magkatotoo ‘yan,” sagot ko sa kaniya at natawa na lang siya. “Bakit ba kasi ganiyan na lang kung ipagtulakan mo ako kay Chloe, nay?”
“Wala naman, ang sabi kasi sa ‘kin ng mare ko ay bagay daw kayong dalawa ni Chloe. Maganda daw magiging resulta kung magkakaanak kayo kaya naniwala na rin ako,” ani nanay habang naglalakad. “Ayaw mo talaga sa kaniya? ‘Di bale na, sa ‘yo pa rin namang desisyon mo ‘yan. Kahit na sino pa ang ipakilala mo sa ‘kin, kahit sino pa talaga, tatanggapin namin ng tatay mo.”
Napatango ako. “Kahit lalaki pa ang ipakilala ko sa ‘yo, okay sa ‘yo, nay?”
Tinignan niya ako na para bang may sinabi akong masama. “Wala naman sa ‘kin ‘yon, nak,” sagot niya. Kala ko ba magagalit siya sa ‘kin pero hindi pala. “Kung kanino ka masaya, doon rin ako. Wala akong pakialam kung babae pa ‘yan o lalaki, basta kaya ka niyang pasayahin, okay na okay na ako doon.”
“Wala kang kaso kung lalaki ang ipapakilala ko sa ‘yo, nay?” tanong ko sa kaniya. “Pero hindi natin alam ang sasabihin ng tatay kung sakali. Pero, hindi ko naman alam kung sa’n ba to tutungo.”
“Bakit, may kinikita ka bang lalaki ngayon?” tanong niya sa ‘kin. Napatahimik na lang ako. Nagtanong lang naman ako, just in case, pero bakit nagtanong kaagad siya sa ‘kin? Sabagay, ako naman ang nagsimula ng topic kaya kasalanan ko rin naman. “Pero kahit na ano pang sabihin ng tatay mo, ‘wag mo na lang pakinggan kung may sasabihin man siyang masama. Kahit na hindi siya ang tatay mo, may karapatan pa rin naman siya kahit papaano. Pero gusto ko talaga magka-apo, pero kung sakaling ayaw mo, okay na rin naman sa ‘kin.”
“Wala naman akong kinikita, nay. Naitanong ko lang. Busy kaya ako sa trabaho,” ani ko, iniiwasan ang topic. Tinignan niya lang ako na para bang ako na ang pinaka-sinungaling na tao sa mundo. Mukha ba akong nagsisinungaling, nay? Gano’n na ba ako hindi kapani-paniwala? “Pero h’wag na h’wag mong sasabihin kay Sela na gusto mo nang magka-apo, nay. Magulat ka na lang bigla kang bigyan no’n. May boyfriend na daw, sabi ni Stella. Hindi ko nga alam na mayroon na pala ‘yan, e. Pinayagan mo na ba, nay? Alam mo ba ‘to?”
Huminga siya nang malalim. “Oo nga, e. Umuwi lang naman ‘yan kagabi nang gabi na. Pumunta raw sa bahay ng boyfriend niya. Naunahan ka pang magka-jowa,” aniya. Napailing na lang rin ako. Pinamukha pa ng nanay na wala akong oras sa sarili ko para maghanap ng tao para sa ‘kin. “Pagsabihan mo nga ‘yang kapatid mo, Simon. Sa ‘yo lang naman ‘yan nakikinig. Sabihin mo na ayos lang naman ako kung magkaroon siya ng ganiyang relasiyon, pati nga ang tatay ninyo ayos na ayos lang. Sabihan mo, sana lang, maging responsable pa rin siya sa buhay niya.”
Inakbayan ko ang nanay. “Hayaan mo, nay, pagsasabihan ko mamaya paggising niya. Hayaan muna nating makatulog nang mabawi ang pinuyat niya. Paggising na paggising niya papalibutan ko kaagad ng pagalit.” Mas binilisan pa namin ang paglalakad at pumunta na kaagad sa bahay para kumain. Hindi ko na lang ininda ang mga sinabi ni nanay kasi wala naman akong balak na may ipakilala sa kaniya pa. Sinigurado ko sa kaniya na pagsasabihan ko si Sela para mawala na ang mga pag-aalala niya sa sarili niya.
Pero nagulat talaga ako nang malaman kong tanggap ni nanay ang kung sino ang ipapakilala ko sa kaniya, in the future. Noon ngang tinanong ko kung okay ba sa kaniya ang lalaki at sinabi niyang oo, biglang lumabas sa isip ko si Ali. Ano ba talagang pagtingin mayro’n ako sa kaniya para umabot sa ganitong sitwasiyon na sa bawat bagay na ginagawa ko ay naiisip ko siya? Bahala na nga.
Mabilis na lumipas lang ang buong araw, na hindi ko na napansin na alas-siyete na ng gabi. Marami pa akong gustong gawin dito sa mga oras na nandito ako pero parang sa sunod ko na lang na uwi magagawa. Sinulit ko na lang ang mga oras na kasama ko ang pamilya ko dahil aalis na naman ako nito para magtrabaho. Gusto ko pa ngang magtagal dito sa ‘min pero hindi ko ‘yon magagawa dahil may trabaho pa ako, umagang-umaga pa bukas.
Nag-aayos ako ng gamit ko nang may bumulabog sa labas ng bahay namin. Si Emma, isa ring tsismosa sa baryo namin. “Oy,” pagtawag niya sa ‘min na para bang wala kaming mga pangalan. Lumabas si Nanay at hinarap siya. Sumunod na rin ako dahil nag-alala ako sa kung anong trip nitong si Ate Emma. Tila lahat ata ng tao sa loob ay gustong bulabugin. “May naghahanap kay Simon. Mukhang mamahalin. May kotse pa. Sino ba ‘yon? Pakilala mo naman sa ‘kin.”
Sino naman? Lumabas kaagad ako, kasama si nanay sa likod ko. Malayo pa lang, alam ko nang siya ‘yon, naglalakad gamit ang mga mamahalin niyang damit. Para bang isang magnet na ang lakas makahatak ng atensiyon. “Ali,” pagtawag ko nang makalapit siya sa ‘min. “Anong ginagawa mo dito?” Hindi ko maiwasang hindi maging aware sa paligid ko dahil halatang lahat ng babae sa baryo naming ay siya na ang tinitignan ngayon.
Tumawa lang siya ng tipid. “I’m here to fetch you, Simon, just as I promised.”