Unang Ikot - Raymond

1369 Words
"Sige Mr. Hernandez, kumpletuhin mo na ang mga requirements mo para makapagsimula ka na agad sa orientation sa Monday." Tuwang-tuwa si Raymond nang marinig niya ang mga sinabi ng kanyang interviewer para sa pinapasukan niyang trabaho. Sa wakas sigurado na siyang makakapagtrabaho matapos ang ilang buwan niyang paghahanap. "Okay po. Maraming salamat po, Ma’m," magalang niyang sagot bago siya tahimik na tumayo at lumabas ng opisina nito. Napaantanda pa siya ng krus paglabas niya roon. "Lord, maraming salamat po sa Inyo. Sana po ay magtuluy-tuloy na 'to," taimtim pa niyang panalangin. Hindi na importante sa kanya kung taliwas sa tinapos niyang kursong Computer Science ang kanyang magiging trabaho. Wala namang masama sa pagiging utility o janitor dahil isa itong marangal na trabaho. Isa pa, mahirap magkaroon ng trabaho sa panahon ngayon dahil na rin sa kumpitesyon sa pagitan ng mga naghahanap nito. Kaya hinding-hindi niya ikahihiya ang kanyang trabaho. Maaga pa siya nakaalis sa kompanyang Ciudad de Servicio kaya naisip niyang dumiretso na rin sa clinic kung saan siya kukuha ng medical exam. Halos alas onse na siya nakarating roon kaya minabuti niyang kumain muna ng tanghalian bago magpa-medical. Sa loob ng tatlong araw ay nakumpleto na niya ang mga requirements na kanyang kailangan. Maaga niyang ipinasa ang mga ito kaya agad niyang naihanda ang kanyang sarili para sa limang araw na orientation. Matapos iyon ay nagkaroon naman siya ng on-job-training ng limang araw sa Fatima Medical Center.   HALOS dalawang linggo rin ang nakalipas bago siya nagkaroon ng first assignment. Sa Marulas, Valenzuela City siya nakatira kaya ang ibinigay sa kanyang puwesto ay malapit lang doon. Ang Ingresia Incorporation, na isang planta ng mga sangkap sa pagkain sa Marilao, Bulacan. Kinabukasan ay alas tres y media ng madaling araw siya nagising upang makapasok din ng maaga sa kanyang unang trabaho. Tatlong biyahe ang kanyang tatahakin upang makarating sa Ingresia kaya naglaan siya ng sobrang oras para rito. Alam niyang mahihirapan siyang magkaroon agad ng mga kaibigan mula sa kanyang mga kasamahan kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na pakikisamahan niya ang mga ito nang maayos. Hanggang kaya rin niya ang trabaho ay hindi siya magrereklamong nahihirapan. Bago sila magsimula sa kani-kanilang mga trabaho ay ipinakilala muna siya ng kanilang supervisor na si Sir Yosef Soriano. Base sa kanyang unang impresyon ay mababait naman ang kanyang mga kasamahan lalo na si Mikki Solomon na nagbiro pa sa kanya. "Sir Yos, magkakaroon na pala ako ng darling," nakangiti nitong sabi habang nakatitig sa kanya kaya nagkatawanan ang kanilang mga kasamahan. Hindi naman siya naiilang sa paghanga mula sa mga baklang gaya nito kaya natawa na rin siya. Para sa kanya, basta alam lang nila kung hanggang saan ang limitasyon nila ay tiyak makakasundo niya ang mga ito. "Basta behave lang kayo, okay," natatawa ring sagot kanilang supervisor. "S’yempre po, Sir," nakangiting sagot ni Mikki. "’Di ko naman siya pipilitin. Very wrong kaya 'yon," katwiran pa nito. "Ilang taon ka na p're?" tanong pa sa kanya ng isang lalaking may matipunong pangangatawan. "Kuya Edison, twenty-one years old na 'ko. Single pa rin hanggang ngayon," nakangiti niyang sagot. "Isla na lang ang itawag mo sa 'kin," suhestyon nito. "Ibig sabihin ikaw ang pinakabata sa 'ting lahat." "Wow! Ready to mingle si Darling Raymond ko," sabad pa sa kanila ni Mikki sabay akbay sa kanyang kaliwang balikat. "Okay, behave na kayo," natatawang saway sa kanila ni Sir Yos. "Raymond, sa ngayon si Richard muna ang magtuturo sa mga kailangan mong gawin sa magiging puwesto mo," paliwanag pa nito sa kanya. "Akong bahala sa kanya, Sir," sagot ng isang matangkad at kalbong lalaki, na nakipag-apir pa sa kanya. "Salamat, Kuya Richard," matipid niyang sagot. "Oh sige na, puwede na kayong pumunta sa mga puwesto n'yo," utos na ni Sir Yosef sa kanyang mga kasamahan. Bago ito tuluyang umalis ay masinsinan pa siyang kinausap nito. "Raymond, aasahan kong gagawin mo ng maayos ang trabaho mo ha. 'Wag kang mag-alala, hindi naman ako masyadong istrikto sa inyo. Basta kapag may problema ka sa trabaho o kahit saan pa, kausapin mo lang ako para matulungan kita," paalala pa nito sa kanya. "Opo, Sir. Pangako po gagawin ko ang lahat ng makakaya ko. Maraming salamat po uli sa pagtanggap n'yo sa 'kin dito sa Ingresia," sinsero niyang sagot. Pakiramdam niya ay magiging magaan at maayos ang pagtatrabaho niya sa kumpanyang ito. Bukod sa mabait na mga kasamahan ay maaasahan rin niya ang kanilang supervisor. Naging maayos naman ang isang araw na training niya sa kanyang magiging puwesto. Sa tulong ni Richard ay nalaman niya ang mga dapat niyang gawin upang mapanatili ang kalinisan ng kanyang buong area na kung tawagin ay Ingresia Avenue. Gayundin ang tamang paglilinis at preparasyon sa footbath na nasa unahan ng nasabing lugar. Isa iyong daanang gawa sa mga tile, na mahigit isang dipa ang haba at nakabaon ng ilang pulgada sa sahig. Tuwing dalawang oras naman ang pagpapamalit ng chlorinated water doon kaya kailangang bigyan niya iyon ng sapat na panahon. Ipinaliwanag pa ng kanyang mga kasamahan ang mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng planta. Gayundin ang mga paraan upang maayos niyang magawa ang kanyang trabaho sa mabilis at maikling panahon. Naipakilala na rin siya sa mga taong makakasama niya sa trabaho kabilang na ang mga regular na empleyado ng Ingresia.   MAG-AALAS siyete y media na ng gabi nang makauwi siya sa kanilang inuupahang bahay. Halos isa't kalahating oras ang naging biyahe niya mula Marilao, Bulacan hanggang Valenzuela dahil sa matinding trapik. Tama nga ang payo ng kanyang mga kasamahan na kailangan na niyang mag-boarding house na lang malapit sa Ingresia upang hindi na siya maabala pa. "Anak, kamusta ang unang araw mo sa trabaho?" usisa ng kanyang inang si Aling Felicidad habang nagpapalit siya ng damit. "Okay naman po, Ma. Medyo magaan po ang trabaho sa puwesto ko," sagot niya saka siya lumapit sa kanilang mesa. Hinainan siya ng kanyang ina ng pagkain, ang paborito niyang ulam na sinigang na baboy. Muli rin itong naupo sa kanilang maliit na sofa upang ipagpatuloy ang pagliligpit ng nilabhan nitong mga damit. "Mabuti naman, Mon," sagot nito. "Ma, kamusta po pala si Bebe? Hindi na po ba siya sinusumpong?" usisa niya nang maisip niya ang sensitibong kalagayan nito. Labing-walong taong gulang na ang nakakabata niyang kapatid na si Diosanne o Bebe ngunit ang mental nitong kapasidad ay gaya lamang ng sa isang apat o limang taong gulang na bata. Ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya, ang pagkahuli ng development ng kanyang utak ang dahilan nito. Saglit na natahimik ang kanyang ina dahil sa mga katanungan niya. Sinulyapanan nito ang kanyang kapatid na mahimbing na natutulog sa higaang ilang metro lang ang layo sa kanilang hapagkainan. "Huli siyang sinumpong kaninang alas nuwebe ng umaga. Tapos hindi na nasundan kaya maayos akong nakapaglaba kaninang hapon," paliwanag nito sa kanya. Dalawang araw na ang nakakalipas nang atakihing muli si Diosanne ng sakit niyang seizure disorder o epilepsy. Nagsimula siyang magkaganoon dahil sa pagkakabangga sa kanya ng isang pedicab halos dalawang taon na ang nakakalipas. Walang nakakita sa aksidenteng nangyari kaya wala na silang nagawa kundi ipagpasa-Diyos na lang ang drayber ng nasabing pedicab. "Mabuti naman po. Ako na pong bahalang magbantay sa kanyang mamaya. Gigisingin ko na lang po kayo kapag inaantok na 'ko," mungkahi niya upang makatulong sa kanyang ina. "'Wag na anak. Mapupuyat ka lang, kaya baka mahirapan ka sa trabaho mo bukas," katwiran pa nito. "Naiintindihan ko po kayo. Basta gisingin n'yo po ako agad kapag sinumpong siya uli,” habilin na lang niya. "Sige gigisingin kita." Matapos niyang kumain ay hinugasan na rin niya ang kanyang mga pinagkainan. Siya na rin mismo ang naglaba sa mga damit na kanyang isinuot sa trabaho. Kahit man lang sa ganoong paraan ay mabawasan ang gawain ng kanyang ina. Sapagkat alam niyang buong hapon itong napagod sa mga gawaing bahay at sa pagbabantay sa kanyang kapatid. Bago matulog ay pinagmasdan muna niya ang kanyang ina at kapatid. "Ma, 'wag kang mag-alala...Ngayong may trabaho na 'ko, hindi na tayo mahihirapan. Maibibigay ko na rin ang mga kailangan para gumaling na si Bebe. Kapag nakapag-ipon din ako ay hindi n'yo na kailangang maglabada. Puwede na tayong magtayo ng sarili nating sari-sari store..." Simple lamang ang mga pangarap niya para sa kanilang mag-iina kaya ipinapangako niyang pagbubutihin at magsisipag sa kanyang trabaho. Sapagkat ang bawat isa na lamang ang sandigan nila upang makasabay sa agos ng buhay mula nang yumao ang kanyang ama. Sa ngayon ay kailangan muna niyang mabayaran ang hiniram nilang pera sa kanilang mga kamag-anak na ginamit niya sa paghahanap ng trabaho at sa pagpapagamot kay Diosanne, kaya ilalaan niya ang unang sahod niya para roon. Itutuloy... Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD