CHAPTER 5

2370 Words
Crusan's POV: Kaba, takot, at iba pang sari-saring emosyon ang nararamdaman ko. Sobrang kinakabahan ako sa mga susunod na maaaring mangyari. Hindi ko alam kung mabubuhay pa ba ako mamaya o baka gilitan na lang nila ako ng leeg. Ganoon din kay Gillian, pareho kaming buntis. Wala na nga itong malay dahil sa kaba niya kanina. Mabuti na nga lang at natatagan ko ang aking loob. Mabuti na lang talaga at mahilig ako sa war and action movies! Naisasabuhay ko tuloy ang ginagawa nung mga characters sa movie rito sa totoong buhay. Madilim dahil walang ilaw na nanggagaling dito sa loob ng truck. Pinilit ko namang maupo para maka-isip ng paraan kung paano ako, ibig kong sabihin kami tatakas. Nagsimula na ring umandar ang sinasakyan namin. Para itong isang delivery truck na kulay itim. Sinubukan ko namang makalapit kay Gillian, nagtagumpay naman ako. Niyugyog ko naman siya para gisingin. Nakalimutan ko namang tanggalin ang busal ko sa bibig kaya agad ko itong tinanggal. "Gillian, gising na. Gillian, kailangan nating makatakas. Kapag hindi tayo nakaalis ay paniguradong mapapatay tayo ng mga iyan o mapag-eksperimentuhan pa. Gising na. Delikado tayo rito," mahina kong panggigising sa kaniya. Hindi sumasagot si Gillian, tulog pa rin ito. Maya-maya naman ay paniguradong magkakamalay na siya. Madilim kaya nangapa ako. Mabuti na lang at walang tali ang aking paa pero maalog ang sinasakyan namin kaya delikadong tumayo. Baka mamaya ay biglang umalog ng malakas at tumama ako sa sahig. Ayaw kong may masamang mangyari sa baby ko. Naghanap ako ng maaari naming gamitin upang makatakas. Nalibot ko ang buong paligid ngunit wala akong nakuhang kahit ano. Kaming dalawa lang din ang nandito sa truck. Ang mga gamit namin ni Gillian ay kinuha nung mga pekeng sundalo na iyon pala ay terorista kanina. Ang tanga namin para mabilis na magtiwala. Nakarinig naman ako ng malakas na pagsabog. Paniguradong malapit lang iyon. Agad naman akong nangapa sa dilim at hinanap si Gillian. "Anong nangyayari? Nasaan tayo?" kinakabahang tanong ni Gillian. May malay na siya. Sa wakas, mukhang nagising siya dahil sa malakas na pagsabog. Hinang hina pa si Gillian. Iba talaga ang nangyayari sa babaeng ito dahil masyadong nerbyosa. Kaya sinasabihan kong iwasan ang sobrang pag-inom ng kape. "Alalahanin mo, nadakip tayo ng mga sundalong nagpapanggap na sa Diorada nakadestino o sadyang mga taksil sila sa ating bansa. Hindi natin sigurado basta masasama sila. Basta rin ang alam ko, mga considered na terorista ang dumakip sa atin. Kailangan nating makatakas dito sa lalong madaling panahon. O kaya humanap ng paraan paano makakalabas dito. Narinig mo na iyong pagsabog 'di ba?" paliwanag ko kay Gillian habang hawak ang kamay niya. "Oo nga pala, talagang nalintikan na tayo. Paano ang gagawin natin?" tanong ni Gillian. "Hindi ko rin alam. Kung alam ko edi sana nakaalis na tayo rito–" "Palaka!" "Gillian!" Biglang yumanig nang malakas. Mukhang binubomba ang mga teroristang may hawak sa amin. Baka madamay kami! Paano na lamang ito? Mukhang maliit ang tyansang makakalabas kami rito. Hinawakan ko ang kamay ni Gillian at kinapa namin ang buong paligid ng kinalalagyan naming truck. Sinipa na rin namin lahat ng pwedeng masipa sa pag-asang may bumukas na ngunit ayaw. "Aray! May humampas sa paa ko," biglang inda ni Gillian matapos tumalbog ng aming truck. Kinapa ko naman kung ano iyon. Isang tali, pwede namang magamit ito. Sa palagay ko ay maiisip naman ng mga Dioradian Army na baka may mga nadakip gaya namin. Paniguradong nagbabarilan ang mga kampo nila. "Sundan natin itong