Ang Pagkikilala HINDI magkandatuto sa pagbibihis si Luisa. Nagkakamali pa kung saan padadaanin ang mga braso at leeg maisuot lang ang blouse. Gano'n din ang pantalong hindi mailusot at mapagkasya sa paa. Alanganing ngingiti at yuyuko. Panay ang pagsulyap sa lalakeng itinuturing na tagapagligtas. Nag-aalalang baka umalis ito at iwanan siya. Lihim namang nangingiti si Milencio sa nakitang pagkagahol ng babaeng nagsusuot ng damit. Gusto sana niyang lumapit at tulungan ito sa ginagawa ngunit hindi na niya ginawa. Baka matakot pa ito sa kanya at akalaing kagaya rin siya ng apat na lalaking nagtangkang manggahasa. Naisip niyang baka imbis na mapanatag ay muli na naman itong mabalisa. Kaya imbis na lumapit ay bahagya siyang tumalikod upang mabawasan ang pagkahiyang maaaring nararamdaman nito. "

