Episode 5

1023 Words
"Uy! Miss! " Abala pa ko sa pagsalansan ng mga basura namin sa harap ng gate dahil araw na naman ng pagdating ng mga kolektor ng basura. Nagmadali pa nga akong lumabas ng bahay dahil baka dumaan na ang truck ng basura at hindi makuha ang mga kalat na hindi ko pa nailabas kagabi dahil sa dami kong ginawa sa loob ng bahay. Hindi ko na naalala na ilabas agad sa pagod ko. Kaya naman halos magkumahog akong bitbitin ang lahat ng mga basura sa harapan ng aming bahay. Mahirap na at baka bumaho at magkaroon ng maraming langaw. Habang abala nga ako ay napalingon ako sa gawing kalsada ng may marinig akong tumatawag. Dalawang babae ang nakangiti at kumakaway habang nakatingin sa akin. Pareho silang nakasuot ng uniporme na ternong kulay abo . Magiliw din naman akong ngumiti pabalik sa kanilang dalawa. Marahil ay mga bago lang sila sa village at nais makipagkaibigan. "Hello! Miss! Diyan nga pala kami sa kabilang bahay nakatira. Pareho kaming yaya nitong kasama ko. Ang kaso ay na sa bakasyon ang mga alaga namin. Tatlong araw silang wala, kaya naman namasyal kami dito sa loob ng village." Kuwento ng babaeng maikli ang buhok at payat ang pangangatawan. Maitim ang kanyang balat pero mukha naman siyang mabait. "Ikaw ba? Anong trabaho mo sa mala-palasyo na bahay na 'yan?" tanong naman ng babaeng mahaba ang kulot na buhok at medyo bilugan ang katawan. Nakatanaw pa siya sa bahay namin na para bang manghang-mangha sa kanyang nakikita. Sino ba naman ang hindi mamangha at hindi lilingon sa laki ng bahay na pinagawa ni Eduard. Katwiran ng asawa ko, gusto niya ng malaki at maluwang na bahay. Iyong tipo na nakakahinga siya ng maayos kahit nasa loob nito. Dalawang palapag ang bahay namin. Bale may pitong silid. Lima sa itaas at dalawa sa ibaba. Iba pa ang kwarto para sa mga maids. Ngunit kailanman ay wala pang umokupa dahil ako lang naman ang tumatayong all around katulong sa loob ng ilang taon dito sa aming bahay. Luto ng pagkain, hugas ng plato, linis sa loob at labas ng bakuran, laba, plantsa at lahat ng gawaing bahay ay ako ang gumagawa ng walang reklamo. "Napakaganda siguro sa loob ng bahay ng amo mo? Baka puro milyones ang lahat ng mga gamit. Nakakatakot tumapak kahit sa doormat niyo na basahan lang sa paa dahil baka libo na ang halaga," wika pa ng babaeng bilugan ang katawan. Napangiti na lang ako sa kanyang komento. Dahil pati ang gamit namin na doormat ay kanyang iniisip ang presyo. "Maid ka ba? Bakit hindi ka naka-uniform? Ang bait naman ng amo mo at pinapayagan na walang uniform ang mga kasambahay. Hindi katulad namin na makikita agad ng mga tao kung ano ang katungkulan namin sa labas at loob ng bahay lalo at kasama namin ang aming mga amo." Napatda man ako sa narinig. Ngunit hindi ko na lamang pinahalata dahil sanay na ako sa ganun na hinala sa akin. "Totoo ba na ubod ng gwapo ang amo mong lalaki?" nanlalaki pa ang mata sa sumunod na tanong ang babaeng kulot ang buhok. "At ubod din daw ng yaman? Na totoo naman siguro dahil namamayagpag sa gara itong bahay niya." Segunda naman ng kasama niya na luminga-linga pa ang paningin sa kabuuan ng aming bahay. Napangiti na lamang ako ulit sa mga babaeng kaharap ko. Hindi man ako sanay na makipag usap sa iba ay natutuwa naman ako kapag may ibang tao na kumakausap sa akin. Halos sa araw-araw din naman kasi ay wala akong kausap at abala lang sa kung anong mga gawaing bahay sa loob ng mansyon. Hindi na kasi bago sa akin ang mapagkamalan na katulong dito sa bahay o kaya naman ay yaya ni Erin noong mga panahong binabantayan ko pa siya sa kanyang school. Biruin mo, ako ang naturingan na asawa pero kung pagmamasdan ang itsura ko ay mas maayos pang pumorma ang mga kadalagahan na kasambahay o yaya dito sa village katulad ng mga kaharap ko ngayon. Madalas kasing nakasuot lamang ako ng maluwang na shorts na lampas tuhod o kaya naman ay padyama at may mga kupas na pambahay na t-shirt. Flat na tsinelas na nabili ko lamang ng tag thirty-five pesos sa bangketa ang gamit kong sapin sa paa. Kaya sino nga naman ang hindi mag-iisip kung ano ang pwedeng maging papel ko dito sa loob ng bahay namin. "Sabi pa nga ng yaya sa kabilang kanto, baby face raw ang amo na lalaki. Hindi raw mahahalata na meron ng anak na napakagandang dalaga," sabi na naman ng babaeng kulot ang buhok. Doon ako lalong napangiti at saka tumango. "Oo, may napakaganda nga siyang anak na dalaga. Hindi lang napakaganda, napakatalino at napakabait pa na nagmana sa kanyang Daddy." Buong puso kong lahad at pagmamalaki sa aking anak. Sanay na rin ako na nakakarinig ng mga papuri tungkol sa nag-iisang kong anak na si Erin. Si Erin ang perpektong girl version ng Daddy niya. Pati ang pagiging matalino, madiskarte at mga katangian ng isang magaling na leader ay namana niya rin sa kanyang Daddy. Kaya proud na proud ako sa unica hija ko. "Lalo tuloy kaming na curious kung ano ang itsura ng asawa niyang si Mr. De Guzman. Siguradong kumikinang sa ganda at kutis porselana." Ekseheradong hayag ng babaeng maikli ang buhok. Napatingin tuloy ako ng hindi oras sa balat ko sa dalawang kamay. Kutis-porselana? Baka kumikinang sa sobrang pawis. Kulubot at puro ugat na nga ang mga kamay ko sa walang katapusang gawaing bahay. Maputi naman ako ngunit kung ikukumpara nga naman sa mga Madam na nakatira dito sa loob ng village na may mga asawang mayaman na pinaliligo ay gatas, walang-wala talagang sinabi ang kulay ng balat ko. Makikinis din sila samantalang ang gaspang ng palad ko. Umalis na rin naman ang dalawang kong kausap na nagpaalam na maglalakad-lakad muna para kabisahin ang daan sa buong village. "Why mom?" Nagulat pa ako nang marinig na may nagsalita. Isasara ko na sana ang gate para makapasok na sa loob at marami pa akong gagawin. Ngunit nakita ko ang anak kong si Erin sa gilid at nakatingin sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD