Kabanata 14 Niyakap ko ang aking katawan habang nakatitig sa malakas na ulan sa labas. Pinapanuod ko kung paano tumama ang tubig sa semento galing sa alulod. Napukaw lang ang atensyon ko nang may maglapag ng cup noodles sa aking harapan. Kaagad kumalat ang amoy ng usok nito sa aking ilong. Hmm. Seafood. "Kumain ka na muna," ani Daryl saka umupo sa aking tabi. Nasa loob kami ng Seven Eleven hindi kalayuan sa school. Pinanuod kong haluin niya ang noodles sa harapan ko bago iyon ihipan kaunti. "Salamat," mahinang wika ko. Pakiramdam ko ba'y nanlalata ako, nang makita niya ako sa school kanina ay sabi niyang ihahatid na niya ako. Ni hindi na ako nakapagsalita pa dahil hinila na niya ako palabas ng school ngunit nang lumiko kami sa isang kanto ay biglang bumuhos pa ang malakas na ulan k

