“WHO ARE you?”
Pinamaywangan ni Pippa ang lalaki na tila nakabawi na. Nang marinig nito ang tawa niya ay biglang humulas ang takot sa anyo nito, tila nabatid na tao pala siya at hindi maligno. Pagtayo nito ay bahagya pang bumuway. Tutulungan sana niya ito ngunit tila kaagad din nitong nabawi ang kontrol sa katawan.
“I should be the one asking you that. Who are you? What are you doing in my house?” tanong niya habang nakahalukipkip. Bigla niyang naalala na trespasser ang lalaki. Kahit na tila magaan ang kayang kalooban sa presensiya nito, hindi pa rin siya dapat na magpakakampante.
Natigilan ang lalaki. “Your house?” Halos maging isang linya ang mga kilay nito, saka inilibot ang paningin sa paligid. Nabasa niya ang rekognasyon sa mga mata nito. “I’m in the right house. Are you sure you’re in the right house?”
Tumikwas ang isang kilay ni Pippa. Siya pa ang tinanong nito. “Of course I’m in the right house. Who are you?”
“This is Cedric’s house, I’m sure. Sigurado rin ako na hindi ikaw ang katiwala. You don’t look old. Ikaw ba ang napakiusapan ng katiwala na maglinis-linis sa bahay? Akala ko ba hindi ka stay-in?”
“Cedric? You know Cedric?” Kaibigan ba ito ng pinsan niya? Noon lang niya naalala na nakabalik na pala ng bansa si Cedric. Hindi alam ng pinsan na naroon siya kaya ipapagamit nito sa lalaking ito ang bahay? Kahit na paano ay napanatag na ang kalooban ni Pippa. Hindi naman siguro ipapagamit ng pinsan niya ang bahay sa masamang tao.
“You know him, too?”
“Pinsan ko siya.”
Hindi nawala ang kunot sa noo ng lalaki. Pinagmasdan nitong maigi ang kanyang mukha, tila pinaghihinalaan pa siyang sinungaling at manloloko.
“Call him.”
Hindi na yata kailangang sabihin iyon ni Pippa dahil nakalabas na ang cell phone ng lalaki at kaagad na tinawagan ang pinsan niya. Nagtungo na lang siya sa kusina. Ayaw pa sana niyang malaman ni Cedric na naroon siya ngunit wala naman na siyang magagawa pa. Alam din naman niya na hindi niya maitatago nang matagal ang kanyang presensiya roon. Inihanda na lang niya ang sarili sa pagsulpot ni Cedric isa sa mga araw na darating.
Naglabas siya ng sampung pakete ng instant pancit canton sa cupboard. Habang hinihintay na kumulo ang tubig ay inilabas niya ang loaf bread, sandwich spread, dalawang lata ng corned beef at malaking karton ng orange juice.
Nilalagyan na niya ng seasoning ang pancit canton nang marinig ang tinig ng lalaki. Kausap na nito sa cell phone si Cedric. Sa wakas ay naikonekta rin nito ang tawag.
“Somone is in here, Ced. I don’t know her name. She wouldn’t tell me. Akala ko ba nasa Samar ang caretaker mo? What? Ano ang hitsura niya? Bruha! Mukha siyang bruha!”
Hindi napigilan ni Pippa ang mapangiti. Nakikinita-kinita niyang nakangiti na rin sa kasalukuyan si Cedric. Madalas siya nitong tuksuhing bruha noong mga bata pa sila dahil sa buhok niyang kulot na nga ay buhaghag pa.
Nagpatuloy ang lalaking kasama niya. “Kulot na kulot na kulot ang buhok at pula ang mga mata— What? Why are you laughing? Pinsan mo! May pinsan ka na narito at hindi mo sinabi sa `kin? Pare naman, ang linaw ng usapin natin. I wanted a place where I can be alone.” Natahimik ito sandali. “Wait, I’m gonna look for her. Where are you?”
Sa palagay ni Pippa ay para sa kanya ang huling pangungusap ng lalaki. “Kusina,” tugon niya. Hindi nagtagal ay pumasok ang lalaki sa kusina.
Inabot nito sa kanya ang cell phone. “Kakausapin ka raw ni Cedric.”
Kinuha niya ang cell phone sa kamay nito at pinalitan ng can opener. Itinuro niya ang dalawang lata ng cornbeef dahil mukha itong clueless habang nakatitig sa can opener. “Pakibuksan na at pakisalin sa plato pagkatapos para makakain na tayo.” Inilapat niya sa kanyang tainga ang aparatong hawak. “O, Kuya,” kaswal niyang bati sa pinsan.
“Are you okay?” kaswal nitong tanong.
“Hah! You don’t sound surprise. Binuking din pala ako ni Marti sa `yo.” He knew all along. Hindi niya napigilan na makadama ng kaunting inis.
“Actually, si Manang Fe ang tumawag sa `kin.”
“You sent someone.” Napatingin si Pippa sa estrangherong lalaki na nabuksan na ang de-lata. “Ang sabi niya ay kaibigan mo siya.”
“Yes. Kailangan niya ng lugar para makapag-isip nang maayos. Isang lugar na payapa at tahimik. You don’t mind sharing the house with him, right?”
Hindi mapaniwalaan ni Pippa ang mga naririnig mula sa pinsan niya. “Seriously? Babae po ako. Lalaki siya.”
“Bakit mo naman bibigyan ng malisya ang lahat? I trust Ike. He’s a gentleman. You’ll be fine.”
‘Ike’ pala ang pangalan ng lalaking kasama niya. “Thanks for the concern,” malamyang tugon niya.
“It’s not as if you’re a virgin.”
“Geez! I don’t know what to say.”
“Plus, you’re a divorcée and you lived in LA half of your life. Ang kaibigan ko nga ang dapat kong alalahanin.”
“Cedric!”
Natawa ang nasa kabilang linya. “I have to go. Take na raw sabi ni Direk.” Bago pa man siya makapagsalita ay putol na ang koneksiyon.
Napapailing-iling na ibinalik niya sa lalaki ang cell phone nito. “I’m Pippa Car— Ibañez. You are?”
Inilahad ng lalaki ang kamay sa kanya. “Ike Agustin.”
Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “Tagasaan ka?”
“Manila.”
Pinaupo na niya si Ike sa harap ng hapag. “Kain na.” Nagsalin siya ng orange juice sa isang baso at inilapag sa harap nito. “Matagal ka ng kaibigan ng pinsan ko?”
“Since college.” Pinakatitigan muna ni Ike ang pancit canton sa harapan nito bago nagsimulang kumain.
Pinalamanan ni Pippa ang loaf bread ng sandwich spread at inilapit sa lalaki. Naupo na rin siya at nagsimulang kumain. Naramdaman niya ang gutom. Naalala niya na hindi pa pala siya nakakapaghapunan. Ilang sandali na naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Pareho silang naging abala sa pagkain. Hindi nakaligtas sa kanya ang mabilis lang na agwat ng mga subo nito. Mukhang gutom na gutom si Ike.
“Uhm... thanks...” anito pagkaubos nila ng mga pagkaing inihanda niya. “Hindi ko alam na ganoon na ako kagutom. Almusal ang huling kain ko. Hindi ako nakapagtanghalian. Napagod ako sa pagmamaneho. Salamat.”
Nginitian niya ito. “You’re welcome. Kaya ka nga siguro hinimatay dahil sa gutom at pagod.” Pinigilan niya ang sarili na mapabungisngis. Hindi niya inakala na maaaring himatayin ang isang lalaking kasinlaki nito dahil sa sindak. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na baka katulad ito ng dati niyang asawa.
Namula ang mukha ni Ike, hiyang-hiya. “Don’t laugh at me!”
Hindi niya napagilang mapahagikgik. “I’m sorry. Hindi ko lang naisip na magiging epektibo ang ginawa ko. Sorry kung sinindak kita. Hindi naman kasi sinabi ni Kuya Ced na parating ka. Akala ko, katulad ka ng iba na pinagbibintangan akong mangkukulam.”
Pinagmasdan nito ang mukha niya. “Bakit, hindi ba? Hindi nga ako nakakasiguro kung tao ka.”
Natawa na naman si Pippa. It surprisingly felt so good. Hindi niya maalala kung kailan siya huling tumawa nang ganoon.
“Bakit ba kasi ganyan ang hitsura mo?”
“Panakot lang. Inatake ako ng kabaliwan. Don’t worry, hindi ko naman ginagawa nang madalas. Saka ko na ikukuwento sa `yo ang dahilan ng pagiging ganito ko. Sa ngayon, late na.” Tumayo na siya mula sa kinauupuan. “Ihahanda ko lang ang kuwarto ni Kuya Ced para sa `yo.”
“Is it okay for me to stay here? Kahit na ngayong gabi lang. I’ll leave tomorrow morning.”
Natigil si Pippa sa paglabas ng kusina at nilingon si Ike. “You can stay as long as you want. Gusto ni Kuya na makapagbakasyon ka rito. Kung tutuusin, mas bahay ito ng pinsan ko kasi siya naman ang nagpagawa at nagpaganda rito.”
“Hindi ka maiilang o matatakot?”
Umiling siya. “Mas takot ka pa sa `kin, eh,” tudyo niya.
Namula na naman ang mukha nito. “Look, I told you—”
“Pinagkakatiwalaan ka ni Kuya,” aniya bago pa man matapos ng lalaki ang sasabihin. “Mapili sa kaibigan ang kuya ko. Hindi siya basta-basta na lang magpapatira ng kung sino-sino sa bahay ng lola namin kung hindi niya pinagkakatiwalaan nang lubos. I won’t throw you out. Malaki naman itong bahay para sa ating dalawa. I’ll do my thing, you do yours. Hindi kita aabalahin basta hindi mo ako aabalahin. Pero kung naiilang ka o mas gusto mong mag-isa talaga, nasa sa `yo naman `yan. Basta you’re welcome to stay here. Pag-isipan mong maigi.” Dahil pinagkakatiwalaan ni Cedric si Ike, mas komportable na si Pippa na makasama sa isang bubong ang lalaki. Hindi lubos ang kanyang pagtitiwala ngunit kampante siya.
Itinuloy na niya ang pagpunta sa silid ni Cedric. Hindi siya sigurado kung gusto niyang manatili o hindi si Ike. Gusto niya ang payapa at tahimik na buhay roon. Gusto niya ang kanyang pag-iisa. Ngunit hindi rin niya maikakaila na may mga pagkakataon na naghahanap siya ng kasama at nalulungkot sa pag-iisa. Minsan ay naghahanap siya ng makakausap kapag walang maisip na idugtong sa kanyang isinusulat. May mga pagkakataon na naghahanap siya ng makakausap tungkol sa kanyang frustration at tungkol sa lungkot na nararamdaman pa rin dahil tuluyan nang nawala sa kanya ang kanyang asawa.
Hindi marahil tamang isipin na ang estranghero ang kailangan niya. Mukhang hindi naman ito ang tipong makikinig sa saloobin ng isang malungkot na diborsiyada. Sumagi lang sa isipan niya na baka may dahilan kung bakit dumating sa buhay niya si Ike.
Napapapailing na napapabuntong-hininga si Pippa habang nilalagyan ng punda ang unan. Saan nanggagaling ang ganoong kaisipan? Daig pa niya ang bida sa isang corny na romantic film. Epekto marahil iyon ng kanyang trabaho.
Mag-iiba ang lahat sa umaga. Baka nga magdesisyon si Ike na huwag nang manatili. Baka bumalik din kaagad ang lalaki sa pinanggalingan nito.