Pagtakas sa Casa
BAGONG ligo si Luisa, at nakatapi lang ng twalya habang naglalakad sa pasilyo ng Casa na naging tirahan niya. Ibang-iba na ang mga kilos niya. Wala na ang pagiging kimi at inosenteng Luisa na unang dumating sa lugar na iyon. Sa maigsing panahon ay natutunan niyang makiayon sa takbo ng buhay sa impyernong bahay na napuntahan. Isang impyerno sa lupang puntahan ng mga dimonyong hayok sa laman. Impyernong tirahan ng mga hubad na anghel na pumapayag pagpasasaan at babuyin ng kung sino-sinong lalaki kapalit ng salapi.
Malaya na nga siyang nakalalabas ng silid na nakalaan para sa kanya. Nakapaglalakad na siya sa loob ng tinutuluyan nang walang sumusunod at nagmamatyag. Nakuha na niya ang tiwala ni Madam Gigi kung kaya maluwag na ito sa kanya.
"Paano kaya ako makakalabas dito?" Naitanong niya sa sarili habang pasimpleng inililinga ang paningin sa paligid at sa may kataasang pader. Pinapamilyar sa paningin ang bawat sulok na maaring lusutan upang makalabas.
"Kailangang maging handa ako at makapag-planong mabuti. Ayokong matulad sa mga kasamahan kong basta na lamang tumakas nang hindi pinag-isipan at hindi pinaghandaan. Lalabas ako ng buhay sa lugar na ito!"
Napapitlag siya nang makita ang isang tauhan ni Madam Gigi sa 'di kalayuan. Agad niyang inihulog ang hawak na suklay, yumukod at dinampot, at saka patay malisyang lumiko at pagkatapos ay normal na naglakad pabalik sa kanyang silid. Dinig niya ang pagkabog ng dibdib. Ramdam niya ang panlalamig at pamamawis ng mga palad. Malakas man ang loob sa binabalak ay hindi pa rin niya maiwasang kabahan. Nakadarama pa rin siya ng takot. Alam niyang oras na matunugan ng mga bantay ang binabalak niya ay magsusumbong agad ang mga ito sa babaeng namamahala ng Casa, kay Madam Gigi. Dalawa lamang ang kahahantungan niya. Ang maging talamak na adik sa ipinagbabawal na gamot upang maging sunud-sunuran sa mga gustong ipagawa sa kanya, o ang ilabas sa bahay na iyon na magkapantay ang malalamig na mga paa. Kaya maingat na maingat siya. Walang dapat makaalam sa mga plano niya, kahit na ang mga kasamahan niya. Iniwasan niya ang makipaglapit sa kahit na sino sa mga ito. Wala siyang pinagkakatiwalaan. Karibal ang turing ng bawat isa sa kanila. Kakumpitensya sa hanap-buhay na binigyan na ng magandang dahilan upang masikmurang gawin. Ang ilan ay nagustuhan na at nakasanayan na dahil sa kahirapan ng buhay at paghahangad na kahit paano ay mairaos ang pamilyang nagugutom. Ang ilan naman sa kanila ay wala na lamang pamimilian pa at hindi na maamin sa mga mahal sa buhay ang kinasadlakan dahil ang akala ng mga ito ay maganda at maayos ang trabahong napasukan. Kanya-kanya sila ng katwiran. Kanya-kanya ng pinaniniwalaan at prinsipyo sa buhay. Iba sila, iba siya. Tatakas siya!
Madalang lang siya kung magsalita. Nakikitawa at nakikihalubilo sa iba pang mga kasama subalit nananatiling nakamasid at laging nakikiramdam. Hindi niya sigurado kung ang iba sa kanila ay tauhan ni Madam Gigi na nagre-report ng mga pinag-uusapan nila at ginagawa. Hindi niya ipagkikibit balikat ang posibilidad ng kanyang hinala. Sa lugar na iyon ay napakarami niyang natutunan. Maging magulang at madaya. Maging sinungaling at mapagpanggap. Sanay na siyang makipag-plastikan, lalung-lalo na kapag kaharap niya at kausap si Madam Gigi at ang iba't ibang kostumer na kailangang pakiharapan nang maayos at lambingin kahit nakasusuka ang itsura at mga amoy. Isa na nga siyang mahusay na puta kung tutuusin.
HABANG nakikinig sa masayang kwentuhan ng mga kasama at pasalit-salit na pagsulyap sa screen ng telebisyon ay may naisip siya. Lumikot ang kanyang mga mata.
"Kung magkakasunog dito ay tiyak na magkakagulo at magtatakbuhan ang lahat palabas. Makakasalisi ako sa pagtakbo. Hahalo ako sa karamihan para hindi mapuna. Kung magkakagan'on, makakalabas ako nang walang pipigil at hahabol sa akin. Makakatakas ako!"
Nangiti siya sa naisip na gagawin. Ang tensyon at pananabik ay magkahalo niyang naramdaman habang patuloy naman sa pagtutuksuhan at tawanan ang mga kasama niya. Napapangiti siya hindi dahil sa mga kapilyahan at pamimintas ng mga ito sa kani-kaniyang kostumer kung 'di sa planong naglalaro sa kanyang utak. Nailalarawan na niya sa isip ang itsura ng Casa oras na magkagulo. Oras na magkasunog!
Nakuha niya ang ideya sa napanood na balita. Hindi iyon pansin ng mga kasamahan niyang malakas na nagtatawanan dahil sa pinag-uusapan. Hindi naman siya nagpapahalatang ang atensyon ay nasa tinitignang palabas. Iniisip niyang palaging may mga matang nakamasid sa kanya kaya hindi siya nakalilimot maging maingat, mas maging maingat.
Nang isa-isa nang nag-alisan ang mga kasama ay nakisabay na rin siya. Masaya rin siyang nakikitawa sa mga ito habang naglalakad sa pasilyo. Ngunit ang totoo ay nakikisabay lang siya sa pagtawa dahil wala naman siyang naiintindihang kahit ano. Wala roon ang isip niya dahil pinag-aaralan na niyang mabuti ang gagawin. Hindi niya gustong makapinsala ng kapwa subalit wala na siyang maisip na ibang paraan. Kailangan na niyang kumilos bago pa mahuli ang lahat!
MARAMING kostumer nang gabing naipasya niyang isagawa ang binabalak. Ilang araw at gabi ang ginawa niyang paghahanda. Pinag-aralan at pinag-isipan niyang mabuti ang dapat gawin.
Matapos makipagtalik sa huling kostumer ay nagkunwa siyang nadudumi. Alam na niya ang pinaglalagyan ng reserbang tangke ng gas. Nasa gawing likuran lang iyon ng opisina ni Madam Gigi. Matapos luminga sa paligid at makitang walang taong makapupuna sa kanya ay mabilis niyang pinasok ang bodega.
Napangiti siya nang makitang hindi lang isa kung 'di dalawang tangke ng gas ang naroroon sa loob. Pinihit niya ang bukasan ng mga iyon at hinayang sumama ang singaw sa hangin.
"May isang magkamali lang na magsindi, o maghagis ng sigarilyo sa lugar na ito ay tiyak na masusunog ang putahan mo, Madam Gigi. Kailangan lang ay hindi muna maamoy ng mga tuta mo ang gas sa hangin upang magkaroon ng pagsabog. Kailangang may gumawa ng gano'n bago matuklasang may nagbukas ng mga tangke. Kung hindi ay marami ang malilintikan dahil sa kagagawan ko. Isang iresponsableng naninigarilyo lang ang kailangan ko at makatatakas na kaming lahat sa lugar na ito!"
Pagkatapos ng ginawa ay maingat siyang naglakad palayo. Hindi na siya bumalik sa silid. Naisip niyang kapag sumabog ang tangke ay magtatakbuhan na at mahihirapan na siyang makalabas.
Mayamaya pa ay ...
Dalawang magkasunod at malakas na pagsabog ang narinig niya!
Kasunod ang malakas na sigawan at palahaw ng mga kasamahan niya. Gan'on din ng mga kalalakihang nagkakagulo rin at naghihiyawan!
"Dalian niyo! Magsilabas kayo!" Takot na sigaw ng mga nagtatakbuhan.
Mabilis ang pagkalat ng apoy. Ilang saglit pa at isang pagsabog na naman ang narinig mula sa kusina. Lalong nagliyab ang buong bahay!
Nakalabas siya sa gate kasabay ng iba pang nagsisigawang mga kasamahan at kostumer. Walang nakapansin sa ginawa niyang pagtalilis. Sa nasusunog na bahay ang atensyon ng nagkakagulong tauhan ni Madam.
Malayo na siya nang tingilain ang malakas na apoy at maitim na usok na nagmumula sa bahay na naging saksi sa kababuyang dinanas niya. Pumupuno sa namimingi niyang tenga ang sirena ng mga truck ng bumberong sunod-sunod nagdadatingan. Mapaklang ngiti ang sumungaw sa kanyang mga labi.
Nakalaya na siya!
Luha ng kaligayahan ang umaahon sa kanyang mga mata at naglandas sa magkabila niyang pisngi. Hindi na siya mapagpapasasaan ng mga lalaking dayukdok sa kamunduhan at tawag ng laman.
Malaya na siya!