Chapter 28
Huling bahagi ng pagbabalik- tanaw sa naganap sa Mahiwagang Babaylan na si Angelina Nicolle at kay Angelus, ang pinakamamahal niyang fallen angel...
Hindi na nakatugon pa sa Mahiwagang Babaylan si Lileth dahil dumating na si Satanas. Nakabalik na ito.
"Lileth. Umalis ka na muna. Kailangan naming mag- usap ng Mahiwagang Babaylan." Utos ni Satanas sa reyna ng impyerno.
"Masusunod mahal kong Satanas." Saka ito yumuko. Bago tuluyang umalis ay binigyan muna siya nito nang mapanlokong ngiti.
"Buhay na ang minamahal mong anghel." Saka ito lumapit sa kanya.
"Paano ako nakakasiguradong binuhay mo nga siya?" Paniniguro niya.
Saka may lumabas na apoy sa kamay nito. Doon niya nakita si Angelus. Nakamulat na nga ito ngunit tila nanghihina pa.
"Bakit ganyan ang itsura niya? Bakit duguan pa rin siya? Bakit sira- sira pa rin ang kanyang mga pakpak? Bakit parang nanghihina pa siya?" Sunud- sunod ang tanong niya rito. Hindi siya pwedeng magpalinlang sa hari ng impyerno.
"Ligtas na siya. Nanghihina na lamang siya." Mas lumapit pa ito. "Ito na ang pagkakataon mo upang gawin ang kapalit ng ginawa kong pagbuhay sa anghel na iyon. Tila naipon mo na rin ang lakas at kapangyarihan mo. Yan ang kakailanganin mo upang magawa ang kapalit na hihilingin ko."
Nakipagtitigan siya kay Satanas. "Hindi mo sinagot ang mga tanong ko. Bakit ganoon ang itsura ni Angelus?"
"Aaaaah!" Saka tumayo si Satanas at nag- apoy ang katawan. "Hindi ako nakikipaglokohan sayo Babaylan! Binuhay ko na ang anghel na iyon! Dapat mo nang gawin ang kapalit na hihilingin ko! Wala akong panahong sumagot sa mga tanong mo!"
Pumatak ang ang luha sa kanyang mga mata. Tila iyon ang ibig sabihin ni Lileth kanina. May mali sa pagkakabuhay ni Satanas kay Angelus. Iyon ang kanyang malalalamn kapag nakita na niya ito ng personal.
"Ano ang nais mong gawin ko?" Tanong niya rito kahit mabigat sa kanyang loob. Tatraydorin niya ang langit sa kanyang gagawin.
"Ayan! Magaling! Sumunod ka nalang. Dahil kung hindi ako rin ang papatay muli sa iyong pinakamamahal na anghel at pagdudusahin ko ang kaluluwa niya rito sa impyerno."
"Sabihin mo na ang dapat kong gawin." Saka siya nagpunas ng luha.
Nagpalakad- lakad si Satanas paikot sa kanya. "Nais kong gumawa ka ng isang makapangyarihang bagay gamit ang iyong kapangyarihan. Isang salamin. Salamin na kayang makita ang lahat sa nakaraan at hinaharap."
Napatitig lang siya rito. "A- ano kamo? Isang salamin na kayang makakita ng nakaraan at hinaharap? Kung sinuman ang mag may- ari ng bagay na iyon ay para na rin siyang Diyos. Diyos lang ang nakakaalam ng lahat."
"Matalino ka talaga Mahiwagang Babaylan. Kapag nagkaroon ako ng ganoong makapangyarihang bagay ay magiging magkasing- lakas at magkasing- kapangyarihan na kami ng Diyos niyo sa langit. Pareho naming hawak ang buhay ng mga nilalang. Ngunit ako sa masasama at dapat parusahan. May kanya- kanya kaming kapangyarihan. Kaya Niyang lumikha at ako naman ay sumira. Ang lamang niya sa akin ay nakikita niya ang lahat ng nangyayari, nangyari at mangyayari palang. Pareho kaming Panginoon ngunit mas mataas Siya sa akin. Kapag ako'y nagkaroon ng salamin na kayang makita ang lahat ay magiging pantay na kami! At gagawin ko ang lahat upang tuluyan Siyang mahigitan at mapabagsak!" Saka nag- apoy ang paligid. Maging ang mga kamay at mga mata nito ay sumiklab sa apoy.
Nanindig ang kanyang balahibo sa kanyang mga narinig. Hindi siya makapaniwalang nakipagkasundo siya kay Satanas. Sa loob- loob niya ay labis ang kanyang pagsisisi sa nagawa. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit pinagbabawalan ng Diyos na umibig ang mga anghel at ang iba pang nilalang sa langit. Masarap ang mag- magmahal. Ang umibig ang pinakamasarap na pakiramdam sa buong mundo. Ngunit may mga pagkakataong ito rin ang nagiging kahinaan ng mga tao kapag hindi nagamit ng maayos. Tulad ngayon, isang malaking kasalanan ang kanyang nagawa at magagawa.
"Pagkagawa ko ng salamin ay aakyat na ako sa lupa upang makita si Angelus. Doon ko na pinuputol ang koneksyon natin." Saad niya.
"Oo naman. Oo naman. Gawin mo na ang salamin. Ngayon din!"
Tumayo siya. Ipinikit ang mga mata. Itinaas ang mga kamay. Tinipon ang kanyang kapangyarihan. Sa kauna- unahang pagkakataon ay nagliwanag ang ng puti ang impyerno.
"Aaaaaaaah! Itim na salamin! Sinasamo kita!" Humihingal siyang napaluhod saka bumagsak sa lupa ang isang itim na salamin. Kaagad naman iyong kinuha ni Satanas.
"Itim na salamin." Pinagmasdan nito ang salamin. "Ipakita sa akin ang mangyayari sa impyerno dalawampung taon mula ngayon."
Ipinakita sa repleksyon ng itim na salamin ang mangyayari dalawampung taon mula sa panahong iyon. Maging siya ay nakita ang magaganap. Nangilabot siya sa nakita. Hindi siya nakapaniwalang magaganap iyon.
"Pantay na tayo ngayon Panginoon ng Langit! Sisiguraduhin kong magaganap ang ipinakita ng itim na salamin."
Saka siya dali- daling nawala. Iniwan na niya si Satanas sa impyerno bago pa nito malaman ang kanyang ginawa. Kagyat niyang pinuntahan si Angelus sa mundo ng mga tao.
"A- angelus!" Dali- dali niya itong niyakap. Saka muling pumatak ang luha sa kanyang mga mata nang maramdaman ang mainit nitong katawan. Buhay na nga ito.
"Mahiwagang Babaylan. Ipagtatanggol kita sa kahit na kanino. Papatay ako para sayo." Tugon nito.
Napaalis siya sa pagkakayap dito nang marinig ang mga sinabi nito. "H- hindi mo kailangang gawin iyon Angelus. Mahalin mo lang ako. Handa akong maparusahan ng langit at talikuran ang aking kapangyarihan makasama lang kitang muli at mahalin mo lang akong muli."
"Ano ang pagmamahal Mahiwagang Babaylan? Ang pumatay para sayo ang tanging alam ko." Tugon nito.
Pinagmasdan niya ito. Sira- sira pa rin ang pakpak nito. Hawak nito nang mahigpit ang palakol na ginamit upang patayin ito kaya naman patuloy lang sa pagtulo ang dugo mula rito. Ang isang mata nito ay wala pa rin. Duguan iyon. Nanlumo siya nang pagmasdan ang lalaking pinakamamahal. Tila nabuhay lang ito ngunit puro pa rin ito pagdurusa. Hanggang sa naisipan niyang hawakan ang dibdib nito. Napasandal nalang siya rito. Tumangis siya. Walang pusong tumitibok sa dibdib nito.
"Demonyo ka nga Satanas. Bakit ako nakipagkasundo sayo? Buhay nga si Angelus ngunit para na siyang patay dahil hindi man lang siya makakaramdam."
May narinig siyang pagaspas ng mga pakpak mula sa kanyang likuran. Dagli naman siyang pinrotektahan nito.
"Hindi niyo pwedeng saktan ang Mahiwagang Babaylan!" Sigaw ni Angelus.
Paglingon niya ay si Jacob Ruiz at iba pang anghel.
"Ang mga traydor!" Bulalas niya.
"Traydor? Hahaha! Sino ba sa atin ang mas traydor Mahiwagang Babaylan? Tintraydor mo na ang Diyos. Tinraydor mo pa si Satanas." Tugon ni Jacob.
"Kung gayon ay alam niyo na?" Tanong niya.
"Oo. Isinugo kami ni Satanas dito dahil nalaman na niyang limitado lamang ang nakikita ng itim na salamin. Nilinlang mo siya!"
Napangiti siya. "Nakakatuwang maloko ang hari ng impyerno. Isang buong kapalaran lang ang makikita niya sa salamin. Iyon ang nakita niyang mangyayari sa hinaharap dalawampung taon mula ngayon. Hindi maganda ang pinakita ng salamin at pabor iyon sa kanya. Ngunit ang mga susunod niyang gustong makita sa salamin ay limitado na lamang. Niloko niya rin naman ako. Binuhay niya nga si Angelus ngunit tingnan mo ang itsura niya. Higit sa lahat ay wala siyang puso!"
"Kung gayon ay papatayin nalang naming muli si Angelus. Huwag kang mag- alala, pati ikaw ay papatayin na namin! Humanda ka!!!"
Akmang susugod na ang mga ito sa kanila nang biglang dumating si Salomon, ang manok ni San Pedro na kayang mag- anyong anghel.
"S- salomon? Anong ginagawa mo rito?" Tigalgal na tanong ni Jacob Ruiz.
"Pinadala ako ng Diyos upang protektahan ang Mahiwagang Babaylan." Tugon ng manok na nakaanyong anghel.
"Huh? Bakit siya ang poprotektahan ninyo? Bakit? Niloko niya ang Diyos! Nakipagkasundo siya kay Satanas! Lumikha siya ng isang bagay na pwedeng gamitin ng kasamaan! Umibig siya sa isang anghel at binuhay pa nila ito!" Bulalas ni Jacob.
Nagliwanag ang langit. "Sapagkat alam ko na ang mga ginawa mo Jacob Ruiz. Ikaw ang tunay na kaaway. Alagad ka ni Satanas. Dinudungisan ninyo ang kalangitan at nagpapalaganap ng kasamaan sa kalupaan. Daig pa ninyo ang mga demonyo sa impyerno. Pinagkatiwalaan kita. Ikaw ang pinuno ng mga anghel dela guardia ngunit ginamit mo ang iyong kapangyarihan upang manlinlang at ipalaganap ang kasamaan maging sa langit." Ang Diyos na mismo ang nagsalita at namagitan.
"Hindi po yan totoo Mahal kong Diyos! Nililinlang lang po Kayo ng Mahiwagang Babaylan! Siya po ang nanloko sa Inyo!" Parang batang hindi mapakali si Jacob Ruiz.
"Nakita ko na ang lahat ng iyong ginawa. Nilagyan mo ng lihim na pananggalang ang ulap upang hindi ko makita ang iyong ginagawa. Ngunit ngayon ay alam ko na."
Biglang lumuhod si Jacob Ruiz. "Patawarin Niyo po ako Mahal kong Diyos! Patawarin Niyo po ako! Pinangakuan ako ni Satanas na kapag nagtagumpay kaming pabagsakin Kayo ay bibigyan niya ako ng mataas na posisyon. Mas mataas pa sa pinuno ng mga anghel. Patawarin Niyo po ako."
"Pinapatawad na kita aking anak. Maraming salamat dahil nagsabi ka ng totoo." Mas lalo pang nagliwanag ang langit.
"Maraming salamat Mahal kong Diyos."
"Dahil dyan ay tatanggalan ko na lamang kayo ng mga pakpak. Matatandaan niyo pa rin ang lahat. Kung nais niyong maging tao o kampon ni Satanas ay inyo na iyong desisyon." Saka biglang nagdilim ang paligid.
"Hindi! Hindi! Wag po Mahal kong Diyos!" Sigaw ni Jacob Ruiz.
Saka naman sila naglaho nila Angelus at Salomon. Pinagmasdan niya ang paligid. Sila ay nasa buwan.
"Ito ang iyong magiging kaparusahan Mahiwagang Babaylan. Habang panahon ka nang maninirahan sa buwan. Maliban sa pagdarasal para sa mundo at mga tao ay ikaw ang magsisilbing mata nila. Makikita mo ang lahat ng nangyayari sa mundo. Parang ikaw ang katuparan ng itim na salamin. Minsan sa isang buwan ka lamang makakababa sa lupa. Iyon ay sa unang gabi ng kabilugan ng buwan. Tanging sa lugar na papatakan ng iyong luha ka lang makakapunta. Kailanman ay hindi ka na makakaakyat ng ulap at langit. Dahil sa lagay ni Angelus ay magiging malaya siya ngunit kailangan mo pa rin siyang bantayan dahil wala na siyang puso at ikaw lang ang susundin niya." Sinaad na ni Salomon ang kanyang kaparusahan.
Napaluha na lamang siya. "Tinatanggap ko ang aking kaparusahan. Humihingi ako ng tawad sa nagawa naming kasalanan ni Angelus. Patawad Panginoong Diyos." Saka siya lumapit kay Salomon. "Maaari mo bang sabihin sa Diyos na may malagim na mangyayari sa mundo, sa mga tao dalawampung taon mula ngayon. Magtatagumpay ang kasamaan. Isang grupo ng mga demonyo at masasamang anghel at tao ang magpapabagsak sa kabutihan. Iyon ang nakita ko sa itim na salamin."
"Alam yan ng Diyos. At pinapasabi Niyang ikaw din ang makakatulong sa mga tao sa panahong iyon. Kapag napagtagumpayan mo 'yon ay mawawala na ang kaparusahan sa iyo." Saka biglang nawala si Salomon.
Ibinaling niya ang paningin kay Angelus. "Mahal ko. Manatili ka lang sa tabi ko huh?"
"Oo mananatili lang ako sa tabi mo Mahiwagang Babaylan."
Sa sandaling iyon ay nagsimula na nga ang kaparusahan ng Mahiwagang Babaylan.
..........
Doon natapos ang paglalahad ni Alex kay Regiena tungkol sa kwento ng Mahiwagang Babaylan at ni Angelus. Nakaramdam siya ng sakit sa kanyang dibdib nang malaman ang kwento ng mga ito. May kung anong kirot at simpatya siyang nadama sa mga ito. Lalo pa't isa rin siyang fallen angel.
"Kung gayon pala ay dapat talaga nating paghandaan ang magaganap sa Linggo, sa unang gabi ng kabilugan ng buwan. Hindi iyon dapat masayang." Saad ni Regiena. Pursigido na siya.
"Oo. Magsisimula na tayong maghanda." Ngunit lumapit muna ito sa kanya. "Bago 'yun ay nais kong malaman kung bakit mo ako hinalikan kagabi. Ano'ng ibig sabihin 'non Regiena?" Tanong nito.
Natigalgal naman siya. "Huh? Ah eh..."