[Seraphina Rivero]
MARAMI ang tao sa loob ng gusali ng World Trade Center. Marami yata ang may plano na magpakasal at saka magde-debut sa taon na ito kaya ilang parokyano ang nagpunta rito. May makeup booth, restaurant at event place, may booth para sa wedding dresses at iba pang magagarang gown, kahit ang flower shops ay mayroon din sa loob ng gusali.
Nagising na lang ako na naroon sa lugar ng medics sa loob ng World Trade Center. Bahagya akong nahiya dahil sa pagkawala ko ng malay.
“Sera, honey, are you alright?” tanong ni Papa. Tumango ako. Sa gilid ko ay may tatlo pang dilag na hinimatay din na tulad ko. Siguro ay hindi ako nag-iisa na ayaw maikasal sa mga nobyo nila. Hanggang sa magsalita ang medic na sumuri sa kanila.
“Miss, you have to take care of your two months baby. Kapag nakaramdam ka ng gutom, kumain ka kahit biskuwit lang.”
“Sige po.”
“‘Nay, sori po, buntis po ako,” umiiyak na saad ng babaeng katabi nito sa may-edad na ginang.
“Kailangan mong panagutan itong anak natin. Hinimatay ako dahil pinababayaan mo ako!” Noon ko napagtanto na puro nagdadalang-tao ang mga babae na parehas kong nawalan ng malay.
Natutop ni Mama ang kanyang bibig kasabay ng panlalaki ng mata matapos marinig ang mga usapan sa tabi namin. “H-honey, d-don’t tell me na buntis ka?”
Buntis? Umawang ang labi ko sa kanyang hinala.
Tumuwid naman sa pagkakatayo si Papa. Halatang hindi nito nagustuhan ang narinig. “Seraphina! Ganyan ba ang itinuro namin sa iyo? Ganito ka ba namin pinalaki? Paano mo nagawa ang ganire?!”
Nagsimulang lumuha ang mama ko. “Ang inosente kong anak…”
“S-Sir, Ma’am, huminahon lang po muna kayo,” wika naman ni Rachel na sinamahan pala kami roon. Mahusay din ang dilag na ito, hindi siya natakot sa aking ama.
“‘Pa, ‘Ma, huwag po kayong mag-alala, we never did anything indecent po. Hindi po buntis si Sera,” sabad naman ni Luis.
Napangiwi ako. Nagpasalamat ako at nilinis kaagad niya ang aking pangalan. Ayoko na sumama ang magulang ko sa akin nang dahil sa pagkawala ko ng virginity nang hindi pa naikakasal. Imposible rin naman na ibigay ko ang bagay na iyon kay Luis na kahit ang kanyang paghalik ay nagbibigay ng kakaibang kilabot sa akin. Ang maisip lang na magdikit ang balat namin ay napapangiwi na ako.
“S-sa palagay ko po, masyado lang akong nainitan sa labas. Pagkatapos ay malamig naman dito sa loob ng World Trade kaya po ako nahilo.”
Tuluyan na kumalma naman ang magulang ko matapos kong sabihin ang aking panig.
“Gano’n ba, anak? Aba’y mabuti naman kung ganoon. O, siya! Ituloy na natin ang booking kay Miss Rachel,” anang mama ko.
Hindi na ako nakakibo pa at para akong lantang gulay na nakinig sa mga usapan nila hanggang sa bumalik kami sa booth at ituloy ang plano sa kasal. I was silent na para bang hindi ako parte ng usapan na iyon. Nagtatalo ang puso at isipan ko sa pagpapakasal kay Luis. Hindi naman sa dahil masama siyang tao, sadyang ako lang talaga siguro ang may problema.
Hindi naman ako lugi kay Luis. His family owns a restaurant. He’s a Certified Public Accountant o CPA. Mayroon siyang trabaho kaya ano ang ikinakatakot ko? Sigurado na hindi kami maghihirap lalo na at may trabaho rin ako.
Nai-plano ang kasal namin ni Luis sa araw na iyon sa booth ng The Blushing Brides ng wedding planner na si Miss Rachel.
Sa simbahan at sa proseso ng seminar ay posible na hindi kami mahirapan dahil miyembro ng Couples for Christ ang magulang ko. Minsan ay ginagampanan nila ang seminar sa mga ikakasal.
Nagkaroon kami ng petsa, may simbahan kung saan daw mapapadali ang proseso sa araw ng kasal namin, may lugar na rin kung saan gaganapin ang reception at iba pa—at lahat ng ito ay mula sa ideya ng nobyo kong si Luis. Tuloy-tuloy siya na sinabi ang mga hiling niya sa magandang dilag na si Miss Rachel hanggang sa makumpleto ang lahat ng kailangan na detalye.
Akala mo ay debut niya kaya siya lang ang mayroong masasabi sa lahat.
“Gagamit lang po ako ng palikuran, ‘Pa,” saad ng nobyo ko matapos ang usapan. Nagmadali siyang lumayo na para bang ihing-ihi na siya at hindi na makapaghintay pa.
Masama ang tingin ko sa kanyang likuran habang papalayo sa booth. Tulad ng inaasahan, hinayaan niya na ang magulang ko ang magbayad sa reservation fee na twenty thousand para umabante ang kasunduan namin kay Rachel. Nagpaalam din ang mama ko at ang papa ko na sasaglit din muna sa restroom, nagpaiwan na lang ako sa booth at ikinatwiran na masama ang aking pakiramdam.
“Are you alright, Miss Sera? Nahihilo ka pa ba?” Rachel asked.
Ngumiti lang ako nang simple. Ayoko naman magsalita sa kanya ng hindi maganda lalo na at trabaho niya ang usapan dito.
“You’re having cold feet. Are you?” Tukoy niya sa normal na nararamdaman ng mga ikakasal.
Nahihiya naman ako na sabihin sa kanya na iyon talaga ang nararamdaman ko sa oras na iyon. Hindi rin naman kami nakapag-usap nang matagal dahil may mga dumating na customer si Rachel. Tenth year wedding anniversary ng mag-asawa na bagong lapit sa booth. They look lovely at halatang mahal nila ang isa’t isa. Kung ikakasal ba kami ng aking nobyo ay aabutin din kami ng ganito katagal? Kung sana lang ay ganoon din kami ni Luis.
Marriage is sacred; at least, that's what I have always thought. It's a gift from above. Bata pa lang ako ay mataas na ang tingin at pangarap ko sa mga ikakasal. Sinong babae ba ang ayaw magsuot ng puting traje de boda noong mga bata pa sila? Akala ko rin ay sagrado ang tingin dito ng magulang ko kaya naman nalulungkot akong isipin na pinipilit nila sa akin ang nobyo ko.
Pinakikinggan ko ang usapan nilang tatlo; kung paano hingin ng asawang lalaki ang panig ng misis nito, kung gaano sila ka-sweet sa isa’t isa at gaano ka-excited ang babae sa kanyang plano na renewal of marriage. Nakikita ko tuloy kung ano ang kulang sa amin ng nobyo ko. Hindi ko namamalayan na gumagawa ako ng checklist sa aking isipan kung ano ang estado namin ni Luis.
Compatible, check!
Family background, check!
Respect, check! Ngunit saang parte ng respeto? I always felt that Luis never cared for my feelings. Ramdam ko ang salitang toxic sa relasyon namin. Kahit papaano ay nirerespeto niya ako bilang babae, hindi niya ako pinipilit sa iba pang bagay.
Love… Napatigil ako sa salitang ito. Mahal ko nga ba si Luis kung alam ko sa sarili ko na napilitan lang ako na sagutin siya bilang nobyo ko?
Bumalik din naman si Luis sa booth nang kasabay ang magulang ko kaya pilit kong iwinaksi ang lahat. Ngumiti ako na parang walang nangyari, ngunit hanggang kailan?
-----
HINDI ko namamalayan na inabot na pala ng dalawang buwan mula nang makilala ko si Rachel, ang wedding planner sa kasal ko. Madalas na ako ang nakakausap niya sa mga detalye dahil abala si Luis sa opisina. Nakapalagayan ko na rin ito ng loob.
May seminar kami sa simbahan ni Luis at maaga pa lang ay naroon na ako sa Malate Church. Sa loob ng isang buwan ay June 15 na, araw ng kasal namin.
Katulad ng palagi kong ikinaiinis kay Luis, late na naman siya. Naroon na ang lahat at magkakasama ang magkakasintahan na naka-schedule rin sa araw na iyon. Nagpasalamat ako na wala ang magulang ko at nagkataon na iba ang puno ng talakayan.
Tila hinahalukay ang tiyan ko sa pinaghalong hiya at kaba. Ipinamumukha sa akin ng nobyo ko na para bang gustong-gusto ko na magpakasal sa kanya.
Napilitan na akong kunin ang cellphone ko at padalhan siya ng mensahe. Nasaan ka na?
Hindi naman nagtagal at nagpadala rin siya ng mensahe. Hindi ako makakaabot sa oras, maaga pa naman. Sigurado na after one hour pa iyan magsisimula.
Luis, igalang natin ang simbahan. Hindi ka nila hihintayin. Ikaw na lang ang wala rito.
I’m sorry, hindi talaga kaya ng oras, eh. Siguro naman ay alam nila ang salitang Filipino time.
Nakasimangot ako na hindi na siya ni-reply-an. Tinawag ako ng organizer kaya ako nagpunta sa gawi nito. “Miss Rivero? Nasaan na po ang groom?”
“I’m sorry, male-late daw po kasi. A-ayos lang po ba kahit ako lang mag-isa ang dumalo?”
“Naku! Pasensiya na, Miss Rivero. Seminar kasi ito para sa magpapakasal. Hindi po kasi maaari na wala ang kapareha n’yo. Tungkol po kasi ito sa pag-aasawa at kailangan na sabay kayo ng groom na maintindihan ang purpose po nito.”
Napabuntonghininga na lang ako. Kung tutuusin ay masaya dapat ako. Kaya lang ay hindi ko magawa dahil hindi naman mapipigilan ng isang seminar lang ang kasal ko kay Luis. Bahagya akong napahiya sa babae.
Nakatingin ako sa langit matapos kong makalabas ng simbahan. Lord, sana ay bumagyo para mapigilan ang aking kasal!
Hindi ko naman akalain na didinigin pala ng panginoon ang aking kahilingan.