CLAIM 5: ☕🫖🍞

1482 Words
TANOD'S P.O.V: BALISA akong nagising kinaumagahan dahil sa nangyari kagabi at sa tuwing naaalala ko ang pagtama ng aming mga mata, muling naghuhurumintado ang aking puso. Pabalikwas na bumangon na lamang ako sa kama at saka naligo at nagbihis ng kupas kong kasuotan. Hindi na ako nag-abala pa na magluto dahil bibili na lamang ako ng pandesal sa bakery at saka ako didiretso sa palengke. Medyo nawili ako kahapon sa pamamasada ng pedicab at nakatitiyak ako na hahanapin ako ni Lawrence na isa sa mga kasama kong kargador. Siya rin ang nagbibigay ng trabaho sa akin lalo pa't marami siyang raket. Mas matanda ako sa kanya pero mas batak siya sa diskarte at trabaho kaysa sa akin kaya sa kanya ako kumakapit kapag ako ay nagigipit. Nang marating ko ang bakery ni Mang Celso, mabilis akong pumila at naghintay para makabili nang mapansin ako ni Aleng Lorna na isa sa mga kasambahay sa mansyon. "Tanod, magandang umaga. Ang aga mo ngayon, ah?" wika niya sa akin habang nasa pila kami para makabili ng tinapay bilang almusal. "Magandang umaga rin ho, Aleng Lorna. Maaga ho talaga akong nagigising dahil pupunta ho ako sa palengke." Sagot ko sa kanya. Alas tres pa lang kasi ng madaling araw at masarap sa pakiramdam ang simoy ng hangin na napakasariwa dahil sa mga puno at halaman na nasa paligid namin. "Balita ko nga namasada ka kahapon. Mukhang marami kang raket ngayon, ah? Hindi ka na ba rumuronda sa ating baryo hanggang sa bayan?" muling tanong niya na siyang ikinangiwi ko. "Aleng Lorna, Tanod lang ho ang pangalan ko pero hindi ibig sabihin niyon ay kasapi na ako ng Barangay." "Biro lang ito naman." Natatawang wika pa niya at bahagya pa akong hinampas sa aking braso ngunit hinayaan ko lamang siya. "Eh kayo po, bakit ang aga niyong nakapila rito sa bakery ni Mang Celso?" usisa ko sa Ginang. "Malamang bibili ng almusal naming mga nagtatrabaho sa hacienda at kay Senyorita Xochitl. Nabalitaan mo na ba ang pagdating niya?" "Naikwento nga ho ni Maxine sa akin noong isang gabing pumunta ako sa bar nila." "Ayon nga. Nasa mansyon si Senyorita ngunit hindi naman ito lumalabas ng kanyang kwarto. Ang mahirap pa nito kapag kinakausap namin siya ay hindi namin maunawaan dahil nga galing siyang Espanya, hindi ba? Kaya nahihirapan kami kung paano siya kausapin sa wikang Tagalog at hindi namin siya mapagsilbihan ng maayos dahil sa language barrier na tinatawag ng anak ko." Napatango-tango ako sa kanyang kwento kaya siguro hindi lumalabas ang Senyorita na tinatawag nila dahil nga sa galing itong Espanya at hindi pa siya pamilyar sa lugar kaya sa balkonahe lamang siya tumatambay. Kung sakali ngang lumabas man ito ng mansion, sigurado ako na pagkakaguluhan siya ng mga lalaki dahil sa taglay nitong ganda na ilang beses ko nang nasilayan sa tuwing napapadpad ako sa mansyon. "Eh paano ho iyan kung hindi naman makausap ang Senyorita ninyo?" "Hinahayaan na lang namin dahil hindi naman siya lumalabas ng kwarto at hinahatiran na lang namin ng pagkain. Kumakain naman siya sa tamang oras, iyon nga lang hindi talaga siya lumalabas ng silid niya." Hanggang sa si Aleng Lorna na ang bibili, muli akong nagsalita. "Dapat po ay turuan niyo siya ng wika natin para mapabilis ang komunikasyon ninyo sa isa't-isa." "Naku, wala kang aasahan sa akin diyan dahil hindi naman ako nakapagtapos ng pag-aaral at isa pa alam mo namang hindi kami basta-bastang magpapasok sa mansyon ng walang pahintulot ng may-ari." "Pero mahihirapan lamang kayo kung hahayaan niyo si Senyorita na manatili sa kanyang silid." "Ang aga-aga, nagdidiskuyon kayong dalawa. Ano bang mayroon sa usapan ninyo?" sabat ni Mang Celso at saka binigay kay Aleng Lorna ang tinapay na gusto nito. "Naku, si Senyorita Xochitl lang ang pinag-uusapan namin kasi nga hindi namin siya makausap dahil sa wika niyang banyaga at nagsuhestiyon itong si Tanod na turuan daw namin." Sagot ni Mang Celso kay Aleng Lorna. "Kuh, maganda naman ang suhestiyon ni Tanod, bakit hindi niyo subukan?" "Hmm, sabihin ko na nga lang sa iba ko pang kasama sa mansion at baka matulungan ako. Bigyan mo na ito ng tinapay si Tanod at mauuna na ako dahil marami pa kaming gagawin sa mansyon." "Oo na. Mauna ka na." Sagot ni Mang Celso at tinanaw na lamang namin si Aleng Lorna palayo sa bakery. "O, anong sa'yo, Tanod? Ang aga mong rumonda, ah?" "Pandesal nga po, sampung piso lang. Hindi nga ako kasapi ng Barangay, Mang Celso." Natawa si Mang Celso sa pagmamaktol ko. "Kung bakit ba naman kasi Tanod ang pangalan mo? Kung bulol lang ako baka t***d maitawag ko sa'yo." "Huwag mong susubukan, Mang Celso." Tuluyan nang napahalakhak si Mang Celso at saka niya ako tinalikuran upang punan ang order ko at makalipas lamang ang ilang sandali ay nakuha ko na ang pandesal at nagbayad na ako at saka ako umalis doon at tinahak ang kalsada patungo sa bayan kung saan naroon ang palengke. Sadyang ginagawa na lamang na biro ng mga taga Baryo Xaria ang pangalan ko gayong hindi ko naman ginusto na ganoon ang isusulat ng magulang ko sa birth certificate ko. Ayaw ko namang papalitan kaya hinayaan ko na at isa pa hindi naman ako nao-offend kung ipagpilitan nilang rumuronda ako buong gabi dahil ginagawa ko naman talagang maglakad-lakad sa gabi para mag-isip ng mga bagay-bagay na nangyayari sa buhay ko. Saktong paubos na ang pandesal na binili ko nang marating ko ang palengke at pumunta ako sa pwesto ni Lawrence kung saan kami naghihintay ng mga bubuhating mga gulay at banye-banyerang isda. "O, Tanod, buti nagpakita ka sa akin," sita ni Lawrence nang mapunta ako sa harapan niya. "Pasensya na, namasada ako sa pedicab kahapon kaya hindi na ako nakapunta. Ano bang atin?" usisa ko at saka ako naupo sa tabi niya at nagsindi ng sigarilyo. "Balita ko nga. Bukambibig ka ba naman lagi ng mga kadalagahan dito at nakita nila kung gaano ka raw kaguwapo para maging isang pedicab driver." Mapaklang wika ni Lawrence sa akin. Kung ako ang tatanungin, may itsura naman siya. Iyon nga lang ay mestiso ito dahil laging babad sa init at ang lamang ko lang ay maputi ako dahil minana ko pa kay Mommy ang kutis ko pero hindi halata na may ibubuga ako sa lipunan dahil sa kupas kong mga kasuotan. "Ramdam ko ang sama ng loob mo sa itsura ko, ah? Sinusumpa mo ba ako?" Bahagya siyang natawa sa akin tinuran. "Baliw. Hindi no. Sanay na kaya ako na lagi kang bukambibig ng mga babaeng nakakakita sa'yo mula nang dumating ka sa Baryo Xaria. Sadyang hindi lang siguro ako pansinin kaya ganoon." "Paano ka naman mapapansin kung torpe ka naman sa babae? Hindi ba't matagal mo nang gustong pormahan si Audrey na anak ni Mang Celso na may-ari ng bakery doon sa baryo pero hindi mo man lang magawang magpaalam sa Tatay niya na gusto mo siyang ligawan?" "Magkaiba ang mundong ginagalawan namin ni Audrey at isa pa hindi ako nababagay sa kanya," madamdaming wika ni Lawrence. "Siya nga pala, may kontrata ako sa hacienda. Maghahatid ako ng gatas doon at iyon ang hinihintay ko. Gusto mong sumama?" Tinapon ko ang upos ng sigarilyo na hindi man lang yata nangalahati ang nahithit ko bago ako nagsalita. "Wala naman akong gagawin kaya malamang sasama ako." "Nabalitaan mo na ba ang tungkol sa anak ng Don at Donya ng mga Xaria? Umuwi daw 'yon galing Espanya," ani pa ni Lawrence at saka ko pinunas ang kamay ko sa damit ko ngunit sigurado naman ako na hindi mawawala ang amoy ng filter ng sigarilyo sa daliri ko. "Nabanggit ni Maxine sa akin. Kalat pala ang tungkol sa pag-uwi niya?" kunwaring usisa ko pero ang totoo gusto ko lang talaga malaman kung ano ang sasabihin ni Lawrence. "Oo eh. Wala kasing abiso man lang, hindi ko tuloy nasilayan ang anak ng Don at Donya. Makilatis man lang sana." "Ang sabi nga ni Aleng Lorna sa akin kanina ay hindi naman daw lumalabas ng silid niya ang Senyorita at nahihirapan silang makipag-komunikasyon dahil nga sa wikang banyaga ang gamit niya." "Naku, mahirap nga 'yan. Alam mo ba, ang gatas na dadalhin natin ay pangligo umano ni Senyorita? Nagulat na ako nang sabihin sa akin iyan kasi pwede palang ipangligo ang gatas kaysa inumin?" tila nahihiwagaang wika niya kaya hindi ko mapigilang matawa. "Ganoon talaga siguro kapag nasa mataas na lipunan. Yung mga bagay na nakukuha natin minsan ay ginagamit lamang nila para sa pansarili nilang kagamitan. Malay mo naman sanay siya sa ganoong istilo ng pagligo kaya kailangang bumili pa talaga ng gatas para sa kanya." "Wala eh, nakakagulat lang talaga." Hindi na ako umimik pa at hinayaan ko ang katahimikan na lumukob sa amin ni Lawrence. Mabuti na lamang at maganda ang balita na dala niya. Ito na rin ang chance ko na masilayan si Xochitl ng harapan at makatuntong sa mansyon ng mga Xaria nang walang kahirap-hirap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD