CHAPTER 3

2503 Words
Bumuntong hininga ako, kapagkuwan ay ipinagpatuloy ang paglalakad. Sa makipot na eskinita ay lumiko ako. Mabagal ang paglalakad ko dahil na rin sa ilang mga kalalakihan na naglalaro ng tong its. Karamihan sa kanila ay walang pang-itaas na damit. Paano at sobrang init. Tirik ang araw kung kaya ay heto sila at nagtutumpukan sa isang pwesto. Salitan kung magsalita sila. Sa bawat pagbuka pa ng kanilang mga bibig ay katumbas ng ilang pagmumura. Sa kabilang banda naman ay dinig na dinig ko ang mga nagbi-binggo mula sa tindahan ni Aling Puring. Araw-araw ganito ang eksena rito sa lugar namin. Kahit masakit sa tainga ay wala naman akong magagawa. Masikip man din ay hindi iyon naging sabagal sa kanila. Mas lalo pa silang humarang sa daan kung kaya ay nahirapan akong lumakad. Ni wala ng espasyo sa gitna at wala silang pakialam doon. Panay ang singit at excuse ko ngunit masyado silang bingi. Bandang huli nang halos makahinga ako nang maluwang nang tuluyan akong makalabas sa kumpulan. Well, ganito talaga rito sa tirahan ko. Sa ilang taon na paninirahan ko rito sa lugar na ito ay nasanay na ako kung saan malayong-malayo sa lugar ng Cordova. Dito ay wala ng naging puwang ang hangin dahil sa dikit-dikit na bahay. Walang puno, bagkus ay kabit-kabit na mga wire mula sa poste ng kuryente ang makikita. Tagpi-tagping yero, mga sirang dingding na tinapalan na lang ng tarpaulin na may mukha pa ng iba't-ibang kandidato. Bawat bahay ay may nakatabing malaking drum, just in case mawalan ng tubig ng ilang araw ay may naipon ang mga tao. Likas na maituturing na squatter area. Good thing— pagiging tsismosa lang ang nakuha ko rito. Although, na-adapt ko na rin ang pamumuhay dahil hindi naman pwedeng mag-inarte ako kung tunay naman na mahirap lang talaga ako. Nakaka-miss din pala ang buhay sa Cordova. Iyong tipong lalakarin mo lang ang dagat doon at ikaw mismo ang manghuhuli ng isda para may ulam kayo mula tanghali hanggang hapunan. Pati ang nilalakaran naming malawak na palayan. May mga puno ng mangga sa paligid, mga saging at puno ng niyog na madalas naming akyatin upang gawing pangkabuhayan ang dahon nito na pwede ring gawing walis tingting, sumbrero, bayong at iba pang maaaring magamit sa bahay. Nakakapagod ang buhay doon dahil sadyang mailap ang karangyaan, pero hindi maipagkakaila na mas masarap mamuhay sa payapa at tahimik na probinsya. Kaysa rito na tilaok ng mga tsismosa ang gigising sa 'yo. Tipong alas siete pa lang ng umaga ay may nagkakantahan na. Minsan pa ay may mga naghahabulan ng itak sa tuwing napapasobra ng inom o 'di kaya ay natalo sa mga laro nila. Kaya ayun, kahit papaano ay nasanay na ako. Dito na rin lumaki si Annalisa, lahat ng mga nabanggit ko ay siyang nakagisnan niya. Kaya hindi ko rin mawari kung ano ba ang saloobin niya, kasi madalas ay tahimik lang din siya at may sariling mundo. Speaking of Annalisa, nakita ko ito sa sala nang makapasok ako sa 'di ganoong kalaking bahay namin. May hawak siyang libro na maigi niyang binabasa habang suot sa mata ang makapal nitong salamin. Tanda na mataas ang grado niya. Bata pa lang ay ganiyan na talaga siya; bookworm. "Anna," pukaw ko sa kaniya dahilan para sandali siyang mag-angat ng tingin sa akin. Bahagya pa niyang ibinaba ang libro niya upang tapunan ng tingin ang kabuuan ko, partikular ang suot kong damit. Muli ay ibinalik niya sa akin ang atensyon, saka pa umahon mula sa pagkakahiga niya sa pahabang upuan na gawa sa kahoy. "Ang aga mo yata umuwi," pagpuna niya bago inayos ang kaniyang sarili at saka pa nilingon ang orasan. "Ala una pa lang. Maaga kang pinauwi?" "Dumalaw lang ako sa kaibigan ko," pahayag ko, kapagkuwan ay minabuting hubarin ang suot kong sapatos. "Akala ko ay may racket ka ngayon." Nang mailapag ko sa shoe rack ang sapatos ko ay maagap ko siyang binalingan. Hindi na bago sa akin ang deretsong pananalita ni Annalisa na sa totoo lang, sa ganiyang edad ay sobrang matured na siyang mag-isip. Masasabi kong matalino siyang bata, sa magdamag na wala ako rito sa bahay ay wala siyang ibang ginawa kung 'di ang magbasa nang magbasa. Mag-aral at saka mag-aaral ulit, kahit sa pagtulog ay maririnig mo pa rin siyang nagsasalita na animo'y may kinakabisadong lesson. Active siya sa school, palagi siyang nangunguna sa klase taon-taon. Puring-puri siya ng mga teacher niya at palaging pambato kapag may pa-contest ang kanilang school, pero lahat iyon ay naging balakid para magkaroon siya ng kaibigan. Ewan ko kung tunay na malayo siya sa mga tao. Ngunit hindi siya iyong bata na maraming kaibigan. Minsan ay nababalitaan ko na lang na marami ang may ayaw sa kaniya. Ganoon pa man ay nananataling tahimik ang anak ko, mas gusto niyang itikom ang bibig. Hindi ko rin alam kung maayos ko ba siyang napalaki, pero laking pasalamat ko na naiintindihan niya ang buhay na mayroon kami. Hindi kami mayaman, kaya nga ako nagkukumahog na maghanap ng trabaho. Pwede kong maihalintulad ang buhay namin sa pamilyang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, sapat na iyon para mabuhay kami. Sapat na rin para maintindihan ni Annalisa kung saang lugar siya lumaki. "Ah, ito ba?" pukaw ko at itinuro ang sariling suot. "Naglilihi kasi 'yung kaibigan kong buntis, si Chole, at gusto niya na ganito ang damit namin ni Jinky." Minabuti ko na ring magtungo sa kusina upang makainom ng tubig. Kinuha ko ang pitsel mula sa lamesa at nagsalin ng tubig sa basong plastic. Inisang lagukan ang laman no'n, kamuntikan pang mabilaukan dahil sa narinig mula kay Annalisa. "Hindi ka ba nahihiya?" Sa kadahilanang open space ang bahay, iyong tipong sa apat na sulok ng bahay ay nandoon na ang sala at kusina. Tanaw ko pa mula rito ang pinto sa banyo at ang maliit na kwarto na naroon lang din sa tabi ng sala. Madali kong nilingon si Annalisa. Nagpang-abot ang mga mata namin dahil sinusundan niya ako ng tingin. Nangunot ang noo ko, hindi ako nakapagsalita dahil hindi ko malaman kung ano ba ang pwedeng isagot doon. Nahihiya? Saan ako mahihiya? Sa mga racket ko para kumita ng pera? Oo, siguro nga ay nakakahiya para sa iba, pero sa ganoon ako kumukuha ng pera, kaya bakit ako mahihiya? Hindi naman ako iyong nagbebenta ng katawan kapalit ng pera. Mayamaya lang nang mapahinga nang malalim si Anna, saka pa tuluyang nag-iwas ng tingin nang makita niya ang pagtalim ng mga mata ko. Ibinaba na rin niya ang hawak na libro sa maliit na lamesang nandoon sa tapat niya at saka pa nag-inat ng mga kamay. "Nakapagsaing na ako, may ulam na rin diyan sa kawali. Iinit mo na lang," pahayag niya at minabuting tumayo na. Hindi ko na siya nasundan ng tingin nang magtungo siya sa loob ng kwarto dahil naiwan ang atensyon ko sa librong binabasa niya. Mapait akong napangiti nang makitang patungkol iyon sa dark psychology. Simula nang maisilang ko si Anna hanggang ngayon na sampung taong gulang na siya ay never kong narinig na hinanap niya ang kaniyang ama. Hindi ko man lang siya nakitaan na nangungulila ito, o nagtatanong kung sino ba ang ama niya. At some point ay natutuwa ako dahil hindi ko na kailangan pang magpaliwanag sa kaniya hinggil kay Andrew, pero marahil din ay dinadamdam lang lahat niya ang mga katanungang gusto niyang sabihin dahil alam niya ang magiging response ko. She's been studying psychology at ako na lang itong umiikot ang utak sa kung paano niya iyon naiitindihan sa murang edad gayong hindi pa naman iyon naituturo sa school niya. For pete's sake, grade six pa lang siya. Maaga siyang pumasok para mag-aral dahil na rin sa angking katalinuhan niya, kaya sa edad niyang sampung taon ay graduating na ito ng elementary. Above all, she's running for a valedictorian. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi bago nagpakawala nang maraming buntong hininga. Hindi ko alam kung paano pa natapos ang araw na iyon dahil literal na hindi ko napansin ang araw. Kinagabihan nang magluto ako ng fried tilapia at sinangag na kanin para sa hapunan namin ni Annalisa. Pareho na kami ngayon na nakaupo sa hapag at tahimik na pinagsasaluhan ang pagkain. Panay lang din ang sulyap ko sa kaniya na maiging iniaalis ang tinik sa isda. Kalaunan nang umalpas sa labi ko ang masayang ngiti, parang gusto kong umiyak sa katotohanan na ang layo na pala ng narating ko. Hindi ko masabi na succesful ako, imbes ay dahil sa kung paano ako naka-survive sa hirap ng buhay kahit pa dala-dala ko siya. Sa totoo lang ay hindi ko ininda ang paghihirap ko, kasi masaya na ako na makita siya. Totoo pala iyong katagang sa mundong nakakapagod ay mayroong isang tao ang magiging pahinga mo— siya iyon, si Annalisa iyon. Gaano man naging kalupit ang tadhana sa akin ay siya iyong naging rason ko para ipagpatuloy ang buhay. Gaano man ako pinagdadamutan sa pera at karangyaan ay hindi nakalimot ang Diyos na kahit papaano ay bigyan ako ng kasiyahan sa katauhan ni Annalisa. Siya iyong swerte ko at lucky charm na maituturing. "Malapit na pala ang graduation mo, ano? May gusto ka bang regalo?" untag ko upang basagin ang katahimikang namumutawi sa paligid namin gaano man kaingay mula sa labas, nakakapanibago rin ang pagiging tahimik niya. Sa sinabi ko ay awtomatikong nagtaas siya ng tingin sa akin. Marahan pa siyang tumango bilang pagsang-ayon at saka pa tipid na ngumiti. Kasunod din nang ilang beses niyang pag-iling kung kaya ay nangunot ang noo ko sa kalituhan. "Hindi ko naman po kailangan ng regalo. Siguro ay ayos na sa akin na nandoon kayo sa graduation ko," mababang boses na pahayag niya at nagpatuloy sa kaniyang pagkain. Ang katauhan ni Annalisa ay may halong prim and proper, tipid gumalaw at palaging concious sa mga ginagawa. Iniisip muna niya ang magiging resulta bago bumuka ang labi niya, o 'di kaya ay gumawa siya ng aksyon. Honestly, parang ako pa iyong nahihiya sa kaniya. Parang hindi ko kayang pantayan iyong utak at pag-iisip niya, kaya madalas ay pinaghihinalaan ako na hindi ko anak si Annalisa. Malabo sa katotohanan na sa akin niya namana ang katalinuhan niya. Maging ang kaniyang emotion gestures, facial features ay hindi maitatanggi kung kanino niya nakuha. One hundred percent na namana niya lahat kay Andrew. Wala siyang nakuha sa akin kung 'di ang pagiging babae. Hindi hamak na madali lang nilang malalaman na magkadugo sila sa oras na magtagpo ang landas nilang dalawa. Wala ng pag-alinlangan. Alam na nila kaagad ang sagot kahit hindi na nila ako tangunin pa. "Ayaw mo ba ng bagong libro? Bibilhan kita ng sampu," sambit ko at saka pa natawa. "Gusto mo iyon 'di ba? Naalala ko nga noon na kapag nadadaan tayo sa mga bookstore ay palagi kang may bitbit na mga english book. Kaysa bumili tayo ng mga laruang manika at lutu-lutuan ay iyon ang gusto mong pagkaabalahan." "Dati po iyon, Ma," maagap na saad ni Anna. "Ganoon ba? So, ano na ba ang gusto mo ngayon?" Mas lalo akong ngumiti upang pagaanin ang emosyon sa paligid. As long as kaya kong punan lahat ng pangangailangan ni Annalisa, bagay man 'yan o emotional needs. Basta ay maramdaman niyang nandito ako na simula umpisa ay nakasuporta na sa kaniya ay kakayanin ko lahat. Gusto kong malaman niya na kaya kong mag-isa, hindi lang ina kung 'di ama na rin sa kaniya. Hindi ko kailangan ng ibang tulong para palakihin siya dahil alam ko sa sarili ko na kaya ko at nagagawa ko nang maayos. Nandito na kami, hindi pwede na sumuko na lang ako bigla. Aanhin pa ang pinaghirapan ko noon kung sa isang iglap ay mawawalan ako ng pag-asa. Kaming dalawa na lang din ni Anna ang nagkakaintindihan, kami na lang ang natira para sa isa't-isa. "Kahit naman siguro sabihin ko ay hindi mo rin ako pagbibigyan," anang Annalisa habang nangingiti, tila ba maging siya ay pinapagaan ang tensyong nararamdaman ko. "Ano ba iyon? Kaya ko namang ibigay, sabihin mo lang." "Hindi na po. Ang mahalaga ngayon ay nandito ka at kahit papaano ay may kasama ako sa graduation ko," segunda niya. Umawang ang labi ko, kapagkuwan ay napayuko sa pagkain kong kalahati pa lang ang nababawas. Kalaunan nang makagat ko ang labi ko bago mabilis na nag-angat ng tingin kay Annalisa habang maang siyang pinagmamasdan. "Ano iyong gusto mo?" pag-uulit ko na wala pa man ay para na akong aatakihin sa puso. Mabilis ang pagtibok ng dibdib ko. Sa unang pagkakataon na nagkaroon kami ng tsansyang makapag-usap ng ganoong bagay ay para akong binibitay na hindi ko magawang makahinga nang maayos. Wala pa mang sagot ay kaagad na akong nag-conclude. Base pa lang sa mga mata ni Annalisa, pati na rin sa mga ngiti sa kaniyang labi. Patunay iyon na sa kabila nang pagiging matapang niyang bata ay nakakubli roon ang kalungkutan at pangungulila. "Pwede ko po bang sabihin? Gagawin mo po ba? Pagbibigyan mo ako?" nagdadalawang-isip na mga tanong niya, alanganin man din ay tumango ako sa kaniya kung kaya ay napangiti siya. "Ano ba iyon, anak?" "Si Papa." Sa narinig ay tuluyan nang napawi ang ngiti sa labi ko. Expected ko na ito ngunit masyado akong nawala sa sarili na hindi ko magawang makapagsalita. Tanging paninitig na lang sa kaniya ang kaya kong gawin ngayon. "Hindi ko man nababanggit sa inyo dahil mahalaga pa rin sa akin iyong nararamdaman niyo, kasi ina ko kayo. Mahal ko kayo, pero may parte kasi sa pagkatao ko na parang may kulang na gaano mo man 'yun punan ng walang katapusan mong pagmamahal— kulang pa rin. May kulang pa rin... dito..." Mapait na ngumiti si Annalisa at saka pa itinuro ang kaniyang dibdib, kung nasaan ang puso niya. Kasunod nito ang mahina niyang pagtawa. "Naiinggit ako sa mga kaklase ko na may buong pamilya, nakikita ko na sinusundo sila ng Papa nila. Isa sa dahilan kung bakit ayoko na sinasamahan mo ako sa school ay dahil ayokong malaman nila na kabilang ako sa broken family. Ayokong malaman nila ang kahinaan ko, kasi alam ko na iyon ang gagamitin nila para saktan ako. Mas lalo nila akong aasarin, mas lalo nila akong lalayuan at babastusin." "Anna..." buntong hininga ko dahil literal na wala akong makapang sasabihin, nagmukha lang akong tinakasan ng bait. "Pangalawa na roon ay ayokong makita mo kung gaano ako ka-out of place sa school. May sarili akong mundo. Wala akong kaibigan. Wala rin kasi akong pakialam sa kanila kaya nagagalit sila." Muling natawa si Anna. Kuminang ang parehong mata niya para sa nagbabadyang luha ngunit malaki ang pagpipigil niyang huwag maiyak sa harapan ko. "Ang sabi pa nila, matalino raw ako pero madamot. Lahat ng mga bagay na gusto kong sabihin ay kinikimkim ko, kaya hindi ko masabi-sabing gusto ko ring magkaroon ng ama, na gusto ko ring maranasan na may matawag na Papa, pero ayos lang kung hindi. Naiintindihan ko pa rin. Ayos lang sa akin kung hindi mo maibibigay. Mas mahalaga sa akin ang nararamdaman mo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD