“AKO NA ang humihingi sa `yo ng pasensiya, hija. Hindi mo na talaga maiaalis ang maling paniniwala ng mga tagarito. Ako’y nahihiya na sa `yo. Pangalawang insidente na ito at naabala ka na nang husto. Bukod pa sa abala ay nakasira na sila. Hayaan mo at pagsasabihan kong maigi sina Ising upang hindi na maulit ang pangyayaring ito. Ako na ang magpapagawa nitong gate mo kapag natanggap ko na ang padala ng anak ko. Maraming salamat at hindi mo na sila idinemanda.”
Bakas sa mukha ng may-edad na kapitan ang pagkapahiya at matinding dismaya. “Kalimutan na lang po natin ang nangyari. Ako na lang po ang iintindi. Mahirap naman kasi ang pinagdadaanan ng mag-asawa. Hindi lang marahil sila makapag-isip nang tuwid dahil sa mga kinakaharap na problema.”
Nagkamali si Pippa nang inakalang matatahimik siya sa Baryo Gaway. Akala niya ay nakalimutan na ng mga tagaroon ang akusasyon sa lola niya. Mabilis na kumalat sa buong baryo ang kanyang pagdating. Noong una ay hindi siya pinapansin ng mga tao. Halos ilag ang karamihan sa kanya. Nanaig din marahil ang curiosity tungkol sa kanyang pagkatao kaya may mangilan-ngilang tao na nangahas lumapit at kausapin siya. Pinakiharapan naman niya ang mga ito nang maayos. Ang mga humingi sa kanya ng tulong ay kanyang pinagbigyan. Halos ipamigay na rin niya ang lahat ng tanim na gulay at prutas ni Manang Fe sa bakuran.
Naging mabait naman ang ilang tao sa kanya. Nagsimula lang magkagulo ang lahat dahil sa isang batang lalaki. Anak ito ni Aling Ising, ang labandera at tagalinis niya. Lumapit ang ginang sa kanya at hiniling na kunin niya itong tagalinis at tagalaba habang wala si Manang Fe. Nakita niya na nangangailangan ang ginang kaya tinanggap niya kahit na kaya naman niya ang mga gawaing-bahay. Wala naman siyang maid sa Los Angeles.
Madalas isinasama ni Aling Ising ang anak na lalaki sa bahay tuwing naglilinis at naglalaba. Hindi nagustuhan ni Pippa ang bata dahil masyadong makulit at pasaway. Isa itong perpektong ehemplo ng batang hindi nadidisiplina nang maayos. Napansin niya na mahilig maglaro ng apoy ang bata, mahilig ding paghahabulin ang mga manok at kapag nakahuli ay halos balian na ng pakpak. Minsan ay nakita niya itong inilalambitin nang patiwarik ang isang pusa, at nang sawayin niya minsan ay minura pa siya.
Kinausap ni Pippa si Aling Ising tungkol sa maling asal ng anak at nangako naman ang ginang na pagsasabihan ang bata. Hindi naman nagbago ang bata. Tila mas lumala pa. Nang mahuli na niyang nasa loob ng kanyang silid ang bata at pinakikialaman ang wallet niya ay nagdesisyon siyang huwag nang kunin ang serbisyo ni Aling Ising. Kinausap naman niya ang ginang nang masinsinan at inakalang nagkaintindihan sila.
Hindi naman niya alam na numero-unong tsismosa pala si Aling Ising sa baryo. Ipinagsabi nito sa buong baryo na masama ang ugali niya. Ipinagsabi pa ng matanda na hindi niya ito pinapakain nang tama samantalang ipinapauwi pa niya ang sobrang pagkain minsan. Masyado raw niyang pinahihirapan si Aling Ising, samantalang iilan lang naman talaga ang mga damit niya na nilalabhan nito. Hindi rin siya makalat sa bahay kaya halos wala rin naman itong nililinis.
Nag-iba ang tingin ng mga tao kay Pippa dahil sa mga sabi-sabing iyon. Tumigil na ang mga taong nanghihingi ng mga gulay. Hindi na siya binabati ng mga dumadaan kapag lumalabas siya ng bahay.
Nalaman niya na sadyang namasukan si Aling Ising sa kanya upang makakalap ng mga impormasyon. Nangangailangan din marahil talaga ito ngunit mas lamang ang kagustuhang makakalap ng itsitsismis sa mga kabaryo nila. Nalaman niya na inudyukan si Aling Ising ni Aling Mercy, ang biyuda ni Mang Uste. Magkamag-anak pala ang dalawa. Kaya pala hinahayaan lang ni Aling Ising ang anak na inisin siya palagi. Plano yatang gumanti ng biyuda ni Mang Uste kay Lola Consuelo sa pamamagitan niya.
Labis na nainis si Pippa. Nang minsang makita niya si Aling Ising sa tindahan ay hindi niya napigilan ang sarili na lapitan ang ginang. Naging mahinahon naman siya at hindi nagtaas ng tinig. Sinabi lang niya na kung may problema sa kanya ang matanda ay mas maigi kung kakausapin siya nito nang maayos. Mas maigi kung magkakausap sila nang masinsinan upang maliwanagan ang mga issue. Ayaw niya na kung ano-anong impormasyon ang ipinagsasabi nito sa buong baryo.
Lalo yatang napalala niyon ang lahat. Nagulat na lang si Pippa nang isang gabi ay sinugod siya ni Aling Ising kasama ang asawa nito. May dalang itak ang mag-asawa, inaakusahan siya ng kung ano-ano. Hindi niya gaanong maintindihan ang sinasabi ng mga ito dahil naghehesterikal ang mag-asawa. Isang salita lang ang tumimo sa isipan niya. Mangkukulam. Inakusahan siya ng mga ito na mangkukulam katulad ng lola niya.
Maigi na lang at napadaan nang gabing iyon si Kapitan David. Naagapan nito ang karahasang planong gawin ng mag-asawa sa kanya. Takot na takot siya at halos hindi nakatulog. Kinabukasan na lang niya nalaman ang buong kuwento. Inapoy ng lagnat ang anak ni Aling Ising na palagi nitong kasama sa pagpunta sa bahay niya. Nang ipatingin ng mga ito ang bata sa albularyo sa kabilang baryo ay sinabi raw na tao ang may kagagawan niyon. Hindi raw direktang sinabi ng albularyo ang pangalan ni Pippa ngunit bagong salta raw ang may sala. Siyempre, siya lang naman ang bagong salta sa baryo.
Naayos naman kaagad ang gusot sa pagitan nila dahil sa kapitan ng baranggay. Maigi na lang at malawak ang kaisipan ng kapitan at hindi gaanong nagpapaniwala sa kulam. Ngunit hindi na nagbalik sa dating katahimikan ng buhay ni Pippa sa baryo. Hindi rin nakatulong na kamag-anak pala nina Aling Ising ang halos lahat ng malapit na kapitbahay niya. Natural na nagkampihan ang mga ito.
Kahit na maliit na bagay ay ibinibintang na sa kanya mula noon. Kapag may nagkaroon ng sipon at lagnat, siya kaagad ang itinuturong may kagagawan kahit na hindi pa man niya nakikita ang batang tinutukoy. Siya rin ang sinisisi ng pagdating ng mga peste sa mga palayan. Nagsilabasan ang mga igat sa palayan. Hindi rin daw umeepekto ang gamot sa mga lumilipad na insekto. Wala na raw aanihin ang mga tagabaryo dahil sa kanya.
May paliwanag naman ang munisipyo ukol doon ngunit siyempre, ayaw iyong pakinggan ng mga tao. Siyempre, hindi maaaring kasalanan ng kalikasan. Noon lang daw lumabas ang mga igat sa palayan. Dati naman daw ay umuubra ang mga gamot na ini-spray. Dumating lang daw si Pippa ay minalas na ang mga ito. Ilang magsasaka ang sumugod sa kanya nang nagdaang gabi at sinira ang kanyang gate. Kaagad siyang nagreklamo sa kapitan. Hindi naman niya paaabutin sa demandahan ang lahat, nais lang niyang kausapin nito ang mga salarin upang hindi na maulit ang paninira.
Ayaw na sanang magpaapekto ni Pippa. Ayaw na niyang magalit. Nais niyang intindihin ang mga ito ngunit nahihirapan siya. Kailangan ng mga tao ng sisisihin at convenient siya. Hindi pa rin ganap na bukas ang kanilang isipan sa maraming bagay. Nakikita marahil ng karamihan sa mga ito ang kanyang lola sa kanya. Ang lola niya na kayang maghasik ng lagim at kamalasan.
Paano nga ba iintindihin ang ganoong klase ng mentalidad? Bakit kailangang may masisi ang isang tao sa lahat ng hindi magagandang nangyari sa buhay nito? Nakakatulong ba iyon upang makatulog ang mga ito sa gabi? Mas nakakagaan ba ng loob kapag ay naituturo ka?
Hindi ba naniniwala ang mga tagabaryo sa coincidence o kahit na sa climate change? Bakit hindi tanggapin ng mga tao na nagkakaroon na talaga ng immunity ang mga insekto? Napapaisip din minsan si Pippa. May tao nga ba na nakakatawag ng mga peste?
Hindi rin naman siya makaalis sa baryo. Kahit na ganoon ang mga tao roon, may maliit na bahagi sa kanya ang fascinated. Siguro, masyado na siyang matagal na nanirahan sa isang bansa na napakamoderno ng tingin sa mundo at mabilis ang pag-usad. Siguro, fascinated siya sa Baryo Gaway dahil sa tindi ng paniniwala ng mga tao roon sa kulam at mahika. Fascinated din siya sa simpleng pamumuhay roon.
Isa pa, sa kabila ng kaunting kaguluhan ay maayos siyang nakakapagtrabaho roon. Kakatwa na maganda ang daloy ng mga ideya. Kahit na inis na inis ay tuloy-tuloy pa rin ang kanyang mga daliri sa pagtipa.
Pagkatapos mag-isip-isp ay napagpasyahan ni Pippa na huwag nang gaanong matakot. Nabatid niyang hindi siya totoong sasaktan ng mga tao. Matibay ang paniniwala ng mga ito na isa siyang mangkukulam, na ipinasa sa kanya ni Lola Consuelo ang kakaiba nitong kakayahan. Natatakot ang mga tao na mangyari uli ang nangyari noon kay Mang Uste.
“Maraming salamat, hija, sa pag-intindi mo. Mauuna na ako kung wala ka nang kailangan ngayon. Tawagan mo na lang ako kapag nagkaroon ka uli ng problema.”
“Maraming salamat din po.” Inihatid ni Pippa ang kapitan hanggang sa labas ng gate. Napangiwi siya nang makita ang nasirang gate. Madali nang makakapasok ang sinuman sa bakuran. Sana ay hindi na maulit ang panunugod sa kanya. Sana ay hayaan na siya ng mga tao sa kanyang pananahimik.
Pabalik na siya sa loob ng bahay nang tumunog ang kanyang cell phone. Tumigil siya sa paglalakad at sinagot iyon. Si Martinna ang tumatawag.
“Kumusta ka naman diyan?” tanong kaagad nito pagkasagot niya. Bahagya na niyang naikuwento sa pinsan ang mga nangyayari doon. “Umuwi ka na lang dito uli, Pip.” Nang malaman ang hindi magandang pagtrato sa kanya ng mga kapitbahay ay iginiit na nito ang pagbalik niya sa Los Angeles. Nag-aalala si Martinna sa kanyang kaligtasan.
“I’m okay. Kaya ko `tong mga tao rito. Did you tell anyone I’m here?” Usapan nila na wala itong pagsasabihan kahit na kanino.
“I want to tell Kuya. Kailangan mo kaya ng kasama diyan.”
“He’s busy. `Wag mo na siyang gaanong abalahin. Ang alam ko, next week ang balik niya from Europe.” May mga show si Cedric para sa mga Filipino community roon.
“Tatlong linggo ka na diyan, Pip. Baka sapat na ang panahon na `yan. Araw-araw pa rin akong kinukulit nina Heith at Ed. They want to know where you are.”
“Don’t tell them, please. I need more time, Marti. I really, really need to be away. Maayos naman ako, trust me. I can take care of myself. I am so fine. I think I’m doing great with my new book.”
“You’re not lying?”
She rolled her eyes heavenwards. “I’m not lying.”
Napabuntong-hininga si Martinna. “Okay. Take extra care. Kapag natapos mo na `yang ginagawa mo, umuwi ka na rito. Miss na kita.”
“Yes. Tell Heith I’m okay and it’s okay for him to be happy.” Pinalis ni Pippa ang lungkot na nagsisimulang umusbong sa kanyang puso. Matagal na siyang nagdesisyon na magiging okay at masaya na siya. She had set him free. He could be happy with the person he really loved.
Hindi niya maipapaliwanag sa kahit na kanino ang sakit na kanyang naramdaman. One person who didn’t experienced it could only imagine the excruciating pain. But she had to do what she had to do.
She survived. Now, she had to work for a living. Nagpaalam na siya kay Martinna at pumasok sa bahay.