Ang bilis lumipas ng mga taon.
Dati lang ay kasabay ko pa ang ate ko sa paglalakad sa mahabang maalikabok na kalsada patungo sa bahay namin, ngayon ay ako na lang mag-isa.
Maaga kasing na inlove ang ate ko kaya hinayaan na lang nina nanay at tatay.
Kung saan daw kami masaya ay sino ba naman sila para tumutol sa kung anong sa palagay namin ay nais namin gawin sa buhay?
Ilang taon na rin simula ng makisama si ate sa kinakasama niya ngayon pero hindi pa rin sila kasal. At wala pa rin silang anak.
Ewan ko kung dapat ba akong matuwa sa kaisipan na yon.
Para kasing ayoko sa lalaking kinakasama ng ate ko.
Hindi ko na lang sinasabi sa kanya dahil ayoko naman na sumama ang loob niya.
Panalangin ko na lang na sana ay maging masaya ang pamilya nila lalo kapag nabibiyayaan na sila ng supling.
Basta ako, ipagpapatuloy ko pa rin ang pangarap kong mangibang bansa at magpakayaman doon habang naghahanap din ng afam.
Dati pa nga ako nag-iipon simula ng huminto na ako sa pag-aaral at magtrabaho na lang sa isang maliit na pagawaan ng mga kartondito sa bayan namin.
Maliit lang ang sahod kaya sinasamahan ko pa ng pagbebenta ng kung anong pwede kong ibenta sa bayan.
Gumagawa ako ng atsarang papaya, okoy, turon, banana cue at kung anu-ano pa na makikita lang sa lupain ni tatay at saka ko ito ginagawang pera pandagdag gastos lalo na at masasakitin na ang mga magulang ko.
Si Tatay ay humina na ng humina ang resistensya at madali na talagang dapuan ng sakit.
Kaya sobra akong nasasaktan kapag nakikita kong pilit na bumabangon si tatay para asikasuhin ang aming bukid kahit na hindi na kaya ng kanyang katawan.
Bilang anak ay para bang wala akonh kwenta na wala akong magawa para sa mga magulang ko.
Kaya talagang konting-konti na lang at makakaalis na talaga ako
Nag-apply ako patungong taiwan bilang factory worker. Kumpleto na ang mga papeles ko at tawag na lang ang hinihintay ko at makakaalis na ako sa lugar na ito.
Sana lang ay bigyan pa ng mahabang buhay ang mga magulang ko at mahintay nila ang pagyaman ko para naman maibigay ko ang mga pangangailangan nila.
Mabili ko ang mga hindi namin mabili ngayon.
At ipapagawa ko buong bahay namin.
Gagawin kong buong bato na may malalaking kwarto na may tig-iisang banyo.
Bibilhan ko ng magagandang gamit pang-kusina si Nanay at hinding-hindi na siya magkakahoy kahit kailan dahil hinihika na siya kapag nakakalanghap ng usok.
Hindi na dudulong sa bukid ang tatay ko dahi uupa na ako ng ibang tao para siyang gumawa sa malawak namin kabukiran.
“Daria!”
Paglingon ko ay si Matias.
Mabilis siyang naglalakad na halos tumakbo na.
“Ano na naman bang ginagawa mo rito, Matias? Hindi ba at sabi ko naman sayo na huwag mo na akong susunduin at kaya ko naman ang sarili ko?” naiinis kong sabi sa kababata ko na talagang walang palya akong sinusundo sa trabaho.
Pero sinabihan ko na siyang huwag na akong sunduin pa at mag-aral siyang mabuti para agad ng makapasa bilang civil engineer.
Masaya ako nakatapos ng pag-aaral ang kababata ko at nakakuha ng full scholar sa isang magandang paaralan.
Noon kasing mga bata pa kami ay pangarap niyang gawing aspalto ang maalikabok kapag taga-araw at maputik naman kapag tag-ulan itong mga kalsada namin dito sa aming lugar
Maganda ang hangarin niya kaya hindi na ako nagtataka kung bakit kinatigan siya ng kung sinong mga diwata o mga engkantada dito sa lugar namin.
At alam ko, makakapasa siya dahil bukod sa matalino si Matias ay napakabait at mabuting tao.
“Alam mong hindi ko magagawa kahit awayin mo pa ako.”
Inirapan ko siya.
“Kaya inaaway ako ng mga babaeng may gusto sayo, e! Akala nila isa ako malakong tinik sa lalamunan nila kaya hindi mo sila mapansin-pansin!” biro kong asik sa kanya at sabay na nga kaming naglalakad.
“Huwag mo na kasi silang pansinin. Hayaan mo na lang sila sa nais nilang isipin,” ani pa sa akin ni Matias.
Tumigil akong muli sa paglalakad at saka ko pinagmasdan si Matias.
“Matias Las Palmas ako nga ay tapatin mo. Magsabi ka nga nga totoo,” sabi ko sa kanya at saka ko siya hinawakan sa kanyang magkabilang balikat at nakatitig ako kanyang mukha lalo na sa kanyang mga mata.
“Anong tapatin kita? Anong sasabihin kong totoo?” tanong ng matalik kong kaibigan na nagpipigil pa ng kanyang hininga.
Hinawakan ko ang kanyang baba at saka biniling-biling ang kanyang mukha ng kaliwa't-kanan.
“Ang gwapo naman talaga kaya hindi na dapat magtaka na maraming nais na mapansin mo. Matangos ang ilong, mapupungay na mga mata. At ang mga labi mo mukhang masarap sigurong humalik?” walang preno kong sambit kay Matias na panay lang ang galaw ng adam's apple.
“Matangkad ka at malaki ang katawan. Mga bonus lang ang mga panlabas na anyo dahil mabait ka pa, Matias,” sabi ko pa.
Pero bigla kong binitawan ang kanyang baba at saka ko siya pinamaywangan sabay taas ko ng kilay.
“Magtapat ka nga, bakla ka ba?” kontrobersiyal kong tanong kay Matias na mukhang nagulat pa sa aking sinabi.
“Tayo lang dalawa. At saka bestfriend mo ako kaya magtiwala ka na hindi ko ipagkalalat,” giit ko pa.
Napakamot na lang sa kanyang batok si Matias at natatawa na rin.
“Huwag mo akong tawanan, umamin ka kung bakla ka para makalaya ka na sa pagpapanggap mo.”
Ang mga lalaking nagtatago ng kanilang tunay na kasarian ay malungkot dahil wala silang kalayaan na magpakita ng kanilang tunay na kulay. Kaya kung aamin si Matias ngayon ay buong puso ko siyang tatanggapin.
“Daria, nagugutom ka na, ano? Tara ng maglakad at ililibre kita kapag may nadaanan tayong tindahan.” Sabay akbay sa akin ni Matias kaya naman nasamyo ko ang kanyang mabangong amoy.
“Matias, hindi mo pa rin ako sinasagot kong bakla ka? Huwag kang mag-alala at kahit berde ang dugo mo at kasama ka sa pederasyon ay tatanggapin kita ng buong puso dahil matalik mo akong kaibigan, hindi ba? Kaya maiintindihan kita kung sakaling umamin ka man.”
Ngunit kinabig lang ni Matias ang balikat ko para lalo akong madikit sa katawan niya.
Natatakot siguro siyang mahusgahan lalo na at nag-iisa lang siyang anak ng kanyang mga magulang.
Simula ng makita ko ang nanay ni Matias noong unang araw na nagkilala kami dahil hinatid ko siya sa hacienda Pacita ay hindi ko na ulit ito nakita pa. Samantalang ang tatay niya ay wala rin akong narinig nagkweto si Matias. Bukod tanging ang Lola niya lang ang nakikita ko sa school dati.
Kahit best friend kaming dalawa ay wala akong masyadong alam tungkol kay sa pamilya ni Matias. Hindi niya rin ako kailanman niyaya na magpunta sa hacienda kung saan sila nakatira dahil siguro ayaw ng may-ari na may ibang taong nagpupunta.
Nagkahiwalay lang kami ng matagal-tagal ni Matias ng mag-aral siya ng kolehiyo sa maynila. Pero araw-araw naman niya akong tinatawagan at panay ang videocall naming dalawa.
Kaya talagang maraming kababaihan ang nagagalit sa akin dahil nga akala nila ay may relasyon kami nitong kanilang ultimate crush.
Marami naman talagang naghihinala na may relasyon kaming dalawa pero lagi ko lang sagot ay purely platonic lang ang relasyon namin sa isa't-isa. At alam naman nila na mula pagkabata ay kami na ang magkasama ni Matias.
Tumigil akong muli sa paglalakad at tumingala kay Matias.
“Kung hindi ka bakla ay halikan mo nga ako,” paghahamon ko na ikinalaki ng mga mapupungay na mata ni Matias at saka para bang hirap na hirap siyang lumunok.
“Daria, kapag hinalikan kita dapat magpakasal na tayo, gusto mo na yon?” sabi niya sa akin kaya pinaliitan ko siya ng mga mata.
“Anong kasal? Afam ka ba para pakasalan ko? At saka mapera ka ba? Baka kung ikaw mismo ang nagmamay-ari ng hacienda Pacita ay baka nga magpakasal ako sayo,” wala sa loob na sambit ko dahil malabo naman na mangyari ang bagay na yon kay Matias.
“Talaga? Paano kong ako nga ang nagmamay-ari ng hacienda Pacita, magpapakasal ka ba talaga sa akin?” kaswal lang na tanong ng aking kaibigan.
“Iyon ay kung ikaw ba talaga ang siyang nagmamay-ari o ang tagapagmana ng hacienda, Pacita. Ang kaso ay hindi naman hindi ba? Kaya sorry na lang, Matias. Afam kasi ang siyang talagang kapalaran ko kaya kung hindi ka afam at wala kang pera ay move backward o kaya a gilid ka na lang. At suportahan mo na lang ako sa pangarap kong makatapak ng ibang bansa at iwan na ang ating lupang sinilangan. Huwag kang mag-aalala at lagi naman kitang padadalhan ng pabango.” Lahad ko pa kay Matias na natahimik na lang.
“Naghahanap na nga ako ng mapapangasawa.”
Napatingin na naman ako kay Matias.
“Seryoso? At bakit naman naghahanap ka na ng mapapangasawa gayong wala ka namang trabaho? Saan mo ititira? Sa hacienda Pacita na nakikitira lang kayo? At anong gagawin mo sa asawa mo kapag doon na rin kayo nanirahan? Gagawin din na utusan ng kung sinong amo niyo? Ipasa mo muna ang pagiging civil engineer mo, Matias. Pagkatapos ay maghanap ka ng matinong trabaho na para makaipon ka. Makapagpagawa ng sariling bahay at saka ka mag-asawa. Sundin mo ang payo ko at baka samahan pa kitang humanap ng mapapangasawa mo. Ako ang mamili para sayo kung gusto mo lang naman. Pero kung ganyan na wala ka pa naman na napapatunayan ay manahimik na na muna.” Payo ko kay Matias.