Patawad, aking Ama

2086 Words
Nasa tapat na si Lara ng isang mansion at ilang minuto na siyang nakatayo pero hindi niya magawang pindutin ang doorbell. Panay ang hugot niya ng malalim na hininga at pinalalakas ang kanyang kalooban. 'Bahala na,' sabi ng kanyang isip. 'Inhale, exhale, kaya mo 'to Lara,' kinakausap niya ang sarili. "Ding-Dong!" Sa wakas ay nakapag-doorbell siya. Ilang beses pa niyang inulit bago siya nakarinig ng mga yabag na papalapit. "Anong kelangan n'yo?" medyo masungit na tanong sa kanya ng isang boses babae. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakasilip lang ito sa peep hole ng gate. "Good morning." Ngumiti siya kahit hindi niya makita ang mukha ng kausap. "Nariyan po ba si ‘Nay Lourdes?" Gusto sana niyang itanong ang kanyang ama ngunit bigla siyang naduwag. "Wala dito. Di na siya dito nakatira," sagot ng babae sa matigas na tono. Kumunot ang noo ni Lara ng marinig ang sagot ng kausap niya. Mukhang galit ang kanyang kausap. Akala siguro sa kanya ay mag-a-apply na katulong kaya ganoon siya kung sagutin nito. "Ah Miss, si Mr. Salduvar nariyan po ba?" magalang niya uling wika. Naghihintay ng sagot si Lara pero wala na siyang narinig. Sinipat niya ang peep hole, kaya pala ay wala na siyang kausap. Nag-doorbell uli siya ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi na siya nilabas ng katulong. Laglag ang kanyang balikat sa lungkot. Gusto niyang maiyak at kahit takot siyang masumbatan ng ama ay sabik na sabik na siyang makita ito. Ayon kay Aling Lourdes ay may sakit ang kanyang ama kaya kahit natatakot at nahihiya siya ay gusto niya itong makita. Aalis na sana siya ng may kotse na dumating at bumusina ito sa tapat ng bahay nila. Sandali siyang tumigil ng bumukas ang bintana ng driver side ng sasakyan. Napangiti si Lara ng mapagsino ang nagmamaneho. "Mang Pepito," excited niyang tawag sa driver ng kanyang ama. Kunot-noo ang driver na tumitig sa kanya at pagkuwa'y napangiti, "Senyorita Lara, Ikaw ba yan?" "Ako nga po, si Papa po?" excited niyang tanong sa matanda. Biglang nalungkot ang mukha ng driver. "Senyorita, nasa hospital ang Papa n'yo. Bumalik lang ako dito para kumuha ng ibang gamit niya. Halika sa loob," yakag nito sa kanya habang pinapaandar ang sasakyan papasok sa bumukas na gate. Sumunod siya sa pumasok na sasakyan at nakita niya ang isang babae na nagbukas ng gate. “Kuya Peping, bakit mo siya pinapasok?” wika ng babae na nakatingin kay Lara. “Anak ng Boss natin yan,” wika ni Pepito. “Ho! Ay, sori po Mam. Takot kasi akong mabudol Mam kaya ayaw kong kumakausap ng hindi ko kilala. Sori po.” Hindi magkamayaw sa pagpapaliwanag ang kasambahay. “Okay lang. Naintindihan ko,” nakangiting wika ni Lara. Mukhang nahintakutan ang kasambahay dahil panay ang paghingi nito ng paumanhin ng makapasok na siya sa bahay. Nanibago si Lara sa bahay na iniwan niya limang taon na ang nakakaraan. Natutuyot na ang mga halaman sa garden, wala na ring tubig ang swimming pool at sira-sira na ang mga tiles. "Dalawa na lang kaming kasama ng Papa n'yo dito, Senyorita. Si Simang at ako na lang," paliwanag ng driver. Kaya pala kulang na sa kaayusan ang bahay dahil wala na halos kasambahay. At kaya pala medyo masungit ang kasambahay dahil mag-isa pala itong nagtatrabaho sa isang malaking bahay. Mga dahilan na naglaro sa isip ni Lara. Inikot niya ang paningin sa malaking sala at malungkot siyang ngumiti ng mapadako ang kanyang mga mata sa kanilang family portrait. Picture nilang magpamilya noong nabubuhay pa ang kanyang ina at bata pa siya sa larawan. May karamdaman sa puso ang kanyang ina kaya hindi na siya nagkaroon ng kapatid. Nakadikit pa rin sa dingding ang mga portraits niya noong modelo pa siya. Napuno ng kalungkutan ang kanyang dibdib at damang-dama niya ang lungkot ng bahay. Mas lalo siyang nakaramdam ng sundot ng konsensiya sa pag-iwan niya sa kanyang ama. Dinala siya ng kanyang mga paa sa dati niyang silid. Maayos pa rin ito at mukhang laging nalilinis kahit walang gumagamit. Naupo siya sa gilid ng kama at wala sa loob na dinampot ang isang photo frame mula sa side table. Picture nila ni Gideon Rey noong sila ay mga bata pa at napangiti siya ng muling pumasok sa kanyang isip ang masayang ala-ala ng kanilang kamusmusan. "Rey, laro tayo ng bahay-bahayan," yakag niya sa batang si Gideon. May bago siyang mini-house na binili ng kanyang ama. "Sige," sang-ayon naman nito. Magkatulong silang hinakot ang kanyang mga laruan mula sa kanyang kuwarto at dinala sa bago niyang mini-house. "Laro tayo ng tatay-tatayan at nanay-nanayan. Ikaw nanay at ako tatay," sabi niya rito sabay abot dito ng kanyang barbie doll. "Ayoko nga! Ako tatay dapat," mariing tanggi ng batang Gideon. "Sige na," pamimilit niyang wika dito. "Yoko sabi eh!" mariing tanggi uli ng batang Gideon. "’Di na kita bati!" nakabusangot niyang wika. "Sige na nga!" bugnot na sagot nito sa kanya. Lihim siyang natuwa dahil nauto na naman niya ang kababata. "Ayan, palit tayo ng damit," sabay hubad ng kanyang bestida. "Ano! ayoko!" gulat at mariing tumanggi sa kanya ang batang Gideon. "Ayaw mo? Eh, ‘di wag! ‘Di na talaga kita bati kahit kelan!" Bumusangot siya at tinalikuran ito. "Sige na nga, pero saglit lang ha. Baka magalit si Nanay" kakamot-kamot ng ulo na sumang-ayon ang kanyang kababata. Tuwang-tuwa siya dahil siya na naman ang nasunod. Enjoy na enjoy siya sa ginagawa niya, gustong-gusto niya na suot ang shorts at sando ni Gideon Rey samantalang nakabusangot naman ang kanyang kababata habang suot ang kanyang bestida. "Gideon Rey! Lara! Susmaryusep!" bulalas ni Aling Lourdes ng makita sila. "Ano ‘yang pinaggagawa n’yo?" "Eh kasi. ‘Nay. Itong si Lara eh." Hindi magkandatuto ang batang Gideon sa pagpapaliwanag sa ina. "Hala, hubarin n’yo ‘yang mga suot nyo," utos ni Lourdes sa kanila. Tumalima ang dalawang bata at nagpalit uli ng mga damit. Si ‘Nay Lourdes ang itinuring na pangalawang ina ni Lara kaya ang salita nito ay batas para sa kanya. "Gideon, sumunod ka muna sa akin," utos nito sa anak bago tumalikod. Alam ng batang Lara na mapapagalitan si Gideon ng ina nito at alam niya rin na inis na naman ito sa kanya pagbalik. "Senyorita Lara.” Bumalik sa reyaledad si Lara ng marinig ang tawag ni Mang Pepito. “Halika na." Palabas na ng bahay si Pepito at may bitbit na bag. Sumunod siya sa matanda na bitbit ang mga gamit ng kanyang ama na dadalhin sa hospital. Nasa sasakyan na sila ng maglakas loob siyang magtanong tungkol sa ama. "Kumusta na po si Papa?" lihim niyang dasal na sana ay maayos lang ito. Ngunit hindi lahat ng dasal ay may masayang sagot."Senyorita, malubha na ang lagay ni Senyor. Limang taon na siyang nakikipaglaban sa sakit na prostate cancer. Ang totoo, ayaw niya magpa-hospital kung hindi pinilit ni Doktora." malungkot na kuwento ng driver. Lalong binagabag si Lara ng kanyang konsensiya. "Sino po ang kasama ni Papa sa hospital?" "Private nurse, Senyorita. Dumadalaw naman si Dra. Agnes araw-araw at si Attorney din," wika ng driver habang patuloy sa pagmamaneho. Nanikip ang dibdib ni Lara sa narinig at parang may bara ang kanyang lalamunan. Gusto niyang maiyak pero pinigil niya. Ibig sabihin ay may karamdaman na ang kanyang ama noong iniwan niya ito at umalis siya ng bansa. Naglihim ang kanyang ama sa tunay nitong kalagayan. Parang pasan niya ang buong daigdig sa nararamdamang usig ng konsensiya. Nawalan na siya ng kibo habang papunta sila ng hospital. Ng dumating si Lara sa hospital ay parang nanghihina ang mga tuhod niya habang umaakyat ang elevator. Pananabik at takot ang kanyang nararamdaman sa pagkakataong ito. Limang taon ng hindi sila nagkita ng ama at kahit sa mga pag-uusap nila sa telepono ay hindi binanggit nito ang tunay na lagay ng kalusugan. Ngayon ay hindi niya alam kung ano ang kanyang sasabihin sa muli nilang paghaharap. Pagdating ng fourth floor ay huminto ang elevator at nakasunod siya sa tinatahak ng driver. Huminto sila sa isang kuwarto at dahan-dahang binuksan ni Mang Pepito ang pinto. Ngumiti sa kanila ang private nurse na naroon at sumenyas na natutulog daw ang pasyente. Marahang inilapag ng driver ang mga gamit at inayos agad ito ng private nurse. "Senyorita, maiwan na muna kita. Meron pa akong aasikasuhin," mahinang paalam ni Mang Pepito sa kanya. Tumango naman siya. Pinagmasdan ni Lara ang mukha ng ama habang patuloy sa pagdaloy ng kanyang mga luha. Payat na payat ito at wala na ang dating malusog na katawan. Maputla ang dating mamula-mulang pisngi. Ang kanyang ama na itinuring siyang prinsesa at sumunod sa lahat ng kanyang layaw. Hindi na nag-asawa pa ang kanyang ama at lahat ng atensiyon nito ay ibinuhos sa kanya. Nanginginig ang mga labi ni Lara. Hindi siya makapaniwala sa lagay ng ama at napaluhod siya sa gilid ng kama nito. "Papa, patawarin mo ako. Hindi ko alam na may sakit ka. Promise, hindi na ako aalis." Isinubsob niya ang mukha sa gilid ng kama at impit na humagulhol. Naramdaman ni Lara ang mahinang hagod sa kanyang ulo at nag-angat siya ng tingin. Gising na ang kanyang ama at nakangiti ang hapis nitong mukha. "Papa, Papa ko," tanging sambit ni Lara habang patuloy sa pag-iyak. Naupo siya sa kama at niyakap ito. "Lara, my princess," mahinang sambit ng matanda. Iniyakap nito ang isang kamay kay Lara at hinagod-hagod ang ulo nito. "Salamat at bumalik ka, Anak ko," garalgal na wika nito. "Forgive me, Papa." Lalong napahagulhol si Lara dahil hindi niya inaasahan ang reaksiyon ng kanyang ama. Ang akala niya ay susumbatan siya nito subalit nakangiti pa ito at niyakap pa siya. Ilang minuto silang magkayakap habang humahagulhol si Lara at hinahagod ang kanyang likod ng ama. "Masayang-masaya ako anak na nandito ka na," naluluhang wika ng matanda. Naramdaman niya ang paghalik nito sa kanyang noo. Napaluha siya at muli niyang naalaala ang kanyang kamusmusan. "Uy, why my princess is crying?" masuyo siyang kinarga ng kanyang ama. "Daddy, I want a toy car. Mommy didn't buy it." Humihikbi siyang nagsumbong sa ama. "You want a toy car? But it's for boys. You play with your Barbie dolls," malambing na wika nito sa kanya. Nagpapadyak na siya at nag-iiyak. "I want a toy car like Rey's." Binilhan kasi ng kanyang ama ang kanyang kababata ng remote-controlled car at nainggit siya rito. Mahal na mahal siya ni Don Ramon at sa bawat hiling niya, maliit man o malaki, ay sinusunod siya. "Okay, don't fret. I'll buy a toy car." "Yehey! Magkaka-toy car na ako!" Masayang-masaya ang batang Lara dahil nasunod na naman siya. "Kuya Ramon, kumusta-?" Napahinto at nagulat ang bagong dating ng makita ang kasama ni Don Ramon. Nag-angat ng mukha si Lara at nagpunas ng luha. Ngumiti siya dito, "Hi, Tita Agnes," bati niya. Nangunot ang noo ng kanyang tiyahin at pagkuwa'y tumalim ang mga tingin. "Lara?" Tumayo si Lara para humalik sa pisngi ni Agnes ngunit ikiniling ng ginang paiwas ang pisngi. "Tita, I'm sorry. Sana mapatawad mo rin ako." Muling nangilid ang kanyang mga luha. Ramdam niya ang poot sa mga tingin lamang ng kanyang tiyahin. May pumasok na nurse para kunan ng vital signs ang pasyente. Sinamantala ito ni Agnes para hatakin palabas ng kuwarto si Lara. "Bakit ka bumalik? Ubos na ba ang perang ibinigay ni Kuya? Ano? Manghihingi ka na naman?" Mahina ang boses ni Agnes ngunit punong-puno ng galit ang bawat kataga nito. "Hindi po, Tita. Gusto ko lang po makita si Papa at humingi ng tawad sa kanya at sa lahat ng mga taong nasaktan ko." Hindi mapigilan ni Lara ang pagluha. Simula pa lang ito ng mga sumbat na maririnig niya. "Hindi ko lubos maisip kung bakit sumunod si Kuya sa kapritso mo. Dahil kung alam ko lang na kukunin mo ang iyong mana ay noon pa hinarang na kita. Napaka-makasarili mo Lara. Iniwan mo si Kuya at si Mikey sa nakakaawang kalagayan." Nagtatagis ang bagang ni Agnes habang nagsasalita. "Tita, hindi ko po alam na may sakit ang Papa." Namamalisbis ang luha ni Lara lalo nang mabanggit ang kanyang anak. "Hindi mo alam na may sakit si Kuya pero si Mikey alam mong kailangan ka niya. Makasarili ka Lara. Hindi mo alam ang ibig sabihin ng pagmamahal ng isang ina." Nangingilid na rin ang luha ni Agnes. Mahal na mahal niya si Lara dahil wala siyang anak na babae. Ngunit sa ginawa nitong pag-abandona sa kanyang kuya at sa anak nito na parehong maysakit ay hindi basta niya mapapatawad ang pamangkin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD