CHAPTER 5

2504 Words
Nagulat ako na siya ang bumungad sa akin dahilan para wala sa sariling mapatitig ako sa mukha ni Andrew. Maang na pinagmamasdan ko ang itsura niya na para bang ilang taon kaming hindi nagkita. Samantalang kakakita lang namin kahapon at nagawa pa niya akong ihatid sa bahay. Kaya bakit parang apektado ako ngayon sa presensya nito? Special ba siyang tao? Siguro ay dati, pero ngayon ay hindi. Gusto ko nang pakawalan siya sa puso ko para kung magkikita man kami ay normal na lamang. Iyong hindi na ako naaapektuhan, hindi na lumalakas ang kabog sa puso ko. Pero lintik, kung madali lang sanang maturuan ang puso, bakit ba ako magpapakahirap pa ng ganito? Sa suot niyang white polo na may kulay itim na necktie at black pants na pinaresahan niya ng black leather shoes ay nagmukha itong tagapagmana ng Dela Vega Publishing House, o 'di kaya ay isa sa mga stockholders at manager ng company. Napanganga ako. Akala ko ay wala nang igagwapo itong si Andrew dahil mukha siyang daga, pero hindi ko inakalang malaki rin pala ang pinagbago ng pisikal niyang itsura. Mula sa malalago niyang pilikmata, sa malalim at mala-español niyang mga mata. Hanggang sa matangos niyang ilong na may extension pa ng San Juanico bridge. Maging ang labi niyang manipis ngunit mamula-mula, na minsan ko ring naramdaman kung gaano iyon kalambot. Ang perpektong panga niya na hindi pa man siya nagagalit ay awtomatiko nang nakaigting. Well, galit naman talaga siya sa akin. Kaya kapag nakikita niya ako ay parati siyang nakatiim bagang. Bumaba pa ang atensyon ko sa kaniyang leeg kung saan ay tanaw na tanaw ko ang adams apple niya. Napapanod ko ang bawat paglunok niya sa sariling laway. Lumaki rin ang balikat niya, kasabay nang pag-umbok ng mga muscles niya sa braso. Ang matipunong dibdib naman niya ay bumabakat sa suot niyang polo at bago pa man din tuluyang bumaba ang mga mata ko sa kung saan ay minabuti ko nang mag-angat ng tingin sa mukha niya. Wow— after how many years, sampung taon mahigit, ngayon ko na lang ulit siya napuri. Dala ng pagkainis ko sa kaniya ay mas nananaig ang panlalait ko sa kaniya. Ngayon ko na lang ulit na-appreciate ang pinagbago niya; ang Andrew Evangelista version 2.0. Naabutan ko ang paninitig niya sa akin, tila ba maigi rin niyang pinagmamasdan ang kabuuan ko. Napakislot ako. Umawang din ang labi ko ngunit kaagad ko ring nakagat iyon nang mabalik ako sa reyalidad. Ilang beses pa akong kumurap-kurap upang gisingin ang diwa kong naglalakbay na sa kawalan sa sobrang pagpapantasya ko rito. Hindi maaari ito, kung kailan ko tinanggap na hindi na pwede ay saka pa ganito? But anyway, I'm just appreciating his look and nothing more. Kung tumibok man ang puso ko ngayon sa baliw na paraan ay dahil sa pinagsamang pagod at kaba ko sa kaninang paglalakad ko. "You're here," anang Andrew sa mababang boses ngunit sapat naman na para umabot pa sa pandinig ko, marahil ay nagulat din siya sa biglaang presensya ko. "Hinahanap mo raw ako?" casual kong banggit, kalaunan nang mapakamot ako sa batok ko. "I mean, yeah... pinapatawagan mo raw ako kay Chloe? Anong mayroon at bakit mo ako pinapunta rito?" Nagtaas ako ng kilay para kahit papaano ay pagaanin ang atmosphere sa paligid. Damang-dama ko pa rin kasi ang malakas na pagririgodon ng puso ko kung kaya ay bulgar na nagtataas-baba ang dibdib ko. "Ah... oo." Tumango-tango si Andrew, kapagkuwan ay malawak na binuksan ang pinto sa opisina niya. "Pasok ka muna. This is something important na hindi na pwedeng ipagpabukas pa." Kumibot ang labi ko, saka pa humipit ang pagkakahawak ko sa string ng bag ko. Mayamaya nang gumilid si Andrew upang bigyan ako ng daan, kaya dahan-dahan akong naglakad papasok sa loob. Iminuwestra pa niya ang isa sa upuan na naroon katapat ng kaniyang table dahilan para maagap akong maupo roon at masyadong nangangatog ang dalawang tuhod ko. Nagmistulang lang din akong naputulan ng buntot at sunud-sunuran ako sa kaniya ngayon. Ngunit sa totoo lang ay kinakabahan din kasi ako kung paano ko ba isisingit ang pakay ko, na isa rin sa dahilan nang pagpunta ko rito. Hindi ko alam kung ano iyong tamang salita, o kung paano ba deretsong sasabihin sa kaniya nang hindi nauutal. Huminga ako nang malalim bago ko siya tiningala na nananatiling nakatayo na para bang may hinihintay pa siyang darating. Nakamasid lang ako sa kaniya na siyang maigi niyang pinalilipat-lipat ang pahina ng hawak niyang folder. Kung ano ang laman no'n ay hindi ko alam, hinintay ko na lang din na magsalita siya ngunit nang ma-realize na lumilipas lang ang minuto sa purong katahimikang bumabalot sa amin ay mahina akong tumikhim. "Oo nga pala, Andrew," buntong hininga ko kung kaya ay napatigil siya sa ginagawa niyang pagbabasa. Nang magtama pa ang mga mata namin ay kaagad din akong nagbawi ng tingin. Napalingon pa ako sa isa pang pinto na naroon sa gilid ko na sa pagkakaalam ko ay ang opisina naman ni Sir M. "What it is?" untag ni Andrew ngunit hindi ko ito nilingon, paano ko ba uumpisahan? "Nariyan ba si Sir Melvin?" Imbes na dumeretso ay lumiko pa ko. Right, masyado akong kabado na hindi ko magawang i-construct ang tamang salita. Mariin akong napapikit bago marahas na napahinga nang malalim. "Wala siya ngayon, hindi pumasok dahil mas gusto niyang alagaan ang buntis niyang asawa na si Chloe." Dinig kong paliwanag ni Drew kung kaya ay napatango ako. "So, para saan at bakit ako nandito?" maang kong pagtatanong, saka pa tuluyang nag-angat ng tingin sa kaniya. "Honestly, hinihintay ko lang din na—" Hindi ko na siya pinatapos pang magsalita at maagap din siyang pinatigil. "May sasabihin nga pala ako... na mas madaling sabihin na pakiusap... I have a favor, Andrew. Sana ay mapagbigyan mo ako." Muling napatitig sa akin si Drew, wala pa sa sarili nang ilapag niya ang hawak niyang folder sa table at mas ibinigay sa akin ang buo niyang atensyon. Rason naman iyon para makagat ko ang dila ko sa bulgar niyang paninitig sa akin. Nahiya ako bigla. Tumango pa siya. "Spill it out—" Hindi na niya ulit naituloy ang sasabihin nang biglang bumukas ang pinto sa opisina niya. Nang malingunan pa ay bulgar na namilog ang mga mata ko nang makita ang bulto ng katawan ni Jinky na naroon. Ang nakangiti niyang mukha ang bumungad sa paningin ko, pero hindi ko naman magawang makapag-react dahil sa sobrang gulat. Dagli pa akong tumayo sa pagkakaupo ko nang tuluy-tuloy siyang pumasok sa loob. "Nandito ka na pala, Queen Elsa," aniya at saka pa masaya akong tinapik sa balikat. "Kanina ka pa ba nandito? Tinawagan ka rin ba ni Andrew?" Bumuka ang labi ko para sana magsalita ngunit nagmukha lang akong pipi na naputulan ng dila. Hindi ako umimik, pero mas pinili ko ang tumango bilang pagsang-ayon. Ibig sabihin pala ay dalawa kami ngayong kailangan dito. "Nag-start na kayo?" sunod niyang tanong na inilingan ko. "Mabuti kung gano'n! Sakto lang din pala ang pagdating ko." "Have a seat," pukaw ni Andrew, kaya maagap na naupo si Jinky sa katapat kong upuan. Wala pa sa huwisyo nang muling bumagsak ang pang-upo ko sa kaninang kinauupuan ko. Tahimik lang din ako na nakamasid sa kanila, lalo kay Jinky na ayaw magpaawat ng kaniyang labi sa pagkakangiti. Hindi ko alam kung saan banda siya masaya, pero in-assume ko na lang na dahil nagkita ulit sila ni Andrew. Kapag nagkataon ay para lang pala nila akong chaperon, iyong tamang suporta lang sa lovelife nilang dalawa. "Since nandito na kayong dalawa ay sisimulan ko nang i-discuss ang rason kung bakit kayo pinatawag ni Sir M," dugtong ni Drew dahilan para malingunan ko siya. "Okay, go on." Tumango-tango si Jinky, hudyat para mapangiti si Andrew. Akala ko ay magkakaroon na ako ng pagkakataon na masabi sa kaniya ang patungkol sa hiling ni Anna. Ngunit para bang ayaw akong pagbigyan, maski puso ko ay gusto akong traydurin. Ang hirap palang humanap ng pagkakataon kung hindi sang-ayon ang tadhana. Ayaw pang makisama ng dila at katawan ko. Napahinga ako nang malalim, akala ko pa ay oras naming dalawa iyon ni Drew. Tch, bakit ba ako nag-e-expect? What do I expect too? Sa panahon ngang magkasama kami ni Andrew sa iisang lugar ay wala namang nangyayari. It feels like too close yet so far. Iyong nandiyan lang siya ngunit ang hirap niyang abutin. Ano mang lapit ko ay mabilis niyang tututulan. Lahat ng sinasabi ko ay ayaw niyang intindihin. Kinatagalan ay parang wala ng saysay iyong panunuyo ko sa kaniya kung kaya ay madali akong napagod. Ang dami kong natanto at naiisip, pero kagaya ng pinangatawanan kong katauhan bilang si Elsa ay kailangan kong magbalat-kayo. Dapat ay masaya lang ako, dapat ay palagi akong nakangiti at tumatawa. Baliw ako 'di ba? Iyan ang bansag sa akin. Takas sa Mental Hospital, isa sa Marites na mahilig tumambay sa canteen para makisagap ng issue sa kabilang department. Nakilala akong Elsa na kapatid ni Anna, pero 'di nila alam na anak ko pala si Anna. Pagak akong natawa sa loob-loob ko. Gusto ko pang sapakin ang sarili na nagagawa ko pang magbiro gayong seryoso naman ang nararamdaman ko. Ang baliw ko lang din, ang hirap palang maging Elsa Adsuara. "So..." panimula ni Andrew at saka siya bumuntong hininga. "As per Sir Melvin, babalik na raw kayo sa trabaho. Bukas din daw ay pwede na kayong pumasok at magsimula ulit." Sa narinig ay natulala ako sa mukha ni Andrew. Hindi ako nagulat sa sinabi niya kung 'di sa kung paano niya titigan si Jinky. Sa ilang segundong lumipas ay nakatingin lang ako sa kanilang dalawa habang maigi silang nagtititigan. Umimpis ang labi ko para sa isang masayang ngiti, kasunod nang pagkirot ng puso ko. Mayamaya lang nang biglang tumayo si Jinky. Ilang ulit siyang napatalon-talon sa sobrang tuwa na nagawa pa niya akong hilain sa pagkakaupo ko. Wala sa oras na napatayo ako, sa kadahilanan pang hawak-hawak niya ang dalawang kamay ko ay napapasama ako sa pagtalon niya ngunit hindi ko lang talaga magawang samahan siya sa kasiyahang nararamdaman nito. "Yehey! We're back at being Marites, Queen Elsa!" magiliw na hiyaw ni Jinky, kalaunan nang matawa rin ako, pilit na pilit pa. "Thank you, wahh! Thank you talaga, Andrew!" "Yes, Aling Jinky! May trabaho na ulit ako!" tumatawang banggit ko, tuluyan nang sinakyan ang kasiyahan ni Jinky. "Kay Sir Melvin kayo magpasalamat— I mean, kay Chloe pala. Siya talaga ang nag-utos nito kay Sir M," pahayag ni Drew. Magkasabay pa kaming napahinto ni Jinky at binalingan siya. Sa tuwa ko ay hindi ko na pinansin ang kaninang nararamdaman ko. Nakangiti ako nang mapagmasdan ko siya at saka pa ako yumuko bilang pagpupugay. "Maraming salamat pa rin," nakangiting tugon ko, siya namang pamumula ng dalawang tainga niya na animo'y nahiya bigla sa tinuran ko. "Pwede niyo nang i-celebrate ang back-to-work ninyo," aniya habang hindi mapakali ang mga mata niya kung kaya ay mas pinili niyang lingunin si Jinky. "All right, gusto mong sumama?" maang na tanong ni Jinky, pero umiling lamang ito. "Hindi na. Actually, katatapos ko lang din kumain. At marami pa akong gagawing trabaho ngayon." "So, kami na lang." Nilingon ako ni Jinky. "G ka ba, Queen Elsa? Syempre! Libre mo ako, ah! Huwag kang tatanggi!" Bago pa man ako makapagsalita ay mabilis pa sa kidlat na hinatak ako ni Jinky palabas ng opisina. Mukha lang din siyang baliw na sa sobrang saya niya ay sumisigaw na siya habang naglalakad kami. "See you tomorrow mga bading! Babalik na kami ni Elsa!" patuloy niyang hiyaw, kaya natawa na lang ulit ako— isa pa itong siraulo. Kaya minsan ay bawal din kaming magsamang dalawa, pero kung sabagay din naman kasi, masarap ang bawal. Kalaunan nang ako naman ang humila kay Jinky upang patigilin siya hanggang sa tuluyan kaming makababa ng building. Pinili namin na mag-celebrate sa isang cake station at dahil sa libre ko raw ay si Jinky ang gumastos. Wala siyang nahita sa akin kung kaya ay wala siyang nagawa. Sabay pa kaming napaupo sa dulong bahagi ng shop. Mula pa sa kinauupuan namin ay kitang-kita ang labas, maging ang mga taong nagdaraan sa gilid ng kalsada. Umimpis ang labi ko at saka pa nagbaba ng tingin sa isang buong cake na nasa harapan namin ni Jinky. "Congrats sa atin," sambit ko, saka pa yumuko at ipinikit ang mga mata. Sabay naming hinipan ni Jinky ang kandila na nakatirik sa ibabaw ng cake. Nang matapos ay pareho kaming nakangiti, walang katumbas ang kasiyahan naming dalawa na hindi ko na napansin ang ibang bagay. Mas pinili ko na maging masaya, ano man ang nararamdaman at pinagdadaanan ko. Sa ngayon ay sarili ko lang din ang katulong at karamay ko. Wala rin akong choice dahil ayoko naman maging mahina. Kaysa magmukmok din sa kalungkutan, mas pipiliin kong maghanap ng dahilan para maging masaya. Sa panahon kasi ngayon ay sadyang napakahirap na sa atin na mahanap ang totoong kaligayahan. "Congrats, Queen Elsa. Sana ay hindi na kayo mag-away ni Andrew, sana ay peace na tayong lahat," masayang wika ni Jinky kung kaya ay maagap akong tumango. Napangiti ako. Hindi ko maipapangako, pero iyan din ang gusto ko. Kagustuhan kong maayos na ang lahat ng gusot, kahit hindi na kami. At the same time, gusto ko pa ring tuparin ang hiling ni Annalisa. Mabilis lang din na nagdaan ang oras sa hapong iyon. Hindi na kami gumala pa ni Jinky at mas pinili naming magpahinga na muna para bukas ay may lakas kaming papasok. Bitbit ko ngayon iyong cake na hindi ganoon nabawasan dahil kaunti lang ang nakain namin. Inuwi ko na lang at sayang naman kung maiiwan lang sa shop, paniguradong itatapon lang din naman ito. Para kahit papaano ay may pasalubong din ako kay Annalisa. Tiyak kong matutuwa iyon mamaya pagdating nito sa bahay. Hindi pa nagtagal nang makababa ako sa jeep sa palagi kong pinagbababaan. Ngunit kaagad ding napahinto nang matanaw ko ang isang itim na kotse na naroon sa harap ng kanto papasok sa lugar namin. Pamilyar iyon, pero nakakagulat pa rin na bigla iyong sumusulpot kung kailan hindi ko inaasahan. Nangunot ang noo ko. Imbes din na dumeretso roon ay lumiko ang mga paa ko at tinahak ang daan sa gilid ng kalsada. Mabagal akong naglalakad na animo'y namamasyal lang sa isang parke. Ramdam ko naman ang pagsunod ng kotse sa likuran ko sa mabagal ding paraan. Malamang na nakasunod siya sa bawat paghakbang ko. Parati itong nangyayari, kaya alam na niya itong ginagawa ko. Mayamaya lang nang makarating ako sa kabilang kanto na malayo sa lugar namin kung kaya ay tumigil na rin ako sa paglalakad. Bumuntong hininga ako. Hinarap ko ang kotse na siya ring huminto sa gilid ko. Namatay ang engine nito, kasabay nang pagbukas ng pinto mula sa driver's seat at saka nito dahan-dahan na iniluwa ang lalaking nakaitim na tuxedo. Ano na naman ang ginagawa ng isang 'to rito? Ngayon pa talaga na mainit ako sa mata nina Aling Puring? Hay naku.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD