"HEY!" malakas na untag ni Scarlet kay Moira at ikinaway pa nito ang isang kamay sa kanyang harapan.
Parang biglang natauhan na napatingin si Moira sa babae. "What?" kunot-noo niyang tanong.
Inirapan siya ni Scarlet at binalingan nito si Akira. "See, I told you, she's not listening."
"Tinatanong ka namin kung ano nangyari kahapon. Sabi kasi ni Perrie tinawagan mo siya, nagpapasama ka raw sa Tita niya. Magpapa-repeat ka raw rotation dahil si Miranda ang clinical instructor ninyo ngayon, is that true?" ani Akira na bakas sa singkit nitong mga mata ang curiosity.
Hindi siya sumagot, nakatuon lang sa mga ito ang kanyang tingin.
"Ano na naman ba ang nangyari? At saka bakit ba nakatulala ka d'yan?" nakatikwas ang kilay na sabi naman ni Scarlet. "Kanina pa tayo magkakaharap dito pero parang lumilipad 'yang isip mo."
Napabuntong-hininga siya bago tipid na sumagot, "Wala."
Umayos siya ng pagkakaupo, at saka dinampot ang green mango shake na nasa harapan. Hindi niya namalayan na siya na ang pinag-uusapan ng dalawa dahil okupado ng ibang bagay ang isip niya. Hindi mapuknat-puknat sa isip niya ang pag-uusap nila ni Slater kahapon.
"Ano'ng wala?" pakli sa kanya ni Akira. "P'wede ba namang maisip mo na magpa-repeat rotation nang wala lang? Tell us, hanggang ngayon ba hindi ka pa rin tinatantanan ng prof mo na 'yon?"
"Totoo ba talagang magpapa-repeat rotation ka?" dagdag na tanong pa ni Scarlet.
"Hindi na, okay na kami ni Sir Miranda. Nakapag-usap na kami," tugon niya.
"Pero sabi ni Perrie parang desidido ka na talagang i-boycott ang duty ninyo?" naguguluhang tanong ni Akira.
Ilang sandali siyang nawalan ng kibo habang pinaglalaruan ang straw ng kanyang inumin. Maya-maya ay napahugot siya nang malalim na hininga at saka seryosong tiningnan ang dalawa. "Ano'ng tingin ninyo sa ugali ko?"
Mukhang nagulat sina Akira sa tanong niya, nagtatakang napatanga ang mga ito sa kanya.
"I mean, we've been friends since grade school, 'di ba? So, kung may mas nakakakilala sa akin, kayo 'yon. So, ano ba'ng ugali ko? Masama ba? Intimidating ba ako?"
Naalala niya ang sinabi ni Slater na nakaka-intimidate siya at uncomfortable ang mga kaklase niya na makasama siya. Aminado siyang tahimik siya sa klase pero hindi naman niya gustong maka-intimidate ng kahit na sino. Ni hindi nga siya aware na iyon pala ang nararamdaman ng mga kaklase niya sa kanya. Ganoon naman kasi talaga siya, tahimik at hindi masyadong palakibo. Kung hindi siya lalapitan at kakausapin, hindi rin siya magsasalita. At ayaw rin niyang mapalapit sa mga tao na malaki ang expectations sa kanya, katulad na lang ng mga kaklase niya. Bakit? Kasi ayaw niyang makita ang mapanghusgang tingin ng mga ito once she failed to meet their expectations.
Nagkatinginan sina Akira at Scarlet na para bang pinag-iisipang mabuti kung paano sasagutin ang tanong niya. Tahimik niyang hinintay na magsalita ang mga ito.
Pagkalipas ng ilang sandali ay kagat ang ibabang labi na tiningnan siya ni Scarlet. Tila nag-aalangan pa itong magsalita. "Gusto mo ba talaga ng totoong sagot?"
"Natural!" sarkastikong pakli niya.
Biglang ngumisi si Scarlet na parang nakakaloko. "Oh, 'yan na ang sagot!"
Naningkit ang mga mata niya, ang akala yata ng babaeng ito ay nakikipagbiruan siya sa mga ito. "Scarlet, I'm serious," she said warningly.
"Fine! 'Eto na, seryoso na," pakli ni Scarlet at itinaas pa ang dalawang kamay. "Well, sa una, talagang intimidating ka. I felt uncomfortable being with you."
Parang may kumurot sa dibdib niya nang marinig iyon. Kung ganoon pala, pati ang mga matalik niyang kaibigan—na isang dekada na niyang nakakasama—ay ganoon din ang nararamdaman sa kanya.
"Hey! Bakit ganyan ang mukha mo? 'Di ba sabi ko naman, at first lang!" natatawang sabi ni Scarlet nang makita ang reaction niya sa sinabi nito.
Hindi siya umimik, kunwari na lang ay inirapan niya ito.
"Sa una lang naman kasi talaga 'yon," dagdag ni Scarlet, "Kasi dati, parang nakakahiyang magkamali sa harapan mo. Kung bakit naman kasi 'yong aura mo, perfect na perfect, eh! And then, alam ko din naman na I'm not that smart, so talagang nakakailang kapag kasama kita. But eventually, na-get over ko rin naman ang feeling na 'yon."
Muli niya itong tiningnan.
"Kasi kahit naman masyado kang magaling at matalino, alam ko namang mas maganda pa rin ako sa 'yo." Tumawa pa ng malakas si Scarlet pagkasabi niyon.
Maging siya ay napangiti rin sa hirit ni Scarlet.
"Hindi naman masama ang ugali mo, eh," singit naman ni Akira. "Sumpungin ka nga lang talaga, at saka sarcastic minsan."
"At parang nanay kung magsaway sa amin," tumatawa pa na dagdag ni Scarlet at binalingan si Akira. "'Di ba?"
"Oo nga," sang-ayon naman rito ng huli. "Bakit kaya ganoon 'no? Kapag sinasaway mo kami, parang 'yong tulad talaga kay Mommy na isang sitsit lang nagbi-behave na agad kami."
"Lalo na 'yong mga mata, titig lang hindi naman naniningkit pero iba talaga!" ani Scarlet na mukhang nag-i-enjoy sa pang-aalaska sa kanya.
Inirapan niya ang dalawa. Mukhang nagkamali siya sa pagtatanong sa mga ito, pinagti-trip-an tuloy siya. Sana pala ay sina Iona, Perrie or si Paige na lang ang tinanong niya ng ganoon.
"Tingnan mo 'to, pikon ka na n'yan?" puna sa kanya ni Akira.
"Hindi, ah," nakalabing tanggi niya.
"Anyway, bakit mo naman natanong 'yon?" ani Scarlet bago ito nagsubo ng nachos na naka-serve sa harapan nila.
"Gusto ko lang malaman kung gano'n din ba ang tingin ninyo sa akin," kibit-balikat niyang sagot. "That's what he told me kasi, sabi ni Sir Miranda nakaka-intimidate raw ako."
Ikinuwento niya sa mga kaibigan ang napag-usapan nilang dalawa ni Slater. Sinabi niya sa mga ito ang paliwanag na ibinigay ng lalaki sa kanya kung bakit parang ginigisa siya nito sa klase, pati na rin kung bakit nasabi ng lalaki na nai-intimidate sa kanya ang mga classmates niya.
"So, all this time na pinahihirapan ka n'ya inside your class, hindi naman pala dahil pinag-iinitan ka niya?" nakataas ang kilay na sabi ni Scarlet, na mukhang ayaw paniwalaan ang excuse na sinabi ni Slater sa kanya. "Ang gulo niya, ha!"
"Gaga! Reverse psychology ang tawag doon!" pakli ni Akira na pairap pang binawi ang mga mata kay Scarlet at binalingan siya. "Well, that's their opinion. Anyway, hindi ka naman kasi talaga nila kilala. In our case, sanay na kami sa 'yo, so we're not affected na whatever your mood is or kung si Miss Perfect ka man."
"Akala ko naman kung ano nang dahilan at nagtatanong ka ng ganyan," wika ni Scarlet na nanghaba pa ang nguso. "Huwag mo na ngang i-stress ang sarili mo nang dahil lang do'n. Hayaan mo silang isipin ang gusto nila, you don't need to please them."
Hindi siya umimik. Although tama si Akira na minsan ay sumpungin at sarcastic siya, hindi naman siya tulad ni Scarlet na walang pakialam sa sinasabi o iniisip ng ibang tao. Oo nga at hindi niya kailangang i-please ang lahat, pero ayaw rin naman niya na hindi maganda ang tingin ng ibang tao sa kanya.
Napahinga siya nang malalim. Wala naman sigurong masama kung susubukan niyang mas maging friendly ng konti. Wala namang mawawala kung gagawin niya ang payo ng professor niya.
"NEXT meeting we will discuss the type of diet recommended for patients with renal diseases. I might give you a pre-test, so you better read your books," paalala ng professor nila sa Nutrition and Diet Therapy.
Nangibabaw ang pag-angal ng mga kaklase niya. Next week ay may tatlo silang mastery exam, at ngayon ay madadagdag pa ang pre-test na iyon kaya naman nagpo-protesta na ang ilan sa kanila.
"Class dismissed," dagdag pa ng professor bago ito umalis sa harapan nila at lumabas ng silid.
Kumilos na rin ang mga estudyante at iniligpit ang mga ginamit sa katatapos lang na activity nila. Mabilis na inayos ni Moira ang kanyang gamit at pagkatapos ay bitbit ang kanyang bag na nilapitan niya sina Rj at Loisa.
Napahugot muna siya nang malalim na hininga bago nagsalita mula sa likuran ng mga ito, "Excuse me."
Sabay na napalingon sa kanya ang dalawa. Bakas ang pag-aalangan na nginitian niya ang mga ito.
"Yes?" kunot-noong tanong ni Loisa.
"Ahm... Can I join you guys for lunch?" lakas-loob niyang tanong. Halata sa mukha ng dalawa ang pagtataka kaya mabilis niyang dinugtungan ang sinabi. "Naisip ko kasi na i-discuss na natin ngayon 'yong tungkol sa case presentation na sinabi ni Sir Slater, 'yong ipi-present natin at the end of our rotation this month. Mas maganda kasi kung makapili na tayo ngayon pa lang ng case para makapagsimula na rin tayong mag-gather ng data."
Nagkatinginan ang dalawa. Pagkuway ay tinanguan siya ni Loisa. "Sure. Wait lang, I'll tell the others."
Ibinaling niya ang tingin kay Rj nang wala na si Loisa, nahuli niya ang lalaki na nakatingin sa kanya. Bakas pa rin sa mukha nito ang pagtataka. Tipid niya itong nginitian, tila napapahiya naman na nagbawi ito ng tingin. Alam niyang nagtataka ang lalaki sa bigla niyang pag-approach sa mga ito, hindi naman kasi niya iyon dating ginagawa. Madalas ay ang mga ito ang lumalapit sa kanya at nagtatanong kung ano ang gagawin para sa mga group activities nila.
"Moira!" malakas na tawag sa kanya ni Loisa, nasa may pinto na ito kasama sina Diody at ang iba pa nilang kagrupo. "Okay na!" Nag-thumbs up pa ang babae.
Tumango siya at binalingan si Rj. "Let's go."
Sa isang maliit na restaurant malapit sa eskuwelahan nagtungo ang grupo. Habang kumakain ay pinag-usapan nila ang kaso ng mga pasyenteng na-handle nila four days ago. Ilang minuto na silang naroon nang matanaw niya ang pagpasok ni Slater sa restaurant kasama ang ilan pang mga professor.
"Sir Slater!" tawag dito ng groupmate niyang si Tine, abot-tenga pa ang ngiti ng babae nang kawayan nito ang professor. Isa si Tine sa mga kaklase niya na lantaran ang pagpapa-cute sa binatang professor.
Napatingin sa gawi nila si Slater at nakangiti ring kumaway sa kanila pero natigilan ito nang dumako ang tingin nito sa kanya. Kiming nginitian niya ang lalaki bago siya nag-iwas ng tingin.
Ipinagpatuloy ng grupo ang usapan. Sinikap niyang ituon doon ang buong pansin pero hindi niya malaman kung bakit hindi siya mapakali. Nag-angat siya ng tingin at wala sa loob na dumako ang mga mata niya sa kinaroroonan nina Slater. Natigilan siya. Kaya pala ganoon ang pakiramdam niya na parang mayroong nagmamasid sa kanya ay dahil nakatingin nga sa kanya ang professor.
"Moira," ani Diody na umagaw ng kanyang atensiyon.
Tiningnan niya ang kaklaseng lalaki.
"Ano? Tingin mo ba okay na iyong case ng patient ni Rj para sa presentation?" tanong ni Diody.
"Ha? A-ano'ng case?" aniya na tila nawala sa isip ang mga pinag-uusapan nila.
"Hemochromatosis," tugon sa kanya ni Rj.
Hindi siya sumagot, sa halip ay tiningnan ang maliit na papel na pinagsulatan niya ng mga cases na i-s-in-uggest ng mga kagrupo. Ilan na sa mga iyon ang na-cross out niya, tatlo na lang ang natitira na pinagpipilian nila. Nakagat niya ang ibabang labi habang pinag-iisipan kung alin sa mga iyon ang magandang gamitin na topic sa kanilang case presentation.
"What do you think, guys? Okay na ba iyon sa inyo?" balik-tanong niya sa grupo.
Nagkatinginan ang mga ito. Walang nagsalita sa grupo, pero pakiramdam niya ay iyon din ang gusto ng lahat.
"Okay, 'yon na ang topic natin," aniya na tipid pang ngumiti.
"Talaga?" tila hindi makapaniwalang sabi ni Rj.
Tumango siya at isinilid na sa kanyang bag ang tangan na papel at ballpen. "Ihahanda ko na ang request para payagan tayo ng hospital na mag-gather ng kailangan nating data, then tomorrow we'll ask Sir Miranda and the clinical coordinator to sign it."
Ilang sandali pa, pagkatapos nilang mananghalian ay nagyaya na sila Loisa na bumalik na ng campus. Bago sila umalis ay muli siyang napatingin sa lamesa nina Slater. Nakatingin rin sa kanila ang lalaki, at nang magtama ang kanilang mga mata ay ngumiti ito at marahan siyang tinanguan. Ginantihan niya iyon ng tipid na ngiti bago sumunod kina Diody palabas ng restaurant.