Scratch 14
“Woah,” komento ni Charlotte habang tinitingala ang poster ng mga candidates sa Lakan at Lakambini ng Filipino mula sa iba’t-ibang eskwelahan. Bawat candidate ay tig-isa ng tarpaulin. Nakahilera ang mga ito nang pahiga: sa taas ang mga lalaki. Sa ibaba naman ang mga babae.
Sina Gayle ay Anderson lang ang pamilyar sa kanya. The rest ay hindi niya kilala.
Sa lahat ng mga nakapaskil sa Main building, mukha ng nag-iisang Anderson Dela Vega ang nangingibabaw. Mayroon talaga siyang charisma na umaabot hanggang sa litrato. Effortless ang pagpose. Matindig ang tikas at pasimpleng nakalagay sa dibdib ang hawak na salakot. Sa suot niyang puting t-shirt, itim na pantalon, at pulang neckerchief, mukha siyang ginoo.
Isang kagalang-galang na ginoo sa panahon ng mga kastila. Kung tutuusin, mukha siyang kastiloy. Mestiso, matangos ang ilong, matangkad, may magandang body built at higit sa lahat, ang nakaksilaw niyang ngiti na may libreng dimples!
Dumaragsa ang mga naghuhulog ng ticket sa box para iboto si Andy. Lalo na ang mga girls na may kasamang paghagikgik ang pagboto. Kinukunan pa nga ng litrato ang tarpaulin ni Anderson. Ang mga bumubuto na mga lalaki naman ay naghulog lang ng ticket para sa additional points.
“Cha!”
“Ano--” Liningon ni Charlotte ang isa na namang babae na tumawag sa kanya.
But they’re not just one. But two.
Pinilit niyang ngumiti kahit na binabagabag siya ng kanyang mga problema.
x-x-x
Lalapitan na sana ni Cheena si Charity. Kaya lang ay naunahan siya ng dalawang babae. Ang isa’y matangkad at medyo chubby. Si Jeverlyn, kaklase niya. At may isa pang hindi niya kilala pero namumukhaan niya lang- malamang isa sa mga nakakasalubong niya sa campus.
Kumakalat ang chismis na dahil sa ‘love messenger’ na si Charlotte Diane Escovidal, marami na raw itong mga sulat na naipamigay para sa kambal. Hindi na nila pinalagpas pa ang pagkakataon kaya isinearch nila ito sa f*******:.
Hindi niya rin magets ang sarili kung bakit siya nagtatago sa likod ng fountain. Ang daming lumot at baka may lumundag na palaka pa sa kanya.
May iniabot na boxes ang mga babae. Todo ngiti kay charlotte pero sinasamaan naman nila ng tingin ang isa’t-isa. Dinig niya kahit papano ang pagbabangayan ng dalawa.
“Charlotte. Magugustuhan kaya nila ang Ferrero ko?” sabi ng babaeng taga-ibang section, ipinagduduldulan ang brand ng tsokolate sa karibal.
“Ay weh? Mas masarap ‘tong cupcakes ko, no. Ako may gawa. Baka kapag natikman ‘to ni Arwin, pakasalan niya na’ko. Kaya chupi!”
“Eww. Handmade cupcakes? Anong akala mo kay Arwin ko, cheap?”
“Asawa ko si Arwin!” singhal ni Jeverlyn.
“Feelingera! Akin kaya sila,” giit ng maliit na girl.
“Ha! Kapal—"
Pumagitna na si Charlotte at kinuha ang mga box. “A-akin na. Iaabot ko ‘to, Wag kayong mag-alala.” Para na lang matapos na at makaalis na ang dalawa.
Kilala ni Cheena si Jeverlyn. Siya ang nangunguna sa Food Services na TLE subject. Specialty niya ang desserts at siya lang ang kaisa-isahang nakakuha ng almost perfect na score last practical exam kung saan, nabokya si Cheena. Nasobrahan kasi ng asukal ang carrot cake niya at may sunog sa ilalim.
Samantalang ang mga luto ni Jeverlyn, they are more than edible. Masarap sa mata, masarap rin ang lasa. A masterpiece na tiyak magiging bestseller. Plano pa sana niyang magpagawa ng cake dito para ibigay kay Andy. Kaya lang, may crush din pala si Jeverlyn kay Andy.
At ngayong alam niya na, abort mission.
Pagkaalis ng dalawa, saka niya nilapitan si Charlotte. Nanlalaki ang mga mata habang pa lingon-lingon pa siya sa left at right, naninigurado. Nalaman niyang online games ang hilig ng kanyang crush. Iyon lang ang nasagot ni Cha. Dahil alangan namang sabihin niya na: ‘Sa prank. Sa prank sila mahilig.’
Bukod pa rito, tinanong ni Cheena kung kelan ang birthday ni Andy at nalaman kung bakit maraming patay na patay sa kanila.
November 2. All soul’s day. Araw ng mga patay.
x-x-x
“You have been defeated,” sabi ng isang character sa mobile legends.
Napamura si Ark nandahil sa nangyari. “f**k!”
Gumuho na naman ang mundo ng kanilang tropa. Pang-ilang beses nang natatalo sina Andy, Ark, Francis, at Julian, sa larong Mobile Legends ng isang tao lang. Paulit-ulit lang silang natatalo ng taong ito, nang hindi man lang pinagpapawisan. Isa laban sa lima ngunit nagawa pa sila nitong talunin? Paano mangyayari yun? Imposible. Palagay nila ay may dayaang nagaganap.
“Arggh! Tangina!” Napasigaw na rin sa inis si Francis at sumunod ang pag-ulan ng mga malulutong na mura. Buhos na buhos ang kanilang galit at frustration na nararamdaman sa bawat masasakit na salitang kanilang binibitawan.
“Hoy, ginagago mo ba kami? Wag kang madaya!” pagrereklamo ni Andy habang dinuduro-duro si Niccolo.
“I won fair and square. Why don’t you just accept defeat?” sabi ni Niccolo habang chill na chill na nakapamulsa pa sa kanyang black hooded jacket.
Nagsasawa na siya sa paulit-ulit na panghahamon nina Andy at Ark. Masaya naman na magkaroon ng kalaro kasama ang mga kapwa mo gamer na mga kaklase, ngunit hindi na niya matiis ang paulit-ulit na pagrereklamo ng mga ito, na para bang kasalanan niya pa na nanalo siya. Hindi porket nananalo siya palagi ay nandaraya na siya.
Napagtanto ni Nicco, na hinding-hindi niya makukumbinse ang mga ito sa normal na pagpapaliwanag lang. Kaya naman, napagdesisyunan niyang ilatag ang isang suhestiyon na alam niyang sasang-ayunan ng mga ito. “Okay, how about this. Let’s have a rematch.”
Nagkatinginan ang magbabarkada bago ibigay ang kanilang sagot. “Sige, pero kami ang pipili ng game,” paninigurado pa ni Andy.
The odds will be in their favor, iyan ang sisiguraduhin nina Andy para siguradong sa kanila ang huling halakhak. Sila ang mga tunay na game master at babawiin nila ang kanilang trono mula kay Niccolo.
“Sure. Kayo bahala. Basta kapag nanalo ako, hindi niyo na ako kukulitin na makipaglaro ulit,” kampanteng sagot ni Nicco. He does not always win games because he cheated nor because he always played a game kung saan pinakamadali sa kanya. Wala iyan sa game. Nasa skills iyan.
Syempre, pinili nina Andy ang isang laro na kabisadong-kabisado nilang laruin. Ito ang best played game nila sa lahat ng mga nalaro na nila. Paniguradong, sila ang mananalo this time.
Ang sikreto lang naman ni Nicco sa paglalaro ay pagiging level-headed. Aniya, ang buhay natin ay parang isang laro. Sa bawat stage ay mayroong mga pagsubok na dapat lagpasan hanggang sa matapos mo ang quest. May mga panahong may tutulong sa iyo sa pakikipaglaban pero dapat matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa at huwag dumipende sa iba. Matuto tayong protektahan ang ating sarili.
Kung tatanga-tanga ka, at hindi natututo sa pagkakamali mo, paulit-ulit ka lang na namamatay sa parehong stage at kahit na anong reklamo pa ang gawin mo, hindi ka makakaalis. As if, ang computer ang maga-adjust sa pagkatalo mo.
Sa paulit-ulit niyang pagkatalo sa mga una niyang laro noon, doon siya natuto ng strategy at planning na nakaayon sa rules ng laro.
This is it. Nararamdaman na ng dalawa ang kakaibang enerhiya at determinasyon na dumadaloy sa kanilang katawan. It’s Andy and Ark vs. Niccolo. Magsisimula na sana ang ultimate rematch battle ng tatlo, nang biglang narinig nila ang naghy-hysterical na boses ni Julian.
“Wahhhh!” sigaw ni Julian “Sharry! Babe, tulungan mo ako!” palingon-lingon habang tumatakbo pa siya sa loob ng classroom na animo’y hinahabol ng isang kriminal.
Takbo!
Kahit na anong mangyari, hindi siya dapat mahuli dahil kapag nangyari iyon, magiging biktima siya ng kriminal na iyon.
Isang kriminal na may itim na nguso at blush-on sa mukha.