Isang gabi, matapos ang kanyang shift sa pagtitinda ng ihaw-ihaw, napagpasyahan ni Ericka na dumaan muna sa isang convenience store malapit sa b****a ng kanilang subdivision. Habang naglalakad pauwi at kumakain ng paborito niyang kornik, napansin niya ang isang pamilyar na itim na sasakyan na nakatigil sa madilim na bahagi ng kalsada.
‘Hoy, si Boy Putok ’yon, ah?’ bulong ni Ericka sa sarili.
Nakabukas ang hood ng sasakyan ni Travis Lance, o TL, at mukhang may problema ito. Pero hindi lang ang sirang makina ang problema niya. Nakapalibot sa kanya ang anim na lalaki—ang grupo ni Timmy.
Mukhang tyempo ang pag-aabang ng mga ito sa mayamang binata na mukhang "easy target" dahil sa suot na mamahaling relos at porma.
“O, Bossing, mukhang naligaw ka yata sa maling kalsada,” maangas na sabi ni Timmy habang pinaglalaruan ang isang balisong.
“I don't have time for this. Just let me fix my car and I’ll give you money, just leave me alone,” kalmadong sagot ni TL, pero bakas sa boses ang kaba. Hindi siya sanay sa ganitong sitwasyon; lumaki siya sa mundo ng aircon at boardroom, hindi sa madidilim na eskinita.
“Pera lang pala, eh! Pero mukhang mas masaya kung pagtitripan ka muna namin,” tatawa-tawang sabi ng isa pang tambay.
Sasaksakin na sana ng siko ni Timmy ang tiyan ni TL nang biglang may lumipad na supot ng kornik at tumama sa mukha ni Timmy.
“Hoy! Mga amoy-amag! Ang hilig niyo talagang mang-api ng mga taong hindi marunong lumaban, no?” Isang boses na puno ng yabang ang umalingawngaw.
Nanlaki ang mata ni TL. “You? What are you doing here?”
Lumabas si Ericka mula sa dilim, dahan-dahang naglalakad habang nag-iinat ng mga braso. “Ano ba, TL, ganyan ka ba talaga ka-clumsy? Pati sasakyan mo, sumusuko sa ’yo? Sabagay, kung ako sasakyan mo, baka itirik ko rin sarili ko para hindi kita makasama.”
“Ericka! Huwag kang makialam dito kung ayaw mong madamay!” sigaw ni Timmy na pulang-pula na ang mukha sa galit.
“Ay, kasama na ’ko rito, Timmy. Alam mo namang favorite kita... favorite sapakin!”
Bago pa makakilos ang mga tambay, mabilis na sumugod si Ericka. Hindi siya gumagamit ng martial arts; ang gamit niya ay "street fighting style"—mabilis, madumi, at masakit. Sinipa niya ang tuhod ng isa, siniko ang panga ng pangalawa, at bago pa makabwelo si Timmy, isang malakas na suntok sa sikmura ang binitiwan ni Ericka.
“TL! Huwag kang tumayo riyan na parang poste sa Meralco! Tulong!” sigaw ni Ericka habang iniiwasan ang isang suntok.
Napilitang kumilos si TL. Kahit hindi sanay, ginamit niya ang kanyang bigat para itulak ang isang lalaking susugod sa likod ni Ericka. Nakita ni Ericka ang pagkakataon at mabilis na kinuha ang isang bakal na wrench sa loob ng bukas na hood ng sasakyan ni TL.
“Umatras na kayo kung ayaw ninyong maging dekorasyon sa sementeryo!” pagbabanta ni Ericka habang iwinagayway ang wrench.
Dahil sa takot sa "baliw" na dalagang ito, mabilis na nagpulasan ang grupo ni Timmy.
“Hindi pa tayo tapos, Ericka!” sigaw ni Timmy habang paika-ikang tumatakbo.
“Oo, kita-kits sa impiyerno!” ganti ni Ericka.
Nang tumahimik na ang paligid, binitawan ni Ericka ang wrench at humarap kay TL na ngayon ay hinihingal at medyo nagulo ang buhok. Lumapit si Ericka at tiningnan ang mukha ng binata.
“Ayos ka lang, Boy Putok? May galos ba ang napakagwapo mong mukha?” tanong ni Ericka na may kasamang malokong ngiti.
“I’m fine. And for the last time, stop calling me that!” asar na sagot ni TL, pero makikita sa kanyang mata ang pasasalamat. “But... thank you. You actually saved me.”
Biglang lumapit si Ericka, halos ilang pulgada na lang ang distansya ng kanilang mga mukha. Napatigil sa paghinga si TL. Pakiramdam niya ay may kuryenteng dumaan sa kanyang likuran.
“Alam mo, TL... sa ganitong mga eksena sa pelikula, dapat may kasunod na kiss, eh,” seryosong sabi ni Ericka.
Nanlaki ang mga mata ni TL at namula ang kanyang mga pisngi hanggang sa tainga.
“What?! Are you out of your mind? I... I don't even know you that well!”
Hagalpak ng tawa si Ericka sabay hampas sa balikat ng binata. “Hahaha! Grabe ka naman mag-assume, TL! Sabi ko sa pelikula, hindi ko sinabing gagawin natin! Masyado kang advanced mag-isip, baka gusto mo talaga?”
“Shut up! You’re so annoying!” inis na wika ni TL sabay baling sa kanyang sasakyan para itago ang hiyang nararamdaman.
“Sus, kunyari pa. Aminin mo, kinilig ka, ’no? First time mo kasing mailigtas ng isang magandang basagulera na katulad ko,” patuloy na pang-aasar ni Ericka habang tinutulungan itong tignan ang makina. “O, ito lang pala ang maluwag na wire, eh.
Galing mo rin, ’no? Milyonaryo ka pero wire lang, hindi mo pa alam?”
Inayos ni Ericka ang wire at sa isang pihit ng susi ni TL, umandar na ang sasakyan.
“Get in. I’ll drive you home,” utos ni TL.
“Wow, may pa-hatid si Mayor! Sige na nga, sayang din ang pamasahe sa tricycle,” nakangiting sabi ni Ericka at sumakay sa passenger seat.
Habang nasa loob ng sasakyan, nabalot sila ng panandaliang katahimikan. Napansin ni Ericka ang amoy ng loob ng kotse—amoy bago, amoy mayaman, at higit sa lahat, amoy na amoy ang mamahaling pabango ni TL.
“In fairness, TL, hindi ka na amoy putok ngayon. Mabango ka na,” bulong ni Ericka habang nakatingin sa labas ng bintana.
Hindi sumagot si TL, pero sa dilim ng sasakyan, isang maliit na ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Sa unang pagkakataon sa buhay niya, pakiramdam niya ay hindi na ganoon kabosoring ang pananatili niya sa lugar na iyon.
“Ericka,” tawag ni TL.
“O?”
“Thank you. Seriously.”
“Sus, drama mo. Basta sa susunod, kapag may gulo, huwag mong subukang makipag-English-an sa mga tambay. Hindi ka nila maiintindihan. Gamitin mo ’tong kamao mo, o kaya gamitin mo ’yong takbo mo,” payo ni Ericka.
Nang makarating sila sa tapat ng bahay ni Ericka, bumaba na ang dalaga. “O paano, TL? Bukas ulit? Maghanda ka na ng deodorant, baka pawisan ka na naman sa sobrang kilig sa akin!”
“In your dreams, Ericka! In your dreams!” sigaw ni TL bago mabilis na pinaharurot ang sasakyan pauwi.