“Bull s**t!” malakas na mura ni Marika na nakatayo sa balkonahe ng mansyon ng mga Ilustrisimo habang sunod-sunod na nagpapakawala ng mga palaso gamit ang kanyang cross bow. Paano’y ilang Demoncrest Hunters ang mabibilis na sumusugod sa kanya at hindi kayang ikubli ang mga iyon ng dilim ng gabi. At kung hindi siya maliksing mag-reload ng arrow sa kanyang pana at asintado, siguradong nalapa na siya ng mga hayok na hayok na alagad ng kadiliman. Hindi naman nagpapabaya ang mga bantay ng Villa Luciana. Buong tapang na nakikipaglaban ang mga ito samantalang ang mga matatanda, bata at mga babaeng miyembro ng kanilang pack na sa nakatira din sa loob ng villa ay agad namang nakapagtago sa lihim na tunnel na sadyang ipinagawa ng pamilya Ilustrisimo para sa mga ganitong pagkakataon.