tali at kumapit tayo ng mabuti. Incase na tumaob itong sinasakyan natin, may mahahawakan tayo para hindi madala," sabi ko kay Gillian. Hinanap namin ang dulo at laking inihinga namin dahil mahigpit ang pagkakatali nito sa pader. Kumapit kaming dalawa at nagyakapan. Nanlaki naman ang mata namin nang mabutas ang sa may pintuang parte nitong truck. May pumasok namang sundalo roon kaya napairit si Gillian. "Mula kami sa Dioradian Army, nandito kami para iligtas ang lahat ng nadakip na mamamayan. Bilisan niyo at sumama na kayo kung ayaw niyong tatlo tayong mamatay rito!" sigaw nung sundalo at may binaril sa labas. Nanlaki pa ang aking mata pero agad ding nakabawi. Pinatayo ko na si Gillian at agad kaming lumapit doon sa sundalo. Nang makita ko ang tatawirin namin para makapunta sa kanilang sasakyan ay parang lumundag ang puso ko. "Buntis kami, hindi kami gaanong makakatalon! Paano ito?" tanong ko. "Wala tayong magagawa, kailangan niyo nang kumilos! Kung hindi rin naman makakatawid ay mamamatay pa rin kayo!" sigaw nitong sundalong lalaki na napakataray. Napalunok ako at tiningnan ang likod ng army truck na may mga sundalong nakaabang sa amin. May 8 feet ang layo nito mula sa amin kaya sigurado akong hindi kami makakatawid. Nang makita naman ng mga sundalong buntis kami ni Gillian ay pinalapit nila ang likuran ng truck sa amin. Nang halos bumangga na ang puwetan ng army truck ay tumalon na kami ni Gillian. Naalalayan naman kami ng mga sundalong nakaabang. Nakahinga kami ng maluwag dahil nakatawid na kami sa wakas. Napakagaling din magmaneho nung driver dahil paatras ang andar nito. "Doon kayo sa dulo kasama pa ng ibang narescue. Abutan niyo ang dalawang ito ng tubig!" sigaw nung sundalong nagligtas sa amin kanina. "Akala ko ay mamamatay na tayo. Matagal nga palang mamatay kapag masamang d**o ka. Lalo ka na may ugat na," bulong ni Gillian. "Huwag mo na akong idamay, ikaw lang ang masama at ligaw na d**o. Bermuda grass lang ako," biro ko kaya napa-irap naman si Gillian. Ang corny ko raw. Naupo kami sa gilid katabi ng ibang mga narescue. May tatlong bata rito, dalawang matanda, at isang lalaki. Bale anim kaming mga babae at dalawang lalaki. Inabutan nila kami ng tubig kaya nawala ang uhaw at kaba ko. Humupa na rin ang takot na aking nararamdaman. Laking pasasalamat ko talaga at may mga dumating para matulungan kami. Kung wala ay ano na lamang ang nangyari sa amin ni Gillian. Napahawak ako sa aking tiyan, mabuti na lamang at walang nangyari sa amin na masama. Kung mapahamak kami ng baby ko ay talagang hindi ko mapapatawad ang mga teroristang iyon. Masyado na malaki ang naidulot nilang pinsala. Kung ako lang ang nakatataas ay bubombahin ko na silang lahat. Napasilip ako sa labas at napansin kong papalayo na kami sa nag-aapoy na mga truck. Mukha dadalhin na nila kami sa rescue center, ang safezone. Malala ang nangyari sa city at talagang delikado pang bumalik. Kahit anong oras ay maaaring magcollapse ang mga building. Maraming madadamay at maaaring mas dumami pa ang mamamatay. "Pupunta na tayo ngayon sa rescue center, ang ika-lawang safezone. Doon kayo mananatili ng ilang araw o linggo hanggang sa bumalik sa normal ang city. Sisiguraduhin din namin ang inyong kaligtasan mula sa rescue center hanggang makabalik sa city. Bibigyan din kayo roon ng supplies at makakain. Ang magkakakilala sa inyo ay pwedeng magsama-sama. Limang tao kada-isang cubicle o pwede ang isang pamilya. Kumalma na rin kayo at huwag mag-iingay. Maaari pa rin tayong may masalubong na terorista sa daan," sabi nung sundalong may mahabang buhok. Palagay ko ay nasa