Narito na naman ako sa palengke at naghihintay na naman ng masasakyan pauwi. Naisip ko nga na bumili ng isang single na bisikleta para kung sakali ay meron akong sasakyan papunta at pauwi ng bahay. Tipid pa sa pamasahe at exercise pa sa katawan. Ulam lang naman ang binili ko. Mas gusto ko kasi na nagluluto ng fresh na karne, isda at gulay kaysa sa galing na sa loob ng refrigerator. Sa tuwing narito ko sa palengke ay iniiwasan ko talaga ang tumitingin sa kung saan-saan dahil baka mamataan ko na naman sa kung saan si Eduard. Simula ng huli kaming nagkita at nagkasagutan na naman ay hindi na siya nagbalik talaga sa bahay. Hindi na rin naman talaga ako nagpunta sa trabaho niya kahit pa gusto ko pa rin siyang ipagluto ng kanyang mga paborito. Hindi rin naman sa ayoko na siyang makita pa.

