Sa mundo ng Damarya, may mga batas at alituntunin na dapat sundin. Una, kailangan mong igalang ang lahat ng nandoroon lalung-lalo na ang Reyna. Ikalawa, kailangan mong panatilihin ang magandang paligid at hindi ka dapat manira ng kahit na anong bagay. Ikatlo, , kailangan mong gamitin ng maayos at sa mabuti ang kapangyarihan mo at ikaapat, hindi ka dapat umibig sa ligaw na tao.
***
Reyna Aistana
Aking ipinatawag ang lahat ng mga Damas na naninirahan sa palasyo kasama na rin ang aking apat na tagapagmana na sina Arlaya, Micarya, Adanya, at ang panganay na si Zafarya.
Si Zafarya, bagaman kulang sa atensyo'y naging pariwara. Malimit na siyang gumagawa ng hindi maganda at madalas ay naninira ng mga kagamitan at pati na rin ang mga halaman. Maraming mga Damas ang nais na siyang mawala rito ngunit dahil sa anak ko siya, hindi nila siya magawang saktan. Ngunit bilang Reyna, kailangan kong maging patas sa aking nasasakupan. Kahit akin siyang minamahal at kahit labag sa aking kalooban, kailangan ko siyang parusahan.
"Bilang inyong Reyna, kailangan kong maging patas sa inyo." Aking kinuha ang Adanwes (Papel) na naglalaman ng kaparusahan na dapat ipataw kay Zafarya. "Dahil sa paglabag ni Zafarya, ang aking panganay na anak sa napakaraming batas at alituntunin sa Damarya, dapat siyang ipatapon sa mundo ng mga tao kung saan siya maninirahan ng limandaang taon."
"Hindi ito maaari!" Biglang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan si Zafarya at biglang naglabas ng Kaswal (Espada) saka itinutok sa aming lahat. Tiningnan niya ako ng masama. "Anong klase kang ina? Hindi mo 'to maaaring gawin sa akin. Hindi!" Inilabas niya ang kanyang kapangyarihan dahilan upang mabalutan ng apoy ang buong palasyo.
Agad namang tumayo si Micarya, ang tagapangalaga ng tubig at saka tinupok ang apoy na gawa ni Zafarya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
"Tumigil ka na, Zafarya! Talagang pinapatunayan mo lang na hindi ka talaga karapat-dapat sa Damarya!"
Sila'y naglaban ngunit dahil sa sobrang pagkabihasa ni Zafarya'y natalo niya ang kanyang nakababatang kapatid dahilan upang manghina ito.
"Tama na!" Sa ngayon, ako na ang umaksyon.
Ginamit ko ang aking alas upang puluputan siya ng naglalagablab na kadena sa dalawa niyang kamay.
"Hindi. Hindi!" sigaw pa niya ngunit upang hindi na siya makapalag pa'y mabilis ko nang kinuha ang susi ng Abdanya at binuksan ito.
"Ngayundi'y mapupunta ka na sa mundo ng mga tao!" Aking sambit at walang anu-ano'y nawala na siya sa paningin naming lahat.