early 50's na siya. Tahimik kaming dalawa ni Gillian na nakasandal sa isa't isa. Paniguradong pareho kaming malalim ang iniisip. Iniisip ko rin kung kumusta na kaya ang Project Artus? Nagawa kayang manakaw ng mga terorista ang pag-aaral na nakalap namin? Sana ay hindi, paniguradong gagamitin nila iyon sa masama. Ayaw kong bumalik na naman ang mundo sa masalimuot nitong kalagayan. "Mga iha, kumusta kayo? Nasaktan ba kayong dalawa? Ito oh, may nadala kaming tinapay ng apo ko kanina. Magpunas din kayo ng inyong mga mukha gamit itong wipes. Maamos na ang inyong magandang mukha," alok sa amin ng matandang babae na katapat namin ni Gillian. Tinanggap ko naman ang inabot niyang biskwit na dalawang piraso at ang pakete ng wipes. Binalingan ko naman ng tingin ang maganda niyang apo na blonde ang buhok. Sa palagay ko ay nasa apat na taon ang bata. Mayroon itong robo-arm. "Salamat po, 'nay. Ano po ang pangalan niyo? Ako po si Crusan at ito pong katabi ko ay si Gillian. Magkaibigan po kami, buntis din po kaming dalawa. Salamat po ulit ha. Talagang nakakagutom nga po ang pagtakas naming dalawa kanina bago kami nadakip. Halos po mawalan na rin ako ng malay sa takot," pagkukwento ko. "Ako si Luzviminda, Luz na lang. Ito namang apo ko ay si Criselda, Selda na lamang. Walang anuman, mga apo. Sige na at kumain na kayo at magpunas. Nagpapahinga lang din naman kami tulad ng iba. Alam kong mahaba ang pinagdaanan niyo bago nakarating dito," sabi ni Lola Luz. Tinanguhan naman namin siya ni Gillian. Kumain na si Gillian habang ako ay nagpunas na ng mukha. Oo nga, ang gabok na ng aking mukha maging katawan. Gusto ko maligo mamaya kung kakayanin. Ewan ko nga lang kung may lugar doon para maligo. Tiyak din na maraming pipila. Matapos kong magpunas ng mukha at katawan ay kinain ko na ang biskwit. Crackers ito na may asukal at mantikilya. Masarap siya, parang katulad nung biskwit na kinakain ko noong kabataan pa ako. "Crusan, paano na kaya ang trabaho natin nito? Saka paano makakabawi ang syudad natin? Hindi rin kalakihan ang naipon nating dalawa, manganganak pa tayo at kakain. May baby supplies pa rin tayong kailangan. Sana ay bumalik agad lahat sa dati," sabi ni Gillian. "Babalik iyan, ipagdasal na lang natin. Saka kilala bilang advance at malakas ang ating bansa, hindi naman agad-agad babagsak ang ekonomiya natin. Mag-intay lang tayo ng tamang pagkakataon para makabalik," nakangiti kong sabi. "Naks naman Crusan, smile na ang madam. Ganda naman eh," asar sa akin ni Gillian. "Impakta ka, tigilan mo ako. Baka nakakalimutan mong nagsuka ka kanina kaya napasuka rin ako. Ganda mo talagang dugyot," asar ko naman kay Gillian kaya napa-irap siya. Halos bente minutos ang binyahe namin papunta rito sa rescue center. May mga nakaharang na sundalo sa labas at mayroon itong napakataas na mga gate at pader na gawa sa metal. Paniguradong matibay pa ito sa salamin nung bubble car na akala ko ay hindi tatablan ng bala. Bumukas ang gate at pinapasok kami sa loob. Bumungad naman sa akin ang mga taong nakapila at may mga sundalong babae na nasa unahan nila. Isa ito sa mga naghehead count upang malaman kung ilan ang narescue at sino-sino. Sana ay hindi malala ang mga nasugatan. Kung sana nga lang ay pwedeng walang nasaktan at namatay kaso napaka-imposible no'n dahil kita naman ang nangyaring pagsabog at barilan. "Bumaba na kayo at sumunod kay Commander Wisely! Ibibigay niyo ang inyong mga impormasyon at bibigyan kayo ng numero. Doon din ang inyong magiging cubicle," sabi nung sundalong long hair habang nakaturo. Bumaba na kami at pinauna ang matatanda at bata. Sunod kami ni Gillian na bumaba. Sumunod naman kami kay Commander Wisely na isang magandang babae at may pulang buhok. "Pila tayong lahat. Kayo munang dalawang buntis. Ano ang pangalan at trabaho? Dito ba kayo sa Diorada talaga naninirahan?" tanong niya. "Ako po si Crusan Zimbon, isang biologist at empleyado para sa Project Artus. Matagal na rin po akong naninirahan dito sa Diorada, Xenoland at naging isang citizen," sagot ko. Tumango-tango naman siya at nagsulat. "Ikaw naman?" tanong ni Commander Wisely kay Gillian. "Ako naman si Gillian, Gillian Stetter. Magkatrabaho rin kami ni Crusan sa Project Artus. Dito na rin ako naninirahan sa Diorada, Xenoland at isang citizen na rin," sagot naman ni Gillian kaya napatango-tango siya. Binigyan naman kami ng numero at kung saan ang aming cubicle. Agad kaming naglakad ni Gillian papunta roon. May nadaanan naman kaming mga sundalong namimigay ng pagkain kaya humingi kaming dalawa. Sinaway naman kami dahil kailangan pala muna naming pumasok sa aming cubicle para magcount ang numero namin. Agad naman kaming humingi ng paumanhin. Nang mahanap namin ang aming cubicle ay pumasok kami ni Gillian. Gawa ito sa salamin ngunit tinted na kulay navy blue. May banyo na rin dito sa loob at mga damit. Naitayo agad nila ito, hindi imposibleng makabawi agad ang Diorada. Dito na lang sa bilis nilang magtayo ng rescue center. "Ako na muna ang maliligo, Gillian. Humanap ka na ng pwesto natin," sabi ko sa kaniya. "Sige ba, bilisan mo ha para makakain na tayo," bilin naman ni Gillian kaya tinanguhan ko siya. Kumuha ako ng damit na nakalagay sa isang kahon. May partner dito na blue pajama at white t-shirt pero ang blue satin sleeping dress ang kinuha ko dahil ako ay buntis. May kwelyo naman itong hanggang kalahati ng balikat at wala ring problema sa haba. Mabilis akong naligo at sumunod na rin si Gillian. Pumasok sa aming silid si Lola Luz at ang apo niyang si Selda. Dito pala silang dalawa tutuloy rin. May kasama pa silang isang babae na nagpakilalang Fiona. Buntis din siya. Lumabas na kami ni Gillian at pumila sa mga sundalong nagbibigay ng pagkain. Lugaw ang ibinigay nila sa amin na may itlog at isang sandwich na may palamang mayonnaise at cheese. Nagpasalamat naman kami at agad humanap ng mauupuan. "Mabuti na lamang at napakaraming narescue," sabi ko kay Gillian. "Oo nga, Crusan. Kaso nakakatakot paniguradong malaman ang bilang ng mga nasaktan at nasawi. Bakit kasi may mga halang na kaluluwang katulad ng mga teroristang iyon," inis namang sabi ni Gillian. Kumain kaming dalawa. Talagang nagutom ako dahil sa pagtakas namin kanina at sa mga ngayon lamang na experience na mga bagay. Maging ang ibang mga naisip ko kanina ay hindi ko alam na kaya ko palang gawin bilang survival instincts. Ibang klase. "Crusan, tingnan mo iyon. Binuhay nila ang TV at nasa international channel," pag-agaw ni Gillian sa atensyon ko kaya agad akong lumingon sa telebisyon. "Nasa tinataya at kulang-kulang isang libo ang nasawi sa nangyaring pambobomba sa Diorada, Xenoland. Hindi rin mabilang ang nasugatan at mga nawalan ng tirahan. Nasa timatayang mahigit limampung milyong dolyar na ang nasirang mga imprastraktura sa syudad maging kabahayan. Ito si Shola Yskaelai, magbabalita. Tumutok lamang sa Wolrd International News para sa iba pang mga balita." Napahigpit ang hawak ko sa aking kutsara. Naninikip ang dibdib ko at gusto kong maiyak. Ano ba ang ginawa ng mga taong nakatira sa Diorada para gawin nila ito? Mga wala silang puso, ni wala silang karapatang tumapak sa aming bansa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD