[7] Shadows and Breathing

2108 Words
NAKANGITING NAGPADALA SI FAITH SA PAGHILA SA KANIYA NI SEBASTIAN PALAYO ROON. Nakalimutan niya bigla ang nangyari, dahil masaya siyang magkalapit silang muli at iniligtas siya nitong muli sa ikalawang pagkakataong. Huminto sila sa gilid ng kalsada kung saan malapit sila sa malagong halamanan na tumatakip sa kanila mula sa hilera ng mga tindahan. Marahas siyang binitawan ni Sebastian, ngunit wala lamang iyon sa kaniya, bagkus ay magkasalikop ang palad siyang lumapit rito para alisin ang agwat nila sa isa’t isa. “What do you think you’re doing?” tanong nito sa kaniya. Imbis na sagutin ay lumihis siya mula roon. “Nagkita tayong muli, Sebastian!” Nanatili namang nakatingala sa kanila si Lili. Umiiling ito sa kaniya, tila pinipigilan pa rin siya sa asta niya kagaya kanina. Ang guwapong mukha ni Sebastian ay nanatiling lukot, salubong na salubong ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. “Where do you live?” muli nitong tanong. Nagsalubong ang kilay niya nang hindi niya ito maintindihan. “Saan ka raw nakatira, Faith.” Mabuti na lang at tinulungan siyang muli ni Lili para maunawaan niya iyon. “W-wala… sa….” Tumingala siya sa langit. Hindi! Hindi niya maaaring ipaalam na sa langit siya nakatira, dahil isa ito sa kundisiyon na kabilin-bilinan ni Maestro. Kunot-noo na ring tumingala si Sebastian, gano’n na rin si Lili na nawi-weirdo-han. “Mukhang palaboy lang rin kagaya ko si Faith, Kuyang Pogi. Parehas lang kasi kaming namamalimos kanina. Kahit ako hindi makapaniwala, pero mukhang sa asta niya alin man sa dalawa, palaboy… o takas sa mental.” Ibinulong pa ni Lili ang huling sinabi, pero narinig niya pa rin naman. Wala naman siyang magawa kundi ang mapanguso dahil hindi niya naman alam kung ano ang ibig-sabihin ng takas sa mental. Mula sa pagkakatingin ni Sebastian kay Lili ay nag-angat ito sa kaniya nang paningin. “Wala ka ba talagang bahay, Faith?” si Lili na ang nagtanong sa kaniya. Umiling siya. Sa langit siya nakatira at bago lamang siya rito sa lupa. Hindi niya naman alam na kapag pala nasa lupa na siya ay kakailanganin niya na magka-bahay. Umiling siya, ngunit muli ring ngumiti nang magbalik nang paningin kay Sebastian. “Saan ka niyan uuwi?” naroon ang pag-aalala nang itanong iyon ni Lili sa kaniya. “Bakit kailangan ng bahay?” tanong niya. Umawang ang labi ni Lili sa kaniya at sinapo ang noo. “Nakakaloka ka, Faith. “Hindi na bale. Ako na ang bahala kay Faith, Kuyang Pogi. May bahay naman ako, maliit nga lang at kakain pa kami nito.” Itinaas nito ang hawak na supot ng pagkain. Nagtagal ang titig sa kaniya ni Sebastian at unti-unti namang naglaho ang ngiti niya nang matantong aalis na ito. “S-sandali-“ hahabol pa sana siya nang pigilan siya ni Lili. “Hoy! Ano ka ba, Faith. Hindi ka puwedeng sumama kay Kuyang Pogi! ‘Tsaka isa pa, akala ko ba ay magkakilala kayo? Masuwerte na tayong hindi tayo pinadampot sa pulis!” Pinanood niya ang pagsakay ni Sebastian sa pamilyar na motor na nakaparada, malayo mula sa kanila. “Pero…” “Hay nako, Faith. Tara na, malapit na maghapon, sigurado akong hinihintay na ako nang kapatid ko.” Wala na siyang nagawa nang tuluyan nang maglaho sa paningin niya si Sebastian at nang hilain na siya paalis roon ni Lili. Ilang minuto na rin silang naglalakad sa kalsada, iba’t-ibang pangyayari na rin ang nakikita niya sa kalsada. Kahirapan… Nababanggit ito sa kaniya ng Punong Maestro. Nakakalungkot isipin na ang kagaya ni Lili ay nagtatrabaho para may makain sa araw-araw. “A-ah…” Napangiwi siya nang hawakan ang sikmura. Mula naman sa paglalakad ay nag-aalala siyang nilingon ni Lili. “Malapit na tayo, Faith. Tiis lang. Nga pala, maliit lang talaga ang bahay namin. Sa ganda mo talagang hindi ka bagay roon, pero wala ka namang choice, kaya ‘wag ka nang choosy.” Tipid siyang tumango rito. Kagaya nang sinabi nito, malapit na nga sila sa lugar kung saan nakatira si Lili matapos nilang maglakad nang halos kinse minutos. Mula sa maliit at halos tutumba nang barong-barong ay dumungaw ang halos apat-na-taong gulang na batang babae. “Kuya!” Nakangiti ito nang makita si Lili, ngunit napalitan rin nang pagkakakunot ng noo nang makita siya, marahil ay naninibago sa kaniya. “Sinong kasama mo, Kuya?” Sinalubong naman ito kaagad ni Lili. “Ate Faith, Nika. Faith, bunsong kapatid ko, si Nika.” Ngumiti siya rito. Kagaya ni Lili, nakakagiliw ring tignan ang batang ito, ngunit bakas sa mukha ang matinding lungkot. Pumasok sila sa loob ng bahay, nagpunta naman sa maliit at gawang kahoy na kusina si Lili para ihanda ang pagkain. Nahahabag siyang makita nang sitwasiyon nang dalawang bata. Nang ilibot niya naman ang paningin sa espasiyo ay walang ibang naroon kundi silang tatlo. Bumalik si Lili dala ang pagkain, nilapag ito sa lumang lamesa kung saan sila nakaupo ni Nika. Umupo na rin sa bakanteng upuan si Lili at magsisimula na sanang kumain nang pigilan niya ito. Taka siyang tinignan ng dalawa. “Para araw-araw tayong pagkalooban ng Panginoon nang biyaya, hindi dapat natin kinakalimutan na pasalamatan siya… sa ngalan ng Ama…” Nagkatinginan ang magkapatid at ngumiti sa isa’t isa nang mapagtanto ang gusto niyang mangyari. Napangiti siya nang makitang sumabay ang dalawa sa kaniya sa pagdadasal. “Ng anak at ng espirito santo, Amen. Panginoon, maraming salamat po sa pagkain na ipinagkaloob niyo sa amin ngayong araw.” Matapos ang ilang linya ay tinapos niya ang pagdadasal at nagsimula na silang kumain. “Wala na kaming magulang ni Nika, wala kaming aasahan na kamag-anak at hindi naman ako tatanggapin sa trabaho dahil bata pa ako… kaya kahit mahirap at nakakaiyak na lang minsan na manlimos sa awa ng iba, wala naman akong ibang pagpipilian dahil ako ang matanda rito.” Nahinto siya sa pagkain nang magsalita si Lili. Hindi niya inaasahang magkukuwento ito. Kung ganoon ay tama siya, sa kabila nang kasungitan na ipinakita nito sa kaniya ay tama siya, may lungkot at bigat itong dinadala sa murang edad nito. “Kadalasan, hindi sumasapat ang nalilimos kong pera sa isang araw, pero ang mahalaga, makakain si Nika at kahit hindi na lang ako. Kaya tama ka Faith, sa awa ng Diyos may nakahain na masarap na pagkain sa harap natin ngayon.” Napangiti siya sa sinabi ni Lili. “Nasaan nga ba ang mga magulang mo?” Mapait na ngumiti si Lili at nagpatuloy sa pagkain. Pinanood niya ang pagbibigay nito ng ulam na nakalaan para rito sa kapatid na si Nika. “Hindi nakapag-aral parehas ang mga magulang namin. Ang nanay namin, sumama sa foreigner sa ibang bansa habang ang tatay naman namin nakulong matapos mahuling magnakaw.” Pinalis ni Lili ang tumulong luha sa mata nito, tila ayaw ipakita ang tinatagong emosiyon. “Sinabihan ko na kasi si Tatay na ‘wag nang umulit at magtrabaho na lang ng legal, pero hindi siya nakinig dahil ang sabi niya wala namang tatanggap sa walang pinag-aralan at mangmang na kagaya niya.” Unti-unting namasa ang mata niya sa awa kay Lili. “Napunta na rin kami sa ampunan, pero tinakas ko si Nika. Umalis kami roon dahil wala rin namang pinagkaiba. Ginagawa kaming alila nang mga helpers doon. Kapag may nagagawang kasalanan, tipong kahit maglalaro lang sana dahil ganoon naman talaga kaming mga bata, pinaparusahan, pinapalo pa at hindi papakainin sa magdamag para raw magtanda.” Hindi niya alam na puwede palang danasin ito nang mga tao. Unti-unting sumusiklab ang pagtapos ng misyon sa puso niya at ang pagtulong sa mga tao. “Napakahirap mabuhay sa mundo…” Nagbaba siya nang paningin. Tila hinulma si Lili nang mga karanasan na naranasan nito, kaya naman sa kabila nang edad ay tila mas matanda pa itong mag-isip kaysa sa kaniya. “Kapag kinse na ako, sisikapin kong makahanap ng trabaho para makapag-aral si Nika. Hindi gaya ko na namamalimos sa daan.” Humahanga siya kung gaano kamahal ni Lili ang kapatid. Pagmamahal… ang ganito kapurong pagmamahal ay walang katumbas na salapi, pero sa mundong ito ay tila ba pera ang nagpapaikot. Dahil kung walang pera ang magkapatid galing sa panlilimos ni Lili, siguradong hindi makakakain ang dalawa. Tila binubuhay ng pera ang mundong ito, ngunit sigurado siyang may isa pa; kabutihan. Kung hindi rin nagmalasakit ang may-ari ng karinderya ay walang maiuuwi na pagkain si Lili at wala silang pagsasaluhan para sa gabing ito. Napangiti siya. ”Ano ang tawag rito?” Tinuro ni Faith ang ulam at pansit sa lamesa. “Nako, bakit hindi mo alam ‘yan? Umamin ka nga? Two years old ka lang yata, e.” Humaba ang nguso niya. Hindi niya naman talaga alam ang tawag. Wala namang ganoon sa langit. “Siguro…” Patuloy ni Lili. “Siguro, bagong salta ka sa Maynila ‘no?” Natigilan siya. Sasagot ba siya nang oo? Parehas lang rin naman ang ibig-sabihin niyon kung sa galing siya nanggaling at hindi sa ibang lugar, ‘di ba? Hindi naman siguro iyon pagsisinungaling… “Oo…” sagot niya. “Kaya naman pala, e. Paano ka naman napadpad dito? Mahirap dito sa Maynila lalong-lalo sa siyudad kung mahirap ka lang rin kagaya ko.” “Ganoon ba iyon?” tanong niya. “Aba, hindi ba halata?” Natahimik siya. Kung ganoon ay talagang tama siya. Unti-unti niya nang naiintindihan kung ano ang sistema na meron sa lupa. Pagkatapos nilang kumain ay tinulungan niyang maghugas ng pinggan si Lili sa poso. Matapos naman ay naglatag na ito ng banig sa kawayang papag at pinatulog ang kapatid na si Nika. Nang makasigurado na maayos ang kalagayan ng dalawa at mahimbing nang natutulog ay lumabas siya. Mula sa gawa sa kawayang upuan, sa labas lamang ng maliit na barong-barong nila Lili ay umupo siya para tingalain ang langit. Unti-unti na ring dumidilim, tumatahimik at nababawasan ang mga tao sa paligid. “Panginoon… panatilihin niyo pong ligtas ang aking mga kaibigan sa tahanang ito. Hindi ko pa man po nasisimulan ang hakbang para sa misyon ko, nais ko po sanang gabayan niyo ako sa proseso at matulungang hanapin si Sebastian.” Matapos ng pag-antanda niya nang krus ay tumayo siy. Matagal niyang pinagmasdan ang bahay. Nag-aalala siya, pero may tiwala siyan sa Panginoon na hindi nito pababayaan ang magkapatid. Napabuntong-hininga siya ‘tsaka napagpasiyahang umalis. Hindi puwedeng manatili siya roon, kailangang umusad ng misyon niya para makabalik siya sa langit at malinis ang kaluluwa ni Sebastian at mapalaya lahat ng kabilang sa galit. Ngunit hindi niya alam kung ano ang puno’t dulo. Hindi niya alam kung bakit nauwi sa ganito ang buhay ng kaniyang misyon. Ang alam niya lang ay malalim ang lungkot na dinadala nito at si Sebastian ang susi sa kaniyang misyon. Mabuti na lang at natatandaan niya pa ang dinaanan nila ni Lili papunta sa kalsada at mararangyang gusali. Nadaanan niya ang karinderya, ngunit hindi roon natatapos ang lahat, dahil hindi niya na alam kung saan siya sunod na dadaan para maghanap si Sebastian. Kaliwa… o kanan? Nagliwanag ang mukha niya nang makita ang pagdapo ng alitaptap sa ilong niya. “Sundan mo ako, Munting Anghel.” Umawang ang kaniyang labi nang bumulong ito. Hindi man malinaw, ngunit sapat na para maunawaan niya ito. Isa itong sugo para sa kaniya. Gabay ng ilaw na ibinibigay ng alitaptap ay narating niya ang isang matangkad na gusali. Kahit madilim ay nakikita niya kung gaano karangya ito. “Narito ba si Sebastian?” bulong niya sa sarili. Nang lingunin niya naman ang alitaptap ay umaalis na ito. Mukhang hanggang dito na lang ang misyon ng alitaptap para sa kaniya. Bahagya siyang nakaramdam nang lungkot, pero alam niya namang kailangan niyang harapin ang misyon nang mag-isa at nagpapasalamat na siya sa tulong na ibinigay sa kaniya. Bumuntong-hininga siya bago pinasok ang gusali. Binasa niya ang nakapaskil roon. Parking lot. Mukhang nasa ilalim siya nang gusali. Napahinto siya mula sa paglalakad nang makita ang anino malapit sa malaking haligi ng gusali. Madilim, ngunit ang ilaw na ibinibigay ng pintuan papasok sa gusali mula sa parking lot ay nagawang sinagan ang bultong iyon. Tila pigura ng isang lalaki na nakatayo at hinaharang ang isang babae na nakasandal naman sa haligi. Tila hinihingal ang babae. Dala ng kyuryosidad ay nilakad niya ang espasiyo para makita ang dalawang tao na nagmamay-ari ng anino na tinatakpan ng haliging iyon. Hindi niya alam kung bakit kinabahan siya sa nakita. Talagang magkalapit ang babae at lalaki… magkadikit ang labi. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong senaryo. Kaya ba kinakabahan siya nang ganito? Magkadikit ang labi ng babae at lalaking iyon… Ang lalaking iyon… “S-sebastian?...” untag niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD