CHAPTER 5

2342 Words
CHAPTER 5 Unang araw sa trabaho ni Gio. Excited siyang pumasok. Suot niya ang bagong biling polo. Pati brief na suot niya bago. “Napakagwapo ng anak ko,” sabi ng ina na maaga na naman gumising para sa kanya. Kahit sinabihan niya ito na huwag na siyang ipaghanda ng agahan ay hindi ito nakinig sa kanya. “Galingan mo ha? Pabilibin mo sila.” “Ako pa Nay. Kayang-kaya ko po ‘yon.” Marahan siyang tinapik sa pisngi ng ina. “Ingat ka pagpasok at pauwi.” “Opo.” Humalik siya sa pisngi nito bago umalis. Pagdating niya sa terminal ng bus, napakahaba ng pila. Ayaw man niya ay napilitan siyang sumakay kahit tayuan. Pagdating niya sa sakayan ng tren, ganoon na naman ang eksena. Mahaba na namang pila at siksikan sa loob ng tren. Halos nakasubsob na sa dibdib niya ang lalaking kaharap. Maliit kasi ito sa kanya at hanggang dibdib lang niya. Hindi pa naguumpisa ang araw niya pero napakarami na niyang pinagdaanan. Huling pahirap sa sakayan ng jeep. Sabi ng driver kasya pa raw ang dalawa. Isa sa kanan at isa sa kaliwa. Huli siyang sumakay at kalahati lang ng pwet niya ang nakaupo kahit na buo naman ang binayad niya. Kung hindi lang siya takot na ma-late, bababa siya. Ilang minuto rin siya sa ganoong ayos at nanginginig na ang hita niya sa sobrang ngalay. Mabuti na lang at may dalawang babae na bumaba sa side na kinauupuan niya at nakaupo na siya nang ayos. Pero saglit lang ‘yon dahil pagkalagpas sa dalawang kanto ay bumaba na rin siya. Pagdating sa opisina, hindi na niya nagawa pang mag-ayos dahil 5 minutes na lang, late na siya. Nagmamadali siyang pumunta sa opisina ni Ms. Lanie, ang HR. “Mr. Cristobal. Mukhang nahirapan ka mag-commute,” sabi nito sa kanya. “Galing ka pa bang Laguna?” “Yes Ma’am.” “Wala ka bang balak humanap ng matitirhan na malapit dito?” “Naghahanap po, pero wala pang makita.” “Okay. I see.” Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. “You can freshen up then balik ka rito. Haharap ka sa VP, hindi pwedeng ganyan.” “Thanks Ma’am.” Nagpunta siya sa comfort room at humarap sa salamin. Ngayon niya lang nakita na hindi na pala maayos ang pagkaka-tuck in ng polo niya at medyo nagulo na ang ayos ng buhok niya dahil may nakatikwas na kumpol ng buhok. Pagbalik niya kay Lanie, maayos na siya. Wala nang bakas ng hirap na pinagdaanan niya sa pagco-commute kanina. “Ang gwapo mo na uli.” Nangiti siya sa compliment na binigay sa kanya ni Lanie. “Dadalhin muna kita kay VL.” “VL?” Ang alam niya kasi sa VP siya ipakikilala. “Yung VP ng department niyo, si Sir Leon. Vince Leon Villarta kasi full name niya.” Napatango siya. Ang bango ng pangalan ng VP, hindi tulad sa kanya Gregorio. Ang luma. Kaya nga bumawi na lang siya sa nickname niyang Gio na tunog bago. Tatlong floors ang opisina ng GNC. Kasalukuyan silang nasa 16th floor. Sa 18th floor naman daw ang opisina ng VP kaya nag-elevator na sila. Habang nasa front desk sila sa 18th floor at pinapakilala siya sa receptionist at guard, lumapit naman sa kanila si Candice ang AVP. “Good morning Lanie. Hello Gio,” masayang bati nito sa kanila. “Are you here for Leon?” tanong nito. “Opo sana,” sagot ni Lanie. “He’s not here. Kalalabas niya lang. May meeting na naman. Mabuti pa, leave Mr. Cristobal with me then ako nang bahalang magpakilala sa kanya sa team niya.” Umalis na si Lanie at naiwan siyang kasama si Candice. “Twice na kayong hindi nag-meet ni Leon. Don’t worry, mas madalas mo naman akong makakaharap kesa sa kanya. Madalas siyang wala sa office. Ni hindi nga niya nakita ‘yung resume mo. Ako na raw bahala mag-decide. Tiwala naman siya sa ‘kin, kaya huwag mo ‘kong ipapahiya ha?” “Yes, Ma’am.” Magkahalong excitement at saya ang nararamdaman ni Gio. Kahit hindi ‘yon sabihin ni Candice sa kanya, magpapakitang gilas talaga siya. Mula 18th floor bumaba sila ng 17th floor. Doon daw kasi ang magiging opisina niya. Isang malawak na floor na puno ng dividers ang makikita sa 17th floor. Bawat cubicle may kanya-kanyang computer o ‘di kaya ay laptop. Maaga pa pero busy na ang mga tao, may kanya-kanyang ginagawa sa mga sariling desks. Ang iba may kausap sa phone. Mayroong nasa harap ng photocopy machine. May iba naman na may mga dalang tumblers at nagkwekwentuhan pero tungkol sa trabaho ang topic. Sa bandang dulo sa right side, doon sila nagpunta. “Good morning!” masayang bati ni Candice sa limang empleyado na naroon. Nagmamadaling tumayo ang lima para batiin din ang AVP nila. “Guys, I want you to meet Mr. Cistobal, or you can call him Gio. Siya ang bago niyong kasama sa team n’yo.” “Hi,” nakangiting bati ni Gio. “Gio, this is Julie.” “Hi,” bati sa kanya ng isang maliit na babae na maigsi ang buhok at may bangs. May suot din itong salamin na itim ang frame at makapal ang lense. Nakasuot ito ng red cardigan at bitin na maong pants. “This cute chubby guy here is Buddy.” “You can call me Bud,” sabi sa kanya ng chubby na lalaki na medyo kulot ang buhok. Chinito ito, maputi at natural na namumula ang mga pisngi at labi. “That is Simon.” Itinuro ni Candice ang payat at nakasalamin na lalaki na matipid lang na ngumiti sa kanya. Halatang mahiyain ito. “Beside him is Vida.” “Hello,” bati sa kanya ng matangkad at sexy na babae na nakasuot ng fitted red dress sa ilalim ng white blazer. Mataas ang takong ng suot nitong itim na sapatos. Nagmukha itong mataray dahil sa bahagyang nakataas na kilay. “Last but not the least is Dexter.” “Hi,” bati nito sa kanya pero kay Candice nakatingin. Matangkad ito at moreno. Putok ang muscle nito sa braso dahil sa suot nitong fitted na polo na naka-tuck in sa fitted pants na tinernohan ng leather na sapatos. Ayos na ayos din ang buhok nito na halatang nilgyan ng wax. “Guys, can you do me a favor?” “Yes Ma’am,” sagot nila na si Dexter ang nangunguna. “Can you tour him around the office? You know the drill naman kapag may bago.” “I can do it!” Nag-volunteer si Buddy para i-tour siya, kaya napatingin si Dexter dito. “Thanks Bud.” Mula kay Buddy ay napunta sa kanya ang tingin ni Candice. “By the way, this will be your table.” Lumapit si Candice sa desk na walang nakaupo. “Thank you Ma’am.” “So, I’ll leave him with you na ha?” Pag-alis ni Candice naupo agad si Gio at nilapat ang magkabilang palad sa desk niya na ang tanging laman lang ay isang malaking computer monitor. Nai-imagine na niya sa isip niya kung paano niya ito aayusin. Kung saan niya ilalagay ang picture ng pamilya niya, pencil holder, paper weight, file rack, etc. Sa likuran niya nagtatalo si Dexter at Buddy. “Pabibo ka talaga. Bakit inunahan mo ‘ko?” reklamo ni Dexter. “Mas friendly kasi ako sa ‘yo. Mas magbe-benefit si Gio sa ‘kin kapag ako naglibot sa kanya, dahil kilala ko lahat dito.” “True ‘yon,” singit ni Vida sa usapan. “I agree,” sabi naman ni Julie. Si Simon lang ang walang comment sa kanila. Pinaikot ni Gio ang upuan at humarap sa kanila. “Saan tayo magsisimula?” masayang tanong niya. Ipinakilala siya ni Buddy sa lahat. Nagsimula sila sa Legal Department, sunod sa Accounting at Marketing, at iba pang departments. Pati sa janitor, maintenance at company drivers pinakilala siya nito. Nakasunod lang siya kay Buddy na mabilis maglakad. Akala niya’y may sunod pa silang pupuntahan at may nakalimutan pang ipakilala sa kanya si Buddy dahil sumakay sila ng elevator pababa. Pero nang lumampas na sila sa 16th floor, mukhang may iba na silang destinasyon. “Saan pa tayo pupunta?” tanong niya rito. “Nagutom ako sa dami ng pinuntahan natin.” Nang makarating sila sa 3rd floor at bumukas na ang pinto, lumabas na si Buddy kaya sinundan niya ito. “Hindi ko alam na meron palang ganito rito,” sabi niya kay Buddy habang nakasunod siya rito. Ilang kainan na ang nadaanan nila. Huminto sila sa tapat ng isang convenience store. “Sa building na ‘to, hindi ka magugutom. Maraming choices. May mga mahal ‘tsaka murang kainan. May coffee shop rin dito, at may fitness gym pa pero hindi ko pa napasok ‘yon. Si Dexter, ‘yon ang madalas doon. Kita naman sa muscle niya ‘di ba? Ikaw ba nag-gy-gym din?” “Ha? Hindi? Mahal ‘yon. Lata, tubo at simento lang gamit ko. Libre lang, hiningi ko sa mga karpintero doon sa amin.” “Kuripot ka rin pala. Magkakasundo kayo ng girlfriend ko.” “Girlfriend mo?” “Si Julie,” nakangiti nitong sagot. “Girlfriend ko si Julie.” “Cute.” “Si Julie? Totoo, lalo na ‘yung bangs niya. Kapag humahaba nga ‘yon, ako na ang naggugupit. Steady naman ‘tong kamay ko at hindi pasmado kaya pantay ‘yung gupit ko.” Masayang kwento ni Buddy. “Mag-dadalawang taon na nga kami. Nagtitipid kami kasi plano naming mag-Korea. Mahilig kasi ‘yon manood ng Korean drama. Napakarami niyang oppa. Sinasamahan ko pa nga ‘yon manood ng concert ng mga boy group na ini-stan niya. Pati nga ako may lightstick.” Patango-tango lang siya habang nagkwekwento si Buddy dahil hindi niya alam kung ano ‘yung stan, oppa at lighstick na sinasabi nito. “Monthly bina-budget namin ‘yung sweldo namin. Meron para sa gastos sa bahay, sa planong bakasyon, sa pagfa-fangirl niya, at savings para sa future namin. Kay Julie ako natututong mag-ipon at magtipid.” Bumili ng dalawang ham and cheese sandwich si Buddy. “Ikaw hindi ka bibili?” tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Busog pa ‘ko. Nagkanin ako kanina.” “Ah, okay.” Bumalik na sila sa office. Naglalakad sa harapan niya si Buddy. Naupo agad ito at ipinatong ang isang sandwich sa table ni Julie na katabi lang ng table nito. Divider lang ang pagitan ng mga desks nila. Naupo na si Gio sa area niya. Wala pa siyang ginagawa kaya nagmamasid lang sa ginagawa ng mga katrabaho. “Thanks Dy!” “Buti pa si Buddy sweet,” narinig niyang sabi ni Vida na para bang may pinariringgan. Mayamaya ay napansin niyang tumayo si Simon at kiming umalis na may dalang mug. Pagbalik, inilapag nito ang hawak na mug sa ibabaw ng table ni Vida. May laman nang mainit na kape ang mug. Umuusok pa ito at tangay ng hangin ang masarap na amoy. “Thanks,” sabi nito na nakataas ang isang kilay pero halatang nagpipigil ng ngiti. Umusog palapit sa kanya si Dexter. “Masanay ka na. Ganyan talaga ‘yang si Vida at Simon.” “Sila ba?” pabulong niyang tanong. Tumango ito. “Ako lang single rito. Ikaw ba may girlfriend?” “Wala. Matagal na.” “Maraming single na babae rito. Kapag may natipuhan ka, sabihin mo lang sa ‘kin, tutulungan kita. Ipapakilala kita.” “Okay. Salamat,” sagot niya kahit hindi pa naman sumagi sa isip niya na humanap ng girlfriend dito sa trabaho. “Ikaw bakit single ka pa?” “Si Ms. Candice kasi ang gusto ko, kaso palaging kasama ni Sir Leon. Sila ata eh.” “Yung VP at AVP?” “Hindi ako sigurado pero ‘yon ang usapan dito. ‘Pag nag-break sila, popormahan ko talaga si Ms. Cancide. Konti lang naman ang lamang ni Sir Leon sa ‘kin. Matangkad lang siya nang konti, ‘tsaka mas maputi.” Hindi alam ni Gio kung totoo ang sinasabi nito dahil hindi pa naman niya nakikita ang VP ng department nila na si Leon. Nasa 3rd floor sila at nagla-lunch sa isa sa mga kainan sa building ng opisina nila. “Gio, tiga-saan ka nga pala?” tanong ni Vida sa kanya. “Laguna.” “Uwian ka?” tanong ni Julie. “Oo, uwian.” “Ang tiyaga mo,” sabi ni Dexter. “Wala kang balak mag-rent dito? May alam ako na bedspace,” sabi ni Buddy. “Gusto ko solo, kaso naghanap ako, puro mahal ang upa.” “May alam akong condo unit. Mura.” Napatingin silang lahat kay Simon. Kanina pa kasi sila roon at ‘yon ang unang beses na nagsalita ito. “Saan? Magkano?” Interisadong tanong niya. “Six thousand. 1 bedroom with balcony. 25th floor at 28 sqm. ang floor area. Malapit sa fire exit. Maraming amenities.” “Wala bang issue ‘yan?” tanong ni Dexter. “Baka naman may namatay na d’yan kaya ganyan kamura.” Hindi sumagot si Simon. “Sabi na eh.” Nag-ayos ng salamin si Simon. “Walang namatay doon sa mismong unit pero patay na ‘yung may-ari. Sa ibang bahay siya namatay. Napanood niyo ba sa balita ‘yung minassacre na pamilya 8 months ago? ‘Yung doktorang anak na namatay ang may-ari ng unit. Natagpuang patay at basag ang bungo ng buong pamilya. ‘Yung sinisanteng family driver daw ang may gawa.” Napahimas ng braso si Julie. “Kinikilabutan naman ako sa ‘yo Simon.” “Gusto kong makita ‘yung unit.” Napatingin lahat sa kanya, “Seryoso ka Gio?” tanong ni Buddy sa kanya. “Hindi ako takot sa multo, ‘tsaka hindi naman sila doon sa unit namatay.” Tiningnan niya si Simon. “Sino’ng dapat kong kausapin?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD